2020-2021, Rebecca, Sikograpiya, Moises







2021-07-18, MOISES-RAD

Ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos Ama ang lumukob sa inyong mga puso ngayon at magpakailanman. 

Kaya pa ba ninyo ang magdala ng mga karanasang papali at lilinang sa inyong mga diwa, damdamin puso at kalooban? Alin ang mas magaang dalhin ang patuloy na magpakatatag o ang sumuko na lang sa laban? Ano ang magiging kahihinatnan kapag ang inyong pinili ay magpatuloy? 

Saan kayo dadalhin kapag ang inyong pinili ay ang pagsuko? Alin ang inyong ipagpapaalam sa sandaling kayo ay sumuko sa laban ng buhay? Ano ang kinakailangang ninyong buuin kapag kayo'y magpatuloy? Kaya pa ba ninyong harapin ang bukas upang kayo'y makapagpatuloy na panindigan ang matuwid na daang dapat ninyong tahakin? 

Mga anak ng Israel, ang pangungusap, maluwang ang daan patungo sa pagkaligaw, ngunit makipot ang daan papunta sa kaharian ng ating Diyos. Muli ang taglay ninyong kaalaman ang sagwang sa inyo ay maghahatid sa katotohanang ang ipagkakaloob ay paglaya.

Mga malayang kaisipan na hindi iibiging itali ang pananaw sa makitid na pang-unawa sapagkat muling babalik sa kawalang ang hantungan ay pagkaligaw. Sapagka't natamo na ang kalayaan ang tutunguhin ay kaliwanagan ang hatid na pangako ay buhay na walang kamatayan.

Kung gayon, susuko ba ang mga anak ng Diyos sa pagtahak sa matuwid na daan patungo sa kaharian ng Diyos o sisikhaying makapagpatuloy upang ang adhikaing maging malaya ay maabot at makamtan? 

Dito ngayon ninyo bigyang laya ang inyong mga kaluluwa upang tamuhin ang biyayang kaloob ng iisang Diyos at ang pag-ibig na handog ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. 

Paalam.

 

Pahatid Diwa 

Kpd. Rebecca Dungo

2020-10-17, MOISES-RAD

Sumainyo ang liwanag at pag-ibig mula sa iisang Ama at iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Paano kung ang layunin mong magbigay ng buhay ay maging kabaligtaran sapagkat ang dumating sa halip na buhay ay kamatayan? Ano ang magiging kalagayan ng iyong mga kaangkinan kung ito ang siyang magiging kahihinatnan?

Magtatanong ka ba kung ano ang kamatayan upang gapiin ang buhay? Kamatayan ba ang magiging sagot upang bigyang halaga ang buhay?

Ito ba ang dahilan kung bakit isinulat ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon ng maaga sa kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang batong pinaka-alaala.

Ayon sa labindalawang lipi ng mga Israel at kinuha ang kalahati ng dugo, inilagay sa mga tasa; at ang kalahati ng dugo ay isinusulat sa ibabaw ng dambana at kinuha ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan: at kanilang sinabi, Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin.

At kinuha ang dugo at iwinisik sa bayan, at nagwika, Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo tungkol sa lahat. Dito nabuo ang kautusan sa pamamagitan ng tapyas ng bato, at ng kautusan, at mga utos na isinulat, upang iyong maituro sa kanila, ang pagbibilin ng Panginoon.

Mga kautusang siyang magiging pasimula upang magkaroon ng mga baitang na sasampahin o aakyatin at tutuntungan ng mga anak ng tao. Sa pamamagitan ng mga kautusang ito ang naghahawak ng timon ay may direksyong tataluntunin.

Sa mga kautusang ito doon magsisimula ang pagkakilala at pagkaunawa kung gaano kahalaga ang kalayaang siyang gapos o tali ng magiging pagsulong na batas ng buhay.

Dito magsisimulang dumaloy ang landas ng liwanag sapagkat ang mga anak ni Israel ay maliligaw sapagkat gagawa ng kaniyang sariling daan sapagkat ang kinupkop ay ang bigay na kalayaan.

Kalayaang ang hatid ay ang pagiging alipin na naging layunin upang ang mga anak ni Israel ang lingapin. Kaya at iniwan ang buhay na kinamulatan sagana sa lahat ng bagay: kayamanan, kapangyarihan at lahat ng yaman ng sanglibutan. Dito ngayon nabuksan ang tipan ng Espiritu.

At nilingap ng Diyos ang mga anak ni Israel, at sila ay kinilala ng Diyos. At sinabi ng Panginoon, “Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang mga daing dahil sa mga tagapagatang sa kanila; sapagkat talastas ko ang kanilang kapanglawan.”

