1984-1991, Koleksyon - Arkanghel Raphael

 

 

 

 

1991-12-08 FBT

Pagpalain kayo ng Dakilang Panginoon, Kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailan man!

Mga ginigiliw na kapatid na patuloy na nagsisipag-aral, patuloy na nagsisikap upang kahayagan ng isang pagkakilala ay magkaroon ng katuparan sa lahat ng pagkakataon. Patuloy kayong nag-aaral marami na kayong panahong ginugol, marami nang sandali ang binawas ninyo sa inyong mga alagatain sa laman.

Marami na din ang mga pagkakataon na ang inyong dakilang pagkakilala ay panindigan ninyo sa gitna ng maraming alagataing panglaman. Patutuo na mayroon kayo ng pagpapahalaga. Mga minamahal na kapatid, papaano ninyo pinahahala-gahan ang inyong pagiging mananampalataya sa dakilang Panginoon. Yaon lamang bagang mga sandali na kayo'y magkatipon-tipong magkakapatid?

Yaon bagang kayo'y manahimik lamang at umulinig ng mga kataga ng kaitaasan? Hindi pa sapat ang mga bagay na iyan upang kayo'y maging isang tapat na alagad ng Panginoon.

Mayroon pa kayong mga sandaling hindi ninyo napipigil ang inyong sarili, sa maliit na bagay ng pagkabugnot at pagkamuhi sa inyong mga kapwa. Hindi pa rin ninyo ganap na natatanggap na pagpaumahinan ang sa inyo'y nagkakasala.

May mga sandali pa rin ang kainitan ng simbuyo ay dumarating sa inyong katauhan at lalong-lalong hindi mawawala sa isang nilikha ang pagbibigay hadlang sa kanyang hangaring makapaglingkod.


Ngunit pagdating sa mga sandali hindi maibulaos ang tunay na pag-lilingkod sa kanyang kapwa sapagkat hindi pa rin nawawala ang mga butil ng pag-aalinlangan at pangangamba, hindi pa rin nawawala ang maliliit na butil ng karamutan sa puso ng bawat isa.

Sapagkat kayo'y hindi pa ganap na natututo. Kailangan ninyong matutuhan kung kailan kayo maglilingkod ng hindi kayo magbibigay ng ano mang mga kataga upang ang iniabot ng inyong mga palad ay ibandila pa ng inyong mga labi.

Sa kapanahunan ito habang nalalapit ang isang pagkakataon kung kailan binubuhay ng sangkatauhan kung papaano inihahanda ang mga sarili upang salubungin ang pagkasilang ng isang sanggol.

Naihanda na rin baga ninyo ang inyong mga katauhan, nalinis din ba ninyo ang inyong mga puso upang silangan ng isang dakila at mapayapang katauhan?

Wala na ba ang mga damdamin katulad ng damdamim ng mga naunang hindi nagpatuloy sapagka’t punong-puno ng karangyaan ang kanilang mga tahanan at namimili ng kanilang tatanggapin mga panauhin? Ngayon kaya'y ganoon pa rin? Hindi kaya lalong lalaki ang inyong mga puso sa abang sabsaban kung alin ang pook na naging mapalad?

Mga minamahal na kapatid, habang hindi ninyo inu-ulinig ang daing ng mga tungkulin sa kapatagang ito. Habang hindi ninyo naihahanda ang inyong sariling tumanggap ng mga upasala at habang hindi ninyo nagagawang magkaloob ng walang kagantihan ang inyong nailalagay sa larangan ng paggawa.

Masisipag kayong magkakapatid na mag-tulong-tulong at magdugtung-dugtong ng inyong kaalaman. Nais ko sanang maging masipag kayong tagapangalaga ng inyong mga kapatid na mayroon ng mga karamdaman at tagapagunita sa mga nilalang na nakalilimot upang ang katuparan ng inyong pinipithayang pinag-aaralan ay maisakatuparan.

Iyan ang aking inilalagak sa lahat at bawat isa. Naghahangad ako ng kapayapaan ngayon at magpakailan man! Paalam, Arkanghel Raphael.


 

1991-12-04 EB

Ang biyaya at kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailan man!

Mga minamahal na kapatid, kung ang pangako ay may katuparan sa lahat at bawat isa'y nahahayag ang katotohanan upang minsan pa'y madamang ang lahat ng bagay ay magaganap at magaganap upang makita ang pinakadiwa ng hinahanap ng tao.

Ngunit saan ako naroroon ng aking pagmamasid at masinop na pag-aaral upang makilala ko ang pinakabood at kadakilaang hinahanap ng bawat mananampalataya'y bigo ang aking nasain at sa aba ng maraming pananalangin hindi magkaroon ng kahayagan?

Hindi nangangahulugang may nagmamalupit sa lahat at bawa't isa upang madama ang bunga ng maraming pagkukulang ng tao. Kung hindi ang lahat ng bagay ay magiging dalawa at magkakaibayo upang makita at mapili ng dakilang mangangaral ang tunay na katotohanan na kanyang hinahanap. Saang dako ako magbibigay ng higit na biyaya kaysa sa loob ng inyong lunduyan?

Nadadama ng bawa't isang humahanap ng biyayang hindi sila mabibigo ngunit ang mga biyayang ipinagkakaloob ng kabatlayaan maging ito'y materyal ng pangangailangan maging sa espiritwal na pangangailanga'y nagkakaroon ng batid ang pinakadiwa ng espiritismo, sapagka't walang nagiging tapat sa kanilang biyayang hawak-hawak.

Hindi ko binibigyan ng panghihina ang aking mga minamahal na kapatid, kung hindi ang biyayang pinagkakaloob ng kaitasang walang bayad pinagkakaloob sa higit ang pangangailangang walang bayad sapagka't higit sa ipinagkaloob ng mga biyayang tumanggap ay ibibigay ng dakilang Amang Makapangyarihan hindi lamang sa isang panahon kundi panapanahon mga minamahal na kapatid.

Kayong mga minamahal kong may mga karamdaman, sinupin ninyo ang inyong pagkatao, damahin ninyo ang katotohanang apekta ng biyayang sumasainyo upang ang mga karamdaman ay mapapawi sa maraming pagka-inip sa inyong pagkatao.

Kung baga sa isang saplot na punong-puno ng dumi at naging tagulamin sa kanyang sa kanyang kaangkinang kalinisan ang saplot na iya'y matagal na ikukula, upang pumuti at magbalik ang kalinisan ng saplot na iyan.

Hindi nangangahulugang ang bawa't kirot ng laman ay nagbabadya ng isang panghihina ng tao. Kung hindi ang karamdaman ay nangangako ng isang pamamahinga ng tao upang makasulong at mai-ugnay ng buong katapatan ang kanilang pagkatao sa isang Amang Makapanyarihang hindi nagtatanggi ng kanyang tutulungan.

Magpupuri kayo at magpapasalamat hindi sa buhay laman upang maipadama ninyo sa kaitaasang ang lahat ng bagay ay nagpupuri upang minsan pa'y madama ng Amang Makapangyarihang hindi kayo nakalilimot at binigyan kayo ng laya, maging malayang makapamili ng maganda at pangit na mga bagay.

Hindi kayo pinababayaan kailanman sapagka't minahal kayo't pinili at hinirang nguni't hindi kayo makakaalpas sa maraming uri ng tiisin kahit na kayo ay hinirang ng Panginoon. Sapagka't kung papaanong noong mga unang kabuhayan ay nakasama kayo ng Panginoon.

Hindi kayo nakadama ng maraming uri ng kaginhawahan kung hindi minsan sa isang maghapon ay nakatikim kayo ng isang subong pagkain upang kayo ay magpalawak ng katuruang lihim at maipadama sa sangkatauhang iyan ang katotohanan ay hindi ma-angkin ng tao ang kasaganahan, ang kaligayahan at ang karangalang lagi ng pinag-aawayan ng bansa sa kapwa bansa.

Hinahalina ko kayo mga minamahal na kapatid na ipadama ninyo sa inyong mga pagkatao ang tunay na pag-aaral. Hindi nga kayo nagsasawa at nagpapatuloy nguni't higit na dagdagan ninyo ang inyong pag-aaral mga iniibig na kapatid kung paanong nalalapit ang pagdating ng isang makatotohanang sagisag ng Cristo.

Lahat ng uri ng kahirapan sa sangkatauhan ay madadama ng tao, hindi kayo manghihina at lalakas sapagka't naghihintay ang dakilang Ina ng sangkatuhan at ang Panginoon ng sangkatauhan ng mga nilikhang nagtataguyod ng kaniyang simulain hanggang doon sa rurok ng pananagumpay.

Kapayapaan ang aking iiwan sa lahat at bawa't isa ngayon at magpakailan man! Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.

 

1991-12-01,  FBT

Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailan man!

Mga minamahal na kapatid, pinatotohanan ninyo sa mga pagkakataong gan-ganito ang kahayagan na kung saan naroroon ang katamisan. Hindi ko kayo inihahalintulad sa mumunting hayop sapagkat higit ang inyong mga katayuan.

Higit ang inyong mga kaalaman at lalo ninyong pinatunayan na kayo ay patuloy na sumasagwan sa dagat ng buhay dinudulang ninyo sa kailaliman ng karagatan ang panggagalingan ng inyong mga kaluluwa.

Na inyong tataglayin sa dako pa roon sapagkat nauunawaan ninyong kayo lamang ang makakasusumpong ng inyong ikaliligaya at hindi maaaring ang pagsisikap ng iba'y iyong tamasahin.

Nalalaman ninyo na habang kayo  gumagawa ng lalong karapat-dapat sa mata ng Panginoon ay nasasa inyo ang kapakinabangan. At na-uunawaan ninyong sa inyong mumunting pagkakamali at pagkakasala kayo ang unang makakaramdam ng kirot na ganting galaw sa iyong pagkatao.

Kung sa inyong mga katayuan mga iniibig na kapatid, ay ihahambing sa maraming manlalakbay sa kapatagan na hindi nag-aaksaya ng panahon kundi patuloy na humahanap ng kanyang pangangailangan pangdaigdig lalo at  lalong nagsisikap mag-ipon ng maraming kayamanan.

Natatakot ang taong magutom, natatakot ang taong mahuli sa kilusan ng lalong mararangya kung kaya ang kanyang panahon ay abala sa paghahanap ng lalong ikararagdag ng kanyang tinatangkilik sa buhay na iyon.  

Samantalang kayong pinakamamahal kong mga kapatid na magkaroon ng maliit na kaligayahan at kasiyahan ay sa panahon ng inyong pakikipagtagpo sa kabatlayaan. Sino sa inyo sa ganganitong sandali ay lumalabas sa kanyang kaisipan at hinahanap ang mga bagay  na ikararagdag ng kanyang kayamanan?

Tinatanaw ko sa inyong  mga kaisipan mga minamahal na kapatid, kung bagaman at iba-iba ang tibok ng inyong mga damdamin at laman ng inyong mga pagkukuro ay hindi nalalayo ang inyong tunay na damdamin sa paghanap ng kailanganing pangkaluluwa.

Nalalaman ko ang bawat isa sa inyo sa gitna ng maraming alagataing pangkapatagan sa kakulangan  ng kanyang pangangailangan sa buhay laman ay naririto kayo sapagkat hindi ninyo mailiban ang isang pagkakataon sapagkat kayo ay nagugutom.

Nagugutom ang inyong kaluluwa, naghahanap ang inyong diwa ng mga kapayapaang magbibigay sa inyong pagkatao ng kaaliwan at gayon din natutupad ang nakasaad sa Banal na Aklat "hanapin ninyo ang nau-ukol sa langit at ang lahat ay nagiging karagdagan ukol sa inyong pangkapatagang pamumuhay".

At lalong hindi lamang  kayo nag-aaral at nag-aaral kung hindi kinakailangan kayong matuto at gumawa upang magkaroon ng kahayagan ang malaon ninyong pakikipag-aral sa dakilang simulain ng Espiritismo.

Kung sa inyong kalagitnaan ay ibinaba ng kabatlayaan na mag-ibigan kayo sa isa't isa at magpatawaran. Kung sa mga labi at laman ninyong mamumutawi ang kanyang mga kataga ay baog pa rin at walang katiyakan nguni't kung kayo'y umiibig at nagkakawanggawa at nagpapatawad ay gawin ninyo ang kahayagan.

Matanggap ninyo na ang inyong mga kapatid lalong-lalo na ang mga naliligaw ng landas ay hindi ninyo pagkakaitan ng inyong mga taos puso na dalangin. Hindi kayo magkukubli upang hindi ninyo matanaw ang mga pagkakamali ng iyong mga kapwa.

At lalong hindi ninyo tatanawain sa kanyang kamalian at siya'y hahatulan hindi nga, mga iniibig na kapatid. I-aahon ninyo, aakayin ninyo upang patotohanan ninyo na kayo ay isang taga-akay na natututo ng nau-ukol sa mga kataga ng kabatlayaan.

Mga pinaka-iibig na kapatid, sa bawat yugto ng panahon ay binubuhay ang kapanahunan kung kailan isinilang ang sanggol sa dukhang sabsaban. At sa tuwi-tuwina sa inyong mga pagkatao kung kayo ay nagkaroon na ng kaliwanagan ng pag-iisip.

Kung natutuhan na ninyong tumulong ng walang katapat na kagantihan. Kung naipadama na ninyo ang inyong pagka-awang mayroon ng kabanalan katotohanang-katotohanan sinasabi ko ang puso ninyo ang siyang abang sabsaban.

At sa inyong mga puso nahimlay ang katotohanan ng isang banal na sanggol na iluluwal at siya napunta sa inyong pagkatao sa mga bagay ng mabuti na nililikha ng inyong mga sarili sa inyong mga kapwa.

Humayo kayo't magpatuloy magpapakalakas kayo't magpakatibay upang bumalikat ng maraming tungkulin, tungkuling itataguyod na mayroon ng kabanalan at pagtitiyaga. Hindi ninyo ibababa  ang inyong tungkulin sa isang sulok upang mayurakan kung hindi ang tungkulin bilang isang kapatid ay lalo niyang iingatan sa pedestal ng kanyang pagkaunawa.

Mga kapatid, iyan lamang at hinahangad kong sumainyo ang kapayapaan!  Paalam, Arkanghel Raphael.

 

1991-10-18, FBT

Maghari ang kapayapaan sa lahat at bawat isa ngayon at magpakailan man!

Mga ginigiliw na kapatid, ang lahat at bawat isa ay magpapatuloy at mayroon ng kani-kanilang maliliit na katangian sa kanilang mga sarili, bagaman at ang nakikita ng kabatlayaan ay waring iba ang pakahulugan. Unlad na nagiiba-iba ang paglalahad ay katotohanang iisa lamang ang pakahulugan.

Mayroon kayong mga pananabik sa inyong pagkataong pagdating ng mga ganitong pagkakataon ay pinanghihinayangan ninyong hindi ninyo makaniig ang kaitaasan. Hinahanap ng inyong mga pandinig ang mga kataga ng kabatlayaan paulit-ulit na inihahalahay sa inyong kalagitnaan.

Pinananabikan ng inyong pagkatao ang mga sandali na kayo ay nakalikom at nakakadama ng maraming hikayat sa inyong pagkatao. Inaasam nyong maka-agapay ang inyong mga kapatid.

Hinihintay ninyo at pinanabikan ang paglalahad ng kanilang kaalaman. Patotoong hindi kayo nagbabago, hindi kayo nagsasawa sa mga bagay na may hilahis ng kabanalan. Lagi kayong nauuhaw sa tubig ng buhay.

Mga minamahal, kung bagaman iisa ang himig, ng mga banggit ng kabatlayaan sa inyong kalagitnaan nananatili kayo sa inyong matapat na pananampalataya, nananatili kayong umu-ulinig.

At kayo sa inyong mga sarili ay makakadama at magkakaroon ng karagdagan ng mga bagay na inyong natutuhan nagmula sa kaitaasan sapagkat hindi ninyo namamalayan ay nakagawa kayo ng na-aangkop sa inyong pag-aaral.

Hindi rin kayo nagsasawa, sapagkat sa tuwi-tuwina nagugutom ang inyong mga pagkatao sa mga katagang bumubusog at nagdaragdag ng kaalaman sa gitna ng inyong mga pag-aaral.

Nawa ay manatili kayong nauuhaw upang humanap ng pamatid-uhaw, sapagkat ganyan ang bawat nilalang sa kapatagang ito na palihan ng mabuting kaisipan at kaasalan ng mga nilalang. Magmula sa karaniwang kilos ng bawat isa sa inyo, at paki-kisalamuha sa lipunan ay natutuhan ninyo ang karagdagan ng inyong pakikipamuhay.

Sa ikataasan ay lagi nauunawaang nagkakaroon ng karagdagan ang kaisipan. Nagagawa ninyo ang karapat-dapat ninyong baguhin sa inyong pagka-unawa. Nalalaman na ninyo ang kahalagahan ng pag-ibig at pagpapatawad.

Naabot na rin ng inyong pagkukuro ang pangangalaga sa inyo-inyong mga sarili upang ang simulaing ito hindi kayo pagmulan ng pagpula ng inyong mga paligid. Mayroon kayo ng talaytayan ng kabatlayaan, mga kapatid na nagdadala ng bigat ng panangutan sa lahat at bawat isa sa inyo. Nakasumpong at naka-ulinig na ng mga aral ng kabatlayaan.

Pag-aralan na ninyo at iwawaksi ang mga bagay na dapat tanggapin ng inyong pagkatao. Nalalaman na ninyo kung paano ninyo palalawakin ang inyong pag-iisip. Nauunawaan na ninyo kung paano mai-aambil ang inyong mga kapwa sa isang mapayapa at maayos na pamumuhay. At lalong higit na nauunawaan ninyo kung ano ang ibibigay ng isang kagulumihanan ng pag-iisip sa kanyang pagkatao.

Mga kapatid na mag-aaral ng katuruang ito, hindi sapat ang maunawaan ninyo ang sandali ng inyong pagniniig. Hindi sapat na maunawaan ninyo ang inyong tungkulin, kung hindi bagkus ang hinahanap ay ang kaganapan ng inyong paggawa.

Manatili kayong mapag-aral, lagi ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa kadakilaang hinahangad ng lalo at lalong mag-aaral na makatupad ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi kayo makapaghahawan ng taga-akay ng landas na patungo sa Panginoon, ay hindi kayo makapagkakamit.

Kapayapaan ang iiwan ko sa inyo ngayon at magpakailan man. Paalam, Ang inyong Patnubay.

 

1989-07-09, FBT 

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga ginigiliw na kapatid, kung masusumpungan ninyo ang bawat isa ay nag-iwan ng maraming alagatain sa loob ng tahanan at ang mga sarili ay buong layang pa-iilalim sa pakikipag-aral sa kabatlayaan.

Nadadama ko na hindi ganap na katauhan sa kabila ng maraming pagsubok at alagataing panlaman ay pinalilitaw ninyo ang pagbibigay lugod sa inyo-inyong mga diwa sapagkat ang kahalagahan ng isang pananampalataya ay hindi maaaring kilalanin lamang sa pamamagitan ng pangungusap, hindi maaaring kilalanin lamang sa paggawa.

Ang lalong higit na karapat-dapat ay ang makatupad, ang sarili ay maipagkaloob, mabigyan ng katiyakan sa kanyang sariling damdamin at doon pa lamang maipagpatuloy sa paggawa ng tao ng katotohanan. 

Ang sukatan ng pagiging tunay na alagad ng Panginoon

Hindi ninyo maaaring wikain kayo ay tunay na alagad ng Panginoon habang hindi pa ninyo natutuhan ang mga bagay na idinudulot sa inyo ng inyong mga kapwang mayroon ng paghamon sa inyong mga kahinahunan.

Hindi rin ninyo ganap na natatanggap ang katotohanan ng pagiging isang mananampalataya ng simulaing ito at hindi pa ninyo nagagawang maglingkod nang walang hinihintay na ano mang kagantihan. 

Kung dumating na sa inyong buhay na ng inyong mga sarili ay naging mapayapa sa maraming uri ng pagsubok, kung madama na at maipadama ng inyong pagkatao na ang tiisin sa buhay laman ay hindi ninyo binabalikat, kung hindi iniaagapay ninyo sa wastong paghakbang na wala kayong pagdaramdam.

Nadadala ninyo ng buong kapayapaan ang maraming uri ng kabiguan at tiisin sa buhay na iyan. Nagagawa ninyong maging masigla sa kabila ng maraming alagaing nakapatong sa inyong mga balikat ay naibahagi ninyo ang inyong mga panahon sa inyong mga kapatid lalung-lalo pasa mga nilikhang mayroon ng mga tiising pagkundangan sa kanilang mga sarili.

Ang tunay na paglilingkod

Sa inyong pagtulong mga minamahal na kapatid, sikapin ninyong kung kayo ay tutulong ay maaliwalas ang inyong mga kaisipan, puno ng pag-ibig ang inyong mga puso at hindi ninyo dadalhin sa inyong sarili kung anong uri ng nilalang ang pinaghahandugan ninyo ng inyong paglilingkod. Ang tanging nakalaman sa inyong mga kaisipan ay naglilingkod kayo, iniibig ninyo ang inyong pinaglilingkuran sapagkat siya ang larawan ng iyong pagkatao.

Ang pagsisiyasat sa sariling pagkatao

Kung kayo ay nakakatanaw ng nagkakamali ay tanungin ang mga sarili kung kayo ay hindi nagkakamali. Kung kayo ay nakakatanaw ng nagkakasala ay huwag kayong magkakaroon ng paghatol. 

Siyasatin ninyo ang inyong pagkatao kung sino kayo at kung gaano ang agwat ng inyong pagkatao sa inyong mga paligid sapagkat mayroon kayo ng laman, mayroon kayo ng lakas, mayroon kayo ng buhay at laman na nagiging kasangkapan ng buhay ng tao sa kapatagang-lupa ay hindi kanawa-nawang mailalayo sa maraming uri ng alitigtiging panlupa.

Isang katayuang mamamalas ay ang gawa ng ginampanan ng tao sa lupa

Ngunit kayo ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral, nagkaroon kayo ng pagkakataong makilala ang katotohanan, narating ninyo ang araling hindi ninyo maaaring masumpungan sa mga pamantasan sa daigdig.

Ngunit sa mga araling nabunsod at ibinunsod ng inyong pagnanasa kung papaano ninyo sinisikap na maisagawa, matupad sapagkat nalalaman ninyong malaon at madali dadako kayo sa isang katayuang ang tanging namalas ng tao ay ang gawa ng kanyang ginampanan sa kapatagang lupa.

Maging matapat at masugid na tagapagtaguyod ng simulain ng pag-ibig

Gaano kayo manlulupaypay kung inyong natagpuan ang kamaliang inyong ginampanan at isinagawa ay saglit lamang ang bahagi ng magagandang bagay. Mayroon pa kayo ng pagkakataon, binabahagian pa kayo ng tangkilik ng kabatlayaan. 

Sikapin ninyong sa kasalukuyang ito ay babalikatin ninyo ang maraming tiisin, magiging matapat kayo at masugid na tagapagtaguyod ng dakilang simulain ng buhay.

Umibig at magpatawad, maglingkod ng walang pasubali at ang mga bagay na iyan ay pagkaing hindi mapapanis, damit na hindi nalalasog, tahanang hindi gugupo ng ano mang sigwa at kayo ay magiging isang mapanatag na manlaklabay pagdating ng panahon.

Iyan ang aking iiwan sa inyo at naghahangad ako ng kapayapaan at ang tibay at tatag ng inyong pananalig ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay.

Mga Termino

alagatain

 

1988-09-21, FBT

Pagpapala, pag-ibig, liwanag na nagmumula sa dakilang Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman!

Mga kapatid na nagdadala ng bigat ng pananagutan, ipaubaya ninyo na sa pagka-kataong ito ay kumakatok ako sa kaibuturan ng inyong mga puso, ipaubaya ninyo na ang mga pagkakataong ito ay maging inyo at maging akin.

Iwaksi ninyo ang anomang bagay na bumabalot sa inyong pagkatao, ng mga kabagayan ng pangkapatagan sapagkat nakipagtipan kayo sa kabatlayaan na sa gan-ganitong pagkakataon ay nagpapanagpo kayo upang maipadama sa inyo ang inyong mga kinakailangan, maipagkaloob sa inyong ang mumunting kahilingan kung karapat-dapat.

Hindi ko sinasaklaw ang inyong kalooban, hindi ko hinahadlangang nasa talsik ng inyong pag-iisip paminsan-minsan sa ganitong pagkakataon ay hindi makalabas at magunita ang mga bagay ng laman kung kaya at ako ay humihiling na ipaubaya ninyo ang pagkakataon at sa amin.

Mula sa inyong mga luklukan, damahin ninyo ang kapayapaan ng inyong pagkatao na wala kayong salagimsim na maaaring makakabagbag sa inyong pananahimik at pakiki-ugnay sa kaitaasan.

Lakas na makatitighaw sa mga kirot ng laman

Damahin ninyo ang hatid na lakas na lihim na makatighaw sa maraming kirot ng laman ang malabatlayang dampi sa inyong pagkatao, ang hilahis ng kapayapaan sa inyong kaisipan, damdamin at kalooban.

Maaaring matanggap ninyo na kayo ay nagiging maligaya sa isang maikling sandali, binubusod ang inyong mga kaisipan ng mga pagkain na walang pagkapanis, ginigising ang inyong mga katauhan sa paminsan-minsang pagkalimot ninyo sa inyong mga tungkulin.

Sapagkat ang buhay ng tao, ang panahon ng tao sa kapatagang-lupa ay magkakaroon ng magandang kasaysayan at makapag-iiwan ng bakas sa kanyang mga nilisan kailanpaman at naging tapat na tagatupad ng tungkulin ang bawat nilalang.

Nabuksan sa inyong mga pagkatao at pagkakilala ang paglilingkod sa pagkakawang-gawang siyang susi ng kaligtasan. Sinisikap ninyong maisakatuparan sa alinmang paraan at uri ng pagkakawanggawang maitutulong ninyo sa: inyong mga kapwa, maging sa laman, sa asal at sa diwa; ang lahat ng iyan ay buong kalayaan ninyong maipagkakaloob sa inyong mga kapatid.

Unti-unti na rin nagigising ang inyong mga damdamin sa pag-ibig na buong kalinisan at kapayapaan na inyong maipagkakaloob sa inyong kapwa. Pag-ibig na hindi naghihintay ng anomang ganti kungdi magpapatuloy na umiibig ang isang nilikha sa kanyang kapwa sa gitna man ng maraming tiisin sapagkat wala ng hihigit pa na dakila sa pag-ibig ng isang nilalang na inukol sa kanyang kapwa na hindi naghangad ng anomang bagay.

Nakilala na ring unti-unti ng inyong mga pagkatao na ang mga bagay na inyong ginagampanan at nagaganap sa kapatagang-lupa ay pang kasalukuyang kabuhayan na hinabi at tinigis sa lumipas na panahon ng inyong mga pagkatao na kung mayroong mumunting bagay na hindi maipagpatuloy ng inyong mga sarili ay sa hikayat ng kabatlayaan ay nagising at natatanggap ng inyong mga pagkatao na sa panahong ito ay pupunan ninyo ang inyong mga pagkukulang.

Ang mga pagwawalang bahala ng mga nagdaang panahon ay bibigyan ninyo ng magandang kahayagan sapagkat mayroon kayo ng tinatatanaw na kinabukasan sa dako pa roon at sa muli ninyong pakikitala sa kapatagang-lupa.

Wala nang hihigit pang maligaya maliban sa matanggapa ng tao ng buong katatagan at kagitingan ang karma ng kanyang buhay at makapaghanda ng isang magandang kinabukasang masumpungan sa pag-aaral sa ilalim ng kabatlayaan.

Hindi kayo mamimili ng paglilingkuran, ni lalong hindi kayo magtatakwil nang dahil sa inyo ay nagkasala o nagkamali. Ang lahat ng iyan ay titipunin ninyo sa lukom ng inyong pagkakilala, titimbangin ninyo,pakakasinupin ninyo at kung sa gayong paraan ay mabubuksan ang inyong ala-ala at gunita, ang lahat ng nagaganap sa inyong mga buhay at pagkatao ay pagbubukas lamang ng inyong paghahanda sa kinabukasan.

Sa lahat at bawat isa ay nananawagan ako at humihiling na bibigyan ninyo ng maikling sandali saan man dako naroroon ang pag-aambil ng mataimtim na dalanging hindi lamang sa loob ng inyong tahanan, sa lahat ng dako, sa iba at ibang panig ng daigdig, panalanging pinalalakas ng inyong pagkakilala, pananlangin pinatataimtim ng iyong maalab ng pagnanasa na magkaroon ng kapayapaan sa lahat ng dako lalong lalo pa sa bansang inyong nilililiman.

Pakahangarin ninyo ng buong kataimtiman sa pagkatao, magkaroon ng pagkaka-unawaan, magkaroon ng pagbibigayan at paggagalangan sapagkat ito ang pinakamatibay na pangangapitan ng tao ngayon at magpakailanman.

 

1988-03-13, FBT

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, ang inyong pakikipag-aral sa simulain ng Espiritismo ay nakakahalintulad kayo ng mga baging na gumagapang at nakabalatay sa puno ng isang mayabong na punong kahoy. Kayo ang mga baging at ang kabuuan ng simulaing itong punong puno ng aralin ay ang mayabong na puno ng kahoy.

Nakakapit kayo at nakasandal, mayroon baga ng halaga ang inyong pagkasasandig? Nasimsim baga ng inyong pagkatao ang kadalisayan at kadakilaan ng isang simulain? Alalahanin ninyo na nagkakaroon ng magandang kasaysayan ang bawat bagay na nakakakuha ng magandang halimuyak sa kanyang sinasandigan lalong lalo na nga mga minamahal na kapatid, hindi ko sinasabing ang lahat ng mag-aaal ng simulaing ito ay mga banal.

Sapagkat kung kayo ay mga kataguriang mga banal ay wala na kayo sa kapatagang ito at kayo ay naka-akit na at nakapagturo ng maraming kaluluwa sa dako pa roon, ngunit kayo ay mag-aaral na kinakailangang matuto.

Sa haba ng panahon ng inyong pagka-unawa maging sa mga Banal na Aklat ay inyong pupulutin ang katas ng mga kataga at hindi ang mga kataga sapagkat kinakailangang tapatin ng tao, kinakailangang himayin ng tao ang bawat pag-aaral upang kanyang maisakatuparan.

Pababayaan baga ninyo na maging baging kayong tuyo na nakabalatay sa punong mayabong? Pababayaan baga ninyo ka kayo ay isang mananampalataya na sahol sa kaganapan ng inyong pag-aaral? 

Alalahanin ninyong kayo ang mga buti na kinakailangang tumubo at yumabong upang maging kapakinabangan ng maraming nilalang na sa sa inyo ay kukuha ng halimbawa. Ngunit kung kayo ay magpakaliko sa inyong mga sarili, kung kayo ang magpapakaligaw, papaano na ang mga nilalang na sa inyo ay susunod?

Ang bawat nilalang ay hindi maaaring panghawakan ang kanyang katayuan sa buhay na iyan, maging gaano man kayo katanyag sa lipunan ng mga tao, maging gaano man ang inyong tinatangkilik sa buhay na iyan, hindi kayo maaaring iangant ng mga bagay na materyal.

Ngunit katotohanang katotohanang sinasabi ko mga ginigiliw na kapatid, ang isang patak na tubig at kapirasong tinapay na inyong ipagkaloob sa inyong mga kapwa na walang hihintaying ganti ay isang malaking kaligayahang kakamtin ng inyong pagkatao.

Iwasan ninyo ang paghatol sa inyong mga kapwa, iiwasan ninyo ang pag-iring sa inyong mga kapatid, lalong lalong iiwasan ninyo ang karamutan sapagkat lagi nang isinasaad at hindi maaaring mawala kailang pa man, magpakain kayo sa nagugutom, magpatuloy kayo sa walang tuluyan.

Ngunit kung kayo ay magpipinid ng pintuan na dala ang maliliit na butil na karamutan ng inyong pagkatao, ipipinid inyo ang inyong mga pintuan at ang mga nilalang na nangangailangan ng kanyang lilim ay inyong pagdadamutan, mga ginigiliw na kapatid, sa dako pa roon ang lahat ng mga bagay na inyong ginawa at ginampanan sa kapatagang ito ay naroroon ang maliwanag na larawan.

Alalahanin ninyo ang lahat ng bagay sa kapatagang ito: ay maaaring tabingan ng inyong pagkukunwari, maaaring tabingan ng inyong katayuan sa buhay, maaaring ikubli ng mga bagay na inyong magagawa ngunit ang katotohanan ay lalantad, mahahayag sa inyong pananaw kung sino kayo, ano kayo at ano ang ginawa ng bawat nilalang sa kanyang pakikipamuhay sa kapatagang lupa.

Huwag kayong maging kabibi walang lamang ngunit nagiging palamuti sa dalampasigan, huwag kayong katulad ng mga baging na tuyo na hindi sumisimsim ng munti mang sustansya sa kahoy na kanyang sinandigan.

Huwag kayong maging palamuti ng mga dingding na pawang patanaw-tao, ngunit alalahanin ninyong magiging mahalaga sa inyo ang isang hayop na gumagapang sa lupa ngunit hindi gumagawa ng pagkakamali sa kanyang mga kapwa.

Mga ginigiliw na kapatid, pag-aralan ninyo ang aking mga banggit, ang lahat ng iyan ay nasa sa inyo, ang lahat ng iyan ay ibinibigay ko sa inyo, tanggapin ninyo ng buong-buo, wala kayong itatapon sapagkat kung magtatapong kayo ay masasayang at hindi mabubuo ang isang pinapangarap ninyong hagdanin pagdating ng panahon. 

Iyan ang aking iniiwan at kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay.

 

1987-11-29, FBT 

Saganain kayo ng mga dakilang pagpapala, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga ginigiliw na mga kapatid, habang nalalapit ang araw na hindi maaaring malimutan ng sangkatauhan ang pagbabadha ng dakilang pagkakataon kung kailan ang malaon ng hinihintay ng maraming marurunong na mailuwal ang hari ng mga hari.

Minsan pa ay pinatototohanan na sa kapatagang-lupa ay mayroon ng kani-kaniyang katayuang dinadakila ang araw na iyan sa pamamagitan ng pagbabago ng kariwasaan, ng pag-alaala na sumasagisag sa pagkakilala ng tao na ang magbigay ay mapalad kaysa tumanggap. Sapagkat hindi man ipinaliliwanag ng tao ay hindi malalaman kung saan nagsimula ang ibinubunsod ng damdaming magbigay, umibig at magpatawad.

Ang tanging katotohanan, ang bugtong na Anak ng tao ay ipanagkaloob sa sangkatauhang iyan bagaman at nakatadhanang maging isang Guro ng sangkatauhang magbibigay ng magandang halimbawa, magbubukas sa kaisipan ng mga tao ng pag-ibig. At ano ang naging buhay ng isang Dakilang Guro ng sangkatauhan? Magbibigay ng magandang halimbawa, magbubukas sa kaisipan ng mga tao sa pag-ibig.

At ano ang naging buhay ng isang Dakilang Guro ng sangkatauhan na ipinagkaloob at isinugo na magbigay ng magandang halimbawa sa kapanahunanan ng paglilingkod ay dinadakila, sa kapanahunang nakalulunas sa mga karamdaman ay dinadakila.

Nang dumating na ang panahaon kung kailan ang pagsubok ay dumating sa buhay ng isang tao, sa panahon ng pag-uusig, kailang at sino ang nagtangkilik? Wala, sapagkat ang tao ay natatakot masaktan, ang tao ay natatakot mapiit at hindi maaaring ipagpapapakasakit ng isang nilikhang walang kaalaman sa kabanalang ipagkaloob ang kanyang sarili nang dahil sa kanyang kapwa.

Ganyan ang mga nilalang na hindi pa ganap na nalulukuban ng dakilang pagkakilala, pinaghihinayangan ang maikling panahon na ibigay ang itulong sa kanyang kapwa. Ibinabandila ng kanyang mga labi na siya ay nagtataguyod ng isang magandang simulain.

Ibinabandila ng kanyang mga labi na siya ay anak ng Diyos ngunit sa katayuan na kinakailangang maganap ang katotohanang maibigay mo ang buong lakas at buhay sa pangangailangang ng inyong mga kapwa na mayroon ng katahimikan.

Ipinagkakaloob ang Dakilang Guro ng buong pag-ibig ng Dakilang Amang Makapangyarihan, kaya at magkakaloob kayo ng buong katapatan sa inyong sarili. Kung magbibigay kayo ng ala-ala sa inyong mga kapwa ay huwag ninyong balutan ng lalong magandang palamuti.

Hindi maitatago ng palamuting iyan ang tunay na laman, manapa ay bayaang isang payak na alaala, isang matapat na alaala, iang pag-ibig na walang pagkunwari, isang pagkakawanggawang hindi naghihintay ng kagantihan.

Sapagkat ganyan ang tunay na Kristiyano na magtataguyod ng simulain, maglilingkod sa kanyang kapwa, magkakaloob ng buong pag-ibig.

Sapagkat katotohanan-katotohanang sinasabi ko, ang lahat ng itanim ninyo sa kapatagang-lupa at hindi ninyo inani ang mga bunga, mayroon kayo ng pagkakataon sa dako pa roon. 

Doon ay inyong masusumpungan ang maraming pangailangan ng inyong pagkatatao matapos kayong makipmuhay sa kapatagang-lupa, matapos na kayong makahalubilo sa inyong mga kapwa, matapos ninyong maibigay ang inyong mabubuting gawa, mayroon kayo ng pagkakataong madama ang tunay na kaligayahan sa dako pa roon.

Huwag kayong mahalintulad sa ginampanang papel ng mga eskriba at pariseo, huwag kayong humalintulad sa mga kaugaliang ibinadha sa sangkatauhan na hindi kaibig-ibig sa pananaw ng inyong kapwa.

Ang lahat ng iyan ay gagampanan na inyong tutuparin sa daigdig na ito, hindi kayo ganap na makalalayo, kinakailangang pag-aralan ninyo, tuparin ninyo ng naaayon sa matandang kautusan ng Panginoon, madadama ninyo ang katotohanang hindi na kayo mga nilalang na lumalaboy sa sariling palad, kungdi kayo ang nilalang na mayroon na ng pagkakilala sa kanyang tungkulin, tutuparin ang inyong tungkulin.

Iyan lamang ang aking iiwan, kapayapaang muli sa inyong lahat. Arkanghel Raphael.

 

 

1987-09-30, FBT 

Ang pagpapala ng Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, gaano kataimtim ang inyong mga damdamin, gaano katatag ang inyong pagkatao sa mga panahon na itinakda upang kayo ay antigin ng mga bagay na hahamon sa inyong natutuhan? Mga antig na yayanig sa inyong matatag na pananalig at pananampalataya.

Kailan na ang tao ay hindi naipuspos ang damdamin, nanlumo at nalungkot sa panahong nagkakaroon ng mga pagkalagas ang bawat sanga na kaugnay sa inyong mga pagkatao? Sa kabila ng paulit-ulit na hatid ng kabatlayaan, sa kabila ng hindi kapangakuan kungdi katotohanang binabanggit na ang kaligayahan ng tao ay naroroon sa dako pa roon.

Kamatayan isang pag-unlad at pagkasulong

Na ang paghihiwalay ng kaluluwa at laman ay isang pag-unlad at pagkasulong ay dumarating din ang sandali na ang tinatawag na kamatayan ay hindi matanggap at hindi makatuloy sa inyong mga tahanan.

Lagi na lamang nananatiling isang panauhing pinagpipiniran ng pintuan at mga durungawan, isang panauhin hindi hinahandugan ng luklukan kungdi bagkus pinagdadamutan ang isang panauhing hindi matanggap ng mga nilalang.

Sa kabila ng pagkakakilalang ito ang siyang nagbibigay ng kapahingahan sa mga hapong laman at nagbibigay ng pagkakataon upang ang diwa ay umunlad at sumulong. Gaano na kapangit ang isang larawan ng kamatayan sa gunitain at pag-iisip ng tao?

Mga ginigiliw na kapatid, hindi kayo ang mga nilalang na hindi nakakaunawa kungdi kayo ang mga nilalang na malaon nang pag-aaral na mayroon pagkatuto. Nasa inyo na ring mga damdamin ang tatag. Nasa inyong pagkatao ang balabal ng kapayapaan sapagkat walang humpay ang daloy na nagmumula sa kaitaasan upang pumigta sa inyong mga pagkatao. 

Hindi kayo magsasawa sa paulit-ulit na tugtuging ipinaririnig sa inyong mga pandinig kungdi manapa ay pinananabikan ninyo sapagkat ganyan ang mga tugtugin na gumigising sa damdamin ng mga tao.

Habang naluluma, habang nilipasan ng panahon, may mga sandaling hinahanap ng inyong pandinig, may mga kataong dinadala ang inyong damdamin sapagkat nauunawaan ninyo ang himig.

Nauunawaan ninyo ang mga nota, matahimik sa inyong pangnamnam at magpapatuloy kayong hahabul-habulin ng inyong alaala at gunita. Ang mga himig na iyan ay nagbibigay ng kaaliwan sa hapong pagkatao, na mga nilalang na naglalakbay sa kapatagang-lupa.

Mga ginigiliw na kabataan sa pagkakilala sa pag-aaral, marami kayo, hindi lamang maliit ang inyong bilang, kung namamasdan ninyong mayroon dalawang kulay ang buhok ng inyong mga kapatid, maaaring sila ay kaagapay ninyo sa inyong pag-aaral, maaaring may bahagi ng panahon na inyong maka-aalinsabay sa kapanahunang ito.

Huwag kayong magpapabaya na mayroon ng mga murang gulang, huwag ninyong ipagkakait ang mga sandaling ito sa kaulayawang pandaigdig, huwag ninyong ipagpapalit ang maikling hatid ng kabatlayaan sa isang pirasong tinapay.

Sapagkat alalalahanin ninyo na sa panahon kayo ng pangangailangan, na sa panahon kayo ng paghahanda upang kayo ay maging mabuting nilalang sa pagdating ng panahon. Maging kabawasan kayo sa maraming kagulumihanang dala ng kaalaman at karunungan ng tao.

Karunungang pang-espiritwal (kaluluwa) at karunungang pangkapatagan (laman)

Mag-aral kayo ng karunungang pang-espirituwal at karunungang pangkapatagan. Gagamitin ninyo hindi sa mga bagay na maaaring makawasak kungdi gagamitin ninyo sa pagbuo at paghubog ng isang magandang kaugalian. Ang magandang kaugalian ng sangkatauhan ay magandang hubog ng kinabukasan ng kaluluwa ng bawat kabataan.

Iyan ang aking iniiwan, kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, ang Patnubay.

Mga Termino

antig


 

1987-03-22, FBT

Biyayain kayo ng mga dakilang pagpapala, maghari ang kapayapaan lagi na.

Mga minamahal na kapatid, sa inyong pakikipag-aral sa simulain ng Espiritismo ay nakakahalintulad kayo ng mga baging na gumagapang at nakabalatay sa puno ng isang mayabong na kahoy.

Kayo ang mga baging at ang kabuuan ng simulaing ito na punong-puno ng aralin ay ang mayabong na puno ng kahoy. Nakakapit kayo at nakasandal, mayroon baga ng halaga ang inyong pagkakasandig, nasimsim na ba ng inyong pagkatao ang kadalisayan at kadakilaan ng isang simulain?  

Alalahanin ninyo na nagkakaroon ng magandang kasaysayan ang bawat bagay na nakakakuha ng magandang halimuyak sa kanyang kinasasandigan lalong lalo na nga, mga minamahal na kapatid.

Hindi ko sinasabing ang lahat ng mag-aaral ng simulaing ito ay mga banal. Sapagkat kung kayo ay tataguriang banal ay wala na kayo sa kapatagang ito at kayo ay naka-aakit at nakapagtuturo ng maraming kaluluwa sa dako pa roon.

Alalahanin ninyo na nagkakaroon ng magandang kasaysayan ang bawat bagay na nakakakuha ng magandang halimuyak sa kanyang kinasasandigan lalong lalo na nga, mga minamahal na kapatid.

Ang mga banal ay wala na sa kapatagang-lupa

Hindi ko sinasabing ang lahat ng mag-aaral ng simulaing ito ay mga banal. Sapagkat kung kayo ay tataguriang banal ay wala na kayo sa kapatagang ito at kayo ay naka-aakit at nakapagtuturo ng maraming kaluluwa sa dako pa roon.

Ngunit kung kayo ay mag-aaral na kinakailangang matutuo sa haba ng panahon ng inyong pagka-unawa, maging sa mga Banal na Aklat ay inyong pupulutin ang mga katas ng kataga at hindi ang mga kataga.

Sapagkat kinakailangang harapin ng tao, kinakailangang himayin ng tao ang bawat pag-aaral upang kanyang maisakatuparan. Pababayaan baga ninyo maging baging kayong tuyo na nakabalatay sa punong mayabong? Pababayaan baga ninyong kayo ay isang mananampalataya na sahol sa kaganapan ng inyong pag-aaral?

Alalahanin, kayo ang mga butil ng kinakailangang tumubo at yumabong upang maging kapakinabangan ng maraming nilalang na sa inyo ay kukuha ng halimbawa. Ngunit kung kayo ay magpapakaliko sa inyong mga sarili, kung kayo ang magpapakaligaw, paano ang mga nilalang na sa inyo ay susunod?

Ang bawat nilalang ay hindi maaaaring panghawakan ang kanyang katayuan sa buhay na iyan maging gaano man katanyag sa lipunan ng mga tao, maging gaano man ang tinatangkilik sa buhay na iyan, hindi kayo maaaring iangat ng mga bagay na materyal. Ngunit katotohanan-katotohanang sinasabi ko ang isang patak ng tubig at kapirasong tinapay na inyong ipagkakaloob sa kapwa na walang hinihintay na ganti ay isang malaking kaligayahang kakamtin ng inyong pagkatao.

Iiwasan ninyo ang paghatol sa inyong mga kapwa, iiwasan ninyo ang pag-iring sa inyong mga kapatid at lalong iwasan ninyo ang karamutan sapagkat lagi nang isinasaad at hindi maaaring mawala kailanpaman at nagpakain kayo sa nagugutom.

Magpapatuloy kayo sa walang tuluyan; ngunit kung kayo ay magpipinid ng pintuan na dala ang mga maliliit na butil ng karamutan ng inyong pagkatao, ipipinid ninyo ang inyong mga pintuan at ang mag nilalang na nangangailangan ng kanyang lilim ay inyong pagdadamutan.

Mga ginigiliw ng kapatid, sa dako pa roon ang lahat ng bagay na inyong ginagawa at ginampanan sa kapatagang ito ay naroroon ang maliwanag na larawan, alalahanin ninyo ang lahat ng bagay sa kapatagang ito ay maaaring tabingan ng inyong mga pagkukunwari.

Maaaring tabingan ng inyong katayuan sa buhay, maaaring ikubli ng mga bagay na inyong magagawa ngunit ang katotohanan ay malalantad, mahahayag sa inyong mga pananaw kung sino kayo, kung ano kayo at kung ano ang ginawa ng bawat nilalang sa kanyang pakikipamuhay sa kapatagang-lupa.

Huwag kayong mga kabibing walang laman ngunit nagiging palamuti sa dalampasigan, huwag kayong katulad ng mga baging na tuyo na hindi man sumisimsim ng munti man sustansya sa kahoy na kanyang sinandigan. Huwag kayong maging palamuti ng inyong mga dingding na pawang patanaw-tao.

Alalahanin ninyong magiging mahalaga pa sa inyo ang isang maliit na hayop na gumagapang sa lupa ngunit hindi gumagawa ng mga pagkakamali sa kanyang mga kapwa.

Mga ginigiliw na kapatid, pag-aralan ninyo ang aking mga banggit, ang lahat ng iyan ay nasasa inyo, ang lahat ng iyan ay ibinibigay ko sa inyo, tanggapin ninyo ng buong-buo, wala kayong itatapon sapagkat kung matatapon, masasayang at hindi mabubuo ang isang pinapangarap ninyo pagdating ng panahon.

Iyan ang aking iniiwan at kapayapaan ang sumainyo ngayo at magpakailanman. Paalam, ang Patnubay.

 

1986-12-05, FBT

Saganain ng dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan, ngayon at magpakailanman!

Mga ginigiliw na kapatid, sa kapatagan ang bawat nilalang ay dala-dalahan ang maraming sangkaping panlaman at panlipunang pangtao at sadyang natatanaw ang naabot ng pananaw, ang damdamin ay napupuno ng damdaming pangkapaligiran, malakas ang pang-akit sa paningin ng tao ang mga bagay na nagdudulot ng kasiyahang pangkapatagan.

Kayo ay nasa ilalim ng isang paaralan na ang binubuhay at binubusog ay ang diwa, naghahanda kayo ng maraming bagay, bumabalangkas kayo ng lalong magandang kabuuan sapagkat hindi lamang miminsan maaaring bigyan ng tao ang kahalagahan o tinatawag na pagsilang ng Manunubos. 

Sa katauhan ng bawat nilalang na nakakaunawa, ang Manunubos ay sumilng sa lahat at bawat isang puso na mayroon ng kababaang-loob. Kung papaanong ang kaabahan ng isang sabsaban gayon din ang inyong puso ay maging isang mababa, malinis bagaman at sa inyong panlabas na kaanyuan ay nagdarahop ang inyong pagkatao.

Ngunit sa kaibuturan ng inyong sarila ay naruroon ang kapayapaan, ang pag-ibig sa inyong kapwa na walang pagtatangi, tumtibok na ang isang katauhang naghahatid ng liwanag at pag-asa sa bawat likha ng inyong masusumpungan sa landas ng buhay.

Mga kapatid, alalalahanin ninyo na ang isang nag-aaral ay kinakailangang matuto at mailagay sa larangan at kahayagan sa paggawa. Tanungin ninyo ang inyong sarili, katotohanan kaya na nagagampanan ko ang tungkulin ng isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo?

Ang isang Espiritista ay hindi kanawa-nawang nagagalit, hindi nalulungkot, hindi nabubugnot sa kanyang kapwa lalo pa kung ang kanyang kapwa ay hindi kasing-pantay ng kanyang kinaroroonan o kaalaman. Malaki ang pagkakataon ng isang nilalang na may kaalamang makasumpong ng mga mangmang na manggagawa pagkat kayo ay magiging taga-akay at tagapagturo.

Alin baga ang may kadakilaan, ang pag-akay o ang mag-aakay? Iyan ang itanong ninyo sa inyong sarili, mahalaga pa ba ang katayuan ng isang paglilingkuran kaysa sa isang matapat na maglilingkod?

Ito ang inyong pagka-aalalahanin, ang oo ay oo ng isang mag-aaral na hindi maaaring buwagin lalong lalo pa sa isang matibay at maalab na pananampalatayang mayroon ng ikapaglilingkod sa sangkatauhan.

Ito ang pakatandaan ng aking mga kapatid, kailan pa man at nagbigay kayo ng kaputol na tinapay sa ikabubusog ng inyong kapwa at sa pagkakamali ng kapwa, hindi lamang kaputol na tinapay at pag-alipusta kundi kabuuan ng isang tinapay na alipusta ang inyong ipagkakaloob, katotohanang kayo ang magugutom pagdating ng panahon. Ang pagkagutom ng diwa ay hindi maaaring busugin ng kaputol na tinapay.

At ngayon na pinaghahandaan ng sangkatauhan ang isang kasaysayang hindi malimutan, maligaya baga kayo kung masumpungan puno ang inyong hapag, nadadamitan ng magagarang kasuotan ang inyong katawang-laman.

Punong-puno ng kasiyahan ang inyong pagkatao, sumaglit baga sa inyong gunita, ilan kayang dapugan ang hindi nag-iinit? Ilang kayang hapis na katauhan ang hindi naliligayahan?

Hindi kayo magiging lubos na maligaya sapagkat sa aking natatanaw, nakalulungkot at nakakahambal kung inyo lamang ibabaling ang inyong mga pang-unawa sa maraming sulok ng daigdig at ng inyong kapaligiran.

Maraming tahanan ang wala, maraming durungawan na tahanan na walang palamuti, maraming nilalang na ang saplot ay hindi napapalitan, maraming nagugutom at nau-uhaw sa pag-ibig at pagmamahal ng kanilang kapwa. Papaano, ano ang gagawin ng bawat isa?

Kayong mag-aaral ng simulain ng Espiritismo, mayroon kayong magagawa kahit na maliit na bagay, walang iba kungdi ang taimtim na dalangin, ang ambil, ang maliit na butil ng sentimo, ang maliit na butil ng tinapay na maipagkakaloob ninyo. 

Ikinabusog ng inyong kaluluwa at magiging isang maligayang namumuhay na naging kakambal ng inyong mga kapwa, minahal, pinaglingkuran pagkat kayo ay mag-aaral ng buhay.

Ang simulain ay pinadadakila nang dahil sa bawat gawa ng bawat nagtataguyod, nagiging karapat dapat pagkat may pagkakaisa at mahigpit na tali ng pagkakaunawaan. Magiging matibay, matatag ang kabuoan nito dahil isinalalay sa pagkatao ng matatapat, sa inyong mga palad at bisig na matitibay.

Hindi ibababa ni lalong hindi pababayaan mabuwag sapagkat puno ng pag-ibig pinili ninyo ang bawat bahagi nito nang dahil sa mabuting adhikaing magmula sa materyal na kaanyuan hanggang sa espirituwal na pagkatao.

Kapayapaan! Arkanghel Raphael.

Mga Termino

dapugan

nakakahambal



 

1986-09-21, FBT 

Pagpapala, pag-ibig, liwanang na nagmumula sa dakilang Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman!

Mga kapatid na nagdadala ng bigat ng pananagutan, ipaubaya ninyo na sa pagkakataong ito ay maging inyo at maging akin. Iwaksi ninyo ang anomang bagay na bumabalot sa inyong pagkatao, ng mga kabagayan na pangkapatagan.

Sapagkat nakipagtipan kayo sa kabatlayaan na sa ganganitong pagkakataon ay nagpanagpo kayo upang maipadama sa inyo ang inyong mga kinakailangan, maipagkaloob sa inyo ang mumunting kahilingan kung karapatdapat.

Hindi ko sinasaklaw ang inyong kalooban, hindi ko hinahadlangan na sa talsik ng inyong pag-iisip paminsan-minsan sa gantong pagkakataon ay hindi makalabas at magunita ang mga bagay ng laman kung kaya at ako ay humihiling na ipaubaya ninyo ang pagkakataon sa inyo at sa amin.

Mula sa inyong mga luklukan damahin ninyo ang kapayapaan ng inyong pagkatao na wala kayaong salagimsim na maaaring makabagabag sa inyong pananahimik at pakiki-ugnay sa kaitaasan. 

Damahin ninyo ang hatid ng lakas na lihim na makagitaw sa maraming kirot ng laman ang malabatlayang dapit sa inyong pagkatao, ang hilahis ng kapayapaan sa inyong kaisipan, damdamin at kalooban.

Maaaring matanggap ninyo na kayo ay nagiging maligaya sa isang maikling sandali, binubusog ang inyong mga isipan ng mga pagkain na walang pagkapanis, ginigising ang inyong mga katauhan sa paminsan minsan pagkalimot ninyo sa inyong mga tungkulin.

Sapagkat ang buhay ng tao, ang panahon ng tao sa kapatagang lupa ay magkakaroon ng magandang kasaysayan at makapag-iiwan ng bakas sa kanyang mga nilisan kailan pa man at naging tapat na tagatupad ng tungkulin ang bawat nilalang.

Pagkakawanggawa sa asal at diwa

Nabuksan sa inyong mga pagkatao at pagkakilala ang paglilingkod at pagkakawanggawang siyang susi ng kaligtasan. Sinisikap ninyong maisakatunayan sa alinman paraan at uri ng pagkakawanggawang maitutulong ninyo sa inyong mga kapwa, maging sa laman, sa asal at diwa; ang lahat ng iyan ay buong kalayaan ninyong maipagkakaloob sa inyong mga kapatid.

Unti-unti na rin nagigising ang inyong mga damdamin sa pag-ibig na hindi naghihintay ng ano mang ganti kungdi magpapatuloy na umiibig ang isang nilikha sa kanyang kapwa sa gitna man ng maraming tiiisin sapagkat wala ng hihigit na dakila sa pag-ibig ng isang nilalang na inukol sa kanyang kapwa na hindi naghahangad ng anomang bagay.

Nakilala na rin unti-unti ng inyong mga pagkatao na ang mga bagay na inyong ginagampanan at nagaganap sa kapatagang-lupa ay pangkasalukuyang kabuhayan na hinabi at tinigis sa lumipas ng panahon ng inyong mga sarili ay sa hikayat ng kabatlayaan ay nagising at natatanggap ng inyong mga sarili,  ng inyong mga pagkatao na sa panahong ito ay pupunan ninyo ang pagkukulang.

Ang mga pagwawalang bahala sa mga nagdaang panahon ay bibigyan ninyo ng magandang kahayagan sapagkat mayroon kayong tinatanaw ng kinabukasan sa dako pa roon at muli ninyong pakikitalad sa kapatagang-lupa.

Wala ng hihigit pang maligaya maliban sa matanggap ng tao ng buong katatagan at kagitingan ang Karma ng kanyang buhay at makapaghanda ng isang magandang kinabukasang masumpungan sa pag-aaral sa ilalim ng kabatlayaan.

Hindi mamimili o magtatakwil ng paglilingkuran

Hindi kayo mamimili ng paglilingkuran, ni lalong hindi kayo magtatakwil nang dahil sa sa inyo ay nagkasala o nagkamali, ang lahat ng iyan ay titipunin ninyo at kung sa gayong paraan ay mabubuksan ang inyong ala-ala at gunita, ang lahat ng nagaganap sa inyong buhay at pagkatao ay pagbubukas lamang ng inyong paghahanda sa kinabukasan.

Sa lahat at bawat isa ay nananawagang ako at humihiling na bibigyan ninyo ng maikling sandali saan man dako kayo naruroon ang pag-ambil ng mataimtim na dalangin hindi lamang sa loob ng inyong tahanan, sa lahat ng dako.

Sa iba at ibang panig ng daigdig, panalanging pinalalakas ng inyong pagkakilala, panalanging pinatataimtim ng inyong maalab na pagnanasa na magkaroon ng kapayapaan sa lahat ng dako lalong lalo pa sa bansang inyong nilililiman.

Pakahangarin ninyo ng buong kataimtiman sa pagkatao, magkaroon ng pagkaka-unawaan, magkaroon ng pagbibibigayan at paggagalangan, sapagkat ito ang pinakamatibay na pangangapitan ng tao ngayon at magpakailanman.

Kapayapaan, liwanag ng kaisipan, kahinahunan ng damdamin ang aking inilalagak sa lahat at bawat isa, ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Rafael.

Mga Termino

kabagayan

salagimsim

tinigis

 

1984-05-06, FBT 

Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, sumainyo ang kapayapaan lagina.

Mga iniibig na kapatid, sa bawat panahon na nagdaraan sa buhay ng tao ay nag-iiwan ng mga aralin, karanasan na karagdagan sa pag-aaral ng tao at pananagumpay sa maraming uri ng pangangailangan sa buhay laman at sa buhay espiritu.

At ang tao na higit na mataas ang antas ng uri ng nilikha kaysa sa mga hayop, mga nilikhang mababa ang katayuan sa maraming kabagayan ay mayroon ng kani-kanyang katayuan sa buhay na ginagampanan sa kapatagang-lupa.

Masdan ninyo ang maraming nilalang na nagtatamasa ng kasaganahan sa buhay-laman dala ng pagsisikap, dala ng mga katayuang hindi madalumat kung paano mayroon ng higit na mataas kaysa iba, mga kahayagan pagpapalipasan ng isip ng isang nilalang.

Upang magkaroon ng magandang hanay ang buhay ng tao, ang buhay ng mga nilikha sa kapatagang-lupa ay kinakailangang ihalintulad sa dilim at liwanag, sa lungkot at saya, sa magagandang tanawin at sa mga pangit na kapaligiran kung tawagin ng mga nilalang.

Mayroon ng mga nilikhang sadyang humahanap ng kapahingahan ng kaisipan, damdamin at kalooban at sa lalong madali, ang kapahingahan ng diwa, ng mga nilalang na ang hinahahanap ay kapahingahan ng laman at kaisipan; ang lahat ng ito ay paghahangad sa sariling kagalingan.

Kailanpaman at ang tao ay naghangad ng katiyakan sa kanyang sarili, iyan sariling kaligayahan, ngunit katotohanan-katotohanang sinasabi ko, maliit lamang ang bilang ng mga nilalang na naghahangad ng kapanatagan, na kanilang mga kapwa sapagkat nakahihigit ang pagsarili.

Ngunit kung mauunawaan ng bawat nilalang na mag-aaral ng katuruan, kailanpaman at naghahangad kayo ng kaligayahan ng inyong kapwa, kailanpaman at inasam ninyo ang kapanatagan at kapayapaan ng inyong mga paligid, katotohanan-katotohanang sinasabi kong ang lahat ng iyan ay sasainyo ng walang pasubali. 

Ngunit ang tao na nasasangkapan pa ng mga bagay na nabubulok at nalalasog ay mayroon pa rin ng mga kaugalian na hindi pa rin lubos na nababago.

Ang aking mga kapatid na mag-aaral sa katuruang Espiritismo, sa dahan-dahan at banay-banay na patak ng tubig na nagmumula sa batisan ng Panginoon, ang mga batong matigas na kalooban ay nagkakaroon ng pagbabago, ang mga kaisipan bagaman at hindi pa ganapang natitiyak ng pag-iisip na iyan ay nagbibigay ng magandang hikayat sa kanya ay hindi na nagkakamaling umisip pa ng ika-paparol ng kanyang mga paligid.

Patotoo na mayroon ng simula ng kabutihan at magpapatuloy habang ang kabutihan ay kinakailangan ng kani-kanilang sarili. Ang lahat ng bagay ay mayroon ng hangganan, mga ginigiliw na kapatid, ang lahat ay mayroon ng pagbabago.

Maraming nagagaganap sa maikling panahon sa buhay ng tao na hindi maabot madalumat ng kutad na iispan katulad ninyo sa mga pagkakataong ito, sino ang makapagwiwika na noong mga nakaraang panahon ay darating sa inyo ang gan-ganitong pagtitipon at pag-aaral?

Sino ang makapagwiwika na hahanapin ninyo ang inyong kaligayahan sa kuko ng kaligayahan ng inyong mga kapwa at hindi na kayo magiging mapanumbat, hindi na rin kayo ang matatakot kung hindi nasa inyo na ang buod ng damdamin makapagkawanggawa at buong kababaang-loob na nakiki-ayon sa kanyang kapwa.

Hindi rin kayo ang mga eskriba at pariseo na umu-usig sa kadakilaan ng anak ng tao sapagkat kayo ang mga babaeng sumunod sa likuran ng Panginoon sa panahon ng kanyang pagbibigay ng magandang halimbawa sa sangkatauhan.

Hindi kayo maduduwag sapagkat ang katuwiran ng langit ay nasa inyong bumbunan, hindi kayo magtatanim sapagkat hindi kayo naa-api at kailanman ay hindi kayo makakadama ng kaapihan sa ngalan ng Dakilang Panginoon.

Ngunit darating sa inyo ang maliit na pagsubok, darating sa inyo ang mga hamon sa inyong mga kakayahan sa larangan ng inyong pagiging mababang kordero. Hindi kayo lilipad na waring sasakyan ninyo ang papawirin.

Kungdi kayo ay magiging isa nang maamo katulad ng mga kalapati, matalino katulad ng serpiyente sapagkat ang simulain ng Espiritismo ay simulain ng pag-ibig, ang simulain ng kababaang-loob ay dinadakila ninyo ngayon hanggang sa mga panahong darating na ang inyong mga lakas ay inyo pa rin.

At umaasa ako na hindi lilipas ang mga pananhon na hindi nakapag-iwan sa inyo ng magandang ala-ala bilang mga pagpapagunita na ang panahon ay lumilipas at kayo ay kinakailangang magkaroon na ng bahagi sa panahong iyan sapagkat ngayon ay iba kaysa sa bukas at mayroon ng hangganan ang lahat sa kapatagang-lupa.

Kapayapaan ang iniiwan ko ngayon at magpakailanmam. Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Rafael.

Mga Termino

Kabagayan (pagka-angkop) -suitabiity 

nalalasog-

madalumat-

 

1984-04-09, FBT

Saganain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Bilang mga mag-aaral, mayroon na ba kayong lakas ng iwasan ang maraming hibo ng pagkakamali? Kung ang tao ay pinagkalooban ng paningin bilang kasangkapan at sangkap ng laman upang tumanaw, magmasid ng mga bagay na magaganda, hindi ang mga panglabas na kagandahang dulot ng pagkukunwari ang inyong tatanawin.

Ngunit lalong hindi karapat-dapat tanawin ng tao nasa mabuting kaanyuan ay hanapin ang kamalian ng kanyang kapwa. Huwag ninyong pababayaan na ang inyong sarili ay lagi na lamang hinahanap sa bunton ng mabubuting gawa ng kanyang kapwa ang maliliit na pagkukulang.

Alalahanin ninyo, mga ginigiliw na kapatid, kailan pa man at ang isang tao ay mapagkamali, ito ay nangangahulugan na magkakaroon din ng pagkakataon na maituwid ang mga kamaliang iyan at pananagumpayan ng tao ang lahat ng bagay na umaakit sa kanyang kahinaan.

Sa tuwi-tuwina ay uulinigin ninyo ang mabubuting hatid ng kaitaasan, hindi lamang ninyo uulinigin kung hindi ikikilos ninyo ang inyong mga bisig, bubuksan ninyo ang inyong mga puso upang ilagay sa larangan ng paggawa.

Kung an inyong mga palad ay nag-aabot ng tulong, bayaan ninyong matiyak sa inyong sariling bukas ang pag-ibig sapagkat kayo ay magigin sinungaling sa harapan ng Panginoon na ang bawat ipagkakaloob ng inyong mga palad ay inyong dadalit-dalit sa tuwi-tuwina.

Ni lalong pag-iingatan ninyo ang hakbang ng inyong mga paa, hindi ko sinasabing kayo ay hindi magkakamali, ngunit mayroon kayo ng lakas at pananalig na ang bawat pagkakamali ng tao ay maitutuwid sa pamamagitan ng kanyang kaalaman.

Karunungan bahagi ng nagmula sa Amang makapangyarihan. Karunungan at pag-ibig na pinagsama at siyang magpapapatibay sa tao sa kanyang pagiging isang tunay na nilalang na hindi lamang makikipamuhay sa daigdig na ito na lagi nang susunod sa maraming kaaliwang panglaman kung hindi, mayrooon din ng malaking pagkakataong mabigyan ang tao ng magandang kaanyuan ang kanyang kaluluwang siyang malaon at madali ay magtataguyod ng lahat ng mga bagay na kanyang tinipon sa kapatagang-lupa.

Mga ginigiliw na kapatid, magmula sa loob ng inyong tahanan, sa inyong mga hinlog, magkakaroon kayo ng maraming uri ng karanasan, diyan din magsisimula ang mga pagsubok na hahamon sa inyong pag-aaral.

Kung kayo ay makapagpapatawad sa pagkakamali ng inyong mga bunso at inyong mga kaanak, kung kayo ay makakaibig sa kabila ng kanilang pagkawalang turing; katotohanang katotohanang sinasabi ko na mayroon kayo ng malaking pagkakataon at mayroon kayo ng lakas na maka-ibig at mapagpatawad sa inyong mga kapwa.

Sapagkat sa loob ng inyong sariling tahanan, sa bilog ng inyong mga kaanak, doon magsisimula ang inyong pag-aaral; at kung kayo ay matututo, katotohanang sinasabi ko, hindi kayo nabigo sa inyong pagkikitalad sa daigdig na iyan at mayroon pa kayo ng malaking pagkakataong madama ang panibagong daigdig kung saan ang diwa ng tao ay magpapatuloy ng pagpapakadalisay.

Upang kanyang marating ang katayuan ng isang diwang walang panahon na magpabalik-balik sa mga uri ng tiising kanyang napaglabanan, kung hindi magigng taga-akay ng marami pang nilalang na susunod at aalinsabay sa inyong mga paglalakbay hanggang sa dako pa roon.

Iyan ang aking ipinagkakaloob sa aking mga kapatid, at nawa ay madama ninyo ang ganap na kapayapaan, magkaroon kayo ng tibay at lakas upang siya ninyong gawing baluti ng inyong pagkatao sa inyong pakikitalad sa kapatagang-lupa.

Kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

 

 

1984-02-26, FBT 

Sumainyo ang liwanag at magharing ganap ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga pinaka-iibig na kapatid, mga minamahal na mag-aaral at naninindigan bilang mga tagapagtaguyod ng dakilang simulain ng Espiritismo, kung kayo sa inyong katayuan bilang magkakapatid hindi sa dugo, kungdi sa tunay na buhay ay nasasa inyo ang patotoo.

Sapagkat ang Espiritu na kumakasangkapan sa inyong mga katawang-laman ay siyang tunay na buhay at kayong lahat ay mayroon ng Espiritung kumakatawan at gumagamit bilang mga nilalang na nabubuhay sa kapatagang-lupa.

Hindi na kayo bago, ni lalong hindi na kayo luma; mga luma sa katuruan ng simulaing ito na hayag na ibinibigay ng kabatlayaan ang mga bagay na kinakailangan at kakailanganin ng inyong mga pagkatao. Hindi pa ninyo hinihingi ay ipinagkakaloob na sa inyo mga ginigiliw na kapatid.

Sa mga sandali ng inyong mga kaligayahan, maliit na bahagi lamang ang pagkagunita ninyo sa malaking dalahin, sa mabigat na pasanin, sa maraming buhol ng mga tiisin, walang patlang ang daloy ng paghingi ninyo at pag-unawa sa kaitaasan.

Patotoo, na kayo ay mayroon ng hinihingan at mayroon sa inyo ng magbibigay at sumusubaybay. Sa inyong mga pagkakamali kung kayo ay nagpa-uunawa ay nauunawaan kayo ngunit kung kayo ay marunong, matalino, at kayo ay magkamali, kayo rin ang humanap ng pamalo na sa inyo ay ipapalo sapagkat, nalalaman ninyo ang apoy na mainit, bakit ninyo ito hinihipo?

Nalalaman ninyo ang bagay na mabuti, bakit nakalilikha pa ng masama? Bakit hindi ninyo lalo at lalong pinalalakas ang inyong pang-unawa, pagpapaumanhin lalong lalo na sa mga nilalang na sa biglang malas ay natatanaw ninyong mayroon ng mga pagkukulang?

Bakit nagiging matamis sa tao ang humatol kaysa magbigay ng kanyang pagmamahal at pag-unawa upang maituwid ang pagkakamali ng kanyang mga kapatid?

Ang lahat nang ito ay inaasahan kong hindi at pagsisikapan hindi na gawin ng bawat isang mag-aaral ng katuruang ito sapagkat masasayang ang maraming panahon ng inyong pakikipag-aral kungdi kayo gagawa ng mga bagay na inyong natutuhan.

Hindi baga kayo nanghihinayang sa gan-ganitong sandali, sa mga pagkakataon na kayo at ang bawat isa ay nag-iwan ng sariling tahanan, nagtayong ng maraming adhikaing panglaman upang kayo lamang ay magsama sama sa iisang dulang, sa malinis na pinggan, magsasalo salo kayo sa masarapo na pagkaing ibinababa ng kaitaasan.

Hindi kayo mga batang paslit na pagtindig sa hapag kainan, paglabas ninyo ng pinto ng lunduyan, iba na naman kayo at hindi na kayo mag-aaral sa loob sapagkat sa inyong paglabas ay nasasa inyo muli ang igting ng pangingimbulo, nasasa inyo pa ring damdamin ang paglalatang na sanhi ng pagkakamali ng inyong mga kapwa, nasasa inyo pa ring paningin ang mga paghatol at pagsukat sa inyong mga paligid.

Aasahan ninyo mga minamahal na kapatid, ang lahat ng iyan ay mapaparam at mawawala kung kayo lamang ay lagi nang magtototoo, kung sa maliit na untag ng mga bagay na inaakala ninyong makapipinsala ay magbalik kayo.

Hanapin ninyo ang sintas ng Panginoon at kayo ay kumakapit, hanapin ninyo ang puno ng ubas at isalalay ninyo sa kanyang mga sanga ang inyong pagkatao upang hindi kayo mapilayan sa panahong lumilipas, sa mga pagkakataong napaparam sa inyong mga buhay.

Gaano man kayo katalino sa paaralan ng lipunang pangkapatagan, gaano man kalawak ang mga lupaing nasakop ng inyong mga pagkatao, kayamanan at karangalang pangkapatagan, ang lahat ng iyan ay sa isang-tabi kung wala ang tunay na damdamin ng pagiging isang nilalang at pagiging isang kapatid ng kanyang kapatid.

Sapagkat hindi kayo nababantayan ng bunton ng kayamanan, hindi kayo maaliw ng kaaliwan ng sanglibutan sa mga sandaling ang inyong kaluluwa ay nasa dako pa roon na ang dala-dalahan ay ang inyong mga nagawa sa kapatagang-lupa.

Alalahanin ninyo ang lamang iyan na inyong minamahal, sinisinop at pinahahalagahan, pinalulusog upang maging kasangkapang kapaki-pakinabang, pagkatapos ng pagkakataon ang kaluluwang gumagamit diyan ay magkaroon ng nga pagkahulagpos sa tali, ang katulad ng lamang iyan na malalaglag sa lupa, mabubulok at sasama sa kapwa alabok.

Saan naroroon ang kayamanang inyong sinisinop at sinisikhay? Saan naroroon ang maliliit na kabutihang ginawa ninyo sa inyong mga kapatid, iyan na ang tunay na pangangailangan.

Alalahanin ninyo mga minamahal na kapatid, itutok lamang ninyo ang inyong paningin sa mga kahabag-habag na naliligaw ng landas at pag-ambilan ninyo ng panalangin.

Makasalubong lamang kayo ng isang nilalang na kahabag-habag ang katayuan na aambilan ninyo ng panalangin at pagkahabag, ay mayroon na kayo ng maliit na kudlit na kaligayahan kaysa limpak-limpak na kayamanan sinisinop ng inyong pagkatao na pinanghihinayangan ninyo ang isang sentimo na maipagkaloob sa inyong mga kapwa.

Hindi ko sinasabing ang kayamanan ay masama at makasasama, hindi nga mga minamahal na kapatid. Ang lahat ng bagay na natatagpuan ninyo sa kapatagan ay kapaki-pakinabang matutuhan lamang ninyo kung papaano ito pakikinabangan at pakikinabangan ng inyong mga kapwa.

Hindi ko rin sinasabing lustayin ninyo ang mga bagay na nagmula sa titis ng inyong mga pawis kung papaano ninyo papahalagahan ang inyong mga kaluluwa sa maliliit at malalaki mang tungkuling binabalikat sa kapatagang-lupa.

Ang katulad ninyo ay mangangahoy sa gitna ng kaparangan, mamulot kayo ng maraming aralin, hindi ko sinasabing ang ibang kapaniwalaan ay hindi kasing dakila ng inyong kinaroroonan, ang lahat ng pananampalataya na itinataguyod sa kapatagang iyan ay kapakipakinabang at iyan ay nasasalalaysa paggawa at pag-alinsunod ng buong katalinuhan at katapatan ng isang nilalang.

Humayo kayo at makihalubilo sa ibang pag-aaral hanapin ninyo ang angkop sa tunay na kahingian ng buhay, makihalubilo kayo sa iba at ibang uri ng pananampalataya, kunin ninyo ang laman kung inyong natitiyak na kasing-linamnam ng laman ng inyong pakikipag-aral sa simulaing ito ng Espiritismo.

Kung matutuhan na ninyong madampot ang mga pag-aaral, ay simulan ninyong gawin at ang kahayagan ng lahat ng mabuting gawa ay ihahayag ng inyong pagkatao sapagkat ang gawa ang nagbibigay na larawan sapagkat ang gawa ang magbibigay ng larawan sapagkat higit ang gawa kaysa sa salita ng tao.

Iyan ang iniiwan ko at ako ay ganap na naghahangad ng kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

 

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia