2020-2021, Rebecca, Sikogapiya, Mga Propeta Elias, Isaias

 

2021-05-15, PRO ELI-RAD


Ang saganang pag-ibig ng Ama at ng Anak ang maghari sa inyong mga espiritu ngayon at magpasawalang hanggan.

Kailan ninyo nadama na kailangan ninyo ang Diyos sa inyong mga buhay? Kailan din ninyo nagawang unawain bahagi ng inyong buhay ang Diyos na sa inyo ay nagpahiram ng buhay? Sa mga sandaling kayo ay nasa paghahanapbuhay, sa paglilibang, sa pasyalan, sa paaralang inyong pinapasukan, sa inyong mga pakikipagsaya sa inyong kapwa nagugunita ba ninyo ang Diyos na siyang ugit ng inyong buhay?

Ngayon, kung kayo ay nasa banig ng karamdaman, kung kayo ay nasa mabigat na suliranin, nasa kabiguan, may mabigat na tiisin sino ang ibig ninyong makasama o maka-ugnay? Dito ba nabubuhay ang Diyos sa inyong isipan at puso?

Kung sa mga ganitong kalagayan doon Siya nabubuhay ano ngayon ang kahalagahan ng mga kalagayang ayaw madama ng tao? Ano ang bahaging inaantig ng karamdaman, ng suliranin, ng pagsubok ng tiisin, ng kabiguan sa inyong buhay?

Ang mga kalagayang ito ay masasabing wari ay tulad sa isang lason na kaylanman ay hindi iibiging inumin sapagkat ang pakiramdam at inyong pagka-unawa kayo ay pinapatay. Isa ba itong dahilan kung bakit nagkakaroon ng puwang sa bawat puso ng mga tao ang Diyos na sa kanya ay nagpahiram ng buhay?

Kung ganito ang larawang idinudulot ng mga kalagayang ito masasabi kayang buhay ang Diyos kapag dumarama ng mga tiisin ang tao at patay kapag ang dinarama ay kasaganaan, kasiyahan, tagumpay at walang anomang tiisin na nagiging bahagi ng buhay at lalo na kung malusog at walang karamdaman?

Isang mababaw na paglalarawan upang inyong makita, madama, makilala at maunawaan kung ano ang layuning inihahagkis ng mga pangyayaring sa inyo ay nagaganap ngayon. Gayunpaman nananatiling ipinakikita ang larawan ng pagpipingkian. Ang masama laban sa mabuti; ang kadiliman laban sa kaliwanagan; ang liko laban sa matuwid; ang mali laban sa tama; ang kaligaligan laban sa kapayapaan.

Ganito ang mga larawang ibinabadya ng adhikain ng pagsulong o pag-unlad. Ngunit malibang ito ay maunawaan magiging maluwat ang pagdating ng kaligayahan, ng kapayapaan, ng kaliwanagan at ng pamamayani ng pag-ibig sa puso ng lahat at bawat isa.

Dito ngayon ninyo pagtibayin at lalong patatagin ang inyong mga puso upang manindigan sa matuwid na inyong nakilala at nauunawaan. Ngunit paano? Dito ngayon ninyo tuklasin kung anong katotohanan ang dapat ninyong masumpungan upang kayo ay hindi maligaw o iligaw ng inyong mga damahin, ng tibukin ng inyong mga puso at lalong lalo na ay ang takbo ng inyong mga isipan.

Kung gayon, iiwan ko sa inyo ang Tali ng katatagan: "Ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas." Ito ang pag-ibig na aking ikinikintal sa inyong mga puso at diwa ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Elias.

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

 

2021-05-09, PRO ELI-RAD

Balutin kayo ng tamis ng pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang diwa ng mga anak ng Diyos na may bukas ng kamalayan sa katotohanan ng buhay ay waring isang pangitaing ang inihahayag ay ang landas patungo sa buhay na walang hanggan o buhay na walang kamatayan.

Isang landas na nagpapakita ng walang hanggang kawalan ngunit nangangako ng sanglaksang kasiyahan. Kasiyahang ang bakas na ipinamamata ay mga uri ng buhay na wariy tulad ng talon, bumubuhos ang tubig mula sa itaas upang punan ang pangangailangan ng dakong ibaba na doon bubuhos ang saganang tubig na buhay ang kapara o kawangis.

Dito ngayon ninyo ilarawan ang bawat bahagi nataglay ng inyong mga kaluluwa na siyang dumama ng mga uri ng karanasang ang hatid ay patotoo na kapag nagawa mong sakmalin ang kawalan may patay na babangon mula sa libingan at may mga batong sisigaw upang ihayag ang diwa ng pagpipingkian sapagkat ang kahayagan nito ay ang tagumpay.

Diyan ninyo ilagak ang pagibig na simpan ng inyong mga puso at muli ay malasin ninyo ang kawalang siyang magluluwal ng buhay na walang kamatayan. Magharing muli ang walang pag-ibig ng Ama at ng Anak ngayon at magpakailanman. Paalam, Propeta Elias.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo



2021-05-02, PRO ELI-RAD

Balutin kayo ng saganang pag-ibig mula sa iisang Ama at iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang pagsibol ng buhay ay pagtubo ng pag-ibig, at kung sumibol ang pag-ibig maghahayag ito ng mga uri ng paggawa; mga gawang may kanya- kanyang daan o landas na patutunguhan at bawat marating kapag nilingon mo ang iyong tinahak may bakas na naiwan; at bawat naiwang bakas ay katumbas din ng mga baryang ihinuhulog ninyo sa inyong alkansya.

Kung mahalaga sa bawat nilalang ng Diyos ang may madamang katuwang sa sandali ng pangangailangan sisikapin niyang magtabi o mag-ipon. At kung maliit lang ang kayang isubi sa yamang nakukuha sa araw-araw may gagawin siya at ito ay ang gumawa ng alkansiya.

Alkansyang sisikapin punuin ng kaunting barya sapagkat hangad na ito ay mapuno sapagkat siyang bubuhay ng pag-asa sa bawat anak ng Diyos. Isang pag-asang makapagdaragdag ng pagtitiwala sa kanyang kakayahan at kaalamang taglay.

Kung ang pag-ibig ay tulad ng alkansya, paano ninyo ito pupunuin? Ano ang inyong baryang ihuhulog? Ngunit kung magkakaroon ang bawat anak ng Diyos ng malaking mithiing makaipon magkakasya na lang kaya na barya lang ang maging laman ng alkansyang pag-asa niya sa kinabukasan?

Ang pag-ibig ay buhay, ang buhay ay paggawa, kung gayon ang kahayagan ng buhay ay pag-ibig at ang kahayagan ng Pag-ibig ay paggawa. Ito ba ngayon ang ihuhulog ninyo sa inyong alkansya?

Ang pagsibol ng buhay ay pagtubo ng pag-ibig at kung sumibol ang pag-ibig maghahayag ito ng mga uri ng paggawa; mga gawang may kanya- kanyang daan o landas na patutunguhan at bawat marating kapag nilingon mo ang iyong tinahak may bakas na naiwan; at bawat naiwang bakas ay katumbas din ng mga baryang ihinuhulog ninyo sa inyong alkansya.

At ang mga baryang ihinulog ninyo ang siya ninyong gagamitin kapag dumating ang pangangailangan sa inyong buhay. Sapat ba, angkop ba, tama ba ang inyong naipon sa inyong paggagamitan? Kung gayon, sapat lang ba na magsikhay kayo na gumawa kayo ng alkansya para ipantakip sa inyong magiging pangangailangan?

Sapat na ba upang tamuhin ninyo ang kapayapaan ng inyong mga espiritu? Sa ganyan ko ihinagkis ang bawat liwanag upang ang Silahis ng liwanag na ang hatid ay buhay madama ninyong dyan magsisimula ang pangitain at pagbabadya ano ba ang bukas na darating sa bawat anak ng Diyos?

Maghari sa bawat puso ang pag-ibig na angkin ng Ama at ng Panginoon. Paalam, Propeta Elias.


Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo


2021-04-25, PRO ELI-RAD

Ang pag-ibig ng ating Panginoon ang ibinabalot ko sa inyong mga puso ngayon at hanggang sa wakas.

Madali ang mangusap nang iniibig kita Panginoon. Madali rin ang lumapit sa kanya sa pamamagitan ng pananalangin, ngunit nauunawaan kaya ng nakararami sa sangkatauhan kung ano ang taglay niyang larawan na inihaharap niya at ipinatutunghay sa ating Panginoon? Dito ay ipaubaya ninyong ibahagi ko ang maikling kuwento.

May isang taong nagpapatupad ng batas na aking nilapitan upang ipaunawa niya sa akin ang diwa ng batas. Ang sabi ko mahal na haring David kung may nakita ka bang isang paslit na inaagawan ng munti niyang laruan, ano ang gagawin mo? Ang kanyang tugon, "siya ay aking ipakukulong at parurusahan."

Kung gayon parusahan mo ang iyong sarili sapagkat ikaw ang taong iyon na ang munting alaga ng musmos at walang malay na nilalang ay walang awa mong inagawan ng kanyang laruan. Nakita ko ang pagkagitla at pagkabaghan sa kanyang mukha na, wari ay hindi alam na may nagawa siyang karumaldumal.

Balikan mo ang iyong ginawa na nang dahil sa mababang alitigtiging kumubabaw sa iyong puso at damdamin ay nagawa mong agawin ang taong nagmamayari na ng puso ng babaeng inagaw mo sa kanya at ito ay inilagay mo sa kanyang kamatayan. Masdan ninyo ang inyong mga sarili.

May inagawan din ba kayo dahil sa kayo ay natutong maghangad ng di ninyo dapat hangarin ni pangarapin man lamang? Bakit kayo nabubuhay? Ano ang katuturan ng inyong pagkabuhay? Sa inyong hinagap, may dapat bang patunguhan ang taglay ninyong buhay ngayon?

Saan ninyo inuubos ang kanyang halaga? Ang mga bagay ba na inyong hinahangad ay maituturing na isang uri ng pag-agaw na di ninyo dinamang ang bungang babalik ay pananagutan? Sa ganito ba ninyo ngayon kailangang lumingon sa inyong pinanggalingan upang makarating kayo sa inyong paroroonan?

Iyan ang landas na ating tatahakin upang ang tinatanaw ninyong mga baitang ng hagdan tungo sa pagsulong ay matanaw ninyo at sa inyo ay malarawan may patotoong sa inyo ay ibibigay ang kahapon upang sa pagdating ng guhit ng inyong mga palad makapangusap kayo na katulad ng ipinangusap samantalang nakabayubay ang Anak ng Tao sa kanyang krus, "Aalalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian."

Ganito ko ipinamamalas ang daan upang sa bawat gagawin ninyong paghakbang may tatag at tibay ang inyong mga paa na magdala ng bigat ng inyong katauhan. Ang saganang pag-ibig mula sa ating Panginoon ang inihahagkis ko sa inyong mga puso ngayong at hanggang sa wakas. Paalam, Propeta Elias.

 


Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo



 

 

 

 

 

 

 

2021-07-11, PRO ISA-RAD

Balutin kayo ng tamis ng pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. 

Ang buhay ay tulad ng landas o daan marami kang masumpungan na dadaanan o lalandasin. Mga daang kung minsan nagsasanga, at sa iyong pagpili kapag di ka bihasa ikaw ay maliligaw. 

Kaya ba ganito ang aking namasdan ? O ang nalarawan sa balintataw ay di kaugnay ng diwang ibig nitong ihayag o ipahiwatig? 

Sa ibaba ng bundok sa paanan ng punong higera ay lumapag ang hagdan sa lupa na doon ay nakalahad ang dalawang palad na siyang pinaglapagan ng hagdan na waring ipinakikitang ito ay kanyang hawak hawak. Sa pagkakalapag namasdang sa bawat baitang ay may bagay na inilalagay. 

Sa unang baitang ay naroroon ang kayong lino (linen cloth) na itinali na wari ay isang lasong buong kaayusan at kagandahan ang pagkakagawa. Ang kayong lino ay sumakop hanggang sa ikatlong baitang.

Sa ika-apat hanggang ikalima ay isang telang pelus (velvet cloth) na kulay Lila na ang pagkakaayos ay parang banig na hihigaan.

Sa ika-anim hanggang ikawalo ay may dilaw na balabal na ang pagkakalagay ay nakatiklop sa tatlong tupi.

At sa ikasiyam na baitang ay sinakop ang buong baitang ng hagdan ng anim na kulay ng liwanag na na gumawa ng tatlong hanay na sa bawat hanay ay dalawa ang kulay na magkasama: sa unang hanay ay luntian at pula, sa ikalawang hanay ay kulay pilak at asul at sa pangatlong hanay ay magkasamang puti at itim na ang nabuo ay abuhin. 

Kung ang hagdan ay kawangis ng buhay, ano ang inilalarawan ng bawat baitang at mga bagay na doon ay inilahok? Ano ang mga diwang nakapaloob sa bawat kulay na taglay ng bawat bagay na sa bawat baitang ay isinandig? Ano ang kaugnayan ng palad na siyang may hawak sa hagdan? 

Sa ganyan ninyo tanawin ang buhay ng isang espiritu na siyang tatanggap ng kaluwalhatian upang sa inyong kalagayan ay madama ninyong bawat magiging paghakbang ng inyong mga kaluluwa ay may bukal na babalungan ng tubig. Tubig na siyang naglarawan sa pangungusap ng Panginoon, "kapag inyong ininom, hindi na kayo muli pang mauuhaw." 

Ito ang aking sa inyo ay hatid na pag-ibig na naroroon ang adhikang balutin kayo ng walang hanggang biyaya mula sa Ama at sa Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Propeta Isaias.

 


Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo



 

2021-07-04, PRO ISA-RAD

Ang alab ng pag-ibig ng Ama at ng Panginoon. 

Kung dinarama at inuumpisahan na ninyong suriin ang katotohanang nakapaloob sa pagkakalalang sa tao, anong pagbabago ang gagawin ninyo sa inyong buhay o may pagbabago bang magaganap? Katulad ng naging pagbabago sa pangitaing namasdan. 

Nalarawan sa aking puso na ang palad na pinagsalalayan ng katleya na nakalapag ang dikdikan, gilingan at timbangan ay naging kabuuan ng siyam na baitang na siyang bumuo ng hagdan na nakalapag sa ibabaw ng mataas na bundok na nakasalalay sa puno ng higera. 

Ganito ba ang magiging pagbabago ng mga nilalang ng Diyos na nagkaroon ng kamulatan at bukas na kamalayan sa kadakilaan ng kanyang pagiging Tao? Ano ang pagbabagong ito sa patuloy na paglakad ng buhay? Paano magaganap ang bawat diwang nakapaloob sa pangitain upang magawang unawain ang paghawak, ang pamamahala at pag-ugit sa inyong buhay? 

Dito kayo muling magpasimula ng pagtanaw, pagdama at pag-ugit sa buhay na inyong daladala upang ang adhikain ng inyong mga espiritu ay magkaroon ng puwang o landas na tutugon sa buhay ninyong hiram tungo sa kanyang pag-unlad at pagpasok sa kaharian ng Diyos.

Ito ang aking naging halayhay upang muli ninyong madama kung gaano ang liwanag na inihahatid ng alab ng pag-ibig ng iisang Ama at ng iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

2021-06-20, PRO ISA-RAD

Ang alab ng pag-ibig ng Ama at ng Panginoon. 

Kung dinarama at inuumpisahan na ninyong suriin ang katotohanang nakapaloob sa pagkakalalang sa tao, anong pagbabago ang gagawin ninyo sa inyong buhay o may pagbabago bang magaganap? Katulad ng naging pagbabago sa pangitaing namasdan. 

Nalarawan sa aking puso na ang palad na pinagsalalayan ng katleya na nakalapag ang dikdikan, gilingan at timbangan ay naging kabuuan ng siyam na baitang na siyang bumuo ng hagdan na nakalapag sa ibabaw ng mataas na bundok na nakasalalay sa puno ng higera. 

Ganito ba ang magiging pagbabago ng mga nilalang ng Diyos na nagkaroon ng kamulatan at bukas na kamalayan sa kadakilaan ng kanyang pagiging Tao? Ano ang pagbabagong ito sa patuloy na paglakad ng buhay? Paano magaganap ang bawat diwang nakapaloob sa pangitain upang magawang unawain ang paghawak, ang pamamahala at pag-ugit sa inyong buhay? 

Dito kayo muling magpasimula ng pagtanaw, pagdama at pag-ugit sa buhay na inyong daladala upang ang adhikain ng inyong mga espiritu ay magkaroon ng puwang o landas na tutugon sa buhay ninyong hiram tungo sa kanyang pag-unlad at pagpasok sa kaharian ng Diyos.

Ito ang aking naging halayhay upang muli ninyong madama kung gaano ang liwanag na inihahatid ng alab ng pag-ibig ng iisang Ama at ng iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Propeta Isaias.


Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-10-09, RAD

Sumainyo ang liwanag at pag-ibig mula sa iisang Ama at iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Kaalinsabay ng naghihimagsik na guhit ng kidlat at nagaalimpuyong kulog ay sumabay ang pangitain sa aking balintataw... Na, ang Panginoon ng mga hayop ay kanilang nilalapang at kinakain ang Kaniyang laman.

Na, waring ibig na ito ay magkalasog lasog, mahiwalay sa mga buto at ang balat ng laman ay mangapahinga ang kanyang kabuuan. Kaya at sa pagkapunit ng aking puso ako ay nagtanong, hindi ba nila kilala ang kanilang panginoon? Hindi ba nila nataglay at nadama ang pangangalagang sa kanila ay ginawa?

Sa pagpapatuloy ng pangitain ay narinig na nangungusap ang Panginoon, "dinggin mo, oh langit, at pakinggan mo, oh lupa," sapagkat sinalita ng Panginoon: "Ako ay nag-alaga at nagpalaki ng mga bata, at sila ay nanganghimagsik laban sa akin. Nakikilala ng Baka ang kanyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng kanyang panginoon: Ngunit ang bayang ito ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi gumugunita."

Nagpatuloy ang wari ay mga hinaing na iginuguhit ng kidlat,"Ah, bansang salarin, bayang napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga nagsisigawa ng kalikuan: pinabayaan nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila ay nangapalayo na magsitingin."

Ang tanong ng panginoon ng mga hayop na gumugutay sa kaniyang katawan, bakit kayo ay hahampasin pa, na kayo ay manghimagsik ng higit at higit?

Ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanlulupaypay. Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo walang kagalingan, kundi mga sugat, at mga pasa, at nangagnananang sugat: hindi nangatitikom, o nangatatalian man, o nangapapahiran man ng langis."

At muli ay namasdan ang ulo ng panginoon ay nahiwalay sa kaniyang ginutay na laman at nagsitakas ang mga hayop at ulupong na wari ay nangasisiyahan sa kanilang ginawa.

Aking ini-unat ang aking mga kamay sa mapanghimagsik na bayan na siyang inihantad ng ulong itinira, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pag-iisip;bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halaman, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga liryo; na nau-upo sa gitna ng mga libingan at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ng sabaw na kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan; na nagsasabi, humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagkat ako ay lalong Banal kaysa iyo, Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.

At nangusap ang ulo ng panginoon, "narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, Lunduyan ako ay gaganti, Oo ako ay gaganti sa kanilang sinapupunan, ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama sabi ng Panginoon, na nangagsusunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsisitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kanyang sinapupunan."

Ganito ang sabi ng Panginoon, "kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, huwag mong sirain, sapagkat iyan ay mapapakinabangan: Gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag malipol silang lahat.

Ang lakad ba ng buhay na inyong hinaharap ay nagpapahiwatig ng paglipol? Nakikita at nakikilala ba ng inyong mga puso kung ano ang lilipulin? O sino ang lilipulin?

Kailangan ba ang lipulin? Kung ito ay sadyang mangyayari, tanda ba na tapos na ang bahagi ng kagantihan sa madlang gawa ng tao? At doon natapos ang pangitain sapagkat nagsara na sa aking balintataw.

Dahil dito, mag-iiwan ako sa lahing ito ng pahimakas ng pag-ibig: inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, sa inyong nangakikinig ng salita, ang inyong mga kapatid na nangagtatanim sa inyo na nangagtatakuwil sa inyo dahil sa akin, nangagsasabi, Luwalhatiin ang Panginoon, upang makita ang inyong kagalakan, ngunit sila ay nangapapahiya.

Ang ingay ng mga kagulo mula sa bayan, ang tinig na mula sa templo, ang tinig ng Panginoon na naggagawad ng kagantihan sa kaniyang mga kaaway, Bago siya ay nagdamdam, siya ay nanganak; Bago dumating ang kanyang paghihirap, siya ay nanganak ng isang lalake.

Sinong nakarinig ng ganyang bagay? Sinong nakakita ng ganyang mga bagay? Ipanganganak baga ang lupin sa isang araw? Ilalabas baga paminsan minsan ang isang bansa?

Sapagkat pagdaramdam ng Sion, ay nanganak ng kaniyang mga anak. Ang mga pangungusap na ito na laman ng aking balintataw ay nanunuri, dadalhin ko baga sa kapanganakan, at hindi ko ilalabas? Sabi ng Panginoon; magsasara baga ako ng bahay bata, akong magpapanganak? Sabi ng iyong Dios.

Kung gayon, kayo ay mangagalak na kasama ng Jerusalem, at mangatuwa dahil sa kaniya kayo ay mangagalak ng kagalakan na kasama niya, kayong lahat na nagsisitangis dahil sa kaniya.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ako ay maggagawad ng kapayapaan sa inyo na parang isang ilog, at kaluwalhatian ng mga bansa ay parang malaking baha, at inyong sususuhin yaon; kayo ay kikilikin, at lilibangin sa mga tuhod, kung paanong ang sinoma ay inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo ay manga-aaliw sa Jerusalem.

Sa huling pagpapadama ng hagkis ng diwa ay kawangis ng salita sapagkat kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa, na aking lilikhain ay mananatili sa harap ko, sabi ng Panginoon, Gayon mananatili ang inyong lahi, at inyong pangalan.

At diyan ganap na naputol ang daloy ng pag-ibig na inihantad sa aking balintataw upang inyong ipangusap, naligalig ko ba kayo? Nabiyak ko ba ang inyong katawan?

At tulad ng panginoon kailangan ko rin bang itira ang inyong mga ulo upang malarawan ang pangungusap ng pagibig, "ingatan mo, pangalagaan mo, arugain mo ang ulo sapagkat iyan ang buhay at doon mo kukunin ang hininga ng buhay.”

Muli sumainyo ang liwanag at pag-ibig mula sa iisang Ama at iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

 2020-08-15, PRO ISA-RAD

Pag-ibig at liwanag ang sumainyong mga puso.

Bago dumating ang pangitain ay sumagi sa aking diwa ang sabi ng kawikaang, “Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.”

Sapagka’t ang wika pa, “kung iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa; oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itaas mo ang iyong tinig sa pag-unawa: kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago, kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.”

Pangitain

Sa ganitong mga saad ay naramdaman ko ang simula ng pagpaloob sa pangitain. Ang pangitain ay ang pagdama na ako'y nasa karimlan. Nguni’t, nasa karimlan na ay ipinikit ko pa at tinakpan ng mga palad ang aking mga mata.

Datapuwa’t, anong laking gulat ko na sa gayong kalagayan ay ang aking natatanaw ay liwanag. At sa liwanag na aking natanaw ay lumitaw ang pangitain: 3 ulo, ang nasa gitna ay ulong walang mukha, ang nasa kanan at kaliwa ay ulong may tig isang mata.

Sa gayong anyo ay lumagay sa aking diwa, ganito ba ang larawan ng kamang-mangan? Ganito ba ang iniaanyo at inihahayag ng pagiging mangmang? Sa gayong kalagayan ang daloy ng pangitain ay nagpatuloy.

At mula sa tatlong ulo ay nabuo ang dikdikan at ang salaan. Ang tanong ng aking puso, ano ang dikdikan? Ano ang didikdikin? Ano ang salaan? Ano ang sasalain? Ang daladala kayang kamangmangan o ako bilang isang mangmang ang marapat na dikdikin at salain? Ano ang lamang daladala ng isang mangmang at balot na taglay ng kamangmangan? Dito naglaho ang pangitain.

Ano ang mga ito sa inyong mga puso? Sa inyong damdamin at pag-iisip? Ito ba ang nagiging katulad ng kupas na bulaklak na maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng libis, naging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtag-init; na kung makikita ng tumitingin, samantalang na sa kaniyang mga kamay pa, kinakain na niya.

Aking isusulat sa inyong mga diwa ang pangungusap na ito: sapagka’t utos at utos: utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito kaunti, doon ay kaunti. Na sa bayang inyong tinatahak ay kanyang pinagsabihan, ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo siya na pagod; at ito ang kaginhawahan: gayon man ay hindi nila pinakinggan.

Kaya nga, sa gitna ng kamangmangan ng mga tao ang salita ng Panginoon ang magiging sa kanila ay utos at utos; utos at utos, bilin at bilin, dito ay kaunti, doon ay kaunti; upang sila ay mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo at mangahuli. Kaya at, ano ang kailangan? Ito ba ay ang dinggin ang salita niya, ninyong mga nananatili sa kamangmangan?

Pakinggan ninyo at dinggin ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita. Mag-aararo baga na lagi ang mangaararo upang maghasik? Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa?

Sapagka’t ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling, sapagka’t, hindi laging magigiik, at bagaman pangangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo hindi niya ginigiling.

Sa ganito isaad, salitain at ihayag ang katanungan, ano ang dala ng kamangmangan? Sa ganito ko iniiwan ang kahayagan ng mahalagang araling siyang wika at pag-ibig ng aking Espirito.

Sumainyong muli ang liwanag at pag-ibig mula sa iisang Ama at iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Propeta Isaias.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-05-27, RAD


Ang simula ay kadiliman, na kung ihahanap ng pinagwangisan bilang kanyang magulang ang ipakikita ay ang karimlan. Bakit? Sapagkat ito ang gagamiting baitang upang matutong magmithi ang bawat anak ng Diyos.

Isang mithiing kung siya mang nagbadya ng kanyang pinagmulan, siya ring magpapatotoo na ang pinagmulan ang daang babagtasin upang muli kung saan ang pasimula ay siya ring balikan sapagkat siyang hantungang kanyang magiging luklukan.

Kaya at kung ang simula ay kadiliman, babagtasin ito sapagkat liwanag ang hahanapin at doon ngayon ititindig ang paggawa na iipunin, sisimpanin sapagkat ang lahat mula sa ulo hanggang paa ay larawan ng biyaya.

Ito ngayon ang bubuo ng mga hagdang tutuntungan upang ipakita ang kanyang layon, ang siya ay maka-akyat. Na, bawat baitang ng hagdan ay sinisimulan na hakbangin at tuntungan hindi sa mataas na kanyang kalagayan kung hindi sa unang baitang.

At upang ito ay matapos ang simula ay sa unang baitang, ang susunod ay ang ikalawa, ang pagpapatuloy ay ikatlo hanggang sa bawat baitang ay tumataas, papataas sapagkat ang layon ng pagtaas ay upang makaakyat at marating ang kanyang dulo o ang kanyang hantungan at ang pinakahuling baitang ang bukana na ng pintuan.

Na, kapag kinatok at binuksan mamamasdan ang kabuuan ng kabahayan. At sa kalagayang ito doroon ang mithiing mapasok upang suriin ang bawat sulok ng kabahayang siyang apat na panulukan ng daigdig.

Ganito rin ang kalagayan ng bawat anak ng Diyos. Kung ang simula ng pagsulong o pag-unlad ay ang kasalatan o kawalan ng alam ukol sa katotohanan, papandayin ang diwa; lilinangin ang bawat damdamin at sasalain ang laman ng puso upang sa bandang huli na, ang karanasan ay dinama, patuloy na dadamhin at magpapatuloy hanggang sa kinabukasan hindi maaaring hindi marating ang kanyang destinasyon.

Na, kung bawat pagbagtas ay isang paglalakbay may mararating, may mapupuntahan, may pagbabagong-anyo na masusumpungan at sa kahuli-hulihan naroroon ang pangako ay hahawakan sapagkat ilalagay sa mga kamay at matutunghan, BIYAYA! BIYAYA!

Sapagkat iyan ang hantungan ng lahat; iyan ang karapatdapat na tulad sa pamanang inihahanda, iniipon ng bawat magulang, may biyayang maiiwan sa kanyang mga anak.

Sa ganito pinapagiging mahalaga at dakila ang lakbayin ng bawat espiritu. Sa ganito idinadako ang paglalakbay ng bawat espiritu.

Sa ganito inihahantong ang bawat dala, ang bawat taglayin maging karunungan o kaangkinan mula sa mababa kailangang marating ang mataas.

Mula sa kasalatan maabot ang kaganapan; mula sa kawalang malay sapagkat naroroon sa baitang ng kamusmusan aalis sa lampin na kanyang saplot, magbibihis nang may kaayusan.

At kung maging ganap na tao ang tamang bihisan ang ibabalot sa katawan upang ipakita kung musmos ka noon, ang nilalakaran mo ay ang mga bagay na ginagawa ng mga musmos, ang sinasalita mo ay larawan ng pagiging musmos, ang isipan m a'y nagbubuo ng adhikaing ang ilalarawan ay ang pagiging musmos.

Ngunit kapag narating mo ang mataas na baitang ng hagdan ang matutunghayan at masisilayan ay hindi na ang kasalatan ng diwa, hindi na ang kakapusan sa pang-unawa kundi ang kahayagan ng isang taong nag-aangkin ng katalinuhan.

Nagtataglay ng kaalamang ang ipinakikita ay ang pagiging pantas sapagkat mula sa kamangmangan ng diwa ang mabubuo upang ibahagi sa pangalan ng Panginoon ay ang mga yugto ng buhay na naraanan, sinapit at dinakuhan.

At diyan ngayon ang siyang kalagayang iniibig na makita ng Panginoon upang sa pagbibigay ng hatol ang tatamasahin ay ang kaluwalhatian, ang kawagasan sapagkat yaon ang bagong Sion.

Bagong Sion na ang daladala ay ang kalooban at pag-ibig ng iisang Ama... Siyang Simula, siyang Wakas, siyang Una at siyang Huli.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

2020-05-26, PRO ISA-RAD

Ako ay ginising sa oras na ika-isa ng bukang-liwayway. At sa aking pagkakahiga ang mata ay iminulat upang angkinin ang liwanag.

Nang ito ay maangkin mga mata ay tumingin sa kawalan upang ipadama sa kanyang pisikal na pagkatao sa kawalan kapag di ka kumilos walang mabubuksan.

Ngunit may aanihin kang masaganang bunga na siyang pagmumulan ng masaganang yaman. Itinanong ng aking isipan, ano iyon?

Walang galaw ngunit may bungang sagana na maaani samantalang sa kawalan ang kasama mo ay ang karimlan? At sa pagkilos mo ang isasama ay liwanag? Ito ba ang buod ng pag-aaral upang lusungin ang lalim ng katotohanang ang pagdadalhan ay ang realidad ng buhay?

Ang kawalan ba ang sagisag ng tunay na buhay? Sa kawalan ba naroroon ang bukang-liwayway na siyang setro at luklukan ng haring araw na tulad ng bibig siyang magpapakita ng tanda ng galak, ng saya, ng tuwa, ng lungkot, ng buhay at pagkatapos ay marating ang kanyang kamatayan?

Dito ba mahahantad na kapag nagising ang dadalhin at ititindig ay Buhay at ang iiwan ang isang panig na katambal ng buhay, ang Kamatayan?

Ngunit ang kamatayan ang hangganan upang mangusap ang isang espiritu, "magtatagumpay ka ba o magiging kabiguan ang lahat?

Datapuwat, ang kamatayan ang simula ng pagsulong?Alin ang iyong kilalanin na higit na dakila? Ang buhay ba bilang pasimula o ang kamatayang siyang larawang magpapatibay kung ano ang naging hantungan ng simula siyang hahatulan sapagkat siyang Aklat ng Panahong gagawing basehan upang maging matuwid ang gawad na ihahatol?

Lakbayin mo ang buhay. Lumakad ka sa tubig na kinakailangan mong maging kasanayan. Gawin mo at tanawin ang tubig ay lupa na kapag binagtas mo hindi ka lulubog upang hindi ka malunod.

Naririyan ang magiging hantungan upang ang bawat kaangkinan angkin ng iyong pagka-espiritu ang maging tunay mong yamang dapat na pagpalain sapagkat iyon ang masaganang bungang aanihin mo nang imulat mo ang iyong mga mata at ikaw ay tumingin sa kawalan.

Iyan ang mga sangang pipigtalin upang igatong sa apoy, hindi dahil sa hindi nagbubunga kung hindi dahil may mahalagang paggagamitan sapagkat may matigas na Karne ng baka na kailangang palambutin.

Ang kanyang paglambot na ang tanging kabuuan ng proseso isalang sa apoy at ang apoy ang hantungan upang kamtin ang mithiin ng kanyang espiritu na kakainin ang laman bilang katuparan ng ipinangusap ng Anak ng Tao, "Narito ang aking laman kainin ninyo."

Diyan mo ngayon suriin at pag-aralan, ano ang karunungan upang maging bahagi ng buhay na sa iyo ay ipinahiram? Ano ang liwanag upang sa mga mata ay ipataglay? Ano ang dilim upang maging kahati ng liwanag? Bakit kailangang lumakad nang may katambal?

Bakit kinakailangang maging timbang ang paggalaw, ang pagkilos mula sa paghakbang ng mga paa, sa pag-imbay ng mga bisig at maging sa paglakad kaliwa at kanan magkasalimbayan, bakit di ipinahintulot lumakad na sabay na hahakbang ang kaliwa at kanang paa? May layunin ba ito? Kailangan bang maunawaan mo kung bakit pinagsama ang laman at ang kaluluwa upang maging isa?

Basahin mo ngayon ang laman ng iyong pag-iisip upang mabuksan mo ang dala ng iyong puso. Isulat mo ang nasa ng iyong puso sapagkat bawat titik, bawat kataga, ang kabuuan ng bawat pangungusap ang daang iyong babagtasin at doon ka ngayon hihinto upang liripin ang dapat maging hantungan, ang dapat maging laki ng buka ng iyong mga kamay sapagkat mayroon ka ng sasambutin, mayroon ka nang aabutin upang iyong kunin.

At iyon ang siya mong magiging bagahe na iyong papasanin, hilahin sapagkat sa kabuuan siyang pagkaing kakainin mo kapag ikaw ay nagutom, siyang tubig na iinumin mo kapag ikaw ay nauhaw sa iyong paglalakbay.

Ano pa at lahat ng makakaya mo at inaakala mong magiging iyong pangangailangan mabigat man, maglarawan man na ikaw ay mahihirapan hindi ba, hindi mo iiwan?

Sasambutin mo, bibitbitin mo, tataglayin mo, handa kang itaguyod ang pagpapakasakit sapagkat naunawaan mo ang halaga ng bawat bagay na laman ng bagahe mo.

Diyan mo ngayon tayahin ang iyong sarili. Diyan mo ngayon sukatin ang iyong kakayahan upang mula sa mga araling hatid ng karanasan may karunungan at kaalamang magiging gabay ng iyong pagkatao.

At doon susukatin at tatakalin at ang dala ng puso, ang pintigin ng damdamin, ang kahayagan na nabuo sa isipan at iyong maunawaang walang bagay na maidaragdag o ano mang bagay na maalis kung hindi gagawa ng hatol, hindi ibababa ang hatol.

At doon ngayon magaganap ang buhay at kailangang maganap ang nakasulat, "Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang nangyayari pa ay nangyayari na rin; at hinahanap uli ng Diyos ang nakaraan na."

Dito ngayon natapos ang pangitain upang makita naroroon ka sa kalagitnaan, may dapat ka ba bang lingunin upang talikdan ang iyong magiging bukas na pinag-uukulan mo ngayon ng iyong oras, ng iyong panahon, ng iyong lakas at maging ng iyong buhay sapagkat naunawaan mo ngayong ang lahat ng kauuwian na pagsasalalayan na paggamitan ng iyong kalayaan....

Buhay o Kamatayan; Liwanag o Kadiliman; Tagumpay o Kabiguan; Kasawian o Kaligayahan. Ito lamang! Ito lamang! Ito lamang Espiritu!

Sapagkat ang una ay kaluluwa, walang buhay ngunit pagkatapos hingahan sa butas ng kanyang ilong ay naging kaluluwang may buhay. At ang buhay na ipinahiram ay muling kukunin sapagkat kailangan nang bawiin upang ang sa lupa ay magbalik sa lupa at ang sa langit ay sa langit.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

2020-05-24, RAD

Lumingap ako sa aking kapaligiran. Tinanaw ko ang lalang ng Diyos, ang tao. Hinubaran ko ang bawat isa. Pilit kong hinahapak ang tabing ng templo.

Sa ganoon kalagayan may diwang naglalakbay, inaabot ang rurok ng lahat ng kaganapan; ang lahat ng mabubuo sa bawat isipan....ibig ko nito; ito ang pangarap ko; ito ang gusto ko; ito sana ang mangyari sa buhay ko; ito ang ibig kong makita nagaganap sa buhay ko.

Minasdan ko ang iba att ibang uri ng mga kamay... ang kanilang sukat, lapad, laki at kanilang posisyon. Ang mga kamay na nakatikom; ang mga kamay na nakalahad at nakabukas; ang mga kamay na magkaduop palad; ang mga kamay na nakabukas. Ano pa at ang lahat ay aking minasdan.

At nagkaroon ng pangitain. Ano ang mga diwang tulad ng bola inihahagis upang tumalbog-talbog lamang? Ano ang kaisipan tulad ng isang bagay na inihahagis sa itaas upang bumalik sa kanyang pinanggalingan? Ano ang isang isipan nagmistulang mata na nakatingin sa kawalan?

Doon ko napagtanto ang maraming kahayagan kung paano binuo ang buhay; kung paano ito nilangkapan ng hininga kung paano ito inilagay sa kawalang malay; kung paano ang buhay ay lumakad ayon sa kanyang kamusmusan.

At narinig ko ang tinig ng Panginoon nangungusap "at aking ibabalik ang aking kamay sa iyo, at aking lilinising lubos ang dumi mo, at aalisin ko ang lahat ng iyong tinanggap, at mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon."

Kaya at muli kong nakita ang kabuuan ng tao, ang dapat maging kabuuan ng tao. Ano ang kabuuang ito?

Ang laman ay maaagnas, dapat na maagnas upang ang tanging mahantad ang kabuuan ng tao na walang lamang kinukupkop sapagkat kalansay na lumalakad; isang kabuuang walang dinadala at walang dadalhin kung hindi ang kanyang pinagmulan....hubad, walang saplot, walang bihisan, walang tinataglay ni ano paman.

Ganito ang kaluwalhatian; ganito ang kawagasan at ganito ang kalayaang inilalagay sa kanyang tunay na buod,sa kanyang tunay na kalalagyan.

Sapagkat ang larawang dapat isabuhay ay yaong mga kamay na ipakikitang hindi nakagapos, mga paang hindi na nakatanikala; ang kabuuan ng katawang kumikilos,gumagalaw, walang tali, walang gapos sapagkat nasumpungan ang tunay na kahingian ng pagiging malaya.

At nasiyahan ako. Nagalak ang aking espiritu; naramdaman ko ang kapayapaang mithi ng aking espiritu sapagkat masarap masdan ang kabuuan ng tao, ang nilalang ng Diyos na isang kalansay na lumalakad at nakikipamuhay sa mundong ibabaw.

Muli liwanag at pag-ibig ang maghari sa lahat at bawat isa.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

2020-05-19, RAD

Gandang umaga sa lahat.

Ang mundong inyong ginagalawan ay isang bato balani na inilalakad upang hanapin ang kanyang kauri. Sa paglakad nito kumakabit at sumasama ang bawat isipan, ang bawat damdamin, ang nasa ng puso, mga layunin, adhikain, pangarap na magkakauri. Naiipon tulad ng bunton ng dayami.

Iniipon matapos na anihin ang kanyang bunga. Sa pagsasama-sama, doon ngayon magkakaroon ng kaganapan upang maging tulad ng basura paghihiwahiwalayin.

Upang bigyan ng pagkakataon ang mga bagay na nabubulok ay tulungan upang mapabilis ang kanyang pagkabulok.

At ang hindi nabubulok patuloy na daraanan ng bato balani upang maisama muli sa kanyang kauring lakas bilang magiging bahagi ng mga uring isasalang sa apoy upang sunugin o dili kaya ay ilalagay sa gilingan upang gilingin sapagkat hindi siya nabubulok.

Ang mga nabubulok ay yaong mga taong nagising, nagitla, namulagat, nag-isip, nagsimulang mag-aaral, nagtanong, ano ba ang buhay upang alagaan nang gayon na lamang?

Ano ba ang buhay upang mahalin nang gayon na lamang? Ano ba ang buhay upang gawing dahilan para isagawa ang mga balaking ang kahahantungan ay ang magiging pananagutan ng kanyang kaluluwa?

Ano ba ang buhay upang kung mapasaiyo maging tampukan ng iyong atensyon, maging isang atraksyon na hindi mo maalisan kahit ibig mo na itong takasan, talikuran?

Ngunit darating at dumating na nga na ang laman ng lupa ay mawawalan ng laman at lubos na masasamsam sapagkat sinalita ng Panginoon ang salitang ito,  "ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay manghihina. Sapagkat kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan. Kaya at nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya at ang mga nananahan sa lupa ay mangasusunog, at nangatigilan ang mga tao."

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-05-14, RAD

Magandang umaga!

Kung nagawa mong matunton ang landas patungo sa buhay na katuparan ng iyong pangako, lilingunin mo pa ba ang daang tinahak mo? Kung iyong lilingunin, ano ang iyong hahanapin upang muli'y idagdag sa panibagong landas na iyong tatahakin?

At kung ito ay iyong kunin at mataglay saan, mo ito ilalagay upang kapag muli mo inihalo at inilahok sa iyong buhay na nagpakita nagkaroon ng transpormasyon at ebolusyon, handa ka na bang muling lumagay sa gilingan sapagkat ang wika,"dalawa ang pasasa gilingan isa ay kukunin isa ay iiwan?"

Kung ang iyong kinuha mula sa daang tinahak at tinugpa ay makita at madama mong magiging katumbas ng Krus na papasanin, paano mo ngayon ito isasabuhay?

Tatanawin mo pa ba itong isang mabigat na tiisin upang maging kawangis ng sangkap ng asin na di dapat mawala sapagkat nakasulat, "kung ang asin ay tumabang ano ang iyong ipampapaalat?"

Nakasulat din, "Kung ang asin ay tumabang walang nalalabi kundi ang itapon sa labas ng pintuan at payurakan sa mga tao." "Life is a choice".

Ang kahulugan ba nito ay walang bawian, sapagkat ang aralin ng buhay ay di katulad ng mga batang sa paglalaro ay pwede ang bawian?

Kaya at kasali rin sa laro ang mga kasabihang bata: topo- topo barega dumila ka muna sa baga. Pagbilang ko ng 10 magtago na kayo, isa,dalawa.....ang unang makita, pung huli ka; nalambat na kita. Ngayon, makapapalag ka pa ba?

Naglawit ako ng pamansing may paing pagkain sa dulo ng kawil, inikutan mo, niligiran mo, sinisilip mo. Kung magkakaroon ka ng pagkakataon sisiyabin mo at ikaw ay nasima ng pamansing, ano ang pinagkulangan mo? Saan ka nagkulang?

Ito ba ang katumbas ng nakasulat, " gumagala ang mga Leon, magingat ka baka ikaw ay sibasibin upang kanyang maging pagkain."

Nakasulat din, " lumakad ka habang may liwanag upang kung sumapit ang dilim hindi ka lalakad ng ngangapa-ngapa."

Ang katulad ng buhay ay isang matigas na bato ng lupa. Kung ang pagsasaligan ay ang kabuuan ng isang tahanan, ang mga tipak ng batong ito ay hindi kailangang madurog sapagkat yun ang kanyang magiging pundasyon.

Na, siyang kakapitan ng bawat bahagi upang ito ay tawaging isang panahanan na siyang magiging tanggulan ng isang kaluluwa.

Isang tanggulang may layunin, may mithiin na makamit ang kanyang kaligtasan sapagkat bawat pangyayari ay may dahilan at bawat dahilan ay may karunungan itinuturo, may liwanag na daladala at lalong may baitang na ipinakikita upang ipadama ang halaga ng pagsulong.

At ang pagsulong ang kadahilanan kung bakit ang tao ay may buhay. At ang bawat buhay ay may kinakailangang mabuo upang marating ang kanyang hantungan.

At ang hantungan ay ang taning ng buhay na dapat marating at maabot ng isang espiritu. Sapagkat ang taning na ito ang siyang layon kung bakit ang lahat ay hinuhubog at kailangang mahubog. Ano ito? Ang kawagasan o ang perpeksyon?

Ito ang ultimo ng bawat karanasan dinarama ng tao, ang hantungan ng bawat karanasan. Kaya nga at sisirain ang lupa, masisira at wawalatin ang kanyang laman tulad ng larawan ng isang Judas.

Iwinalat at sumambulat ang laman ng kanyang tiyan. Ang laman ang nagkakaroon ng taning ng kanyang pakikipamuhay sa lupa sapagkat ito ay nagkakaroon ng kanyang katapusan at lumilikha ng kanyang sariling sumpa. Paano?

Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Mga gawang hindi bahagi ng layunin ng kanyang espiritu, mga gawang hindi siyang katuparan ng adhika ng kanyang espiritu, mga gawang alit sa tunay na aralin ng buhay, mga gawang kabaligtaran ng katotohanan, mga gawang ang hantungan ay pananagutan.

Kaya at ang sabi, ang magkasala sa laman ay may kapatawaran ngunit ang magkasala sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran sapagkat bawat inutang ay pagbabayaran. Pinatawad ang laman. Paano?

Ang pagdama at pagtanggap ng batas ng buhay, kinuha sa alabok muling babalik sa alabok upang ilarawan ang muling pagbabagong-anyo, pagbabagong-hugis, pagbabagong-tekstura upang muling damahin ang pagbabagong bihisan sapagkat ang tanging kapatawaran na kinakailangang makamit ng isang espiritu ay ang muling dumaan sa gilingan at ito ay ang pagmumulit-muling buhay.

Pagpapatuloy ng araling sa atin ay ipinagkakaloob. Ano ang naging saligan ng pangungusap ng Diyos upang Kanyang sabihin sa Kanyang nilalang pagkatapos ng 7 araw, " maganda at mabuti?"

Ano ang buod at tunay na kahulugan ng salitang mabuti? Ng salitang maganda gayong ang tala ng kasulatan walang mabuti, walang mabuti, wala, wala, wala kahit Isa?

Idugtong mo pa ang larawang ihahayag ng Tao sa pamamagitan ng kani-kanyang mga gawa. Nasaan ang mabuti sa bawat pagsinsay at paglabag? Nasaan ang mabuti sa bawat kasakiman, pagiimbot at kapalaluang inihahantad ng Tao?

Nasaan ang mabuti sa bawat ganaping isinasagawa ng mga tao gayong ang inilalambong ay pawang alit sa katarungan at timbangan ng kawagasan at ng kaluwalhatian? Ano ang nagiging kabuluhan ng pagiging maganda upang siyang ipangusap, " Maganda at mabuti?"

Mababaw na araling may sinusukat, may ibig takalin at lalong may ibig tayahin? Dahil ba sa inilarawan ng kasaysayang matapos bigyang laya sa Paraiso sapagkat nasumpungan ang kawalan ng pagtalima ay naging karapatdapat na upang tanggapin na ang kani-kaniyang kahatulan, sa lalaki, sa babae at sa ahas? 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia