2016-01-02, Rebecca

Kaalaman at pag-ibig na buhat sa mga langit ang maghari sa lahat at bawat isa.

Kung ang magiging pagpapasimula nang kalagayan sa buhay ng bawat tao’y ang paghihiwalay ng laman at ng kaluluwa upang maipatanaw ang balangkas, ano ba ang hinaharap? Ano ba ito sa panahon?

Ano ba ito sa mga araw na kanyang lalakaran upang mabuo ang kahayagan ng hiram na buhay? Ang pagsilang ba ang una na kinakailangang mabuksan na doon ngayon ikakabit upang ipatanaw, ito ba ang aking hantungan, sa ganito ba nakaabot ang aking hantungan?

Sa lawak ng tanawing ito’y isa lamang ang ipinatatanaw, paano mo dinala sa buhay na iyong ginalawan ang kabuuan ng Dios na siyang pinagwangkian, “ang Ama at ang Anak ay iisa?”

Kung gayon, inihantad sa tao upang ipakilalang buo ang buhay ng bawat kalupaan; buo ang buhay ng bawat kahayagan mula sa likha ng Dios naroroon ang pag-uugpong ayon sa kanikaniyang uri; ayon sa kanikaniyang dala; ayon sa kanikaniyang kahayagan at tungkuling ginagampanan.

Ang larawan na sasapitin; ang larawan na kahahantungan ng pagsilang at kamatayan na pinapagsama upang doon ngayon madamang hindi pala natatapos ang lahat kung hindi ito’y nagpapatuloy maging ang lahat ay mabuo, ang lahat ay maganap walang maiiwan ni tuldok sapagkat iyan ang kadakilaan ng tunay na buhay.

Saan ba isasalig ang gagalawan ninyo? Ang kasasapitan ninyo? Doon ba sa kamalayang mabubuksan sa pamamagitan ng karanasan? Doon ba sa dadamhin upang ipadamang ang kalikasan ay tahanan ng bawat kaluluwa?

Ang kabuuan sarili, ang katibayan ng kanyang pagkaunawang sa magandang ito na tinanggap ninyo at dala ninyo bilang pagsusuri, pagpapasalamat at pagkilala sa Dios na nagbigay at nagpahiram ng buhay.

Ano ngayon ang kinakailangan sapagkat ang pagpapasimula ang katulad ng paghahain ng pagkain na, ang ipinatatanaw ay ang paghahanda ng kaitaasan na, naririto ang kanilang pag-ibig at buong layang sa inyo’y ipinagkakaloob.

Sapagkat nababatid ninyong bawat isa’y may kani-kaniyang antas ng karunungang dinadala na ibig niyang maisakatuparan sapagkat ang hangad ng bawat kaluluwa’y ang pagsulong.

Kaya nga’t ang narito’y ang pagkaing hindi lamang isa ang makukuha kung hindi iba’t iba sapagkat naroroon ang ibat ibang uri ng antas, iba’t ibang uri ng pagka-unawa, iba’t ibang kamalayan at kamulatan na dinadala. Kaya nga’t ang pipiliin ang pagkaing kauri ng kanyang dala.

Kung ito ngayon ay maganap at ibig mong madamang masarap kapag isinubo mo, lulunukin ba ninyo agad? Oo, sa katotohanan ay hindi, sapagkat kung ibig mong malasap ang kanyang linamnam, lalaruin mo muna sa iyong dila at pagkatapos ay sisimulan mong pinuhin.

Dalawa ang nagtutuwang: ang ngipin at ang dila na kung minsa’y nagkakagatan. Ang diwa nito, “Kung ako’y mahalaga, pupunan mo ang kakulangan ko sapagkat sa isang samahan ay hindi maaaring hindi may pinagtatalunan”. Hindi upang mag-away-away at tunguhin ang isang dakong pinapatay ang pag-iibigan.

Kung hindi pinatitingkad, pinakikinang at ginagawang busilak at hindi bulaklak lamang ng dila, “Mahal kita kapatid. Mahalaga ka sa akin kapatid. Kinikilala ko ang iyong nagawa.” Kung bulaklak lamang ng dila pagdating ng panahon, ito’y malalanta at matutuyo upang maging bahagi ng lupa.

Hindi ganito ang pagkuha sa bawat ibinababa ng Espirito ng Mang-aaliw upang magmulat, “Ito pala ang dahilan bakit ako’y nagsisikap at nagsisikhay na sa bawat gawain ay mayroon akong makuha at masinop sa aking lukbutan.” Diyan napupunan ang kasalatan sa kaalaman.

Ariin mong ang bawat Espirito ng Mang-aaliw ay maging bahagi ng iyong layunin, ng iyong adhikain ay magtagpo. Ano ang magiging bunga? Ang mababang alitigtigin ay maglalaho. Ang muli kong tanong, “Magiging bahagi ba kayo ng bawat Mang-aaliw na, ang pagkaing ibinibigay ay ang Ama ang bumabalangkas at ang Panginoong naroroon sa kaitaasan?”

Sapagkat sa bawat pintig ng buhay ay naroroon ang paghahayag sa banal na kasulatan, “Sinusunog at kinakailangang masunog sa bawat araw sa pagdaraaan ng panahon” upang marating at mapasok ang kaharian ng Dios sapagkat binubuksan ang pintuan ng kanyang kaluluwa.

Pagkatapos nito’y naroroon din ang kanyang pagsasara, (Tinutukoy ang pamamaalam ng Batlayang nagmemensahe) “ Magharing muli ang pag-ibig…. Muli ang tanglaw ng liwanag…. Muli’y lumukob ang pag-ibig….”

Ito ang kahalagahan at kadakilaan ng bawa’t gawaing idinaraos sa bawat lunduyan na, inyong madamang kayo’y iminumulat sa tunay na diwa ng tunay na aralin ng buhay na naroroon ang paninidigan ng lahat at bawa’t isa, ang pagbubuo nang katatagan ng pananampalataya.

Kaya nga’t bawat bahagi ng gawain ay may talsik ng liwanag na iniiwan sa bawat isa. Ang may bukas na kaisipan ay may tatanggapin sapagkat iyon ang pangako na, itataguyod hanggang sa maabot ang buhay na walang kamatayan.

Nauunawaan ba ninyo ngayon kung ano ang inyong ginaganap upang pagkatapos ay maging isang larawang ang mabubuo’y hindi maging katulad ng batang naglalaro na sa kaunting sakit ay umiiyak, tumatakbo sa magulang, “ Nasugatan po ako aking ina, aking ama.”

Ang kailanga’y ang pagbabalikwas, ang pag-igpaw, ang pagtayo sapagkat ang dala ninyo’y ang sulo ng buhay na kinakailangang ipakitang may kaunawaan na kayo at makikipagbuklod na kayo at ang tanglaw ng liwanag ang nasa inyong ng mga kaluluwa.

Ang muli kong tanong, nabuksan ko ba kayo? Naipadama ko ba kung ano ang dapat igalaw at asalin ng bawat mag-aaral sa sandali ng Gawain? Hindi man ang kabuuan, naroroon ang adhikaing, “Magsisikap ako. Sisisikhayin ko pa at magpapakasakit pa ako na ang diwang ipinauunawa ng Espiritu ng Mang-aaliw ay maging bahagi ng aking pananaw, ng aking pangarap at mapasa aking mga palad sapagkat nasa mga palad na ito ang simbolo ng pagbubuo, nang panganga-laga,nang pagiingat, nang pag-aaruga at nang pag-ibig.”

Ang tungkulin ngayon ng bawat isa’y maging suhay ng bawat isa, magdadamayan, magmamalasakitan, magbubukluran sa isang kaisahan at itatayo ang paaralan ng buhay na ang larawang ipinatutunghay ay ang dala-dala ng Panginoon, ang kababaang-loob.

Ang kagalakan ng bawat kaluluwa’y madarama sa sandaling kayo’y pinag-iiwi ng mga Espirito ng Mang-aaliw na hindi lamang ang maiiwan ay, “ Maganda ang abotsabing aming tinanggap kung hindi natutuhan ko ngayong pulutin ang diwa ng bawa’t pahayag.

Na, sa kaunawaan kong ito ngayo’y handa na akong tumuntong sa ikalawang baitang ng hagdan upang matanaw kong ganito pala kaayaaya ang kaharian ng Dios.”

Ito ang balangkas na aking sa inyo’y inihahandog sa pamamagitan nang pagdulog sa kaitaasan bagaman hindi ko naihingi nang kapahintulutan sa kapatiran ang aking pakikilahok sa pag-aaral na maging bahagi ako ng inyong pagititpon ngunit dinama ko ang kalayaan ng aking espirito na dumulog sa Panginoon at doon ay kinausap ko ang Dios, “ Maaari po ba akong magbahagi bilang pinakamaliit na lingkod sa mga anak ng Dios?

Marahil ang maiiwan ngayon sa inyo’y hindi ako bilang isang pundador na nagtayo at nagsikhay na makapagtayo at makapagbuo ng isang paaralan ng buhay na, ngayon ko nakita ang kadakilaan ng tungkulin na hindi ko nakita noon sapagkat hindi nakita ang tunay na diwa upang ipagpatuloy ang tunay na simulain ng Espiritismo sa pag-ibig ng Dios.

Nagpapasalamat ako. Ang aking tuhod ay luluhod sapagkat naroroon ang pag-asang may titindig, may makakasama ako. Kasama ko kayong hihiyaw ng tagumpay… “MABUHAY KA KALULUWA!”

Sa kapangyarihan ng Dios, alam ko na ngayo’y iisa ang kailangan kong itaguyod sapagkat iisa ang kahingiang kinakailangang magtagumpay, ang makita ang mukha ng Dios at ang may karapatang makita ang mukha ng Dios ay ang may malinis na puso. Dito tayo ngayon magbuklod at sabay-sabay nating ihiyaw ang tagumpay.

Maraming salamat sa lahat. Ako ngayon ang sa inyo’y naghandog, humihingi nang kapatawaran kung malaking sandali at oras ang aking nagugol dangan na nga lamang at nasain kong ibigay ang kadakilaan ng diwang nakapaloob sa bawat bahagi ng bawat sesyong katulad nito.

Magiging bahagi ng panahon, kamatayan bagang kasindak-sindak? Uri baga ng kamatayang malagim at kasuklam-suklam? Uri baga ng kamatayang hindi kayang tignan ng mga mata at lalong hindi kayang tayahin at damhin ng puso?

Sapagkat gayong uunlad at gayong susulong ang kamangmangan ng tao samantalang nagtuturo ang karanasan; samantalang naghahayag ang bawat galaw upang maunawaan ng bawat isang mahalaga ang iyong buhay at dakila ang ipinagkakaloob?

Kung ito ngayon ang siyang sasa puso muli’y mauunawaang sa bawat kanyang nilakaran, kung paano dinala ng bawat isa, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan kaylanman ay hindi makararating sa kanyang paraoroonan.”

Sino ba ang pinanggalingan at pinagmulan ng tao? Hindi baga ang Ama? Na, kapag ito’y hindi mo nilingon, hindi ba ang hahanggahan ay ang kamatayan, gutom, mga salot, na siyang panahon, siyang araw, siyang oras, siyang kabuuan ng bawat taon upang ang tao’y ilagay muli sa kanyang pinagmulan, ang kadakilaan ng buhay.

Ito kaya ang hinaharap? Ito kaya ang daladala ng bawat panahon? Hayaan ninyo na iyan ngayon ay maging bahagi ng paglalaro ng inyong isipan at ng inyong diwa ay dumoon at pumaloob ang inyong damdamin bukas na sapagkat handa na sa isang pagpapakasakit na dalhin ang kalagayan ng kanyang pagiging tao doon sa kabuuan na ito ang larawan ng Dios.

Samakatuwid,kung ito ngayon ang siyang uugitin, 2016, kapag ito’y iyong kinuha, isa ang maiiwan. Dalawa (2) isa (1), anim(6) ay kabuuan, timbang: 6,1,2, kabuuan, timbang at iyan ang aking sa inyo’y inihahayag sa ibang kaparaanan na kung saan ang kahingiang ibig ninyong buksan at maunawaan kung ano ang bawat araw at kung ano ang magiging taglayin ng panahon.

Sapagkat ang mga bagay na hantad na, ang mga bagay na hayag na, ang mga bagay na binuksan na nagkukulang ang tatag at tibay upang hawakan ang kaangkinan at katangiang naroroon sa kabuuan ng kanyang espirito.

Kung gayon, binuksan ang panahon ngunit nananatiling nakatali sa kanyang talinghaga upang doon buksan ng bawat tao ang kadakilaan ng kanyang pagiging wangis at larawan ng Dios at mula rin sa kanyang pagbubukas ay doon madaramang umuunlad at sumusulong at ng daigdigan ay diwa ng bawat espirito?

Ang lahat ng galaw ng bawat tao ay puso ng sangkatauhan, puso ng kapang-yarihan at katarungan ng Ama? Hindi ba kinakailangang madama ang lahat upang makitang walang bakas na iiwan na hindi nagpapaunawag iyan ang uri mo; iyan ang taglayin mo; iyan ang pinagsimulan mo at iyan din ang bubuo ng hantungan mo?

TAO--- kalarawan at kawangis ng Dios na Ama nating lahat--- sa bawat taon na kumukubkob sa buhay ng sangkatauhan ini-aangkop at ini-uugnay mula sa kanyang pasimula, sa paglalangkap ng dalawang (2) laman upang mabigyan ng kabuuan ang isa at sa kabuuan ng isang ito’y doon idinurugtong ang pagpapamalay, ang pagpapakilala, ang pagpapaunawang “ Ito ang larawan mo. Ito ang dala mo. Ito ang antas mo. Ito ang bubuo ng baitang at yugto ng buhay mo, kaluluwa.”

Kung gayon, kung ang nakaraan ay sinimulan sa isa, naroroon ang unang baitang na ipinadarama sa isang Espirito kapag inilagay sa laman, sa kanyang pagiging kahayagan na bibigyan ng hugis, bibigyan ng anyo, bibigyan ng hubog ay daan sa unang baitang upang ipakita at ipatanaw ito ang kamangmangan.

At kung ito ang kamangmangan, ito ngayon ang iyong sasalungahin at susuungin, na, sa pamamagitan niyan ang magiging kasunod doon ngayon ang pagbubuo. At sa kanyang pagbubuo ang kanyang magiging katambal ay ang uri ng gawa, ang kaparaanan ng gawa, ang kahayagan ng gawa, ang bunga ng gawa ang bubuo nang panahong lalakaran ng bawat tao na nilalang ng Dios.

2016, ipinatatanaw ang dalawang (2) pinagkabit, pinagtali, na sa pagkakabit at pagkakataling ito’y ipinauunawa na hindi ikaw ang kinakailangang manguna sapagkat sa iyong pangunguna mayroon ng sa iyo ay gumagabay; may liwanag na sa iyo ay tumatanglaw at sa liwanag at gabay na ito’y naroroon ang kabuuan ng bilog( ang zero) at ang kabuuan ng bilog iyon ang kahayagan ng larawan ng Dios: buo, ganap, lubos sa lahat ng karapatdapat na taglayin ng dalawa (2) upang sa kanilang pagtataglay at sa kanilang pag-aangkop makuha ang isa.

Kaya nga’t sa pamamagitan ng isa’y doon ngayon ipatatanaw ang Ama at ang Anak ay iisa. Kung ito ngayon ang dala-dala, sino ang magpapahiwatig upang siyang magpatanaw, “Ito ang gagalawan mo, ito ang landas na tatahakin mo upang pagkatapos ibabalik.”

Upang sa kanyang pagbabalik ay mabuo ang kahayagan ng kabuuan ng taon na lalakad sa kanyang mga araw; lalakad sa kanyang mga buwan at lalakad sa kabuuan ng isang taon na dala-dala ang kamalayang sa kanya’y nagbibigay nang pahimatong na ang bawat oras na doo’y ini-aangkop at inilalagay ng bawat tao ang uri ng kanyang tungkulin, ang uri ng kanyang tuparin, ang karapatdapat na kanyang gawin sapagkat sa bawat oras doon nakapaloob ang gampanin sa laman at sa kaluluwa sa kabuuan ng bawat tao.

Samakatuwid, ano ang ipinatatanaw na karagdagang bilang na ipapaloob sa 6? Kung ito ngayon ay 6 hindi ba iyan ay katumbas ng kanyang pasimulang dalawa(2) sapagkat naroroon paghiwalayin mo, pagsamahin mo iisa pa rin ang diwa, ibinibigay ang pagtatambal, ang una at ang karagdagan ay pagtatambal upang magkaroon ng kaisahan at sa pamamagitan ng kaisahan naroroon ang isa(1).

Sa pamamagitan ng kaisahang ito’y hahantong sa iisa--- ang larawang ibinibigay at ikinikintal, ang kabuuan sa lahat ng bagay, at kung ito’y kabuuan matutupad, ang naganap kahapon ay magaganap ngayon, at ang nagaganap ngayon kung ito pa rin ang ipagpapatuloy siya pa ring magaganp sa hinaharap.

Kung nakatali at nakaugnay ang kahayagan ng kalikasan, mapuputol ba ang pag-apaw ng tubig? Hihinto ba ang pagbuka ng bulkan na ikasasawi ng maraming buhay? Ang tagtuyot ba ay maiibsan? Iyan ang dala dala ng panahon na kung i-aangkop tatlo(3) ang lalakaran ng tao na hanggang hindi nagaganap ang tunay na kamalayan na kinakailangang sapitin mananatili itong daladala ng inyong panahon: gutom (AMBRE!), salot (PESTE!) at kamatayan (MUERTE!).

Magugutom ang tao ngunit may sapat na kakainin, ngunit magugutom ang tao. Kung ito ngayon ay timbang upang ipadamang naririyan ang kinakailangang magtambal sapagkat iyan ang magtitimbang ng lahat ng bagay: ang para sa lupa at ang kalagayan ng kanyang espirito. Magugutom ang laman, magugutom rin kaya ang kahayagan ng pangangailangan ng isang kaluluwa?

May hahawakang salapi ngunit, magugutom ang marami; may kakainin na ipantatakip sa kanyang sikmura at tiyan na kumakalam; ngunit ang hawak na salapi’y hindi sapat upang mabili ang pangangailangan ng laman, at kung ito’y hindi magiging sapat, ito ba ang magiging katambal upang magutom sa tunay na liwanag?

Upang magutom sa tunay na kahayagan nang tuparin at ganapin ng isang kaluluwa, ang kabuuan ng bawat tao sapagkat siya ay gagalaw nang sinsay at lihis sa batas at kautusan ng Dios?

Kung ito ang mangyayari damhin ng inyong puso gaano kalawak ang kagutumang sasapitin ng tao? Kaya nga ”AMBRE!” Samakatuwid, ang buhay ay magiging dugtong-dugtong na katulad ng isang tanikalang magkakabit.

Ang simula ng tao, na uri at kaparaanan ng kanyang paggawa ang siyang hahanap ng kanyang kakapitan at karugtong upang sa pagkakabit at pagdurugtong na ito’y maging angkop na kanyang hawakan; kung ano ang uri ng binhi na itinanim sa lupa at kung ano ang uri ng binhi na kanyang nakuha at naipon, itinanim sa lupa ay siyang tutubo at ito ang kanyang aanihin, ito ba’y PESTE! O kaya’y SALOT?

Sapagkat kapag nagkaroon nang kagutuman hindi ba iyan ang kasunod, PESTE! SALOT? Na, sa tala ng banal na Kasulatan ay doon ipinangungusap at itinala sapagkat ito ang siya ninyong haharapin, “ Gumagala ang mga Leon at kayo’y sisibasibin.”

Kung ito ang magiging kahayagan at dala ng panahon, paano kayo gagalaw? Paano ninyo dadalhin ang inyong sarili? Paano ninyo iingatan ang kaalaman at karunungang nasimpan ng inyong kaluluwa?

Upang pagkatapos ay makita at madama ninyo katulad ng pagbaka ng isang Ama na kung saan sa paglaganap ng mga tanda upang ibalik ang puso ng tao sa Dios na sa kanya ay lumalang, sa kanya’y nagbigay ng buhay, ang ibinibigay at lalakad ay kamatayan.

Hindi baga ini-utos sa mga anak ng Dios na lagyan ng tanda ang bawat pintuan upang hindi siya lamunin ng kamatayan? Dito ba kayo ngayon kinakailangang maging iba?

Dito ba ngayon kinakailangang matanaw ninyo ang bakas ng inyong mga paa na sa bawat pagtahak at bawat paglisan ay may larawang ikinikintal at sa inyo’y ibinibigay?

Ito ang siyang maging kahayagang naririyan ngayon ang bukas na diwa; ang malayang puso, ang kalinisan na kinakailangang kanyang sakbibihin upang kanyang madama, mahawakan ng kanyang mga palad ang kaligtasan sa ipagkakasala ng kanyang kaluluwa.

Sapagkat walang nag-iibig na siya’y mamatay nang walang karangalan, walang nag-iibig na siya’y sumapit sa isang kamatayang karumaldumal. Kung iyan ay ito ang kabuuan, ang kahustuhan, ang kaganapan ng tunay na kahingian yayamang iisa ang batas na nilakaran at lumagom sa tunay na buhay, ang pag-iibigan.

Makatatayo ka na kaya sapagkat nakapaglaro na ang diwa na ipinakikitang may kipkip na, kaluluwa ng tao? Na, naroroon ang kahapon ay pagsisimpan, pagtatago, pag-iipon kaya nga’t nakakuyom.

Ngunit ito na ang sandali nang paglalahad sapagkat anomang bagay na iyong inimpok at hindi magiging bahagi bilang pag-ibig sa iyong kapwa ay walang magiging kabuluhan at kapakinabangan.

Oo, sa iyong kalagayan, ngunit ito ba ang pangalawang baitang na kinakailangang madama, makilala at maunawaan ito ka na ngayon, kaluluwa! Ganito ka na ngayon Tao!

Ganyan na ang uring kinakailangang mataglay mo sapagkat iyan ang mga palad na ilalahad at bubuksan sapagkat hihingi, mananaingahan, luluhod at dudulog, “ Kulang ako, mabibigyan nyo ba ako? Ako’y salat sa yaman ng tunay na buhay, pulubi sa lansangan, kailangan mo ba ako ngayong limusan?

Nakikitang ang saplot at kasuotan ay gula-gulanit na, kailangan mo bang tagpian? Magaganap ba ito kung mananatiling kuyom ang mga palad? Kinakailangang ilahad sapagkat hahawak ng karayom upang tahiin; hahawak ng mga bagay upang kumpunihin kung siya ay bahay na  titirhan.

Na, naroroon sa paglalaro ng kanyang isipan na may bukas at malayang puso’y madarama kung ano ang kulang sa kukumpunihing bahay upang kanyang maging tahanan. Kung ang kulang ay pako, may bibit ka na ba? Kung ito’y panukat, nasa lukbutan mo na ba?

Kung martilyo, buo pa ba upang sa bawat pagbabaon ng pako at ito’y pupukpukin ay mangyayari ayon sa kanyang kahayagan at kahingian upang makita at madamang hindi ang nakaraan ang magiging saligan kung hindi ang kanyang kasalukuyang nagagawa.

Makikitang may natitipon, may nagkakabit, may nag-uugpong na bahagi ng kabuuan upang makilalang ganito kahalaga ang mga palad na ngayon ay ilalahad. Ngunit maiiwan ba ang pagkakakuyom? Kung ika’y magpupukpok kinakailangan ba ang nakalahad na mga kamay upang masabi mong nagampanan mo ang iyong tungkulin?

O ang kinakailangan ay nakakuyom sapagkat hahawakan ang tatangnan (handle) ng martilyo na kung saa’y isa ang gumaganap ngunit dalawa ang tumutupad upang maihantad ang kinakailangang umunlad at sumulong, bumaitang ang antas ng bawat espirito.

Pangitain

Ito ang aking sa inyo’y ipinagkakaloob sapagkat sa pagtingin ko at nang malasin ang kahayagan sa kagandahang ibinigay ng Dios, ang una kong nakita at namalas ay isang malawak na bukiring hitik na hitik ng gintong palay ngunit naroroon ang nakalukob ay bunton ng mga lukton na, kung saan sa pagkakalukob, ang dadalhin ang laman ng puso, ang laman ng kabuuan ng pagkatao.

Ano ang gagawin ng lukton sa mga gintong uhay ng palay? At sa muling pagmalas ay naroroon ang malawak na tubigan na kung saan ang aking natanaw ay maraming buhay doon sa karagatan na nakalutang at sa kanyang pagkakalutang, ito na ba ang katapusan?

At sa huli ang nabungaran ay mga krus na nakatindig na sa pagkakatindig ng mga krus na ito’y doon ngayon dinama, “ Ito ba ang hantungan ng hiram na buhay? Sa ganyan ko isinasara at ipinipinid ang aklat ng panahon na kung saan ang lahat ay isasalig at ibabatay kung paano ihahakbang ng tao ang kanyang mga paa.

Kung paano ngayon i-aangkop at i-uugnay ng bawat tao ang landas na kanyang daraanan na sa bawat paghakbang at sa bawat pag-uugnay at kanyang paglakad ay maunawaan kung alin ang tamang landas. Naririto ngayon ang kabuuan ng panahon na inyong lalakaran.

Maghari nawa sa inyong mga puso at sa inyong adhikain ang malayang buhay upang damhin ng bawat isa na siya ang sumusulat ng kanyang buhay at sa bawat kasaysayang doon ay ikinakabit ang kanyang ganapin na kanyang lalakaran.

Uriel, Paalam.



Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia