2022-04-24, Rebecca
Ang liwanag Ng Espiritu Santo ang sumainyo ngayon at magpasawalang hanggan.
Sa buhay ng bawat tao laging nakaakibat ang isang pangarap na ibig niya na kanyang gawin at matamo. Laging may adhikain na kanyang iniibig na lakaran upang makita niya na may magandang kinabukasan sa kanya ay nakalaan.
At Ito ay kahalintulad ng hagdan na may mga baitang na, kung saan may simula, may pagpapatuloy at may hangganan o katapusan. At kung ang simula ay ang pagnanasa, doon ngayon magbubuo ng lakas ang kanyang sarili.
At sa pamamagitan ng lakas na ito nagbubuo at nagpapasimulang magpasibol ng pag-asa bagaman hindi pa niya nakikita ang sa kanya ay magaganap. Ito ay sisikhayin na sampahin mula sa pinakamaliit at pinakamababaw na kanyang kakayahan at kaalaman.
Ang pagnanasa, pangarap at adhika ng kanyang sarili ay kanya ngayong ginigising, nilalagyan ng apoy, pinagbabaga at pinagaapoy upang siya'y makaakyat, makasampa sa tinataya niya at iniibig niya na sa kanya ay mangyari.
Kaya't pagkatapos ng adhikaing ito, hindi baga sadya lamang sa kanyang pag-akyat, sa kanyang pagsampa sa tinataya ng kanyang sarili, nabubuo at kanyang binubuo ang kanyang pananalig o pananampalataya sa iisang Diyos sapagkat Ito ang kanyang nauunawaan.
At ang pakikipamuhay sa lupa ay tulad ng karagatan o ng dagat na kung saan dalawa ang ipinatutunghay bilang larawan ng buhay. Kung payapa ang buhay ang daloy ng tubig ay mahinahon; ngunit kung sa kanyang buhay ang nagaganap ay kaligaligan, kagulumihanan, ang daloy ng tubig ay nagiging marahas, nagiging malaki ang alon.
Kung iyan ay kahalintulad din ng bundok, hindi baga ang bundok kung itutulad at iwawangis, pasanin, bigat ng pasaning daladala ng tao, ang makukutim na kalooban, ang damdaming maligalig, ang isipang walang kapayapaan ay katulad at kawangis ng bundok na kinakailangan kanyang mapalis.
Kinakailangan kanyang maalis at iyan ay kahalintulad ng pagpapalipat sa kabilang ibayo ng dagat sapagkat kung ang buhay ay maligalig hindi baga sadya lamang mimithiin at aasamin mo na makaalis ka rito, ililipat mo ngayon sa kanyang kabalintunaan.
Kung maligalig, ang kabila nito'y kapayapaan o mapayapang pamumuhay. At iyan ngayon kung inihalintulad na kasing liit lamang ng buto ng mostasa, paano Ito magagawa ng tao kung wala siyang alam?
Paano magagawa ng tao ang pagbabago, ang pagdadala ng kanyang pasanin upang ito'y gumaang kung wala siya ng kaalaman, kung wala siya ng karunungan? Kaya nga't ang kaalaman, ang karunungan, ang kaunawaan ang siyang binhi o maliit na butil ng binhi ng mustasa.
Na maliit lamang kung tingnan, ngunit sa sandaling ito'y ginagamit, nagkakaroon ng kapangyarihan upang ang mithiin mo, ang tinaya mo, ang inasam mo ay iyo ngayong mailagay sa larangan ng pagsasagawa.
Kaya nga't ang pananampalataya ay sagisag at simbolo ng pagsasagawa. Na, kung hindi ito magagawa at ang naroroon lamang ay pagmimithi at pagnanasa ngunit hindi pakikilusin ang kanyang kabuuan sapagkat walang kaalamang tinataglay, hindi nalalaman kung paano ito igagawa ng balangkas upang may daan at landas siya na daanan tungo sa kanyang pananagumpay.
Hindi magaganap sapagkat ang pananampalataya'y walang buhay, ang pananampalataya ay baog, ang pananampalataya'y nawawalan ng kabuluhan sapagka't hindi ginagamit ang kaalamang nasasa kaniya na iyon ay bahagi ng pananampalataya na, siyang kapangyarihan sa kanya ay nagbibigay ng lakas upang mapalipat ang bundok sa kabilang ibayo ng dagat.
Kaya nga ang wika ng Panginoon, Ang nananampalataya sa akin ay gagawin ang aking mga ginagawa. Iyan ang pagpapalipat ng bundok sa kabilang ibayo ng dagat. Naunawaan ang mga turo, ang salita ng Dios, ang kautusan, ang halimbawa ng buhay na ipinamasid at ipinatanaw ng Panginoon.
Gawin mo ito sapagkat nabuksan na ang kamalayan upang ang kaalaman at pagkatuto ay maihantad mo bilang iyong patotoo. Gawin mo, sapagkat ang pagpapalipat ay sadyang ang pagsasagawa ng iyong natutuhang matuwid at mabuti na iyong naunawaan.
Sapagkat ikaw ay nalinang na, napanday na, napali na ng maraming karanasan na, ang aral na kanyang daladala ay karunungan ang ibinibigay at inihahandog sa tao na, kapag nakita ang aral na itinuturo, ang bawat baitang ng hagdan ay masasampa na ngayon. Kaya't ang pananampalataya ay pagsampa sa malaon nang ninanasa, sa malaon nang tinaya at inasam na makamit ng isang kaluluwa.
Kung ito ngayon ay kabutihan, kung ito ay ukol sa pagiging matuwid, sa pagiging mabuti at pagpapakabuti, ang kaalamang natutuhan mo mula sa iyong karanasan, gamitin mo, ilapat mo, ihandog mo.
Ibigay mo upang ang pananampalatayang nasasa iyo na, ikaw ay gagawa ayon sa iyong kakayahan, salig sa matuwid at mabuting iyong natutuhan hindi mo ito ngayon pabayaan sapagkat may ga butil ka ng binhi ng mustasang pananampalataya na, siya mong gagamitin upang ang buhay mo mula sa kanyang pasimula, sa kanyang kamangmangan, sa kanyang kawalang malay, sa kanyang kasalatan.
Sapagkat hindi nauunawaan ang diwa ng katotohanan ng buhay magagamit mo ngayon ang munting kaalaman at karunungang natutuhan mo sapagkat kapag hindi ginamit ng tao, walang pakikinabangan at walang mapapakinabang sapagkat ang pananampalataya ay kulang sa tunay na paggawa.
At iyan ngayon, nasa iyo man ang adhikain, nasa inyo man ang mithiin ngunit hindi ninyo ipinupusag ang kabuuan ng inyong sarili, hindi ninyo itinitindig mula sa inyong, pagkakalugmok hindi kayo bumabangon mula sa inyong pagkakadapa.
Hindi kayo gumigising mula sa inyong pagkakatulog hindi ngayon kailan man mangyayari ang inyong mithiin at pangarap. Kaya't inyong tinatanggap, ang pananampalataya na walang gawa ay baog. Ito ang halaga ng bawat diwa na sa inyo ay inihahandog upang matapos na marinig ninyo ang salita ng katotohanan.
Matapos na mapag-aralan ninyo at masuri ang salita ng pag-ibig sadyang mayroon kayo ng pangangailangan na kalagan, i-angat at ilipat upang mula dito masunod ang kanyang saligan na katulad ng utos, hindi luma, hindi bago ang pag-ibig at karunungan ang sandigan upang managumpay sa kanyang adhikain ang bawat espirito.
Ito ang aking sa inyo ay ini-aalay. Maghari nawa sa lahat at bawat isa ang liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Raphael Arkanghel, Paalam
Lunduyan Lualhati sa Dios sa Kataastaasan
Abotsabi sa Tuwiran- Kapatid Rebecca Dungo
(uploaded a-sabi)
Comments
Post a Comment