1983, Koleksyon -Arkanghel Raphael
1983-11-13, EB
Kapayapaan ng pag-iisip ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang buhay na ipinagkaloob sa inyo ay magampanan ninyo ng buong sinop, buong katalinuhan hindi lamang sa pamamagitan ng turo ng tao sa kapatagang ito ng mga hugis.
Mapalad ang matuto sa loob na Espiritismo sapagkat ang ugat ng Espiritismo ay isang karunungang hindi mapapantayan ng alinmang karangalan sa ibabaw ng lupa. Ang Espiritismo ang pumapatay sa maraming uri ng pagkakamali ng tao.
Ang Espiritismo ang batas na siyang huhubog sa magandang pag-iisip ng tao upang ang pangarap at pangako ng isang katawang-laman na kung dumarating ang panahon ay rumurupok, nasisira at nagkakaroon ng isang kamatayang hindi mahahadlangan ng karunungan ng tao.
Dahil diyan, mga iniibig na kapatid, nauunawaaan ng kabatlayaan na ang bawat isa sa inyo ay naghahangad na matutuhan at matamo agad ang pinakabuod ng pagtuturo ng Espiritismo.
Subalit, mga minamahal na kapatid, hindi kaagad ibinigay sa inyo sapagkat sa munting pagkakamali at pagka-antala ng inyong mga sarili, masasayang ang pinakabuod ng Espiritismo kung ito ay agad ninyong masusumpungan.
Sapagkat sa maraming uri ng tiisin at tibo ng pagkakasala na iniiwan ng tao ay hindi makapamulangos ng lubus-lubusan ang isang kaluluwang makalangit na maaaring paglagusan ng alin mang bagay na nagpapagulo sa inyong pag-iisip, magpapahina sa pananampalataya at bumubulag sa inyong malinaw na paningin.
Dahil diyan, mga iniibig na kapatid, ang kabatlayaan ay unti-unting hindi nagsasawa at paulit-ulit na ibinibigay sa inyong kalagitnaan ang isang kadakilaan ng araling hindi lamang ninyo matutunghayan sa aklat ng buhay o ang aklat na ibinibigay ng mga unang Propeta na inyong pinag-aaralan sa loob ng inyong lunduyan.
Mga iniibig na kapatid, ang katalinuhan ay magagamit ninyo, tunghayan ninyo ng buong sinop, buksan ninyo ang kataga ng kabatlayaan sa pamamagitan ng pagtayo ng isang kasangkapang katulad ng aking ginagamit sapagkat ang Matandang Tipan ay niluluma ng panahon, at ang Bagon Tipan ang siyang sinasariwa at siyang bubuhayin ng susunod na henerasyon sa inyong lipunan.
Ang diwa ang batayan, and pinakabuod ng pangungusap na ipinagkaloob ng Banal na Aklat
Dahil diyan, sa pagtunghay ninyo sa Banal na Aklat na iyan, hindi ang sakit ang inyong pagtatalunan at pagbabatayan ng inyong matutuhan sa loob ng paaralang ng Espiritismo kungdi ang diwa, ang pinakabuod ng pangungusap na ipinagkaloob sa inyo.
Sapagkat ang bawat Propetang gumamit at nag-iwan ng isang magandang bakas sa inyong kalagitnaan, kanya-kanya na lalakaran o katwiran at hindi magkakalaban-laban kung inyong uunawain ang diwa ng Banal na Aklat na inyong dala dala sa inyong paglalakad at pag-aaral.
Mga iniibig na na kapatid, panahon na upang gisingin ninyo ang mga panatiko ninyong damdamin at linisin ninyo ang inyong mga pag-iisip sa pamamagitan ng inyong pinag-aaralan sa loob ng Espiritismo.
Limutin ninyo ang inyong mga alalahanin sandali sa loob ng inyong tahanan, limutin ninyo ang gawang magalit, limutin ninyo ang gawang pagka-inggit sapagkat ang pagka-inggit ang malakas pumatay sa pagkakilala ng tao.
Kung ang kamatayan ang siyang matataglay ng buong katatapan ng tao, isang pinakamagandang dula o papel na tatanggapin ng bawat isang Espiritistang nagtototoo at nagiging matapat sa kanyang pag-aaral sa loob ng Espiritismo.
Sapagkat ang kamatayang siyang daan ng kaluluwa ng paglaya upang pumaimbulog at iwanan ang isang katawang-lamang maramin nang nararamdaman o kapusukan, subalit hindi maaring matanggap ng tao, lumuluha ang tao at umiiyak, natatakot sa isang kamatayan.
At ang pagka-inggit na siyang lumalason sa pagkakilala ng tao ngunit kung kayo ay matalino na sa panahong ito ay dalawang bagay: ang inggit at isang pagsisikap upang matutuhan ng tao ang tunay na daan ng buhay.
At ang isang inggit na lagi nang namamayani sa kapatagang ito ng mga hugis ang siyang winawasak ng alinmang lipunang tinatatag ng isang nangungulo ng bansang nagnanasa ng isang kagandahan ng buhay at ang kapayapaan ng sambayanang nabubuhay sa ibaba ng kapatagan ng mga hugis.
Mga iniibig na kapatid, magpuri kayo at magpasalamat sa isang karamdamang sumainyo ay huwag ninyong katakutan sapagkat ang isang karamdaman na napapagaling ng alinmang manggagamot sa lipunan man ng tao at kabatlayaan ay siyang magandang daan at pinakamatibay na daan na susundin ng isang mananampalataya sapagkat ang kapangakuan ng Panginoon ay diyan lamang matutupad.
Sa lahat ng uri ng tiisin makikita ang tunay na AKO
Ngunit kung ang isang Espiritista nag-aaral at nagbilang ng panahon sa kanyang pag-aaral ay hindi natuto kahabag-habag na Espiritista, mga iniibig na kapatid, sapagkat lahat ng uri ng tiiisin ay kanyang malalaman upang makilala lamang niya, makita ang tunay na AKO sa buhay na siyang nagpapaikot sa lahat ng uri ng nadadama ninyo at natatanaw sa kapatagang ito ng mga hugis. Mahalaga lamang ang buhay kung ang buhay na ito ay may katapatan at gagamitin sa kagandahan ng henerasyong susunod sa inyng likuran.
Mga iniibig na kapatid, magpuri kayo at magpasalamat, mag-aral pa kayo sapagkat marami pang panahon ang inyong gugulin upang ang buod ng Espiritismo ay matutuhang ibigay sa inyo ng kabatlayaan.
Iyan lamang ang aking ipinagkakaloob, kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanmn. Paalam, Arkanghel Raphael.
1983-08-24, FBT
Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon at kapayapaan ang maghari ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, sa lahat ng panahon ay mayroong ng kani-kaniyang kalikasang na-aayon sa pangangailangan ng tao, kalikasang ina-alinsabayan ng hilig at anyo ng sanglibutan o sangkatauhang iyan.
Gayon din ang katayuan ng buhay ng tao, at mayroon ng mga pagkakataon na hindi maabot kuruin ng kutad na pag-iisip ang mga kaganapan, ang mga katayuang sumasatao at sumasangkatauhang iyan.
Maraming katanungan na nagsasalimbayan sa guni-guni ng bawat nilalang, may piping tugon na nang dahil sa kakulangan ng tao ng pang-unawang lihim ay hindi nasusumpungan, bagkus sa tuwi-tuwina ay pag-aalinlanganan ang sumasa tao.
Ngunit katotohanan sinasabi ko, habang nag-aalinlangan ang tao ay kinakailangang matutuhang magsuri at mag-aral sa mga bawat pinag-aalinlanganan sa buhay na iyan.
Kung ang isang bata sa kanyang katayuan ay natatanaw niya ang kagandahan ng dingas ng apoy, nalalaman niyang ito ay nagbibigay liwanag at nakapagpapaligaya. Nalalaman din ng murang katauhan na ang dingas na iyan ay nagagamit upang lumuto ng pagkaing ikabubusog ng kanyang sarili.
Ngunit kinakailangang madantayan ng kanyang mga palad upang maunawaan ang ningas ng apoy ay mapaminsala, nakasusugat, nakasasakit. At ang maraming kawalan na magaganap sa ningas na iyan na kung mayroon man ng winasak ay mayroon naman na binubuo. Kung nagiging walang kabuluhan ang nagiging makabuluhan din sa buhay ng tao.Ganyan mga iniibig na kapatid, kung ang unos ay hindi pa dumarating ay pinaghahandaan ng tao, kung ang unos ay nasa kanyang kasalukuyan, ang lahat ng inihahanda ng tao ay nawawala at ang nahahalili ay ang pangsariling kasindakan, panlulupaypay, waring pagkabigo.
Ngunit paglipas, natatanaw ng tao ang liwanag, nadadama ng tao ang kapangakuan ng isang bagong pag-asa na ang lahat ng nawasak ay mababago at pag-iibayuhin ang tibay sapagkat ang tibay nagkaroon na ng karanasan na ang mahina ay nawawasak at kinakailangang ito at pagtibayin.
Ganyan ang katayuan ng lahat at bawat isang nilalang sa kapatagang iyan, pag-aaral hindi lamang sa mga kataga kung hindi pag-aaral na mayroon ng gawa na kinakampay ang bisig.
Kung lagi na ay nababanggit ng inyong nga labi ang magkawanggawa, umiibig at magpatawad, tiyakin ninyo sa inyong mga sariling damdamin kung ito ay inyong magagawa. Kung ito ay maisasakatuparan ng inyong katauhan ay saka pa lamang ninyo mawiwikang kayo ay mag-aaral na natuto.
Ngunit kung hindi pa ninyo nagagawa, gaano man kalawak ang inyong pag-aaral ay baog sapagkat sa kabila ng kaalaman ay walang gawa, katulad din ng isang pananampalatayang walang gawa ay hindi mahahayag ang kahayagan ng katotohanan sa mga nilikhang hindi pa nakaka-abot at hindi pa natatanggap ang katotohanan ng pananampalataya.
Mga ginigiliw na kapatid, nagkaroon kayo ng iba’t ibang uri ng damdamin sumasainyo bilang mga nilikha na nabubuhay sa kapatagang iyan, nasa inyo pa ring damdamin ang mga panghihilakbot.
Nasa inyo pa ring mga katauhan ang mga karuwagan ng inyong pagkatao na hindi ninyo naibigay ng lubus-lubusan ang inyong mga sariling iwaksi ang makataong damdamin at ang pairalin ninyo ay isang makatarungang pag-ibig, panalanging laganap sa sangkatauhan, nag-aambil ng kapayaan, hindi maaaring gawin ng tao kung hindi ito aagapayanan ng lalong dakilang katotohanan.
Mga minamahal na kapatid, uulitin kong maging makatarungan kayo sa lahat ng pagkakataon, wala kayong tatangkilikin at wala kayong hahatulan, ang kaganapan ay nagaganap sa kanyang kapanahunan, at ang bawat titik ng aklat sy kinakailangan basahin at matutuhan.
Ang halaman ay inaalagaan upang kung ito ay mamunga at magkaroon ng buto, ito ang gagawing binhing isasabog sa nilinang na lupa. Aalagaan at sisinupin, aalisin ang mga damong mapanira ay bibigyan ninyo ng pagkakataon yumabong ang mga halamang kapaki-pakinabang.
At ang lahat ng inyong binubunot, titipunin niyo at susunugin hindi dahil sa kayo ay nagagalit kung hindi sa inyong hangaring maging kapakinabangan at maging pataba ng lupa.
Iyan ang kinakailangang maging damdamin ng bawat isa sa inyong magkakapatid na nakikipamuhay, na nakikipaglipunan at mag-aaral ng katuruang Espiritismo sa lahat ng pagkakataon.
Iyan ang aking
iiwan, naghahangad ako ng kapayaan sa buong daigdig, liwanag na
nagmumula sa banal na diwa ang tumanglaw sa lahat at bawat isa. Paalam,
ang inyong patnubay, Arkanghel Raphael.
1983-08-17, FBT
Ang ganap na kapayaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, ang nagpapasimula ay nagpapatuloy at ang nagpapatuloy at nakayayari ng magandang bantayog na hindi naluluma ng panahon, hindi nasisira ng alinmang higkis ng panahon upang ang bantayog na ito ay igalang at yurakan ng mga nilikhang nabubuhay sa ibabaw ng lupa.
Ganyan ang isang Espiritistang magiging matatag sa kanyang tungkulin, ganyan ang isang Espiritistang nagpapakasakit upang ang kanyang pag-aaral ay matutuhan at kung matutuhan ng tao ang kanyang pinag-aaralan ay magagamit sa maraming kabuhayang itinatataguyod ngkanyang sarili.
Mga pag-aaral na nagbibigay ng liwanag sa maraming kadahilanang nagaganap saan man sulok ng daigdig sapagkat angkin, mga iniibig ko, ang liwanag ng Espiritu Santo hindi kayang dalumatin ng mga pag-iisip ng mga tumutuklas na maraming uri ng karunungan ng tao.
Subalit sa loob ng paturuan ng Espiritismo, butil-butil na ipinagkakaloob sa inyo ng kabatlayaan, hihimayin ng inyong mga pag-iisip, bagaman at ang mga pag-iisip ay napapagod sa maraming kabagayan ng lupa upang ang mga laman na iyan ay magkaroon ng kasiglahan at magamit ninyo sa inyong pag-aaral hindi lamang sa panahong ito kungdi sa panahong darating.At mapalad din ang mga kapatid na umaasam ng kapangakuan ng Panginoon, sapagkat ang kapangakuang ito sasainyo lamang kung mamumuhunan kayo ng pagtitiyaga, maraming uri ng pagtitiis.
Upang ang tagumpay ay sumainyong pagkatao at maliliwanagan ninyo at makikita kung ano ang buod ng inyong pinag-aaralan at makakain ninyo kung ang pinakabuod at linamnam ng katuruan ng Espiritismo.
Dahil diyan, mga iniibig na kapatid, hindi ko maipagkaloob sa inyo ng buong-buo ang buod ng inyong pinag-aaralan sapagkat sa sandalin ang mag-aaral ay matutuhan niya at maunawaan ang isang lihim na kanyang pinag-aaralan ay magkakaroon ng paghihinamad at diyan nagsisimula ang pagkawasak ng isang samahan nawawalan ng buhay at nawawalan ng pag-asa at pananampalataya sa isang Dakilang Lumikha na gumawa ng kapatagang-lupa.
Iyan lamang ang aking iiwanan, pag-aralan ninyo mga minamahal na kapatid. Kapayapaan sa inyo at sa lahat ng dako ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
1983-06-19, FBT
Tangapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na mag-aaral, mga minamahal na kabataan na mayroon ng isang tanging sandali at pagkakataon na ilagay ang mga sariling katauhan, nagbabadha at kinakailangang ibadhang mayroon ng susunod sa mga kasalukuyang lakas at katalinuhan.
Sa mga kasalukuyang nanunuparan ng tungkulin ay may kapangakuan na mayroong magpapatuloy na mag-aadhika ng pananagumpay ng simulaing ito na sa katauhan ng lahat at bawat isa. Hindi ko sinasabing sa kahinaan ng pagkilos bilang katuparan sa maraming tungkuling nakababaw sa inyong mga balikat.
Na kayo ay papalitan o hahalinhan ng mga bagong lakas at sigla, kung hindi ipinararating ko sa lahat at bawat isa ay magbigay at mag-iwan ng magandang halimbawa at kasiglahan.
Magbigay ng magandang larawan at mga kilos na siyang sasalaminin, na siyang tutunghayan ng mga nilikhang ito na magpapatuloy nang walang gatol sa ikadadakila ng simulain, sa ika-uunlad ng aralin ng bawat Espiritu.
Kailangang habiin ang maliliit na himaymay ng kaisipan
Ganyan ang yugto ng buhay sa pag-aaral sa laman at sa kaluluwa, sapagkat sa pagkakataon at sa sandaling ito ay ang paksa ay kinakailangang habiin ang maliliit na himaymay ng mga sinulid na kaisipan.
Ang mga pinong kaisipan ng kabataan, hahabiin ng inyong matalinong kaugalian, hahabiin, ipapali sa mabuting kaanyuan, gagamitan ng lalo at lalong masinop na pakikipag-aral upang maging isang kapakipakinabang na nilikha sa daigdig na iyan sa ilalim ng Panginoon at sa batas ng tao.
Na nawa ay sa kaliitan ng bilang ng mga kabataan na nagsisikhay, nagtitipon ng lakas ng pananalig ay matulad sa isang maliit na titis na lalaganap at lalaganap, magpapainit ng damdamin ng kanilang kapwa, aakit sa kaisipan ng kanilang kapwa sa isang ma-alab na nasain ng kabutihang itataguyod na magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng pagkakataon.
Pag-aalabin sa pagnanasa na maglilingkod sa kapwa, hahalinahin maki-isa, makipagtaling damdamin sa dakilang mithiin. Ang diwa ay nagkakaroon ng lalo at laong kaunlaran sapagkat kinakailangan ninyong malaman at maunawaan, mga iniibig na kabataan, ang daigdig na ito ay paaralan, ang daigdig na ito ay palihan.
Hindi kayo maglilimayon
sa matinding sikat ng araw kungdi kay ay gagawa at kikilos, maghahasik
kayo sapagkat kinabukasan, ang isang mabuting magsasaka ay mag-aani sa
lahat ng binhing kanyang isinabog sa kanyang kasipagan ng paggawa.
Hindi tayo tagasanlibutan, hindi tayo sa daigdig mananatili
Alin ang hinanap ng tao? Alin ang inaalam ng bawat nilalang? Walang iba kungdi ang isang buhay na maalwan, ang isang mapayapang katauhan sapagkat nauunawaan ninyong hindi kayo sa daigdig na ito mananatili. Mayroon isang katayuang naghihintay sa bawat isa sa inyo kung saan ang kaganapan ng lahat ng inyong ipinunla sa kapatagang ito ay inyong maaani ng buong kasaganaan.
Alalahanin ninyo, mga minamahal na kapatid, hindi kahabag-habag ang mga nagugutom at naaapi sa panahong ito lalo pa at mayroon maliliit na butil ng simulain sa kanilang katauhan. Na magunita ng tao ang nagugutom ay mabubusog pagdating ng panahon, ang mga aba ay magiging dakila sa kanyang sariling pagsisikap.
Mula sa kababaan, patungo sa pagka-angat, ang lahat ay nagpapatuloy at umiikot ng na-aayon sa tunay na adhikain at layunin ng bawat isa. Kung papaanong ang gutom ay nabubusog at ang busog ay na-uuwi sa pagkagutom.
Ang lahat ng iyan ay aralin sa buhay ng tao at kayo ang unang nakadadama at kayo ang unang naka-uunawa sa subaybay at alalay ng kabatlayaan, magtatagumpay kayo sa katapatan ng inyong mga adhikain sa inyong mga kapwa.
Sa inyong mga dakilang adhikain, ang lahat ng inyong hangarin sa inyong kapwa, ang unang mag-aani ay ang inyong katauhan. Magpaligaya kayo at kayo ay liligaya, maglingkod kayo at kayo ay mag-aani.
Sa bayan ng aking Amang nasa mga langit, maraming bangan na punong-puno at ang lahat ng ito ay ipagkakaloob sa bawat isang matapat na tagasunod ng kanyang simulain at layunin ngayon at magpakailanman.
Kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong patnubay, Arkanghel Raphael.
Mga termino
habiin (paglala) - to weave
bangan(kamalig) - barn
1983-03-29, FBT
Miyerkules Santo
Ang kapayapaan, ang liwanag na nagmumula sa banal na diwa ang tumangalaw sa inyo ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, mga minamahal na mag-aaral ng katuruang ito, ng simulaing ito na nagbubukas ng kaalaman sa bawat nilikha na nakasusumpong ng paaralang ito ay binubuksan sa isipan ang kaalamang nauukol sa karunungang pangkaluluwa.
Ang simulain ng Espiritismo na humahawi ng mga nakatabing na kaalaman sa kaisipan, ng kabutihan sa kanyang mga kapwa, ipinagkakaloob ang katugunan sa bawat katanungan ng kanyang sarili, ipinahihiwatig sa bawat isang mag-aaral ng katuruang ito ang kanyang tungkulin sa kanyang kapwa, ang kanyang paglilingkod at pagkakawang-gawa na walang hinihintay na kagantihan.
Ang simulaing ito ay hindi masasabing kaalit ng lipunan ng mga tao. Hindi nga mga minamahal ng kapatid kung hindi ang simulaing ito ay katulong ng lipunan ng mga tao ng pagbibigay ng kapayapaan, umaakit ng lakas na lihim ng kapayapaan ng damdamin ng lalo pa ay ang mga naliligaw ng landas.
Ang bawat mag-aaral ng katuruang ito ay hindi nagtatakwil o nagtatangi ng kanyang kapatid, maalam umunawa, maalam maglingkod, at kung may mga pagkakataon ang isang mag-aaral ay nadapa, sa lakas ng kanyang pananalangin at pananampalataya ay nalalaman niya na kinakailangan niyang magtimpi at ipagpatuloy ang kanyang tungkulin sa kabila ng maraming balakid na humahadlang sa kanyang daraanan.
Sa panahong ito kung mayroon kayo ng pananaw, lalong-lalo na sa malalayong dako at sa iba’t ibang parte o pook na pinagtitipunan ng mga tao ng kanilang paniniwala at pananampalataya, ng kanilang tinutupad na mga misyon ay karagdagan ng kaluwal-hatian ng kanyang kaluluwa at madadama nila ang kapayapaan sapagkat iyan ang kanilang paniniwala, nagkakaroon ng kahayagan, malakas ang pag-iisip kaalinsabay ang pananampalataya.
Sa ibat ibang dako ay matutunghayan ninyo kung mayroon kayo ng pananaw na pangmalayuan, ang mga pulutong ng mga taong hindi inaalumana ang pagkagutom kungdi bagkus, dinadama ang hagod ng kalikasan, ninanamnam ang dalisay na hatid ng kabatlayaan, buong katahimikang itinataguyod, binabalikat ang kani-kaniyang misyon sa buhay na iyan upang siya ay maging karapat-dapat sa mata ng Panginoon.
Ang lahat at bawat isa sa inyo ay mayroon ng kani-kaniyang laman, damdamin at kalooban; ang tangi kong hinihiling sa aking mga minamahal na kapatid, malibang isipin ninyo ang masama sa inyo ay huwag gawin sa inyong kapwa, ay makakadama na kayo ng kaligayahan sa inyong katauhan.
At kung higit sa lahat ay magawa ng tao na ibigin ang Ama katulad ng pag-ibig niya sa kanyang sarili, at idalangin niya ang sa kanya ay kumakaaway, hindi malayo ng isang dali ang kaharian ng mga langit na pinagmimithiin ng bawat isa sa lihim.
Mga minamahal na kapatid, kung si Hudas ay ipinagkanulo ang Dakilang Mananakop, sang-ayon sa mga titik, na kapalit ng ilang pirasong pilak, isang banal na katauhan at Hari ng mga Hari ay mayroon ng katapat na halaga.
At bakit nagkaroon ng isang kaluluwang naging kasangkapan ng ganyang uri sa buhay
ng dakilang Panginoon? Sino sa inyo ang makahahatol kay Hudas? Sino sa inyo ang mayroon ng malakas ng kalooban at matibay na dibdib upang sabihing si Hudas ay masama, si Hudas ay mapanlamang o suwail?
Walang-walang maaaring bumanggit ng ganyan mga pagsukat at paghatol sa isang katauhang naging kasangkapan ng kadakilaan, upang mahayag ang kabaitan at katapatan ng isang Guro, at pagbibigay ng halimbawa na ginampanan ng isang Hudas sa buhay ng dakilang Panginoon at kapupulutan ninyo ng maliliit na butil ng aralin na magdaragdag sa inyong kaalaman.
Mga minamahal na kapatid, magpatuloy kayong lahat sa pakikipag-aral sa kabatlayaan, bigyan ninyo ng pagkain ang inyong kaluluwa at inumin ang inyong pagkatao sa ikapagkakaroon ng lalo at laong kaligayahan ang inyong mga ako sa dako pa roon.
Iyan ang aking ipinagkakaloob sa aking mga kapatid. Sa mga kapatid na kasangkapan, nais ko sanang lalo ninyong sinupin ang inyong mga sarili sa pagkakataong ito, yamang mayroong ng mga bukas na biyaya, hinahalina ko kayo sa isang ganapang pakikipag-aral, sa isang mahabang sandali na hindi ninyo iisipin ang pagkain ng laman at ang inumin ng laman kungdi bubusugin ninyo ang inyong katauhan sa mga banal na wika ng Panginoon.
Ang
kapayapaan at liwanag na nagmumula sa kaitaasan ang tumanglaw sa
inyo, ngayon at magpakailanpaman! Paalam.
1983-03-27, FBT
Biyayain kayo ng dakilang pagpapala ng Panginoon at nawa ay maghari ang kapayapaan sa loob at labas ng lunduyan at sa buong kapulungan.
Mga ginigiliw na kapatid, patuloy ang daloy ng kabihasnan, patuloy na kumikilos ang sangkatauhan, ang marurunong sa kabagayan ng daigdig ay patuloy at patuloy na tumutuklas ng ibayong kaunlaran ng kanilang kaalaman. Ang nagsisipaghanda ng mga kabagayan sa buhay-laman ay nagpatutuloy at lalong-lalong ikalalapit ng tao sa Dakilang Panginoon.
Sapagkat mayroon kani-kaniyang antas ng pagkakilala at kaalaman ang tao, mayroon ng kani-kaniyang pananalig at paniniwala ang kailangan at lalong pangangailangan ng tao sa gitna ng kanyang pagkakilala at pananampalataya ay gumawa, maglingkod, magkawanggawa at huwag magtatangi ng kanyang kapatid, ang lahat ay pantay-pantay.
Kung bagaman mayroon ng mga nilikhang mababa ang katayuan hindi sa pamumuhay kung hindi sa katayuan ng pagkakilalang hindi makatanggap ng mga bagay na maaaring ikababa ng kanyang pagkakilala.Alalaong baga ay ang ibig kong sabihin, kung sa abot ng pagkakilala ng inyong mga kapatid, ang mga rito (rites) at seremoniya ang siyang ikadadakila ng kanyang pananampalataya, hindi ito hahatulan, hindi ito pupuwingin kungdi diyan nakakaabot ng paniniwala ang tao at diyan magbubukas ng kaalaman ng nauukol sa kabanalan.
Sa simulain ng Espiritismo, hayag na ipinakikilala at kinakailangan ipakilala ng bawat isang manamnampalataya ang kadakilaan ng pagkakilala sa Panginoon ay nakasalalay sa kanyang gawa, sa kanyang pag-uugali, sa lahat ng bigkasin ng kanyang mga labi ay kinakailangang mayroon ng bahagi ng pag-ibig.
Lilimutin ng isang mag-aaral ng simulaing ito ang kapalaluan, unti-unting babawasan ang malabis na pagkai-ibig sa kalayawan ng sarili, sapagkat mayroong simula, mayroon kasalukuyan at mayroon in katapusan.
Kung sa inyong simula ay natatagpuan ninyo unti-unti ang mga bagay na makapagbibigay sa inyo ng kapanatagan, magpatuloy kayo kaalinsabay ang pag-aambil ng dalangin na nawa ay ang kapanatagan at kapayapaan ng inyong pagkataong nadadama ay madama rin ng inyong mga kapwa.
Kung sa inyong mga tiisin, kung sa maliliit na buhol ng suliranin sa inyong buhay ay nakadadama kayo ng panghihina, mga minamahal na kapatid na mag-aaral ng katuruang Espiritismo, maalam kayong magkalag ng mga buhol na iyan sa pamamagitan ng isang matalinong pamamaraan.
At lalo kayong hihingi at dadalangin upang ang mga tiisin ng inyong sarili ay maitaguyod at nagagawa ninyong itaguyod, nawa ay ang inyong mga kapatid na mahina ang katayuan sa pananampalataya ay makapagtiis din ng mga pagsubok na katulad ng inyong tinitiis.
At nawa ay sa lahat ng damdaming umaalipin sa inyong katauhan,
lalong-lalo ninyong pupunan ng panalangin sa Dakilang Panginoon. Kung
papaanong ang inyong mga kapatid sa mga sandaling ito ay naghahangad na
mawisikan ng kaunting biyaya ang mga dahong-kahoy na kanilang dala-dala,
sagisag ng kanilang pagdakila sa araw na ito.
Ilahad din ninyo
ang inyong pang-unawa, ilahad din ninyo ang inyong pagkakilala na nawa
ay madampulayan ng hamog ng kaitaasan, na ang lahat ng kabagayan ng
pangkaluluwa ay inyong madama alang-alang sa inyong malaon ng pithayang
kaligayahang walang hanggan, at ito ay nakasalalay lamang sa
kaligayahang pangkaluluwa sapagkat ang lahat ng bagay na pangdaigdig ay
lilisanin ng tao.
Kung kayo sa panahong ito ay nagtataglay ng mga kaangkinan nagdudulot ng kasiyahan at kaligayahan sa inyong katauhan at katawang-laman, magpuri kayo at magpasalamat sa Dakilang Panginoon at kayo ay biniyayaan ng ganyang pagpapala at nawa ay ang mga kapatid ninyong lalong dahop ay makadama rin kaunting kaligayahan katulad ng inyong nadadama.
Alalahanin ninyo na ang isang mabuting Kristiyano ay hindi lamang ang sariling kaligayahan ang idinadalangin. Ang isang mabuting Kristiyano ay ipinalalaganap ang kanyang kawanggawa, ipinalalaganap ang kanyang pag-ibig, katarungan at karunungan.
Sapagkat ang daigdig na ito na inyong pinananahanan ay isang yugto ng pag-aaral ng tao at pagkakilala, isang yugto ng pamamaraan upang mapali ang inyong katauhan at kalooban sa pagiging isang mabuting nilikha.
Sapagkat sa lahat ng dako ay nakalaganap ang maraming nilalang na naghihintay ng biyaya at pagpapala, at kayong mga kapatid ko ay malaki ang inyong pagkakataon, malawak ang inyong naaabot, kung wala nang mai-aabot ang inyong mga palad, nalalaman kong sa inyong puso, sa kaibuturan ng inyong puso ay naroroon ang biyaya ng pag-ibig, pagkakawanggawang maitutulong ninyo sa inyong mga kapwa.
Alalahanin ninyo, mga minamahal na kapatid, ito ay naayon sa inyong pagkakilala kung paanong kayo ay lumililim sa mga ganitong bubong kung saan kayo nagtitipon-tipong magkakapatid.
Sa tuwi-tuwina ay gugunitain ninyo sa inyong sarili, mayroon kayong hangarin at karapatang makadama ng pagpapala ng Panginoon at lalo kayong makapag-aabuloy sa inyong mga kapwa.
Ang hangarin ninyong magkawanggawa ay isa nang maliit na liwanag ng inyong pagkatao, at kung ito ay inyong maisasagawa, saan maaaring makarating ang inyong katauhan at ang kaligayahang sasainyo ay hindi ninyo malilimot hanggang doon sa dako pa roon kung saan matatanaw ng isang nilikha ang kanyang mga ginampanang gawain sa kapatagang-lupa.
Bayaan ninyong sa inyong mga katauhan ay maipadama ninyo na kayo ay isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo, simulain ng Panginoon na lagi nang dumadalangin at nag-aambil ng kapayapaan sa daigdig at sa lahat ng mga nilikhang naaabot ng inyong mga tanaw.
Iyan ang aking ibinababa at ako ay naghahangad ng kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.
Mga Termino
kabagayan (bagay, may kinalaman)-
pananalig (pananampalataya) - faith
madampulayan (idampulay, masulyapan) - glance
pithaya (pita, nasa, layon, hangarin) - quest meaning, fervent desire, longing
ambil (paulit-ulit na pagsasabi ng salitao kasabihan, umusal) - something whispered to oneself repeatedly
1983-02-27, FBT
Ang kapayapaan at pagpapala ng Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, kung papaano sa unang sandali ay hinahanap ng tao ang mga kabagayang kinakailangan ng kanyang sarili, ang pagkasilang ng kanyang katawang-laman, ang paghanap ng lalong karagdagan sa kanyang tinatangkilik sa buhay na iyan ay lalo at lalong kailangan ng tao na una niyang ihanda ang ukol sa kanyang diwa, sa kanyang kaluluwa.
Sapagkat iyan ang kinakailangang busugin, iyan ang kinakailangang pagsikapang mabigyan ng pangangailangan sapagkat ang isang payapang diwa, ang isang kaluluwang busog sa magandang aral ng Panginoon ay magkakaroon ng isang laman at isang kasangkapang wagas na magagamit na katulad din ng bawat isa sa inyo, mga iniibig na kapatid.
Pag-aralan ninyo ang maliit na banggit na ito na sa inyo ay aking ipinagkaloob; kung payapa ang inyong kaisipan, kung ang inyong kalooban ay panatag, ang inyong damdamin sa tuwi-tuwina ay mayroon ng busilak na damdamin ini-uukol sa kanyang kapwa, isang kaloobang hindi nadadagandan ng init ng simbuyo, isang pag-iisip na pinalalawak upang umakay ng kapwa.
Isang pag-iisip na mayroon ng pag-ibig at kabanalan hindi baga at ang inyong katawan-laman ay malaya at masigla, pinakikilos ng tatlong kaangkinang mayroon ng pag-ibig, isang lakas na nagbubunsod sa taong gumawa ng mabuti, isang lakas na nagbubunsod sa taong umibig ng pantay pantay sa kanyang mga kapwa, isang lakas na humahanap ng kabagayan magbibigay halimbawa sa kabanalan pinipithaya ng lahat at bawat isa.
Sapagkat ang lahat ay naghahanap ng kabanalan, patotoo, naririnig kayo sa pagkakataong ito na ang uri ng pananampalataya ay dinadala ng inyong mga sarili. Sa pagkakataong ito ay nakiki-isa ako sa lahat ng uri ng damdaming nau-ukol sa kabutihan, nakiki-isa ako sa inyong mga hangaring madama ninyo ang biyaya ng kaitaasan, madama ninyo ang madaliang lunas sa inyong mga karamdaman sa tulong ng Dakilang Panginoon.
Nawa ay maging masagana ang inyong pamumuhay upang ang bawat butil na ito ay mailagay ninyo sa mga pagkakataong kinakailangang paggamitan ng lahat ng iyan. Naririyan ang inyong mga kapatid na nagsasahol sa buhay-laman, naririyan ang mga kapatid na hindi nakadadama ng kapayapaan katulad ng inyong nadadama.
Naririyan ang mga maraming nilikhang lumalaboy sa sariling palad dala ng kanilang mga dala-dalahan nagmula sa dako pa roo sa kawalan ng pananampalataya, sa kawalan ng pagkakilala na siyang kinakailangang akibatin ng tao sa pakikipamuhay sa daigdig na iyan. Kilalanin ng kanyang sarili kung sino siya at kung ano ang kanyang tungkulin sa kanyang kapwa at sa kanyang bayan.
Mga minamahal na kapatid, mga iniibig na naghahanap ng landas na patungo sa Panginoon, hinahanap ang kaparaanan upang mapalapit, ang lahat ng iyan ay nasa inyo at hindi nakasalalay sa alinmang pananampalataya. Ang ibig kong sabihin, maging masugid man kayong tagapagtaguyod kungdi kayo gumagawa ng mga bagay na itinuturo ng alinman simulain ng kabanalan, ay hindi ninyo mailalapit ng tuwiranang inyong sarili sa Dakilang Manlalang.
Pag-aralan ninyo ang mga batas ng lahat ng uri ng pananampalataya, sundin ninyo at gawin ninyo, mga iniibig na kapatid. Kung nagagawa ninyo at natutupad ninyo ang lahat ng kaaralan, kung naisasagawa ninyo ng buong taimtim sa inyong mga pagkatao.
Ang alinmang relihiyon, ang alinmang paniniwala, ito ay nalalagom sa iisang naghahanap ng kaligtasan at naghahanap ng kabanalang walang hanggang tungo sa kapangyarihan ng Dakilang Manlalang.
Hindi maaaring hatiin ang tao nang dahil sa kani-kaniyang sekta ng pananampalataya, kinakailangan magka-isa isa, kinakailangang malagom ang lahat at bawat isa na ang tanging pambigkis ay pag-ibig, kapayapaan, kababaang-loob; at iyan ang siyang pinakadakilang hangarin ng lahat at bawat isang mananampalataya sa kapatagang-lupa.
Iyan ang iniiwan ko, kapayapaang ganap ang sumainyong muli, ngayon at magpakailanman! Paalam...
1983-02-23, FBT
Liwanag at pagpapala ng Ama ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, kung ang pagkakataong ganganito ay pinaghandaan at inaasam ng lahat at bawat isa upang minsan pa ay madama ng kanilang katauhan ang ginhawang idinudulot ng pananahimik, ng kaaliwang idinudulot ng mga katagang nagmumula sa kaitaasan.
Sapagkat ang bawat, nilalang lalong-lalo pa and nagsisihanap ng nauukol sa kaluluwa, nagtataguyod ng dakilang pananampalataya, habang nagpapakasakit ay lalong nadaragdagan ang kasiglahan, habang bumibigat ang pasan ng pananagutan sa ngalan ng Panginoon ay lalong lumalaki ang hakbang ng mga paa upang maitaguyod sa abot na kanyang pagka-unawa kung hanggang saan niya idarating ang tungkuling nakapataw sa kanyang mga balikat.
At kung ang tao ay nagtotoo sa kanyang dinadalang simulain, ang maliliit na pangangailangan ng laman ay natatagpuan ng kanyang sarili, ang maliliit na kirot na dala ng karamdaman ay natitiis sapagkat hinahanap niya at ipinagpapatuloy na hinahanap ang mga kabagayan ng diwa at hindi madadama kailanman ang pagkalungkot.
Hindi magkakaroon ng pagka-inip ang kanyang sarili, hindi nababagot sa maraming uri ng pagsubok kung hindi patuloy na nanabik sa mga butil ng kabanalan na iniipon ng kanyang katauhan, patuloy na umaasam ng karagdagan sa kanyang tinipon ng mga bagay na ukol sa kaluluwa.
Ang lahat ng tinitipon ng nauukol sa laman ay nauubos, pinagsasawaan, nawawala at lumilipas kung kaya at iyan ang tinatawag na pandadaliang kaligayahan sa kapatagang-lupa. At hindi ninyo ipagpapalit ang butil ng kaligayahan pangkaluluwag huba sa karangyaan sa mga bagay panglaman nakabalot ng karangyaan at pagkukunwari, mga kaangkinang hindi matataglay ng inyong sariling katauhan hanggang sa dako pa roon.
Mga minamahal na kapatid, mga iniibig na mananampalataya ng dakilang simulain ng Panginoon, matutuhan sana ninyong tumulong ng buong katapatan at pagtitiyaga lalong-lalo na sa mga may karamdaman ng laman.
Ibayong pagtalima at pagtulong sa mga nilikhang mayroon ng karamdaman ng kaluluwa. At umaasa ako na ang lahat ng inyong hilingin sa Ama ay hindi kayo bibiguin sapagkat itinataguyod ninyo ang dakilang katuruan na nagmumula sa kaitaasang ibigin mo ang iyong kapwa ng katulad ng pag-ibig sa iyong sarili.
At ang lahat ay lagom- ang umibig sa kapwa ay unang umibig sa Ama, at ang umibig sa Ama ay umiibig sa kapwa na makapagdudulot sa tao ng maraming kaangkinang ikaliligaya ng kanyang kaluluwa.
Iyan ang aking ipinagkakaloob sa aking mga kapatdi at maghari sa inyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman, paalam.
1983-01-19, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, bilangin ninyo ang inyong kabuuan, gaano ang mga luklukang nahuhungkag. Gayon pa man, manatili kayo sa inyong mga lulukan, manatili kayo sa inyong adhikain sapagkat ang mayroon ng pagkabalam ang siyang nagku-kulang at ang nakakaligta ay siya lamang magkakaroon ng kapupunan pagdating ng panahon.
Naririto kayo, bagaman at maliiit ang inyong bilang ngunit sa kabuuan, puno ang mga luklukang iyan, naririyan ang inyong mga kahinlog na nagsidako na sa dako pa roon ngunit sa masidhing adhikain na maipagpatuloy ang kanilang mga nabalam ng tungkulin, pakikipag-aral sa simulain, nagpapatuloy na nag-aadhika ng karagdagang kaalaman sapagkat wala nang pinakadakilang pagkakataon sa buhay ng tao kungdi maulinigan ang kataga na nagmumula sa kabatlayaan at madama ng kanyang sariling pinag-aahikain maisakatuparan sa abot ng kanyang kakayahan.
Iisa ang kabuuan ng lahat ng parating ng kabatlayaan, iisa ang layunin ng bawat pahatid
sa inyong kalagitnaan, ang lahat ng pananampalataya ay iisa ang uri ng adhikain sa sangkatauhan; kapayapaan, pagkaka-isa, pag-ibig, pagkakawanggawa at kababaang-loob ang siyang inaadhika ng alinmang pananampalataya.
Sapagkat ang bawat mananampalataya ay kabig ng Panginoon, at ang lahat ng kabig ng Panginoon ay nag-aadhika ng isang kapayapaang walang hanggan; isang pag-ibig na walang pagtatangi-tangi; karunungan. Karunungang maggamit upang bigyan ng kaliwanagan ang kapwa, hindi karunungang pumapatay, hindi umaalipin.
Sapagkat sa sandaling ang karunungang maka-Diyos ang suma-tao, katotohanang katotohanang sinasabi ko, wala nang magiging mangmang lalong-lalo na sa gawi ng paglilingkod sa kanyang kapwa.
Pag-ibig, sa lahat ng panahon ay ibinabandila sa sangkatauhan, sa sandaigdigan, sa dako pa roon, sapagkat walang hihigit pa na pinakamatamis na kataga ng tao kungdi ang pag-ibig. Ngunit mayroon din ng mga pagkakataon na ito ay hindi nagiging karapat-dapat sapagkat kung ang pag-ibig ay gagamitin lamang sa pangsariling panganga-ilangan, sa pag-ibig sa sariling gumagapi sa kanyang kapwa, sa pag-ibig na mayroong
dungis; hindi rin ito magiging karapat-dapar sa mata ng Panginoon.
Alalahanin ninyo sa tuwi-tuwina, hindi lamang ngayon, hindi lamang ng isang panahon o sa darating na panahon. Magpapatuloy kayong makipamuhay sa daigdig, ang lahat ng pagkukulang ay inyong pupunuan, ang lahat ng inyong naaabot ay aabutin ninyo ngunit hindi kayo magtatangi sa inyong sarili. Hindi ninyo hahanapin ang ibig lamang ninyong maganap sa inyong mga katauhan.
Kung dumating sa inyong mga buhay ang mga pagsubok na ina-akala ninyong hindi ninyo maaaring gawin sa inyong kapwa, huwag kayong magkakamaling humatol, huwag kayong magkakamaling lumakdaw sa kalooban ng Panginoon. Walang pinakadakilang kawal kungdi yaong sumusunod at tumutupad ng buong katapatan sa batas na kanyang pinananaligan.
Ang batas ng Panginoon ay batas ng Ama na walang iba kungdi ang mag-iibigan kayo sa isa at isa, ang isa ay para sa lahat at ang lahat ay para sa isa. Kung ang daigdigang ito ay nanahati sa maraming uri na kakayahan at katayuan ng tao, sa iba at ibang kapatagan ay walang hadlang, walang gatol ang batas na nagmumula sa kaitaasan. Ang hanapin ng tao ang kanyang pagkasulong sa ilalim ng kanyang pagiging Kristiyano.
Mapalad ang mga nilkhang natutuhang tanggapin ang maliliit na kirot ng kanyang sarilin mga gawa, mapala ang mga nilikhang nakatuklas ng simulain, ng katayuan, ng pakikipamuhay ng tao sa daigdig sapagkat walang hinihingi ang anak sa Ama na hindi ipinagkakaloob.
Sapagkat, walang Amang malupit na paggi ng kanyang anak ng tinapay ay bibigyan ng ahas. Ang lahat ay pinararaan sa pagsubok, ang lahat ay dinadagi ng panahon na makatiya kayo sa inyong sariling kayo nga ang nainindigan, madadama ninyo ang kaluwalhatiang hinahanap ng inyong katauhan.
Alalahanin ninyo sa tuwi-tuwina mga minamahal na kapatid kung papaano kayo naghahanda ng inyong pangangailangan sa araw-arw ay gayon din kayo pina-aalalahan ng kabatlayaan ng isang wasto at ganap na tutuluyan.
Lamang, kinakailangang tiyakin ninyo sa inyong sarii kung kayo ay nakatutupad na ng
inyong katatagan at katapatan sa inyong mga tungkulin. Hindi ninyo maaring ikatwiran wala kaayong pangangailangang, wala kayong tinatangkilik sa buhay kung kaya hindi kayo nakapaglingkod at hindi kayo nakapagkawanggawa.
Mayroon ng biyaya ang Panginoon sa inyo; pag-iisip, damdamin, at kalooban, mahugot ninyo ang inyong itutulong sa inyong mga kapwa. Kung wala man laman ang inyong lukbutan, mayroon naman kayo ng pusong marunong umunawa, mayroon kay ng pag-iisip na maaari ninyong katasan ng isang tibuking magbibigay ng liwanag sa mga nadidimlang kaisipan.
Kung wala man kayo ng kayamana, mayroon naman kayo ng kalooban, isang kaloobang kinakailangang mapayapa upang mai-ambil ninyo ang kapayapaang iyan sa maraming dako lalo na sa panahong ito na pinaghaharian ng mainit na kalooban ang mga nilikha.
Huwag ninyong bayaan masayang ang maikling sandali na hindi ninyo mai-aabuloy sa inyong mga kapatid, sa mga may karamdaman, sa mga nagdarahop at nagtitiis sa maraming suliranin sa buhay na iyan.
Ihanda ninyo ang inyong lihim na pagtulong sapagkat katotohanang katotohanang binabalangkas pa lamang ninyo ang isang matapat na paglilingkod ay nadadama na ninyo ang kagantihan at bung ng isang magandang adhikain sa kanyang kapwa.
Kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman, paalam.

Comments
Post a Comment