2020-02-01, Rebecca
2020-02-01, ARK RAF-RAD
Liwanag at pag-ibig ang maghari sa lahat at bawa’t isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Kung tutukuyin ang uri ng pag-ibig na dapat dalhin, dapat na maging pamantayan ng isang manggagawa sa ubasan ng Panginoon sa isang kabuuan ng pangu-ngusap na ang lagom upang ipakita at bigyang larawan ang uri ng pag-ibig na dapat mataglay ay ito.... " WALA KA NANG MAKIKITA PA NA IYONG IPAGKAKASALA".
Iyan ang uri ng pag-ibig sa kanyang kabuuan na dapat mabuo at taglayin ng isipan, ng damdamin at kalooban. Sapagka’t ganyan ang kahayagan at larawan ng kalooban ng Diyos. Hindi nagbibigay ng larawan upang ang kanyang mga anak ay makakita at makagawa ng kanyang ipagkakasala.
Kaya nga, ang kasaysayan ng bugtong na Anak ipinadama ang bahaging ito, binuksan ang bawa’t puso at bawa’t diwa nang Siya ay dumadama ng mga pasakit na ibinibigay ng tao noong Siya ay nasa kapighatian, sa paningin ng sangkatauhan nguni’t hindi sa kanyang kabuuan sa sandali na Siya ay nagpapasan ng krus, ipinapako sa krus. Na, ipinahihiwatig na bigyan ng buhay ang pag-ibig na ito; na, hindi ka na kailangang makakita pa ng iyong ipagkakasala.
Kaya nga at, sa kabila nang sa Kanya ay ibinigay at Kanyang tinanggap ano ang binigyan Niya ng buhay? "Ama patawarin mo po sila sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."
Hindi ba naroroon ang pagpapakilala at pagpapaunawang hindi adhika ng tao na; siya ay makapaminsala, na siya ay maging sanhi ng kapahamakan ng kanyang kapwa, na siya ay maging dahilan ng paghihirap, ng pasakit at salaghati na magiging bahagi ng kanyang karanasan, kung hindi, ang binigyan ng daan ay hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa kaya sila ay nakagawa ng labag sa batas ng pag- iibigan.
Ano pa ang Kanyang ipinagkaloob? Ang pagpapa-unawa na ang lahat ay may mabuting naroroon sa kanyang puso na makikilala at mauunawaan lamang kapag dumating na doon sa isang kalagayang nabuksan na ang kanyang kamalayan katulad ng kanyang kasama na naroroon sa bundok ng Golgota na nangusap,
"Ipagsama mo ako pagdating mo sa iyong kaharian."
Na, ang uri ng pag-ibig ay hindi kinakailangang makita na siya ay naging makasalanan, siya ay magnanakaw, na marami na ang kanyang ipinagkasala kung hindi naroroon bawa’t kanyang ginawa ay pangangailangan upang ang kanyang landas ay ay tumungo at mapatungo doon sa perpeksyon sapagka’t iyan ay pagbubukas sa kamalayan ng isang kaluluwa o ng isang Espirito. Kaya nga at ang naging kasagutan, "Ngayon din kakasamahin kita at ipagsasama sa aking paraiso."
Iyon ang pag-ibig na nagpapadamang hindi dapat na makakita at bigyan ng higit na pahalaga sa kanyang ipagkakasala kundi upang magbigay ng liwanag; upang mag-akay mula sa kadiliman at madala sa kaliwanagan. "Ngayon din ay ipagsasama kita sa aking paraiso."
Naroroon din ang bahaging kung saan upang ito ay maganap at maunawaan ng bawat tao ang kalagayan, ang kakayahan, ang dala-dala ng kanyang kabuuan kaya nga at sa sandali ring iyon ipinakita ang dalawang magkasama, ang isang ina at ang isang anak na binigyan ng larawan kung papaanong ito ay kailangang maunawaan na dapat tayahin. Kaya nga ipinangusap, "Ina narito ang iyong anak; anak narito ang iyong Ina".
Mga bahagi ng kalagayang ang ipinakikita ay kahayagan ng isang gawa na ibibigay mo ang dakila at malinis na pag-ibig na wala ka nang sasabihin, "mapagkasala kang Ina, mapagkasala kang ama" kung hindi ang bawa’t isa ay may kakayahan, may yugto at baitang na kinalalagyan.
Lahat ay may halaga at kabuluhan, ang pag-ibig ay hindi nagtatangi
Kapwa mo ito tanawin, kapwa mo ito pag-aralan, kapwa mo ito timbangin sapagka’t ang pag-ibig hindi nagtatangi at hindi kailangang magtangi upang mayroon kang itakwil at mayroon kang lingapin at arugain kung hindi lahat ng ito kukunin mo sapagka’t ang lahat ay may halaga at may kabuluhan sa ibabaw ng lupa.
Kaya nga, at may iisang batas na kinapapalooban: ang batas ng pagsulong. Naroroon pa rin upang bigyan ng susog na ang uri ng pag-ibig ay hindi kinakailangang makakita ng iyong ipagkakasala; hindi ka hahatol, hindi ka susukat. Kaya at ano ang pangungusap, “Sa hatol at panukat na iyong ibibigay doon ka rin susukatin at doon ka rin hahatulan.”
Mga bahagi at kalagayan ng iisang kaalaman at karunungang nagbibigay at bumubuo upang bigyan ng timbang at halaga ang bawa’t galaw ng tao na kung saan madarama at makikita kung nagkukulang.
Tanawin mo ang iyong sarili hindi ka ba nagkukulang? Wala ka bang pinagkukulangan? Kaya at, doon sa babaing iniharap na ipatutupad ang batas na ang magkasala ay babatuhin hanggang sa ito ay mamatay, ano ang ipinakita upang ipadama?
Ang uri ng pag-ibig na kinakailangang dalhin at ibigay ng tao, "Kung sino ang walang bahid dungis sa inyo kumuha ng bato at batuhin ang babaing ito.” Kung gayon, diyan napapaloob ang bawa’t igagalaw kung may kaunawaan at may bukas nang kamalayan ang bawa’t anak ng Diyos. Kaya at maging sa kautusan, ano ang ibinigay? Mag-ibigan kayo sa isa at isa.
Na, kailanman di ipinamatang siya ay kaaway mo, huwag mo siyang ibigin. Siya ay gumawa sa iyo ng hindi karapat-dapat, kailangang siya ay itakwil. Siya ang umiibig sa iyo. Siya ang gawan mo ng mabuti at siya mong pakitaan ng pag-ibig... kung hindi ang pangungusap: “mag-ibigan kayo sa isa at isa.” Naroroon pa rin ang pagpapatotoo, kapag binato ka ng bato gantihan mo ng tinapay.
Lahat ay ipinadamang hindi kailangang makakita ka ng iyong ipagkakasala sa galaw, sa gawa, sa kilos ng iyong kapwa ay mapopoot ka, magagalit ka, magdaramdam ka, magtatanim ka ng sama ng loob, kikimkimin mo at kikipkipin sa iyong isipan na itatangi mo ang iyong sarili at itatakwil mo ang mabuting naroroon sa puso ng iba.
Masama ang kanyang ginawa; hindi karapat-dapat ang kanyang ginawa, wala sa katwiran, at wala sa matuwid ang ibinigay ng iyong kapwa. Kaya at, ang pangu-ngusap, "Hindi lamang ang umiibig sa iyo ang iibigin mo kung hindi iibigin mo sampu ng iyong kaaway."
Hindi ba iyan ay mga katotohanan at larawang nagpapatotoo at nagpapatibay sa uri ng pag-ibig na kinakailangang matanaw sapagka’t sa bawa’t iyong makikita, sa bawa’t kahayagang magaganap sa sandaigdigan, sa iba at ibang uri ng galaw at gawa ng tao makita mo man ito kailanman hindi mo na makikita pa ang iyong ipagkakasala.
Kaya nga maibibigay na nang buong- buo ang pag-ibig na bukal sa iyong puso, nang walang pag-aalinlangan, kaya mo na siyang paglingkuran, kaya mo na siyang lingapin, kaya mo na siyang arugain bagaman ikaw ay ginawan nang hindi matuwid sapagka’t ang pag-ibig na dala mo, anoman ang makita mo, anoman ang ibigay sa iyo hindi magiging sapat upang ikaw ay magkasala.
Naririyan ang malinis na puso, naririyan ang matuwid na pag-iisip, naririyan ang matimyas na dala ng damdamin na hindi nakasalig sa mababang alitigtigin; naririyan ang bukas na kamalayan na ang bawa’t isa ay anak ng Diyos, na ang bawat isa ay nilalang ng Diyos may bahagi ng kanyang pagka-Espirito.
Na, kaya lamang nakagagawa nang hindi naa-ayon sa panlasa, sa paningin, sa pandama ng iyong kapwa ay sapagka’t may kani-kaniyang antas at kani-kaniyang kakayahan na dala-dala bilang baitang ng kanyang karunungan at kaalaman at ng magnetismo o lakas na kanyang tinataglay. Kaya at iisa ang kahingian ng isang Hesus o ng bugtong na Anak, "Patawarin mo po sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."
At ito ay dumating nang Siya ay nauhaw na bagaman naroroon sa isang mataas na kaantasan ay ipinadama pa ring ang pintigin ng laman ang iiral, ang Kanyang wika," Ako ay nauuhaw."
Na, sa Kanyang sarili at sa Kanyang kabuuan ay kumpleto sa Kanyang paglalarawang hindi na kailangang makadama at hindi na kailangang ipamalay na magigising ang makalupang damdamin at alitigtigin sapagka’t alam Niyang hindi maibibigay at hindi matatanggap kung ano ang ibig mo siya mong tatanggapin.
Kaya at ang bahagi ng pag-ibig na ipinangusap bilang magandang katangian, hindi hinahanap ang kanyang sarili. Ano ang ipinagkaloob sa kanya? Ang suka at ang apdo na siyang naging bahagi ng Kanyang pangungusap, " Ama naganap na."
Ganito ang kanyang kahalagahan kaya at kung mauunawaang ito ang kabuuan at uri ng pag-ibig na kinakailangang mataglay ng bawat isa, sino pa ang maliligaw! Sino pa ang gagawa ng liko? Sino pa ang mananatili sa kadiliman!
Marahil ay wala na, sapagka’t, ang kabuuan ng kaangkinan at katangian ng isang Espirito pumapantay na at nakikipagkaisa na sa pag-ibig na dala-dala ng Ama at ng Panginoon na kailanman wala nang makikita na dapat ipagkakasala.
Sa ganyan ko ngayon nilalagom ang uri ng pag-ibig upang sa inyong karanasan sampu ng ganyang kalagayan madama ninyo at may mabuo kayong saligan kung makita ninyo ang bawa’t pangyayari hindi na ninyo gigisingin; ang inyong damdamin, ang inyong isipan, upang kayo ay makabuo ng mababang alitigtigin na siyang magtutulak upang ang tao ay makagawa ng hindi karapat-dapat at sa huli upang mabigyan ng katatagan ang uri ng pag-ibig na ito, "Ama sa mga kamay mo inihahabilin ko ang aking Espirito".
Sa ganyan ngayon nabubuo kaya at sa inyong karanasan kung ito ay i-aangkop, ano ang mawawala at kinakailangang mawala upang maganap ang uri ng pag-ibig na kailanman hindi na ninyo makikitang iyon ay mali, iyon ay liko kung hindi iyon ay karapat-dapat sapagka’t naroroon pa siya sa panimulang baitang kaya at iyon ang kanyang nagawa.
Na, iyon ay pagpapatotoo at pagpapamalay na nakikita ninyong hindi karapat-dapat, sapagka’t, wala na kayo sa ganoong baitang na hindi mo kailangang pumantay at umagapay upang humatol na ipagkakasala mo sapagka’t magigising ang isang pintiging mapopoot ka, ano ang gagawin mo? Maghihiganti ka.
At ang paghihiganti ay hindi mabuti ang iyong mabubuo kung hindi ang iyong paghihiganti ay doon din sa liko, sapagka’t, dala mo ang galit, dala mo ang poot, dala mo ang lahat ng hindi magandang pakiramdam.
Hindi ba magiging maliwanag ang iyong isipan; wala nang bigat na dadalhin ang iyong kalooban, ang iyong puso, sapagka’t natatanggap ninyong ang isinasagawa, ang iginagalaw ng iyong kapwa?
Kaya at ang bahagi ng kaangkinan at katangian ng pag-ibig... ang wagas na pag-ibig ang lahat ay tinatanggap; ang lahat ay binabata, hindi kailanman nagiging palalo, hindi kailanman nagtatangi.
Sapagka’t bawat bahagi binibigyan ng magandang larawan at binibigyan ng kani-kaniyang katwiran upang kung tumanggap ng matuwid ang isa, tatanggap din ng matuwid ang isa. At mula doon ang pagtitimbang sa kapwa ay nilalagyan ng magandang kadahilanan at iyan ang pag-ibig ng Diyos.
Kaya nga, ang masama at mabuti kapwa binibigyan at tumatanggap ng Kanyang dakilang biyaya. Ito ang aking sa inyo ay inihahatid bilang isang mababaw na lagom upang maunawaan ninyo kung ano ang mababaw na uri ng pag-ibig ayon sa paggamit ninyo sa inyong pakikipamuhay sa sanglibutan.
Maghari nawa sa inyong mga puso at sa kalaganapan ng bawa’t tao ang tanglaw ng liwanag, kababaang-loob at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam.
Lunduyan Lualhati sa Dios sa Kataastaasan
Parlante, Kapatid Rebecca A. Dungo
Comments
Post a Comment