2018-11-24, Rebecca

2018-11-24, ARK RAF-RAD

Paksa: May proseso ba ang pag-ugnay ng isang talaytayan? Magkatulad ba ang pag-ugnay ng talaytayan sa pakikipagabot-diwa at talaytayang nanggagamot?

Liwanag at pag-ibig ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at hanggang sa wakas. Anoman ang simula ng kalagayan at galaw sa kabuuan ng buhay ng bawa't tao sa sandaigdigan hindi maari na hindi may panuntunan o dili kaya ay alituntunin.

Kung minsan ay patakaran na dapat sundin sapagka't kundi gayon, ang katumpakan, àng pagkakatimbang timbang at pag-aangkop-angkop ng mga bagay ay hindi magaganap at hindi magkakaroon ng katagumpayan.

Samakatwid, gaano pa kung ang hinihingi ay ang bahagi at kalagayan ng sagisagin ng isang kaluluwa na, kaakibat ang pintigin o alitigtiging mayroon ang laman na kinakasangkapan ng isang kaluluwa.

Dito man ay may panuntunang ina-alinsunod kabilang ang bahagi ng kanyang kaugalian, ang paraan ng pagdadala ng kanyang sarili, ang pagkakaroon ng kagandahang asal. Kasama rin ang pinakikibagayan, ang kinamulatan o kinagisnan maging ang pinagmulang lahi, kultura bilang kabagayan ng buhay ng tao.

Ito ay mga sangkap at mga bahaging nangangailangang makilala at maunawaan ng isang gumaganap maging ito ay sa kahayagan ng panggagamot o pag-aabotsabi ng isang talaytayan may panuntunan at prosesong kapwa nilalandas, ang kalinisan ng puso, kalinisan at kapayapaan ng pag-iisip, kahandaan ng damdamin sa mga uri ng alitigtigin o pintiging nadarama.

Ang kanyang kalooban na nagsisimpan ng iisang layunin, ang siya ay maging karapatdapat upang panalaytayan ng lakas mula sa pag-ibig ng Ama at sa Panginoon gayundin sa sinomang sa kanya ay ipahihintulot ng Panginoon upang siya ay maging sisidlang hirang ng kabaitan at kabanalan. Ito ang iisang landas na ipinauunawa sa isang talaytayang uugnay.

Sapagka't kung ang kalinisan ng puso ay wala ano ang magaganap? Oo, kung sadyang mayroon ng natangkilik maging sa mga yugto ng nakaraang buhay na karapatan, anoman ang kalagayan ng kaugalian siya ay makapaghahayag, magagamit at mauugnayan ng lakas.

Ngunit anong uri ang mahahantad at mahahayag kung ang kalinisan ng puso at pagiisip, ang katiwasayan ng damdamin at kalagayan ng kalooban ay kulang at wala ng kalinisan? Kaya nga ang isang gumaganap bilang talaytayan lagi ng ito'y isinasagawa sa pang-araw-araw na kanyang kabuhayan, sa pangaraw-araw ng kanyang pakikipamuhay sa lupa.

Dito ngayon napakahalaga ang tamang konsentrasyon, ang tamang pananahimik, ang paglalagay ng damdamin at kalooban doon sa tamang proseso ng pag-ugnay. Sapagka't kung ito ay lilihis ang pagsupil sa mababang pintigin at alitigtigin ng laman ay magiging isang malaking sagabal. Kinakailangan ang madisiplina at mahawakan ng isang pag-iisip ang alitigtigin ng laman upang hindi magkaroon ng sagabal sa pag-ugnay ng talaytayang nag-aabotsabi at ng talaytayang nanggagamot.

Kung gayon ano ba ang tamang proseso na kinakailangang maunawaan upang talimahin at isagawa ng talaytayan sa sandali ng kanyang pagtupad? Paano ito gaganapin? Ang una, maging mababang loob sapagka't sa pamamagitan ng kababaang loob magagawang iwaksi ang galit, ang sama ng loob, ang pagdaramdam sa halip babalutin ang puso ng pang unawa, pagpapaumanhin.

Matatanggap anoman ang masasakit na salita, ang uri ng galaw na sa kanya ay ibibigay ng dahil sa pagkakaroon ng mababang kalooban sapagkat mas makahihigit ang pagmamahal at pag-ibig na hindi magpapahintulot na kung siya ay sinaktan siya man ay mananakit din.

Iyan ay isang uri ng hakbang upang mapuno ang puso ng kalinisan. Kung iyan ngayon ay maganap magiging ugnay sa isang pag-iisip sapagka't ang laman ng puso ang siyang kinukuha, naihahatid at tinatanggap ng pag-iisip.

Datapwa at kung ang puso ay punong puno ng kadiliman ito ang dinadala sa isang pag-iisip at nakukuha ang lakas, ang bibrasyon na ipinagkakaloob sa isang pag-iisip. At kung ito ngayon ay makuha magtitimbang ang uri ng dala ng puso ay titimbang din sa pag-iisip. At kung ano ang bahaging nakahihigit yon ang ihahayag ng pagkatao bilang kanyang isasagawa at kanyang lalakaran.

Kung ganito ang magiging kalagayan ng pag-ugnay ng isang talaytayan, sa marunong kumilala at magsuri sa uri pa lamang ng tinatanggap na aralin; sa hagkis at tono ng pangungusap, sa diin ng pagbibigay at paghahayag ng aralin madarama na ang prosesong kanyang nilakaran ay hindi angkop.

Hindi tugma hindi ugnay at hindi timbang sa proseso na ang kahingian ay ang kalinisan ng puso, kalinisan at kapayapaan ng pag-iisip sapagka't may talim,may kataasan na hindi bahaging daladala ng sinugong sa talaytayan ay kumakasangkapan na mahinahon.

Dito ngayon nasisinag kung paano ang naging paghubog ng isang talaytayan sa kanyang sarili na hindi isinasaalang alang ang kanyang kalagayan maging ang pisikal na katawan lalo na ang sagisagin ng kaluluwa. Ano ang nagiging daladala? Ang kataasan sa kanyang sarili at ito'y hindi prosesong kinakailangang lakaran ng isang talaytayan.

At ito ay bahaging nagiging maselan sapagkat nagaganap ang pandaraya at panlilinlang. Ngunit kaylanman hindi ang sinugo ang siyang nandaraya kundi ang kalagayan ng pag-iisip, ang kalagayan ng puso at kalagayan ng sagisagin ng kaluluwa na ang dahilan ang pintigin at alitigtigin ng laman ay hindi angkop sa kahingian bilang proseso na dapat isaalang alang ng talaytayan.

Kung gayon, gaano ito kahalaga? Ang pag-iisip sa sandali ng pag-ugnay naroroon ang kaalaman ng isang talaytayan na hawakan kahit kaunti alam niya kung paano disiplinahin ang kanyang pag-iisip.

Paano ito magagawa? Kung paano ang paglilinis sa puso ay kinakailangan din bilang isang proseso ang kalinisan ng pagiisip. Paano ito mangyayari? Sa sandali ng pag-ugnay at pananahimik ng isang talaytayan hindi sa oras lamang na gaganap doon lamang mananahimik, doon lamang sisimulang supilin ang kagulumihanan.

Ang kaguluhan at kadiliman ng pag-iisip kundi sa araw-araw sinisimulan niyang bigyan ng disiplina ang kanyang pag-iisip. Na, kung mayroon man itong daladalang bigat ukol sa buhay ito ang pagsisikapang pag-aralang matutuhan; ang pag-iisantabi at paglalagay ng bigat na ito doon sa isang kalagayang ang lahat ay isasalalay hindi sa kanyang magagawa lamang kundi doon sa magagawa ng kaitaasan.

Dito ngayon pumapaloob ang pananampalatayang hindi siya pababayaan; hindi siya ang gumaģawa, lalong hindi siya ang nag-iisip kung ano ang ibibigay at maibibigay na aralin sa mga mag-aaral. Ito ang karaniwang nagaganap sapagkat hindi alam ang proseso na kinakailangang kanyang talimahin kaya at naghahanda sa kanyang sarili, nagbibihis sa kanyang sarili ng mga paksain at mga araling dadalhin ng kanyang pag-iisip.

Binubulay ng pag-iisip ang isang paksa na hindi kaloob kundi buhat sa kanyang sariling paksa. Hindi ito kabilang sa proseso ng pag-ugnay, sapagka't; ang tanging ihahanda ng isang talaytayan ay ang kapayapaan ng kabuuan ng katauhan, ihahanda at pagsisikhayan na mapagningning ang liwanag ng diwa' ihahanda sampu ng laman na walang dinadalangg sakit, labis na kapaguran at panghihina ng katawang laman sapagka't nagkukulang ng lakas upang maitaguyod ang pakikipag-ugnay.

Ang lahat ng ito ay kinakailangang kanyang ibaba upang hindi siyang mamaibabaw sa kanyang kalagayan. Kung gayon bahaging nagiging mabigat para sa isang talaytayan sapagkat ang mag-alis ka ng isang mabigat na alitigtigin.

Oo, sadyang mabigat ngunit kinakailangan sapagkat yan ay isang proseso o panuntunan kung ibig ng isang talaytayang magkaroon nang maayos at tumpak na pag-ugnay doon sa sinomang isusugo ng Panginoon, ito ang bahagi na sadyang hindi madaling isagawa.

Kaya nga, ang isang talaytayan ay naglalaan ng oras para sa pananahimik. May ilalaan siyang panahon upang sanayin ang kanyang pag-iisip, damdamin at kalooban na maging matiwasay, iyan ay isang proseso.

Isang panuntunan bilang kahingian upang maging tama at ganap ang pakikipag-ugnay sapagkat ang inu-ugnayan iba sa kanyang dala na may bahagi ng kagaspangan samantalang ang sa kanya ay uugnay nagdadala ng kadalisayan at pinong lakas.

Kaya nga at isang proseso ang pagbabawas ng magaspang na alitigtigin ng kanyang pagkatao. At ito ay nakukuha mula sa pagkilala sa kanyang sarili... kung ano ba ang kanyang inuugali, paano ba siya nakikitungo sa kanyang kapwa.

Paano ba siya nangungusap at nagbibigay ng pangungusap at salita sa kanyang kapwa? Paano ba siya nagbubuo sa pamamagitan ng kanyang pag-iisip sa bawat kanyang nakikita?

Paano ba niya inilalagay ang tungkulin ng pag-iisip, ng damdamin, ng kalooban upang maging timbang ang kalinisang kinakailangan ay siya ring maging repleksyon sa bawa't sagisahin ng kanyang pagkatao?

At kung ito ngayon ay maging timbang; anoman ang kanyang makita, marinig, maamoy, madama maging ito ay magaspang pangit at hindi karapat-dapat nguni't ang sagisagin ng isang kaluluwa ay nasanay, napali, nalinang sa gawi ng pagpapakalinis at pagpapakadalisay anoman ang kanyang makita hindi kailanman mahahayag.

Kung ito ay kapangitan hindi mahahayag ang kapangitan, sapagka't, ito ay napapalitan ng malinis na lakas at malinis na pusong siyang alitigtiging nagaganap sa isang talaytayan. Kaya nga ang maging talaytayan ay hindi mabigat kung marunong tumalima, umalinsunod at unawain ang kahingian na dapat niyang gawin.

Kaya nga at bahagi pa rin ng proseso handa siyang magpakasakit; magsakripisyo ng kalayaan ng laman, kalayaan sa pangungusap na ang kanyang pagkakilala ay malaya na ipangusap ang lahat, malaya na ihayag ang laman ng kanyang pag-iisip anoman ito.

Naririyan ang pagpapakasakit, ang sakripisyo, sapagka't' ibig mo man na ihayag kung ano ang laman ng iyong puso isasa-alang-alang ng isang talaytayan, makasasakit ka ba ng damdamin ng iyong kapwa? Ano ba ang ibubunga ng pangungusap na iyong ibibigay sayong kapwa? Paano mo ba ibibigay at ipadarama ang hagkis ng iyong.pagiisip?

Iyan ay sakripisyo sapagka't sinusupil at pinag-aaralan na supilin ng isang talaytayan ang kanyang damdamin, ang laman ng kanyang puso, ang nabubuo sa kanyang pagiisip sapagkat ang kinakailangang higit na mabuo ang pag-ibig.

Iyan ang higit na kinakailangang mataglay ng isang talaytayan at naroroon ang prosesong daladala bilang kahingian sa sandali ng paghanap ng isang talaytayan. Nag-uugnay ang karunungan at pag-ibig, nagtatambal ang karunungan at pag-ibig na kung ang gaganapin ay ukol sa abot-sabi.

Karunungan ang siyang pinahihigit, nguni't, naroroon pa rin ang katimbang na pag-ibig dangan na nga lamang karunungan ang siyang nakahihigit sapagka't ang diwa ang nakikipag-ugnay sa isipan, diwa ang nakapaloob kaya nga karunungan ang siyang nakahihigit nguni't naroroon pa rin ang pag-ibig.

Ngunit sa isang gumagamot ang nakahihigit ay pag-ibig sapagkat ang ibibigay mo ay ang lakas upang maipagkakaloob ang tamang magnetismo, ang karapatdapat na kalunasan sa isang may karamdaman upang maibsan ang kirot na dinarama ng laman kaya nga ang nakahihigit ay pag-ibig at ang kahigtan ng pag-ibig na ito ay siyang ipagiging produktibo upang ang lakas ay madama ng isang may karamdaman at siya ay tatanggap ng kaginhawahan.

Ngunit kalakip pa rin ang karunungan sapagka't sa bahagi ng pakikipag-ugnay naroroon ang karunungan, ang kaalaman at kabatiran ang siyang nakapaloob. At sa isang gumagamot kailangan ito sapagka't sa pag-ugnay may iisang sangkap at iisang kalagayang hindi ginaganap ng isang talaytayan sa pamamagitan ng pakikipagabot-diwa. Ano ang bahaging ito?

Ang bahagi ng pakikipag-ugnay at pakikipag angkop sa kalikasan, sa kalagayan ng kapaligiran. Na, dahil dito ang isang gumagamot gumagalaw sa tatlong bahagi. Umuugnay ang diwa doon sa mga lakas na buhat sa mga sinugo.

Na, sa kanyang pag-ugnay ito ngayon ay ipinadadaloy at hinahayaan niya na makapanalaytay sa kanyang katauhan. At kung ito ngayon ay madama na naroroon na ang pakikiisa ng dalawang ito.

Ang pakiki-isang ito ang siyang gagamitin upang makahalina at makabalani ng lakas sa kalikasan, sa kanyang kapaligiran sapagkat iyon ang siyang sa kanya ay makapagbibigay ng daan upang mahapit at mahalina ang dapat na maging kalunasan na maipadadaloy at maipagkakaloob doon sa isang may karamdaman.

Kaya nga ang pangungusap ng iba, "Bakit ganyan parang tao ang siyang nangungusap at hindi ang Batlaya." Ito ay mga bahaging mababaw. Napakarami pa. Isa lamang ang siyang sa inyo ay mabubuksan upang maging prosesong tatalimahin at aalinsunurin ng isang talaytayan.

Nguni't damhin ninyo sa inyong mga puso, kalinisan pa lamang ang nabuksan, nguni't, gaano na ang haba at lawak na kanyang sinaklaw? Kaya bang tapusin ng isang araw? Kaya bang gampanan at isagawa sa loob ng isang taon?

Hindi habang may buhay, habang nasa puso mong ikaw ay gaganap bilang isang talaytayan hanggang kamatayan, hanggang sa kabilang daigdigan dala dala mo ang prosesong ito, ginawa mo ang prosesong ito.

Isinabuhay mo ang prosesong ito kaya nga at sa bawat yugto ng buhay ng isang kaluluwa, ang kalinisan naroroon nadadalisay at iyan ay bahagi kung bakit ang pangungusap ng banal na aklat may bahaging mula pa sa kanyang pagsilang sapagka't nagampanan na naisagawa.

Na sa bawa't yugto ang pagpapakasakit upang linisin, upang pawagasin ang kabuuan ng sagisagin ng kanyang kaluluwa na ito ay magiging repleksyon, sapagka't, siya ngayong ihahayag ng isang pagkatao na ito ay hindi maaring hindi makita.

Kung gayon, ang galaw ng isang laman mula sa pangungusap, sa kanyang pakikitungo sa kanyang kapwa nadarama mo ngayon ang kabaitan, ang kabusilakan at kalinisan sa kanyang puso, sapagka't, sa bawa't yugto ay ginampanan at isinagawa ang proseso ng paghuhubad ng karumhan ng kanyang pagkatao.

Ito ang aking sa inyo ay iniiwan at hanggang dito ang akin sa inyo ay maibibigay. Maghari nawa sa lahat at bawa't isa ang tanglaw ng liwanag, ang dalisay na pag-ibig ng Ama at ng Anak ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam..

Centro Lualhati sa Dios sa Kataastaasan

Parlante Kapatid Rebecca A. Dungo



Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia