2016-01-03, Rebecca

2016-01-03, PRO ISA-ARK URI-RAD

Ang tanglaw ng liwanag, pag-ibig at kapayapaan ang maghari sa lahat at bawa’t isa.

Paano magiging maganda, maayos at mapayapa ang bukas o hinaharap? Saan ito dapat isalig upang siyang maging pamantayan ng iisang paggawa? Sa mga bagay ba na pinagdaanan na nakita at nadama na ang kanyang kahalagahan o sa mga bagay at kahayagang ngayon pa lamang bubuuin, itatayo at ititindig upang magsilbing pundasyon sa loob ng isang taong gagalawan at lalakaran ng lahat at bawat isa?

Kung ito ay isasalig sa nagdaan may bungang magagamit, mapag-aaralan, masusuri at masasaliksik upang matanaw ang naging lakas at naging kahinaan; ang naging kakulangan upang ito ang igawa ng balangkas tungo sa magiging kanyang kabuuan.

At kung ito ay isasalig sa mga kalagayang ngayon pa lamang bubuuin, ngayon pa lamang ititindig, ang bunga na susuriin at pag-aaralan kapag ito sa bawa’t pagsasagawa ay ilalagay sa paglalapat sa sandali ng gampanin ng bawa’t kaluluwa, naririyan ang pagbubukas bilang panimula nang paggising at pag-antig sa paglalaro ng bawa’t diwa, sa paglalaro ng bawa’t balintataw, sa paglalaro ng bawa’t isipan.

Sapagka’t; doon huhugutin ang lahat ng kanyang magiging pangangailangan, doon kukunin ang kanyang lakas, doon kukunin ang kanyang katatagan upang may mabuo na paninindigan, “Ganito ako magbabago. Ito ang aking magiging pagbabago. Sa ganito ko ibibigay ang mga kaparaanan na ibig kong maging pagbabago.”

Sa ganito ko ilalagay upang madamang mayroon pa palang higit na magandang paraan upang ang tunguhin ang sadyang tumpak na paghakbang, ang tamang paglakad, ang tamang pagtayo, ang tamang paggalaw ng aking pagkatao.

Na, nang dahil sa mga ito ay makikitang wala palang sangkap ng buong katawan na hindi pangangailangan. Hindi lamang nakikita sapagkat hindi ang lahat ay nakagagalaw at nakagagawa upang matupad ang kani-kaniyang tungkulin tungo sa kani-kaniyang pag-unlad.

Kaya nga at bawa’t isa ay nagdadala, nagbibitbit, nagkikipkip, nagsusunong ng lahat ng kanyang magiging pangangailangan upang sa sandali ng kanyang paglakad ay wala na siyang maiiwan at matatalikdan upang bumalik at kunin ang nawaglit kundi naroroon at magpapatuloy sapagka’t ang lahat naroroon na, kabuuan na, nakakabit na, naka-ugnay na sa laman, sa kaluluwa at sa Espirito.

Sa ganito doon ba ngayon kinakailangang paglaruin ang inyong pag-iisip? Na, sa kanyang paggalaw ay sinusuri at sinasaliksik, ano ba ang inilagay ko bilang paghahanda sa panimulang ito ng aking pagbabago? Kaangkop ba ng aking adhikain? Kaugnay ba ng aking layunin upang sa pagbubuo ay hindi abutin ng tabsing sa dagat?

Ang kasabihan ay mangungusap, “Kung ika ay maliligo sa tubig umagap, nang hindi ka abutin ng tabsing sa dagat, kapag nagkagayon, ano ang iyong sasapitin?” Inaasam baga na kaligayahan, kaayusan, katumpakan o siya ring dati sapagka’t siyang nakaraan? Kapighatian, kasawian, kadalamhatian at bigat nang pasanin.

Sapagka’t hindi nakabitiw sa mabigat na krus na kanyang pasan-pasan? Kanino ang pagtiyak at pagbibigay ng katiyakan, kaluluwa? Magiging maligaya, maliwanag, tumpak at maayos ba ang kasasapitan ng iyong buhay? Sino ang maggagawad at hahatol nito? Sino ang magbibigay ng tanda? Sino, kaluluwa ng tao?

Sa ganyang kalagayan ngayon ang sa inyo ay binubuksan sapagka’t pagkatapos nang nakakuyom na mga palad, wala nang lakas upang ihantad, ano ako sa aking buhay ngayon? Paano ako sa aking buhay? Ano ang magiging anyo na iguguhit ko upang mula doon ay ipakitang ito ang kawangis ng Diyos, ang kabuuang nagdadala ng katangian ng Diyos?”

Ito ang diwang hindi nagwiwikang siya ay salat kung hindi mayroon na bagaman kakaunti ngun’it may munting yaman. Kaluluwa, buo ka na ba? Kaluluwa, handa ka na ba? Kaluluwa, makagaganap ka na ba upang ang taon na iyo ngayong lalakaran ay madama mong kailanman ang Diyos at ang Kanyang pag-ibig sa iyo ay hindi humihiwalay.

Upang ito ang iyong maging kalasag sapagka’t itutundos tulad ng balaraw na itatatarak sa bawat puso ang talim ng katarungan upang mula doon ay madamang iisa ang kapangyarihan na umiinog, nagwawasak at namamahala sa tunay na buhay?

Kaya nga, muli kong uulitin, nakapaglaro na ba ang inyong mga diwa? Nakapaglaro na ba ang inyong mga isipan upang buksan at maging malaya ang inyong mga puso? Sapagkat matatanggap baga ninyo na ang nakakuyom na mga palad ay hindi na ang baitang na kinakailangan ninyong panatilihan kung hindi ang kinakailangang makita ay may liwanag na susulpot at tatanglaw upang makitang may dilim na tatanggap ng liwanag.

Makitang may hiwaga na nakakalag at talinhagang nabibigyan nang kapaliwanagan sapagkat mula sa kanyang pagkakakuyom unti-unti ay bubuka ang mga daliri upang ipatanaw na isasagawa ang mga tunay na anak ng Diyos; walang kahihinatnan ang diwang palalayain, ang diwang aalisan ng buhol kung ang lahat ay hindi magiging handa na magkaloob katulad ng babaing balo, isang lepta (barya ng Gresya) na lamang ang nasasa kanya ay ibinigay pa.

Muli kong ipangungusap, pabulaanan ninyo ang lahat ng aking tinuran. Pasinungalingan ninyo na ang lahat ay hindi katotohanan sa pamamagitan ng pangangatwirang naaayon sa batas ng pagiibigan. Pansamantala ay maghari nawa sa lahat at bawa't isa ang tali ng pagibig na handang lumikom at maglagom ng magagandang katangian upang ang kulang at salat sa pagkakilala at pagkaunawa ay manatiling lukob ng iisang batas at iisang kautusan, “Magibigan kayo sa isa at isa.

Hindi ako magpapaalam ngunit ilalagda ang kanyang pangangailangan----- Arkanghel Uriel


Pangalawang Bahagi ng Pag-aaral

Ang tanglaw ng liwanag, pagibig at kapayapaan ang muli’y maghari sa lahat at bawat isa.

Sa pagbabalik, bigyan ninyo ako nang kapahintulutan na buksan ang inyong mga pagkatao upang mahantad ang lahat ay may kakayanan upang magbigay ng buhay sa isang naroroon na sa damahing siya ay unti-unting namamatay. Paano ba ngayon ninyo ilalarawan ang kalayaang sa inyo ay ipinagkaloob? Ano ba ang kalayaang sa inyo’y ipinagkaloob upang maunawaan ninyo kung ito ba ang kinakailangang kunin? Ito ba ang kailangang iwan? Ano ang inihahatid sa inyong damdamin ng inyong isinagawa? (Sumagot ang mga kapatid sa bawat pangkat)

Nadama baga ng bawat isa na masaya ang ganyang uri at kaparaanan ng kalayaang inyong isinagawa? (Sumagot muli ang mga kapatid). Kung gayon, nakapagdagdag baga ng kasabikan upang muli ay hanapin ninyo na may pag-aaral na dapat maganap at inyong salihan? Naroroon ba ngayon ang halaga at diwa ng aking ipinangusap na kahingian ng tungkulin ay maibigay at maipagkaloob nang nakakuyom na mga palad?

Talinhaga ng “kumuha ka, mag-iiwan ka”

Samakatuwid, maging larawan ng buhay na ang ipinaaaninaw, kung ibig mo na madamang may naging pagbabago, kumuha ka at mag-iwan ka. Kaya nga at sa paggawa ay may kukunin at may iiwan na hindi magaganap kapag kayo ay kumuha at walang ipakikitang iniwan sapagkat siyang magpapadamang may pinulot at siyang magiging tandang nag-ipon ang tao.

Ito ang pagpapatuloy na, kung saan ay mananatiling naroroon wala ng kailangang maiwan ngunit mayroon kayong iiwan ngunit walang maiiwan. Talinghaga kaya nga at ang aking muling pangungusap, maglaro ang diwa, maglaro ang isipan sapagkat sa pamamagitan nito ay doon kayo titindig at sisibol ang lakas bilang pangangailangan sa pag-unlad at pagsulong ng isang kaluluwa.

Matagpuan kaya ninyo kung saan ibig ninyong maglaro ang inyong mga diwa? Masumpungan kaya ninyo kung saan kinakailangang lumaya ang inyong puso? Matagpuan kaya ninyo kung anong uri ng paggalaw sisimulan ang pangalawang baitang upang madamang mayroon kayo ng dapat iwan?

Iyan ngayon ang kalagayang sa inyo ay nakaharap bilang pagpapatuloy sapagkat naroroon ang sa inyo ay iniiwan hindi pa tapos kundi magpapatuloy sapagkat walang nakaraan na tandisang tinapos. Katulad din ng taon, hindi baga nananatiling naroroon at nagsasama ang dalawa ( 2) at zero (0) at ang isa (1)---201, ngunit ang kapupunan ito ang inihahantad at kanyang tinataglay sapagkat may bilang siya na kailangang iwan.

Hindi na kailangan ang bilang na lima (5) (sa 2015) sapagkat ito ay naghayag na ng kanyang bunga at may mga naging pag-ani na, na ito ang kinupkop ng isang kaluluwa. Mula sa iniwang ito na kailanman ay hindi na babalik bilang kabuuan ng dalawang libo (2000) at kukunin ang kanyang karagdagan, ang kanyang kapupunan, ang kanyang pangangailangan.

Ang Ama at anak ay iisa

Sapagkat ang hinihingi sa bawat baitang ng buhay ay ang matanaw, madama at maunawaan kung ano ang Ama ay siya rin ang Anak, at kung ano ang Anak ay siya rin ang Ama sapagkat ang Ama at ang Anak ay iisa. Ito ngayon ang siya ring kinapapalooban bilang bahagi ng inyong gampanin na nakatakda sa uri na kayo rin ang siyang naglagay sa inyong kabuuan.

Kaya nga at pansamantalang lilisan ako ngunit muling magbabalik. Datapuwat bago isakatuparan, ang dalawa na tagapamahala, buo baga? ( Hindi po). Kung gayon, naririyan ang kahayagan ng kanyang panimula bilang bahagi sa kasaysayan ng tao kung saan minithi ang tuwid na guhit, ang maayos na linya at hanay niyaong bawat isa na hahakbangan. Ngunit sadyang ito ang kahayagan; sadyang ito ang magiging kaganapan kaya nga at kung panong sa inyong ipinangusap ang pangalawang baitang ay paglalahad ng kamay ngunit taglay pa rin ang nakatikom na mga kamay.

Samakatuwid, kung ito ay sa buhay ng bawat tao nakapagkalag na ba ng tali at gapos ang bawat kaluluwa upang ang suliranin kahapon ay hindi na maging suliranin ngayon? Naalis ba ang buhol upang ang bigat ng naging pasaning krus kahapon ay hindi na siya ring krus na papasanin ngayon?

Muli ay paglalaruin ko ang inyong diwa: may bagong krus na kinakailangang ipalit sa lumang krus na nakapatong sa inyong balikat ngunit hindi maiyibis upang madamang may tangkay na pala sa panahong kinakailangang malagas; may tangkay na pala sa panahong kinakailangang pigtalin; may tangkay na pala sa panahong kinakailangang alisin upang ito ay ibaon sa lupa at sunugin

Sapagkat iyan ang kahingian, ang sangang hindi nagbubunga ay inaalis at igagatong sa apoy, ngunit hindi magawa sapagkat nananatili sa paningin ng bawat isa, nanatili sa bawat pananaw ng sangkatauhan na walang tangkay ng panahon na kinakailangang mapigtal, maputol at maalis sapagkat lahat ay bahagi ng pagiging puno.

At kung ito ay bahagi ng pagiging puno, ang luma at ang bago ay mananatiling magkakabit. Kung gayon, mananatiling ang bigat ng dalawang krus ay papasanin ng balikat, dala-dala, inilalakad sa lansangan—ang luma at ang bagong krus.

Ngunit ang kahingian ng magandang kinabukasan ay hindi matatanaw. Ito ang siya ngayong malarawan sa inyong balintataw sapagkat mula dito ay doon ninyo makikita at higit na madarama, “Ito pala, ganito pala,ito pala ang aking sarili, ito pala ang kalagayan ko, ang kahihinatnan ko, ito pala ang magiging hantungan ng lahat ng adhikain ng aking espiritu.”

Pabulaanan ninyo ako ngayon. Pasinungalingan ngayon ninyo ako na ang lahat ay hindi katotohanang liwanag; na ang lahat ay hindi siyang kabuuan ng tunay na buhay at pangangailangan tungo sa pagsulong. Pasinungalingan ninyong ang lahat ng aking ipinangusap sapagkat naririyan ang pagsisid upang ang mabuhay ay ang tunay na pag-ibig na hain, handog at siyang kalooban ng aking espiritu.

Kaya nga sa ganito ako ngayon aalis pansumandali upang ibigay sa inyo ang karapatan sa pag-uugnayan ng inyong kabuuan, sa kahayagan ng laman sa bawat isa; sa kahayagan ng kanyang puso sa bawat isa; sa kahayagan ng kanyang diwa at ng kanyang isipan sa bawat isa kung saan ay doon ngayon magsasama, magdurugtong upang ang kulang sa isa ay makuha sa isa at maging kapupunan ng mahina ang may lakas.

Ang kulang ng langis ay punan upang magkaroon ng sapat na langis upang manatiling buo ang pangkat na nagdadala ng tunay na liwanag. Ito ang siyang sa inyo’y inihahain. Mag-ugnay ang bawat pangkat na ang dating magkakasama ay magsama-sama; ang may kulang ay kunin sa iba upang pagkatapos ay makitang sa larangan ng pag-ibig walang kulang, ang lahat ay husto sapagkat sa pag-ibig ang lahat ay pinapagiging dapat.

Naunawaan baga ninyo ako bago ako magpatuloy? (Opo) Susundan ko ang pahimatong upang kung may maligaw man, mabuksan ang kanyang pangingin sa landas na dapat niyang daanan sapagkat hindi kayo mag-uugnay nang walang kabuluhan kung hindi kayo ay magbibigayan ng laman ng inyong diwa.

Ng yaman ng inyong pag-iisip, ng kalinisan ng inyong puso upang makitang nabuo ang kaalaman sapagkat ang pangalawanag baitang katulad ng nakasulat,”Darating ang panahon at araw na kung saan ay mabubuksan ang pinto ng kalangitan at makikitang nagmamanhik manaog ang mga anghel mula sa kalangitan upang ibigay ang pangangailangan ng kalupaan.”

Kung gayon, maliligwak ba ang gatas sa baso upang ito ay lamunin ng lupa at hindi na maaari pang kunin upang ibalik sa kanyang sisidlan? Marahil ay walang mag-iibig na siya ang maligwak at matapon; na siya ang mahiwalay; na siya ang mawalan ng kabuluhan sapagkat hindi siya magbibigay ng liwanag; hindi siya maghahandog sapagkat ang kanyang paniwala ay wala ng kabuluhang kami.

Hindi naman po talaga tayo magtatagpo dahil iba ang diwa ninyo, iba ang sa amin.” Ngunit lahat tayo… Ako, kayo, kami, hindi ba lahat tayo ay nakapaloob sa iisang pag-aaral? Lahat tayo ay nakapaloob sa iisang pagsusuri, sa iisang pagpapanimula? Lahat tayo ay nakapaloob sa iisang pagpapatotoo?

May kaangkinan kayo. Ano ito? Ang karunungan, ang kaalaman mula sa bahagi ng pagka-Espiritu ng Diyos na ibinigay at inihandog sa lahat ng tao upang maging dakila ang kanyang hiram na buhay.

Ano ngayon ang pangalawang baitang na aming sa inyo ay ipinadarama? Matutuhan ngayon ninyong tanawin ang inihahandog, ang ipinagkakaloob, ang binubuksan ng bawat pag-aaral na kung magagawa lamang na kayo ay magbigay ng laya sa inyong pagkatao.

Na hindi ninyo itinatali doon sa inyong sarili upang sa bawat gampanin, sa bawat gawain, ang talakayin ninyoy ang kaalaman at karunungang sa inyo ay binubuksan ng bawat sinugo at hindi ang kaisipan, ang kaalaman, ang kakanyahan, ang kaantasan ng inyong kapwa.

Na, siya ninyong laging inilalahad, “ang pulitikong ito, ang taong ito, ang anak ng Diyos na ito, ang daigidg na ito… ang nakita mong bakit ganito? Hindi ba pantay ang pagtingin ng Dios? “ Ito ba ang kailangang laging maging bahagi sa isang dakilang pag-aaral na kung saan ang nagbibigay upang buksan ang tunay na aralin ng tunay na buhay ay ang mga Sinugo ng Panginoon?

Ang mga araling buhat sa kaalaman ng Diyos na hindi malalim kung hindi mababaw upang sa inyong pagkakita at pagkamalas, ito ngayon ang inyong pasubalian. Kailangan ba ninyong maggawad? Kailangan ba ninyong mag-iwan ng paghatol? Kailangan ba ninyong kumuha ng paggawad at kunin ang mga bagay na inyong igagawad at inyong ihahatol upang kayo ay may wasakin, may gibain, may ilugmok at may apihin? May dapat ba kayong sikilin at patayin?

Hindi ba ito ang sa inyo ay binubuksan sapagkat ang kahayagan at kaliwanagan ng diwang ilalahad pagkatapos na sa kanyang panimula ay nakatikom, ang ihahayag ang karanasan at natutuhan, “Kailangan ko na palang iwan ang nakatikom na mga palad sapagkat ito kung pagpapatibay, marami ang kailangang ilangkap. Ilalahad ko upang madama kong may pag-ibig pala na kailangang ibahagi at may pag-ibig din pala akong kailangang iwan at kailangang kunin.”

Kaya nga ang saligan upang maging pamantayan na pababayaan ko kayong maglaro at ang paglalarong gagawin ay hindi ang pisikal na katawan ang maglalaro kundi ang inyong diwa, ang inyong isipan, ang inyong puso, ang inyong damdamin ang bibigyan namin ng karapatan upang maglaro? At sa paglalarong ito ay ini-aalakbay ang kalayaan upang madama ninyong, “Nasasa akin pala ang karapatan. Hindi pala ang Kabatlayaan ang nagtatali kundi sa akin pala ito manggagaling.”

Kayo ang nagbibigay ng karapatan upang makagalaw at makagawa ang inyong mga sarili. Wala bang paksa? Mayroon. Wala bang iisa na pagtutuunan at pagtatalakayan? Lalong mayroon. Ano ang dahilan bakit nangusap, sa halip na magkaroon ng liwanag ay lalong nalito ang kabuuan ng kanyang sarili?

Ano ba ngayon ang sa inyo ay inihahantad upang ito ang inyong pasubalian at pasinungalingan? Ano ba ang inihahantad upang ito ang inyong patotohanan, “ Ang Ama at ang Anak ay iisa?” Katotohanang hindi magkatulad ang Diyos at ang Anak, na sila ay iisa sapagkat sila ay dalawang magkaibang persona.

Ngunit kapag ipinangusap, “ Ang Ama at ang Anak ay Iisa” hindi ba isa ngayong paksa na humihingi ng pasubali at humihingi ng pagpapatotoo upang mapagtibay ang tao at ang Diyos ay iisa? Kaya nga at, sinambit at ipinangusap, kanyang kawangis at kalarawan. Panibagong paksa na sa paglalaro ng inyong isipan hindi ba iyan ngayon ay mahahayag at mahahantad?

Na, kung paano tatayahin ang buhay; kung paano dadamhin ang buhay; kung paano susukatin ang buhay upang hindi bumigat ang madarama kung hindi madamang napakagaan naman pala. Hindi naman pala mabigat. Walang kasinggaan na ito ay pasanin. Nguni’t sa tao ay walang kasingbigat sapagka’t hindi alam kung paano masusumpungan ang paksain na kinakailangang tutukan upang siyang pagkunan at paghugutan ng kanyang lakas.

Na, mula doon ay sisibol ang kaalamang sa inyo ay gagabay. Doon sisibol ang kaalamang sa inyo ay papatnubay, doon sisibol ang kaalamang siyang magiging suhay na ang magiging hagdan ang tanglaw ng liwanag na kung saan ito ay lulukubin ng pag-ibig.

Kaya nga at muli, “Ang Ama at ang Anak ay iisa”. Hindi lamang ninyo ito nasumpungan sapagka’t nakita kaagad ninyo ang kalaliman, pagdive ninyo, sisid agad, tuloy-tuloy sa ilalim. Hindi muna kayo lumangoy at naglaro sa tubig.

Napakagaang lahat sapagka’t ang pamantayan, ano ba ang ating layon ngayon? Hindi ba ang pagpapatuloy sa una at nagdaang mga aralin? Ano ba ang nagdaang aralin? Hindi ba ang larawan at kahayagan ng iba at ibang uri ng mga kamay? Naroroon ngayon ang layunin, magpapatuloy.

Sa kanyang pagpapatuloy, ano ang sa inyo ay inihahatid at binubuksan bilang kahayagan ng buhay? Na, kung saan ang tao ay salat, ang tao ay dahop, ang tao ay bulag ang diwa, ang kaisipan, ang kanyang damdamin, ang kalooban, ang puso sa tunay na karunungang ang nakapaloob ay ang yaman ng isang kaluluwa.

Mula sa nakatikom tungo sa paglalahad, pagbubukas ng mga kamay

Ito ang layon, sa layong ito ay naroroon ang paksa na inyo ngayong pasusubalian at pasisinungalingan. Inyong ipangungusap, “Katotohanan ba o hindi katotohanan?” Kaya nga at, mahaba ang sa inyo ay diwang inilalahad--- mula sa nakatikom na mga kamay hanggang doon sa pagbubukas bilang pangalawang panimula ang paglalahad o pagbubuka ng mga kamay.

Diwa ng tikom na palad

Hindi ba naririto ang paksa? Ano ang inyong pasisinungalingan? Ang diwa bang ibinigay? Ano ba ang nakalahad na mga kamay na iba doon sa nakatikom? Na, kung saan ay; itinago ang kaantasan, ikinubli ang kanyang kakayahan, ipinagkaila at ipinagtalusira, at patuloy na ipinagkakaila at ipinagtatalusira ng tao na siya ay may kaangkinang tinataglay, na siya ay may karunungang dinadala, na siya ay may kaalamang naipon at naimpok doon sa bawa’t karanasan na sa kanya ay sumapit.

Hindi man tanggapin at paniwalaang may muli at muling buhay, nguni’t nananalig ang bawa’t karanasan ay may gintong aral na dinadala at binubuksan upang matutuhan ng tao; paano hahakbang nang tama, paano lalakad nang matuwid, paano dadalhin ang kanyang kabuuan?

Na, sa bawa’t kanyang paghakbang, sa bawa’t kanyang paglakad at paglandas sa kanyang tugpahin sa daan ng buhay na kanyang inugit at kanyang pinili, ay doon niya matatagpuan ang isang katotohanang magpapatibay, magpapalugmok, bubuo, magwawasak sa kanyang sarili bilang kalarawan at kawangis ng Diyos.

Sapagka’t kailangang iwan at kailangang kunin kung ano ang para sa kanya at kung ano ang para doon sa kanyang kaluluwa. Ito ba ang katotohanan na kailangang pasubalian? Na, mula dito ay doon kayo huhugot ng lakas, doon ninyo pasisibulin ang tibay at tatag ng pananampalataya na kayo ay mumunting mga Diyos.

Na, kayo ay anak at siya na lumalang ay inyong Ama, na, ang Ama at ang Anak ay sadyang kinakailangang maging isa. Saan? Saan? Ito ba ang katotohanang kailangan ninyong makita upang inyong pasubaliang hindi siya totoo? Hindi iyan ang matuwid? Hindi iyan ang tama? Hindi iyan ang angkop na katwiran? Kung gayon, ano ang katotohanan? Ano ang dapat na mamamayani at maghari?

Na, kung kayo ngayon ay magbubuo, ano ang sa inyo ay makikintal? Ano ang sa inyo ay magkakaroon ng laya sapagka’t ipinaubaya ninyo na kayo y makapagkalag ng gapos at makapag-alis ng inyong buhol upang pagkatapos ay sabihin ninyo at ipangusap; napakalalim ang tingin ko sa buhay kaya pala ako ay nabibigatan, napakalalim naman pala ng aking kinukuha sa buhay, mababaw naman pala ang kailangan kong kunin, ang kailangan kong mataglay, ang kailangan kong maiwan, at mula doon ay ano ang inyong madarama?

Dalamhati? Kasawian? Sasabihin ninyo,” Talaga naman po eh. Taliwas naman po kayo. Talaga naman pong napakabigat dalhin ang buhay.” Sumisisid kaagad kayo. Ano lamang ba ang itinuturo at ibig na sa inyo ay patunayan? MANALIG KA! MANAMPALATAYA KA! MAGING MATATAG KA! MAGING MATIBAY KA!

Na, ang kabuuan mo bilang isang katawan na maraming sangkap ay lulundo doon sa kung ano ang mayroon ka na bahagi ng Dios, kung saan ang Ama at ang Anak ay iisa. Ganito ngayon ang inilalahad mula sa pagkakakuyom ng inyong mga palad ito ay ilalahad upang doon kayo ngayon kumuha at humugot ng lakas.

Iyan ang paksa. Iyan ang tema. Iyan ang larawan. Ngunit ano ang naganap? Sadyang ang tao ay iba iba ang pangangatwiran. Sadyang ang tao ay iba-iba ang kanyang kinukuha at kanyang iniiwan. Iba-iba ang kanyang kinikipkip, ang kanyang sinisinop. Iba-iba ang kanyang ibinubulagsak at itinatapon.

Kaya nga naroroon ngayon ang larawan ng buhay na, kung ito ay ilalagay, paano ninyo gagawing magaan ang lahat ng kahayagang nangyayari sa paligid, sa inyong kapwa, sa loob ng inyong tahanan, sa inyong mga kasambahay at maging sa inyong mga sarili? Hindi ba iyan ang mga paksa na inyo ngayong pasusubalian?

Na, ang pinakamababaw, kaya ba ninyo ngayong pasinungalingang, magaan ang pagdadala ng buhay? Kaya ba ninyo iyang pasubalian o pasinungalingan, sasabihin ninyo, “ Iba naman po kayo. Iba naman po magaspang na dala dala ng lahat at bawa’t isa."

Kung ito ngayon ang layunin ng isang karanasan, hindi ba ngayon kinakailangang sadya na makuha ang bawat aral na inihahatid ng karanasan at makukuha ang bawat aral, ang gintong aral ng bawat karanasan kung kayo’y may talaarawang susulatan--- Ito ang aking ginawa mula sa umaga hanggang sa gabi ng aking pagtulog.

Oo, sasabihin ninyo hindi praktikal nguni’t iyan ay isang pagpapatotoo sa inyong sariling matibay na ang hangarin ninyo at naroroon na ang katapatan sapagka’t hindi ninyo inibig na mayroon kayong matalikdan o maiwan, malimot na pinakamaliit na bagay na kinakailangang isangkap, sapagka’t, nagkaroon nang kaayusan ang inibig ng inyong pagkatao na katumpakan bagaman ang isipan ay napakahirap na hawakan at napakadaling makalimot. Ngunit kung mayroon ka ng talaarawan o talatakdaan mababalikan mo ang lahat.

Panlupa, oo, ngunit hindi ba iyan ay naroroon din at nagagamit ng isang kaluluwa na kung saan ay ipinadarama at ipinakikita bilang isang uri ng salamin na kapag nakita mo, dito pala ako nagkulang ng paggawa, dito pala naging lisya ang kaalaman ko ukol sa mabuti, dito ko pala hindi nagamit ang aking pananampalataya, dito pala ako nabigo.

Kung mayroon kayo niyan, hindi ba ang susunod na pohas ng papel ay ilalagay ninyo ngayon sa inyong talaarawan, ito ngayon ang talatakdaang susundin at tutuparin ko sa kinabukasan sapagkat naroroon ang magiging karagdagan.

Sa pamamagitan ng tala-arawan, oo katitikan nguni’t nakapaloob ang mga kaparaanan kung paano aangat, kung paano iigpaw, kung paano babangon, kung paano ang antas sa pagsulong ay malalarawan sa lahat at bawa’t isa na mayroon pala kayong kinakailangang marating.

Pagkatapos nito, hindi baga ang inyo pang sinasambit, “Ibig kong magpakabuti, ibig ko nang magbago. Iiwan ko na ang gawang ito sapagkat wala itong idudulot na kaligayahan, na kaliwanagan sa akin bilang isang tao na nakikipamuhay sa lupa.” Hindi ba naroroon ang pagsusuri, ang pagsasaliksik, ang pagsisiyasat?

Kaya nga ang Diyos ay ipinadama at inilarawan pagdating na sa paglalang hindi na salita ang ginamit lamang kung hindi ang kabuuan ng Kanyang Ako ang sa inyo ay nagpapaalam kakabit ang Propeta Isaias sapagkat kami ang nagtambal upang ang maliit naming kaalaman ay maging katulad ng sabsaban na siyang naging sadlakan ng banal na katawan ng Mesiyas.

Isaias, Arkanghel Uriel….Paalam


Lunduyang El Espiritismo

Abotsabi sa Hapag

Kapatid Rebecca A. Dungo



Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia