2018-12-08, Rebecca

2018-12-08, PRO ISA-RAD

Liwanag at pag-ibig na buhat sa iisang Ama at sa kanyang bugtong na anak ang maghari sa lahat at bawa’t isa!

Ang kalagayan at kahayagan ng bawat pangyayari sa Banal na Aklat na, ang pagkakabuo ay dahil sa taglay na kaantasan ng bawa’t Espirito na sumulat at binigyan ng karapatan upang maisulat ang buod ng baitang na ang inilarawan ay ang kalagayan ng mga espiritong nakipamuhay sa sandaigdigan.

Samakatwid, ang Banal na Aklat ay kasaysayan ng bawa’t kaluluwa o Espirito na taglayin ng tao. At dito ngayon ay nakapaloob ang bawa’t buhay ng mga anak ng Diyos. Isang buhay na ang pinaglagyan at pinagsalalayan ang layunin, adhikain, ang ganapin, ang tuparin at lalakaran ng pag-ibig.

Sapagka’t ang pinanggalingan at pinagmulan ay kawagasan doon kinakailangang magbalik ang isang kaluluwa o isang Espirito. At iyan ang lalamnin at siyang buod na inihayag at inilahad ng Pasko sa sandaigdigan.

Ito ngayon ay nabubuo sa maraming tauhan. Mga tauhang siyang gagalaw, siyang magsasagawa, siyang magpapakita upang makilala at maunawaan kung gaano kadakila ang pinagmulan gayundin padadakilain ang kanyang lalakaran magiging dakila ang kanyang hantungan.

Ito ngayon kapag binuli upang suriin, saliksikin at pag-aralan hindi maaring hindi i-ugnay ang kasaysayan sa paraiso na, naroroon ang simula upang may buhay na isilang. Na, sa kanyang pagsilang ipakita kung ano ang halaga ng kalagayan ng karapatan upang ang pangako ay makamtan, ang perpeksyon.

Isang Adan at isang Eba na ang payak na pagkakilala ay laman at kaluluwa. Nguni’t sa katotohanan ang Adan at Eba ay sagisag at simbolo ng kaangkinan at katangiang dala ng Diyos, angkin ng Diyos na siyang ipinaloob upang palihin at pandayin sa sandali na ilagay sa kani-kaniyang antas at ito ang bahagj ng pagka Espirito ng Diyos na ibinigay sa tao.

Ito ngayon ay bahagi, sapagka’t, kailanman ay hindi mabubuo at mararating nang buong buo ang diwa ng Pasko. Pahapyaw na sa inyo ngayon ay bubuksan upang sa pamamagitan nito may isip na maglalaro, may diwang mangangarap at mag-aadhika, may pusong maghahangad na matamo niya ang kalinisan upang ang tunguhin ay ang kawagasan.

May isang kaluluwang magpapatotoo na ang hiram na buhay ang siyang pinakadakilang sangkap upang madama kung ano ang Diyos, kung sino ang Diyos, kung ano ang kakanyahan at kaangkinan ng Diyos, kung paano ang kahayagan ng Diyos ay aangkop at uugnay sa lahat at bawa’t isa may buhay at walang buhay.

Dito ngayon magsisimula ang balangkas ng kasaysayan na, ang ilalarawan at isasabuhay ang adhikain ng Diyos, ang ipadarama at ipakikita kung paano aangkinin ng isang Espirito ang kawagasan at kadalisayang naroroon ang kabuuan ng Diyos. At upang ito ay matupad kinakailangang ang tauhang maghahayag, ang tao.

Isang taong ipakikita kung paano binuo, kung paano bubuuin upang ang mag-angkop ang bawa’t layunin tungo sa perpeksyon. Kaya nga at, ang kailangan may kongkreto na mahayag sa sandaigdigan sa pamamagitan ng isang sanggol na isisilang.

Sanggol na bahagi ng dala-dala ng isang Espirito na kapag inilagay sa lupa bibigyan ng kanyang tatahanan, hindi ang mundo kundi ang isang katawan. At kung may langkap na katawan naroroon ngayon ang bawa’t kailanganin ng isang kaluluwa upang maabot ang kawagasan ay kailangang may maghayag na magiging katugma ng lupa na kanyang tatahanan.

Kaya nga, laman (body/flesh) na kinuha mula sa lupa kawangis niya, katulad, kaisa ng sangkap-- laman at lupa magkatulad ng lakas, ng magnetismong kanyang dala-dala at nadadala.

Ngunit ang balangkas at hakbangin ng isang Espirito ay hindi mananagumpay kung laman lamang ang siyang mabubuhay sa lupa kaya at kailangan niya na mayroon ng sa kanya ay ihahandog, at ito ang kaluluwa.

Datapwa’t, hindi sapat na ilagay ang isang kaluluwa kung walang dinadalang katangian at kaangkinan, sagisagin sapagka’t siya ay magiging katulad lamang ng isang limpak na laman (flesh).

Dahil dito, ang kaluluwa ay sinangkapan bilang kanyang sagisagin ng: pag-iisip, damdamin, at kalooban. At doon ngayon nagsama, nag-isa, nagsanib ang laman at ang kaluluwa upang may tao o sanggol na isilang sa lupa.

Dito ngayon magsisimula ang kasaysayan ng isang Espirito mula sa pagtatagpo, pagsasanib o pagkakasundo ng kanya rin na sariling buhay, ng isang Maria at ng isang Josep na ang sa kanila ay nagbibigkis ang pag-ibig.

Ang pag-ibig na ito ngayon ang siyang dala-dala ng tao sa kanyang pagsilang sa ibabaw ng lupa. Pag-ibig na kinakailangang ihayag, pag-ibig na kinakailangang ihantad, pag-ibig na kinakailangang ilabas.

Ang Hesus ay sagisag ng tuparin, tungkulin at ganapin ng isang kaluluwa

Sapagka’t iyan ang kailangang makita, isasabuhay, lalakaran, gaganapin ng mga anak ng Diyos at iyan ang Hesus na sagisag at simbolo ng tuparin, ng tungkulin, ng ganapin ng isang kaluluwa na kinakailangang magkaroon ng daan atkahayagan sa lupa sa pamamagitan ng kanyang karanasan.

Iyan ang pagbubuo ng sanggol. Iyan ang uri ng pagpapadamang kinakailangan na maglihi ang isang babae. At ang paglilihi yaon ang mga baitang na lalakaran ng isang kaluluwa na kinakailangang makasumpong ng iba at ibang uri ng kanyang karanasan. Sapagka’t mula sa mga karanasang ito ay doon ngayon gagawa ng mga baitang upang maabot ang kadalisayan na siyang kahayagan ng diwa at buod ng Pasko o Kapaskuhan.

Dahil dito, ipinakita at inilarawang wala ng sinomang gumalaw, hindi nagalaw kaya nga at birhen mula sa kanyang pagsilang, birhen sa kanyang paglilihi at birhen hanggang sa kanyang panganganak.

Sapagka’t gayon ang antas, gayon ang kaangkinang dala-dala at taglay ng isang Espirito. Nguni’t, kinakailangang ito ay madama sapagka’t iyan ang layon ng buhay na siyang kalooban ng Diyos upang makabuo ng kanyang kasaysayan.

Samakatwid, isang pagpapakita at pagpapadama na sa pagbubuo ng karapat-dapat na maangkin ng isang Espirito bago matamo ang kanyang kaluwalhatian kinakailangang may daanan siya.


Na, dahil dito ang simbolo, kinakailangang maglakbay. Naglakbay ang dalawa (ang isang Maria at ang isang Josep) na ang kadahilanan upang magbayad ng buwis sa pamahalaan sapagka’t ang kay Cesar ay kay Cesar at ang sa Diyos ay sa Diyos.

Kinakilangan itong maganap upang ipaunawang doroon sa pangalawang baitang ang kanyang kalagayan: daigdigan ng laman at daigdigan ng Espirito, kaya nga ang kay Cesar ay kay Cesar at ang sa Diyos ay sa Diyos.

Naglakbay na dala-dala da sinapupunan ng isang Maria ang bunga ng adhikain ng isang Espirito dala-dala; ang mithiin, ang layunin, ang kalooban ng Diyos na ilalahad, ihahayag at ipakikipamuhay sa lupa.

Sapagka’t, ito ang kanyang tuntungan, ito ang kanyang baitang, upang ang bawa’t kasaysayan sa pamamagitan ng karanasang ipakikita ang tao ay kinakailangang dumaan sa proseso ng pagtatali at pagkakalag, ng pagkuha at ng pag-iiwan, ng transpormasyon, ng ebolusyon.

Paglalakbay ay sagisag ng sanggol na kailangang isilang

Naglakbay na dala-dala ang bahaging ito na siyang sagisag o simbolo ng sanggol sa sinapupunan ng tao na kinakailangang isilang, kinakailangang iluwal, kinakailangang magkaroon ng bahagi sa sandaigdigan na gagawa ng kanyang kasaysayan.

Na, dahil doon ang kalagayan ng kanyang magiging karanasan, pagtatali, pagkakalag, pagbubuo, pagwasak, pagkuha at pag-iiwan upang may bakas na makita. Kaya nga, sa sandali ng Kanyang pagsilang upang ganapin ang lahat ng ito walang tahanang sa Kanya ay tumanggap.

Mga proseso ng perpeksyon at pagpapakawagas

Sapagka’t yun ang magiging kalagayan ng buhay ng bawa’t tao, na, ang bawa’t kahingian bilang proseso ng perpeksyon at pagpapakawagas, kinakailangang dumaan sa lahat, kinakailangang madama ng lahat, kinakailangang umangkop sa lahat, kinakailangang dalhin at taglayin ng lahat.

Sapagka’t, ang kabuuan nito naroroon ang bawa’t bahagi ng buhay siyang magiging daan ng paghubog sa dakilang sandigan--karunungan at pag-ibig. Saan ngayon at sino ang nagbigay ng daan?

Kadakilaan ng adhikain ng isang Espirito na lagumin ng iba at ibang uri ng lakas

Ang tirahan ng mga hayop,ang sabsaban na ang pinagsalalayan ang labangan ng mga hayop, kainan ng mga hayop na ipinakikita at ipinadaramang sa paghahayag ng kadakilaan ng adhikain ng isang Espirito kinakailangang siya'y lagumin ng lahat at iba at ibang uri ng lakas.

At kung ito ngayon ay isang pangangailangan sadyang ang marapat doon sa sabsaban, doon sa mga hayop sapagka’t ang magiging misyon ay; palihin at pandayin, pinuhin ang kagaspangan, i-angat sa mababang kalagayan, ipadamang sa pamamagitan ng kanyang materya, na, hindi ngayon at siya ay kinuha sa lupa mananatili na siya ay naroroon at dala-dala ang kabuuan ng laman o gaspang.

Kung hindi ang kinakailangan, mula sa mga bahagi ng mga karanasang ito ang pagkain ng hayop, iba at ibang uri ng damdamin, iba at ibang uri ng kapaniwalaan, iba at ibang uri ng diwa, ng kaantasan, ng kakayahan na mayroon ang bawa’t isa na dapat madama ng laman sapagka’t maging ang laman ay kailangang magkaroon ng transpormasyon.

Ang mga baitang ng ebolusyon at transpormasyon ng laman

Mula sa magaspang tutunguhin ang pagbabago upang makitang nagkaroon ng kapinuhan upang mag-angkop at maglangkap ang taglay na katangian ng Espirito sapagka’t ito ay magiging repleksyon na mamamasdan sa kahayagan ng pisikal na katawan na siyang tahanan at bahay ng isang kaluluwa.

Kung ito ngayon ay kailangang dumaan sa baitang ng transpormasyon, hindi ba naririyan lalangkap at aangkop ang ebolusyon, sapagkat, ang ebolusyon, ang transpormasyon ay magka-alinsabay at magkatimbang ng pagkuha at pagdaan ng laman, ng isang kaluluwa, ng isang Espirito upang magkaroon ng pag-angat, ng pagsulong upang ito ay magtugma na katulad ng kahayagang inilarawan sa buhay at kasaysayan ng isang Hesus.

Ang materyang kanyang ginamit ay angkop doon sa kalagayan ng antas ng Kanyang Espirito, ang patotoo ay nang Siya ay mamatay at inilibing wala magaspang na materyang natunghan sapagka’t sadyang walang gaspang. Ano ang tanging nakita?

Isang patotoo na may naiwan, may nakipamayan sa lupa, may tinalian sa lupa, may kinalagan sa lupa, ang panyo na natunghan ng isang Magdalena at ng kanyang isang alagad. Kung gayon, sa kasaysayang ito doon ngayon ninyo i-angkop ang diwa, ang buod ng Pasko.

Pasko ay sagisag ng kapayapaan ng isang Espirito sa ibabaw ng lupa

Kung ang Pasko ang sinasaklaw ay ang buod ng pagpapakadalisy, ng pagpapakawagas, ang kaluwalhatiang ito ay kailangang madamang may dadaanan ka, may ipananagumpay ka, may mahuhubog ka, may mabubuo ka upang ang kaalaman ng tao ukol sa kahuluganng Pasko, kapayapaan ng isang Espirito ay maganap sa ibabaw ng lupa.

At ang kapayapaang ito ay hindi katulad ng pagkaalam ng tao na kapag ang buhay ay walang suliranin, kapag ang buhay ay walang mabigat na dalahin, kapag ang buhay ay walang pagsubok na dadaanan yon ang kapayapaan. Nguni’t ang kapayapaan ay pakikidigma, pakikipagalitan. Saan?

Ang kapayapaan ay pakikidigma, pakikipag-alitan sa alititigin ng laman

Sa altigtigin ng laman at sa dala-dala ng kaluluwa. Mag-aalitan, magdidigmaan ito upang ang tunay na kapayapaang kinakailangang itayo sa buhay ng isang kaluluwa ay makamtan niya, makuha niya.

Kaya nga ang pangungusap ng Panginoon, ang kapayapaang inihandog ay hindi katulad ng kapayapaang iniiwan ng sanlibutan, sapagka’t, ang kapayapaang inihandog ng isang Hesus ay ang pakikipamuhay na dala-dala mo ang iba at ibang uri ng damdamin na hindi karapat-dapat para sa nagtataglay ng kawagasan at kabanalan. Nguni’t, kailangan sapagka’t iyan ay baitang na magpapadama kung gaano katamis ang managumpay.

Dahil dito, dala ng tao ang iba at ibang uri ng emosyon o damdamin; galit, poot, sama ng loob, paghatol, pag-alipusta, naroroon ang takot, ang kagulumihanan, ang pangamba na kinakailangang mapalitan ng pang-unawa pagpapaumanhin.

Ng pagpapatawad, ng pagmamahal, ng pag-ibig at iyan ang siyang kabuuan mababaw na kabuuan bilang buod ng Pasko na ang kanya pa ring kaalinsabay ang pagbibigayan upang ipakilalang iisa ang utos, hindi bago, hindi luma, “Mag-ibigan kayo sa isa at isa.”

Pagbibigayan at pagbibigkis ng laman at ng kaluluwa tungo sa isang mithiin

Na, ang pagbibigayang ito ay kahayagan ng pagtatali, ng pagbibigkis ng laman at ng kaluluwa na naroroon ang pagbibigayan ng laman at ng kaluluwa upang sa iisang mithiin doon sila kapwa lumakad, sa iisang adhikain doon sila kapwa lumandas, sa iisang mithiin doon sila kapwa mabuo.

Sapagka’t ito ang pangangailangan upang ang kasaysayan ng isang kaluluwang binigyan ng karapatan upang makipamayan sa lupa sapagka’t naroroon ang tunay na kalayaan na siyang pag-ibig ng Diyos, lakaran, isakatuparan ng tao.

Hindi ayon sa kung ano ang ibig ng Diyos na Kanyang itatakda ,kung hindi, upang gamitin ng tao at magamit ng tao ang kaangkinan at katangiang mayroon ang Diyos na ipinagkaloob sa tao bilang bahagi.

Dahilan ng pagbibigay sa tao upang pamahalaan ang sandaigdigan

Gamitin niya sapagka’t ito ay kailangang mapa-unlad, ito ay kailangang malinang, ito ay kailangang maging sagana. Kung gayon, iyan ang dahilan bakit sa tao ibinigay ang kapangyarihan upang pamahalaan ang sandaigdigan.

Ganito ngayon kalawak ang sinasaklaw ng Pasko. Paano ito maaabot ng pahat na diwa ng tao? Paano ito malulusong at masisisid ng bawa’t isa samantalang maging ang may bukas na kamalayan hindi magagap sa kanyang diwa kung ano nga ba ang kailangang maging transpormasyon at maging ebolusyon ng kanyang pagkakilala at pagka-unawa.

Ng karunungan at kaalaman na pinanday at pinali ng karanasan upang ihayag at ipakitang may baitang na kanyang nahakbang at sa bawa’t baitang na ito ay may pagsulong na at pag-unlad na marapat mahantad.

Ang diwa ng Pasko, kawagasan sa pamamagitan ng karunungan at pag-ibig

At ang pagsulong na kinakailangang mahantad ang sukatan ang kahayagan ng isang katawang laman dumadaan sa transpormasyon at naroroon binabalangkas ng ebolusyon na ang kanyang angkupan ang kahulugan ng Pasko, ang buod at diwa ng Pasko - ang kawagasan sa pamamagitan ng karunungan at pag-ibig upang marating ang kaharian ng mga langit na ito ay ang perpeksyon.Iyan ang aking sa inyo ay iniiwan.

Maghari nawa sa lahat at bawa’t isa ang dakilang pag-ibig na siyang katangian ng Ama at ng Kanyang bugtong na anak. Paalam,


Lualhati sa Dios Sa Kataastaasan

Kapatid Rebecca A. Dungo


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia