2021-12-05, Rebecca
2021-12-05, ARK RAF-RAD
Ang liwanag ng Espirito Santo ang sumainyo.
Nadama ba ninyong kapag ang kabuuan ninyo bilang mga tao ay nabalot ng kapayapaan nakikipagbigkis ang kaisipan at lakas ng Diyos sa inyong katauhan? Paano ninyo ito madarama? Paano ninyo ito makikita?
Ang lakas na taglay ng tao ay laging magkaalinsabay ang dalawa: ang pinong lakas at magaspang na lakas. Nguni’t, sa isang sandaling ang kabuuan ng kahayagan ng pagiging tao ay naroroon sa kalagayang payapa, may pag-ibig na nadarama ng puso, may malinis na simbuyo at pintig ng damdaming dumadaloy sa pag-iisip, diwa at kalooban,umiiral at siyang sumasaklaw, buong buong madarama mo ang presensya ng pag-iisip at kalooban ng Diyos sa inyo ay nakikipagbigkis.
Hindi mo alam bakit may biglang pintig at lukso sa puso na ipinadarama, may luhang ibig na humulagpos at wari ay ibig mong umiyak o humagulgol, may kinig sa buong kalamnan na wari ay hinihila ka upang magdiwang, magbunyi. Nadarama mong wari ay ibang pagkatao ang sa inyo ay gumagalaw o nagpapagalaw.
Ganito ang uri ng kalagayang ipinadarama sa sandaling ang kalooban ng Diyos, ang mithiin ng Diyos ay magkaroon ng puwang sa kalagayan ng tao o sa bahagi ng buhay ng bawat kanyang mga anak. Kung gayon, sa ganito bang kahayagan matuturol ninyo kung paano mag-isip ang Diyos?
Kakabit ba ito sa inyong mga pag-iisip? Maunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang pag-iisip at kalooban ng Diyos? Nadarama ba ninyong ang pahat na isipan at diwa dinadaluyan ng lakas na nagmumula sa Kanya?
Nadarama ba ninyong ang bawat inyong paghakbang at paglakad ay ginagabayan Niya? Hindi ba nadarama ng puso na may lakas na nag-aatas upang sa sandaling yaon ay bumangon ang mithiing ibig mong may marating, may mabuo at may maihandog na mabuting haing sa kanyang harapan ay inyong susunugin?
Ang ganitong pangyayari at kalagayan ay nasasa inyo na, mararating na ninyo, mabubuo na ninyo kaya nga at panatilihing ninyong kayo ay maging mga bukal na dadaluyan ng malinis na tubig sapagka’t doon uugnay ang pangako ng Panginoon ang makainom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na muli pang mauuhaw. Kung gayon, linisin ninyo ang inyong mga bakuran upang sa pakikipagbigkis ng Ama ay madama ninyo ang pangako ng biyaya ng buhay na walang hanggan.
Ito ang aking sa inyo'y inihahagkis upang maghari ang liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam.
Comments
Post a Comment