2018-09-16, Rebecca
Kapayapaan, buhat sa mga langit ang maghari sa inyong mga puso, ngayon at hanggang sa wakas.
Iisa ang ninasa ng Diyos na maging kalagayan ng bawat nilalang na sa kanyang puso itinuring Nya na kanyang mga anak, ang isang buhay na maganda at mabuti. Dito ngayon ang landas na pinaglagyan sa bawat tao na ang ibinalot at ipinagkaloob ay kalayaan upang ang tunguhin ay pagsulong.
Datapwat sa kalagayang ito kailanman, hindi itinali ang nasa ng puso ng bawat nilalang upang sa kanyang pakikipamuhay at sa kanyang kabuhayang panglupa hindi siya maligaw.
Hindi siya makaalis sa ninasa ng puso na kalagyan ng buhay ng kanyang mga anak maganda at mabuti ngunit ang kalayaan naroroon lagi sa kamay, sa magagawa, sa panga-pangarap, sa ninanasa ng isipan, ng puso, ng kabuuan ng katauhan ng bawat tao.
Kung gayon, ang kaligayahan ay nakasalalay at nakasalig sa kung ano ang dala ng puso, ang adhikain ng puso, ang pangarap ng puso, ang ibig marating at ibig maabot ng puso ng bawat tao.
Naroroon ang saligan upang matamo ang tunay na kaligayahan, samakatwid, iba-iba. Kung sa materyal, ang estado ng kabuhayan ng tao ay nagdidikta, nagtatakda kung ano ang kaligayahan na ibig niya na kanyang matamo.
Ang naroroon sa pinakamababang estado ng kabuhayan, kulang sa lahat ng bagay mula sa kanyang kakainin, sa kanyang titirhan, sa kanyang susuutin, sa kanyang mga panganga-ilangan ukol sa lupa kapag kanyang naabot at kanyang nakuha, kanyang nakamtan katotohanang iyon ang magiging tunay niyang kaligayahan.
Kapag ang estado ng kabuhayan ng isang tao ay naroroon sa kalagitnaan kahit papaano nabibili ang ibig niya, minsan ay nawawalan at nagkukulang ngunit ganun pa rin ang kalagayan kapag may minithi at ninasa ang puso na kanyang natamo, ang kaligayahan ay kanya nang dinarama at ipinagpapasalamat ito ay kanyang nakuha.
Sino ang napakahirap at napakabigat na magtamo ng kaligayahan lalo pa panatilihin ang kaligayahan sa kanyang buhay? Yaong naroroon na sa kasukdulan ng kanyang yaman, naroroon na sa pinakamataas na kalagayan ng kabuhayan na maari nyang paglagyan. Ito ang napakahirap paligayahin.
Ito ang napakahirap na bigyan. Ito ang napakahirap na bahaginan bagaman hindi mo malalahat sapagkat hindi ang lahat ay magkakatugma at magkakapantay ng kanyang kaugalian na kung nasa itaas naroon din sa itaas ang kanyang kaugalian.
Kung ito ngayon ang siyang larawang ipinakikita, ang mayaman na naroroon na ang materyal na bagay ay kanya na at nagiging sagana, paano ngayon ninyo maibibigay at maipadadama ang kaligayahan upang ito ay mapasakanya? Sa palagay kaya ninyo, maligaya siya? Sa palagay kaya ninyo sa larawan ng ganitong uri ng buhay ay maligaya ang taong naroroon nakahiga na sa salapi? O sila ang kulang ng bahaging ito?
Sapagkat kung ang kaligayahan ay may kapayapaan na ipinagkakaloob, tinatamasa ba ng ganitong mga uri ng estado ng kabuhayan ng tao ang kanilang kapayapaan o ang naroroon pagkatakot sapagkat baka sila isang araw ay alisan ng yaman sampu ng kanilang buhay.
Kung gayon, ano ang sukatan? Ang pinakamababaw na sukatan upang manatili na kahit kaunti, kahit man lang sa loob ng isang buong araw huwag mawala at huwag tumalikod ang kaligayahang madarama at hinahanap na madama ng tao. Maging ito’y materyal, maging ito’y espirituwal. Ano ang kailangan na maging sukatan?
Sa mayeryal ay masasabi mo na ang bawat kanyang hingin at nasain, makamit niya; oo maghahatid ng kaligayahan. Sa espiritwal makagawa ng pinakamaliit na mabuti, makapaghandog ng paglilingkod, makapagkawang-gawa sa nangangailangan may kaligayahan na nadarama lalo pa kung ito sa gawi ng mayroon kang biyayang ibinibigay, nadama ng iyong puso ang kaligayahan na iyong iniwan sa iyong pinagbigyan.
Namasdan mo kung papaano nabuhay ang kanyang pag-asa na may maganda pang bukas na kanyang hinaharap sapagkat mayroon pa ng sa kanya ay nagmamahal. Mayroon pa ng sa kanya ay umuunawa.
Mayroon pa ng sa kanya ay nagdudugtong upang sa kanyang karanasan dumadama ng bigat ng buhay, dumadama ng bigat ng suliranin, dumadama ng bigat ng pagsubok may nag-aalay pa ng kanyang paglilingkod at ang kaligayahang kanyang dadamhin, kaligayahan ding
babalik, kaligayahang matatanggap sapagkat ito ang bunga ng paglilingkod sa kanyang kapwa, ang kaligayahang naidulot mo sa ibang tao, sa iyong kapwa, kaligayahan din ang itutumbas at ibabalik sa iyo.
Hindi ba iyan ay isang mababaw na sukatan, isang mababaw na panuntunan upang sa napakaliit na nauunawaan ng tao makasunod siya doon sa nasa ng Diyos na madama na ang buhay na ibinigay Nya ay malagay sa maganda at mabuti?
Kung gayon, kapag iyan ang inyong tinakal, nanasain niyong mayroon kayong laging maiaabot, nanasain niyong laging mayroon kayong maibibigay, nanasain niyong laging mayroon kayo na maipaglilingkod sa materyal man o sa espiritwal.
Samakatwid ano ang inyong gagawin kapwa ninyo ito pagsisikhayan na ipunin. Magsisikhay ang taong mag-ipon ng materyal na bagay upang kung mayroong sa kanya’y hihingi mayroon siya ng maibibigay?
Sapagkat kung wala ano ang maibibigay ng wala sa nangangailangan sa ‘yo ay lalapit, ano ang iyong maipaglilingkod kung ang pag-uusapan ang pangangailangan sa kanyang kasalukuyan buhay hindi ang ukol sa payo ukol sa espiritwal kung hindi ang kalagayan ng tiyan na kumakalam?
Ng mga bibig na kailangang kumain upang sila’y mabuhay at iyan ay nagiging masaya, nagiging kaligayahan kapag nakita mo, nadama mo na mayroon ng sa iyo’y tumuktok at nakita mong sadyang nangangailangan ng pagkain upang sila’y mabuhay.
Mayroon ka ng munting naiabot, hindi ba yan ay kaligayahan na hindi lamang ng laman kung hindi kaligayahan din ng iyong espiritu sapagkat naroroon nakapaloob sa pagitan ng pagbibigay at pagtanggap ang pag-ibig sa iyong kapwa?
Kung gayon, nariyan ang pagbasa sa aral ng buhay, naririyan din ang sukatan na kapag ang tao ay marunong na makakita ng maganda sa isang pangit na kalagayan; kapag ang tao ay mayroon nang lagi ng isang pananaw na bawat susian ng pinto ay may kalapat na susi upang ito ay mabuksan.
Na sa bawat pagsusungit ng panahon gaano man yan kahaba mayroon ito ng magiging katapusan; gaano man karami ang kasawian at kabigatan na iyong pinasan at papasanin pa, may Diyos na handang mag-alay ng Kanyang gabay at ng Kanyang patnubay.
Manalig ka lamang, manampalataya ka lamang, punuin mo lamang ng matibay at malawak na pag-asa ang iyong puso, may panahon ng kaligtasan, may panahon ng pagtugon sa bawat kahingian hindi ba ang kaligayahan patuloy na nasasa iyo hindi mawawala kailanman.
Sapagkat alam mo ang kaligayahan ay tinatakal hindi sa pamamagitan ng maraming ginto na iyong makukuha kung hindi kung ano ang ibinibigay at nagiging kapakinabangan at kabuluhan ng buhay na paggagamitan ng ginto na sinisikhay ng tao.
Naririyan, kapag ito ang nasilid sa inyong diwa, sa inyong damdamin lugmok ka man hindi maaari na tumalilis, makaalis ang kaligayahan sa iyong puso sapagkat naroroon ang katatagan ng pananampalataya kapag may dilim may umaga na darating.
Kapag may kabiguan, may tagumpay na ipinapangako ang bukas; hanggang may umagang sumisilay, hangga’t may araw na sumisikat, hanggang nay ulan na tinatamo at ibinibigay
upang ang mga tuyong halaman, ang mga ilog na tuyo, ang katubigan na nagkukulang ng tubig ay mayroon ng nakukuha mula sa biyaya ng Diyos. Ang kaligayahan ay mananatiling nasa sa puso ng bawat tao.
Kung gayon, iisa ang mababaw na aking sa inyo ay iiwan. Ang nasa ng puso, ang adhikain ng puso ang siyang sa inyo ay magtatakda at magkakaloob ng kaligayahan hindi lamang para laman ang dumama kung hindi maging ang inyong mga kaluluwa.
Kung gayon, iyan ba ang dapat ninyong suriin sa tuwina kung ano ang ninanasa ng inyong puso, kung ano ang dala ng inyong puso, kung ano ang isinisilid ninyo sa araw-araw na pangkabuhayan sa inyong mga puso, kung ano ang iniimpok ng inyong puso, kung paano ang puso ay nagpapalaki at nagpapalawak upang maabot nya at marating ang kalooban ng Diyos?
Dito ngayon ninyo ilagay ang lahat sapagkat ang kasaganaan ng puso kapag naroroon sa mga bagay na sa kanya ay laging nagbibigay at magbibigay upang siya’y may panagutan bilang kautangan, sapagkat siya ay lumabag at suminsay sa batas ng pag-iibigan, sakautusan ng matuwid, sa kautusan ng tama, tumpak at wastong kaparaanan ng pakikipamuhay madarama kaya ang kaligayahan?
Ngunit kung ang puso sa tuwina ay laging may puwang upang makita na bawat bagay, bawat kahayagan, bawat pangyayari ay mayroon ng kadahilanan ang Diyos na Dakila hindi para siya ay masawi, hindi para ang kanyang mga anak ay mabigo, hindi para ang bawat nilalang ay malugmok sa kanyang ipagkakasala kung hindi isang kadahilanan upang ang mababang antas ay madama at mabuksan ang kamalayan.
Hangarin mo tao, hangarin mo o kaluluwa na ang mababang antas na iyong kinalalagyan tungo sa pagkakilala sa pagpapakabuti at sa diwa ng pagpapakawagas marating mo, masampa mo. Sapagkat iyan ang layon ng pagsulong at diyan binalot ang tao sapagkat naririyan ang kalooban ng Diyos, isulong ang lahat ng bagay sampu ng kanyang nilikha ay kinakailangang makita ang pag-unlad, may pagsulong.
Ebolusyon ang gigiling sa materya mula sa gaspang patungo sa kapinuhan
Daraan sa mga proseso ng ebolusyon sapagkat ang ebolusyon ang siyang gumigiling sa materya upang mula sa paggiling doon sa materya sa pamamagitan ng ebolusyon doon makukuha ang tunay na pagsulong sapagkat mula sa magaspang ito ay dadaan sa kapinuhan at yan ang dala at layon ng re-encarnacion.
Kung gayon, ang naririto sa kasakdalan ng kanyang kaunawaan, ang mayroon ng kasakdalan at sadyang bukas na ang kanyang kaunawaan sa pinaka-ubod, pinakatunay na diwa ng aralin ng buhay ang kaligayahan na kanyang nadarama kapag sa gitna ng maraming paghihirap, sa gitna ng mabibigat na pagsubok, sa gitna ng maraming tiisin kailanman hindi nya nakalimutang may Diyos na sa kanya ay gumagabay.
Kailanman ay hindi nya nalimot at hindi kailanman tinalikdan ang puso ang lahat ng karanasang kanyang dinarama siya ang may gawa at ang ibinubunga nito karapat-dapat lamang na kanyang tanggapin sapagkat siya ang may likha.
At ito sa pamamagitan ng ganoong kalagayan mula sa mababang antas siya’y ia-angat, siya’y itataas, siya ngayon ay ilalagay doon sa isang kalagayan hanggang ang nasain ng puso ay maabot ang puso, ang ubod, ang pinakadiwa ng layon ng Diyos, ang perpeksyon.
At ito ang tunay na kaligayahang tatamuhin ng isang Espiritu na ipinalaot sa kabuhayan na panglaman hindi upang pahirapan, hindi upang alisan ng kaligayahan kung hindi upang ipakita iyon ang gilingan.
Sapagkat ang lupa ang siya ngayong nagiging palatandaan at siyang nagbubukas ng daan upang ang ebolusyon ng tao mula sa materyal hanggang doon sa kanyang Espiritu maangkin ang kabuuan ng tunay na katangian ng kawagasan ay matamo mula sa kanyang kapanganakan hanggang doon sa kanyang pagpapatuloy sa paraan ng bawat paghakbang tungo sa ikatutupad ng kanyang tunay na layunin hanggang sa kanyang kamatayan.
Naroroon ang ganap at buong kaligayahan kaya nga iyan ang larawang iniwan ng isang Hesus, isang larawang iniwan ng bugtong na anak ng Diyos at ito ngayon ang bakas na ipinakikita upang mula sa bakas na ito makita, madama, makilala at maunawaan ng tao.
Siya ay maganda at mabuti at ang ugat nito upang matamo ang tunay na kaligayahan matuto ang tao magpalaya sa kanyang katauhan; palayain ang kanyang kabuuan sa tali ng pananagutan sapagkat suminsay sa batas at kautusan ng Diyos, ng pag-iibig.
Ito ang akin sa inyo ay iniiwan at dyan ngayon ninyo masusukat upang ang mithiin ng inyong puso umalinsunod doon sa dakilang aralin at halimbawa na magiging panuntunan ng pagpapaligaya at pagbibigay ng kaligayahan sa isang kaluluwa ang tinitingnan ng Diyos hindi ang anyo kung hindi ang laman ng bawat puso.
Maghari nawa sa lahat at bawat isa ang dakilang pag-ibig, ang tanglaw ng liwanag upang ang lahat ay mabalot ng kapayapaan na madarama ang tunay na kapayapaan kapag naroroon ang isang katauhan dinarama ang lahat ng sakit, ng hapdi, ng kirot ng laman na siya’y dadalhin upang makakalag sa tali ng kawalang malay tunguhin ang kabuuan upang ang kasiraan ay matakpan.
Ako ang sa inyo ay naghahandog ng pag-ibig. Paalam, Isaias.
Comments
Post a Comment