At ako ay bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipsio at upang sila ay isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, o sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hebreo, at ng Haveo at ng Jebuseo.

At narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipsio. Dito ngayon nagbukas ang tipan ng Espiritu at mithiin ang paglaya ng mga alipin.

Ngayon, kayo ba ang panibagong tipan na muling magpapakita na may landas na ipinid na ngunit ngayon ay kailangan muling buksan upang ang tinig ng Panginoong mangungusap ay dinggin at muli ay isugo kay Faraon na ang mata ay kailangang buksan sapagkat may mga tanda ng dapat makita upang bigyang patotoo kung sino ang Panginoon?

Dito ko kayo ngayon iiwan upang sa kamalayang ibabalik sa nagdaan ay maunawaang ang tangkilik ninyo ay buhay ngunit kailangan munang bigyang daan ang kamatayan sapagkat dito magsisimula ang liwanag patungo sa buhay na walang hanggan. Paalam.

Pahatid Diwa 

Kpd. Rebecca Dungo

2020-07-20, RAD

Una ang Panginoon, bago ang lahat

Ano ang aking pangungusap na hindi ukol sa Panginoon? Ano ang aking gagawin na hindi para sa Panginoon? Ano ang aking lalakaran na hindi atas ng Panginoon? Hindi ba ang lahat ay para sa Panginoon?

Bawat kaisipan at tibukin ng puso

Anong mayroon ka, oh tao, na hindi bahagi ng taglayin ng Panginoon? Anong mayroon ang kaisipan, ang diwa sampu ng tibukin ng inyong puso na hindi bahagi ang pag-ibig ng Panginoon? Alam mo ba ito? Nauunawaan mo ba ito?

Bawat paggalaw kasama ang nasa ng puso

Kung sa inyong bawat paggalaw ay kasama ang nasa ng inyong mga puso na itindig ang kabuuan ng Panginoon, walang pagsalang may patay na mabubuhay at may buhay na mamamatay sapagkat karapat-dapat siya sa kamatayan dahil hindi siya para sa Panginoon. Kung gayon, masdan mo ang iyong kabuuan, anong mayroon ka na hindi may bahagi ang Panginoon?

Suriin ang sarili

Anong mayroon ang inyong kaisipan at diwa na hindi bahagi ng Espiritu ng Panginoon? Lingid pa ba ito sa karunungang inyong tinataglay? Anong mayroon ka, oh tao na hindi sa Panginoon?

Kung gayon, masdan mo at tanawin ang iyong sarili, suriin mo ang bawat saplot na nakatakip sa iyong katawan, ano at nababalot ka ng hindi sa Panginoon? Ano pa at pinalibutan mo ang iyong pagkatao nang hindi sa Panginoon? Hindi ka ba nahihiya at naririmarim na haharap sa kanya na ang saplot na ihaharap ay hindi sa Panginoon?

Alin ang mga hindi sa Panginoon

Ano ba ang nakakahiya at nakaririmarim? Ang humarap sa Panginoon na ang buo mong katawan ay balot ng ginto, ng mga hiyas na makinang o ang humarap sa Panginoon na ikaw ay hubad walang anomang taglay sa katawan?

Ano ang mas nakakahiya, ang ipakitang ikaw ay dukha at salat sa anomang yamang pansanglibutan ngunit sagana at mayaman sa karunungan o ang mayaman at sagana sa lahat ng bagay ukol sa yamang panlupa ngunit salat at dukha sa karunungang pang kaitaasan?

Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa inyong kapayapaan! Datapuwat, ngayon ay pawang nangatatago sa iyong mga mata.

Ang pangitain sa Banal na Aklat

Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabi-kabila, at ilulugso ka sa lupa, at ang buong sangbahayan mo; at sila ay hindi mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa; sapagkat hindi mo nakilala ang panahon ng kanyang pagdalaw.

Yan ang mga tandang isinaad ng Banal na Kasulatan. Kaya at ang Panginoon ay nag-aatas nang tuwiran, lumayo kayo at humiwalay kayo sa gitna ng mga taong ito na may matitigas na puso sapagkat sila ay aking lilipulin at huwag humipo ng anomang bagay nila, baka kayo ay mamatay sa lahat nilang kasalanan.

May talinghaga pa ba na hindi ninyo nababatid, mga anak ng Dios? Ang lahat ay hantad, ang lahat ay hayag, sampu ng karunungang dala-dala ng karanasan ay malinaw at maliwanag ang kanyang ipinahahatid na katotohanang siyang magiging katuparan ng buhay na malaya sapagkat ang bawat isa ay wala na ng tatak ng pagiging alipin kundi ang tinataglay ay ang tatak ng buhay ng isang malaya.

Ang pagiging alipin ay nasa kapighatian at kamatayan

Kaya at lumakad kayo sa kalayaan, gumawa kayo dahil sa kalayaan, mabuhay kayo sapagkat natamo ninyo ang kalayaang siyang hangad ng bawat kautusang inyong nilalakaran. Ang kalayaan ay sa kapayapaan, ang pagiging alipin ay sa kapighatian at kamatayan.

Maghari muli ang pag-ibig at kapayapaan sa lahat at bawat isa ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Moises.

 

Pahatid Diwa 

Kpd. Rebecca Dungo

2020-07-19 RAD

Mga baitang ng bawat Espiritu

Ang kaluluwang patay

Dito ko sisimulan ang halayhay ng magiging kabuuan ng aralin ihahayag. Ang paglalarawang ibinahagi ng kasaysayan," Ang unang tao ay kaluluwa na walang buhay...." Kung gayon, patay. Kung ito ang unang baitang ng bawat espiritu, saan kayo ngayon dapat na tumindig? Saan dapat na magbangon?

Sa ganito bang kalagayan dapat na manatili pagkatapos na makamit ang kalayaan at maka-alis sa lupain ng Ehipto? Kung patay hindi ba kailangan ay buhay?

Ang kaluluwang may buhay

At kung kailangan ay buhay dapat bang ipagdiwang yayamang ang pagbangon mula sa pagiging patay ay upang tamuhin ang pangalawang yugto ng pagiging tao na inilarawan, "Ang ikalawang tao ay kaluluwang may buhay..."

Dito ngayon inihantad ang uri at kaparaanan ng buhay na lalakaran ng bawat anak ng Diyos sa atas na ipinagkaloob ng Dios na siya ninyong gagalawan ngayon.

Ang atas ng Panginoon

At Siya ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua ng unang buwan ng pagiging malaya, sa ika-14 ng araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat ng ini-utos ng Panginoon sa akin ay gayon ginawa ng mga anak ng Israel.

Ngunit, sadya bang ang lahat ay dapat magkaroon ng hadlang sapagkat ang larawang laging kakambal ng bawat paggalaw ay laging naghahantad ng kahinaan sa pananampalataya ng tao?

Katulad ng larawang sa akin ay ipinagkaloob ayon sa isinaad ng Banal na Kasulatan, "Na may mga lalaki na marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa at hindi nila naipagdiwang ang paskua ng araw pagkatapos na sila ay makaalis sa Ehipto."

At doon ay muling nakatanggap ng atas mula sa Panginoon, "Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihan, kung ang sinomang tao o sa inyong salit-saling lahi ay naging marumi dahil sa isang bangkay, o masumpungang sa isang malayong paglalakbay, ay kaniyang ipagdiwang din ang paskua sa Panginoon."

Nadama ngayon ba ninyo sa inyong paglalakbay sa mundong ibabaw ay laging may atas na ipinagkaloob ang Panginoon? Nagawa ba ninyong ulinigin na ang atas ay sumasabay sa bawat pag-ihip ng hangin, sa bawat paggalaw ng mga dahong nakakabit sa sanga ng punongkahoy?

Kung ito ay inyong maulinig at mamasdan ninyo sa kabuuan, mararating na ba ninyo ang dako kung saan ipinagkaloob na maging tagpuan ninyo ng Panginoon?

Ang pagbukas ng pinid na kamalayan ng isang kaluluwa

Diyan ngayon nakapaloob ang kalagayan ng larawan ng buhay na nagkakaloob ng kaalamang makapagbubukas ng pinid na kamalayan ng isang kaluluwa.

Na, ang lahat kung ang simula ng bawat baitang na aakyatin ng isang espiritu ay ang pagiging kaluluwang walang buhay, ang magiging pagpapatuloy ipakilalang may dapat na ipagdiwang ay ang hantungan na nagpamalas na ang ikalawang tao ay naging kaluluwang may buhay.

Aliping naging malaya, malaya naging alipin muli, tungo sa perpeksyon

At diyan ngayon iinog ang bawat araw ng magiging pakikipamuhay ng isang espiritu na ang pangako na tinanggap pagkatapos maging malaya ay maabot ang kawagasan o ang perpeksyon. Ito ang kahayagan ng pag-ibig na aking sa inyo ay inihahatid.

Pahatid Diwa 

Kpd. Rebecca Dungo

2020-07-15, RAD

Pag-ibig at kapayapaan ang sumainyo!

Ang isang alipin ay maging malaya

Bahagi ba ng tunay na katotohanan na ang lahat ng tao o maging ng lahat ng likha ng Diyos ay may kani-kaniyang kapalaran na matutupad pagdating ng panahon kumilos ka man o hindi gumalaw?

Ang kapalaran ba na ito ay magiging daan upang ang isang alipin ay maging malaya at ang isang malaya ay maging alipin magpakailanman?

Ano ang pag-unlad at pagsulong sa dalawang kalagayang ito? Ano ang kinalaman at magiging bahagi ng taglayin nito sa isang espiritu?

Ito ba ang daang maglalapit upang ang Dios, ang tao, ang kanyang mga likha ay magkabigkis, at magpakita ng pagkaka-angkop angkop at pagkaka-ugnay ugnay upang bawat bahagi ay magkatimbang at malagay sa kanyang dapat na kalagayan?

At kung ikaw ay dating malaya at maging alipin, may daang matuwid ka pa bang matatahak upang ang iyong taglayin ay magdala sa iyo sa dapat mong patunguhan?

At ang aliping naging malaya matatagpuan na kaya ang matuwid na daan upang ang dapat na dakuhan ay kanyang marating tulad ng isang Jonas na tumalikod at sumuway sa utos ng Diyos?

Na upang maibalik sa dapat niyang tahakin ay kinakailangan pang siya ay itapon sapagkat siya ang ugat ng sigwa sa karagatan at lunukin ng isang balyena upang pumayapa ang panahon?

Sa ganitong kalagayan isa kayang malapit na halimbawa upang makunan ng liwanag ang kasaysayan ng isang Moises na mula sa pagiging alipin bilang Israelita ay dinala ng kapalaran sa lugar ng mga Pharaoh upang matamo ang pagiging malaya at mabuhay nang masagana at malaya bagaman taglay ang tatak ng pagiging alipin?

Isang buhay na kung saan doon mananatili at iinog ang takbo ng kanyang kapalaran. Isang buhay na ibang-iba ang kamumulatang paniniwala, ang uri at paraan ng pagsamba sa Diyos.

Doon hinubog ang kamusmusan ng isang Moises sa paniniwala ng mga kaluluwang nasanay at nahirati sa buhay malaya. Doon nalinang ang kabuuan ng pagkatao, na kung susuriin inalis ang tatak ng pagiging alipin. Samakatuwid maging ang kapalaran ay inilihis ang dapat maging buhay ng isang kaluluwa.

Ang kapalaran ay nakatakda

Kung gayon, kaya bang takasan ng bawat tao o ng bawat espiritu ang kapalaran sa kanya ay itinakda?

Ngunit katotohanan din bang may sadyang kapalaran nakatakda sa buhay ng isang espiritu na, ibigin mo man at sa hindi ay sadyang doon ka dadalhin, doon ka ilalandas upang ang nakatakdang kapalaran bilang siyang sadyang dapat na galawan ng iyong buhay ay matupad at maganap sapagkat naroroon ang ikapagtatamo ng pag-unlad sa antas na katangiang dapat mapasa-isang espiritu?

Kaya at dumating ang yugto ng panahon na naglalarawan na ang kapalaran ay kawangis ng bunga ng punong-kahoy na tumubo na darating ang panahong ito ay mahihinog at sa kanyang pagkahinog ito ay kailangang anihin upang hindi mabulok.

Sapagkat ang kailangan ito ay matikman, malasap, hatulan at gawaran kung anong uri ang binhi ang itinaan upang ihasik sa lupa, kung paano ito inihasik at maglarawan ng isang landas na hinawan upang may marating na Lupang Pangako.

Ang isang malaya ay maging alipin

Na, ito ang ultimong adhikain ng kanyang espiritu na kinakailangang matupad sapagkat ito ang tadhanang siya at ang Diyos ang nag-ugnay upang ito ay mabigyan ng kanyang bawat baitang na huhubugin, lilinangin at papandayin sapagkat naroroon ang magiging pagpapatotoo, iisa ang may hawak ng buhay, iisa rin ang may karapatang bumawi nito.

Ngunit dalawa ang magkatuwang upang ang buhay at kalooban ng Ama ay magtagpo sa iisang adhikain, ang matupad ang batas ng pagsulong.

Sa ganito ba mabibigyan ng katwiran at kaalamang masusuri ang katanungang, bakit ang isang alipin ay lumaya sa pagka-alipin at bakit inilagay ang buhay ng isang kaluluwang malaya upang dumanas ng kaalipinan?

Kung gayon, ang unang binuksan, ano ba ang buhay na malaya? At bakit kinakailangang hangarin na maging malaya kung sa bandang huli ang kalayaan ay muling igapos at itali sa pagiging alipin? Ito ang handog ng isang aliping pinapagiging malaya ngunit muling tinahak ang buhay ng isang alipin. 


Pahatid Diwa 

Kpd. Rebecca Dungo


 



 

 



 


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia