2021-05-30, Rebecca

2021-05-30, ARK-RAF-RAD

Balutin kayo ng tamis ng pag-ibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan!

Ang Batas ng Pagsulong

Ang batas na inyong kinilala ay pagsulong. At kung pagsulong ang kailangan, may tatanggihan ba kayong karanasan na hindi dumating sa inyong buhay?

Ang bawa't karanasan ay naghahatid ng pagsulong sa kaunawaan, sa pananaw at pagkakilala ng bawa't tao. Kung gayon, bawa't karanasan ay mamahalagahin ng lahat at bawa't isa.

Hindi lamang iisang uri, iisang bigat, iisang hugis at iisang tekstura ang iibiging madama kundi kung kanyang ibig na sumulong ang lahat ay kanyang kasasabikan na dumating at maging bahagi ng kanyang buhay. Bakit?

Sapagka't sa bawa't karanasan may isipang lumalawak; may damdaming natututong magdala ng bigat ng buhay; may mga katotohanang nasusumpungan upang siyang sa kanya ay makapagpalaya sa mga mababang alitigtigin, kahinaan at kawalang-malay ukol sa mga bagay na sa kanya ay maghahatid sa pagsulong.

Samakatuwid, ang hatid ng karanasan ay katatagan, lakas, pananampalataya, karungan at kaalaman siyang gagawa ng landas upang ang mga punit, lamat, karumhan ay magawang tagpian, buuin at linisin. Ang karanasan ang magtuturo upang dumating ang tunay na liwanag na tatanglaw sa buhay ng bawa't anak ng Diyos.

Liwanag na ang ipinakikilala may isipang nabuksan at namulat sa katotohanang may layunin ang buhay; liwanag na ang hatid sa bawat puso, sa bawa't damdamin at kabuuan ng pagkatao ay buhay na walang hanggan.

Kung gayon, abangan ninyo ang bawa't hatid na liwanag ng karanasan sa buhay ninyong mga tao. Panabikan ninyong ang maging katulad ng bawa't karanasan ay mga balaraw na magdulot man ng sugat at lumikha ng iwa sa puso ay magiging mga uri naman ng gamot na magagawang lunasan ang karamdamang natamo at muling pagugpungin ang mga bitak na iniwang bakas ng kahapon at magawang punan ang mga pagkukulang na nagawa kahapon.

Ito ang halayhay ng buhay na kung inyo ngayong pagsisikhayang tanawin ang bawat anak ng Diyos ay hahakbang at lalakad na ang tanging dala-dala ang pag- asa, ang pananampalataya at pag-ibig. Ito uri ng pag-ibig na aking sa inyo ay inihahatid upang maghari ang liwanag buhat sa Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan.

Arkanghel Raphael, paalam.



Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia