1981, Koleksyon - Arkanghel Raphael
1981-12-30, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, sa buhay ng tao ay mayroon ng kani-kanyang pinapahalagahan ang bawat isa, mayroon ng kani-kaniyang pagkakataon na kinikilala ng isang nilikha sa kanyang buhay.
Hindi matatawaran ng pag-iisip ng bawat nilalang sa kanyang naabot na pananampalataya, na naabot na katotohanan ng buhay at ang mga pinahahalagahan ng kanyang pagkatao.
Lalong-lalong hindi tinatawaran, sinisikil o hinahadlangan ang pagkakilala ng tao na materyal sa kanyang buhay na kanyang pahahalagahan ay kanyang isa-isangtabi.
Hindi nga, mga minamahal na kapatid, sapagkat kung papaanong hinahangad ng isang taong magkaroon siya ng kaligayahan at ang tanging abot na kaligayahan ng kanyang sarili ay yaong mga bagay na maaaring pantayan ng halaga, yaong mga bagay na maaaring mamulatan ng inyong paningin.
Subalit kung mauunawaaan ng isang nilikha ang katuturan at kahalagahan ng buhay sa kanyang pakikitalad sa buhay na iyan, sa daigdig na iyan, ay mauunawaan na higit ang kanyang pagpapahalaga sa mga bagay na hindi maaaring masunog, manakaw at lalong hindi maaaaring maluma.
Sapagkat walang iba kungdi ang makilala ng tao na mayroon siya ng tungkulin sa kanyang kapwa at ang tungkuling ito ay gumawa ng mabuti, iwasan ang masama.
Sapagkat ang nabubuhay sa daigdig na iyan ay hindi maaaaring magtangi ng sinoman na maaari ng mga bagay na hindi karapat-dapat ay mawiwika ninyong labag sa inyong pagkakilala at lalong labas sa inyong pagka-unawa.
Ang lahat ng may buhay sa daigdig ay kaloob ng Ama, gaano ninyo mabubuhay ang isang maliit at pinakamaliit na hayop na gumagapang sa lupa samantalang mayroon ng mga nilikhang nagagalit ang kanilang sarili sa karahasan at nalilimutan ang lahat ay magkakapatid sa daigdig na iyan.
Papaano kayo pagdating ng panahon, saan ninyo ikukubli ang mga hubad na katauhan ng inyong mga sarili? Sapagkat kayo ay matatakot ilantad sa katotohanan na katulad ng paglalantad ng inyong katawang-laman na hindi ninyo magagawa sapagkat nalalaman ninyong kayo ang may pagkukulang.
Kung kaya at hindi ninyo magawang ihayag ang inyong mga katauhan; subalit sa mga pagkakataong kinakailangang ng tao, ang mga bagay na nagbibigay ng kasiyahan sa kanyang sarili, hindi ko tinatawaran at lalong hindi ko pinupuri sapagkat ganyan ang buhay ng tao, humanap ng kaligayahan at makapagpaligaya sa kanyang kapwa.
Mga minamahal na kapatid, iyan ang aking inilalalagak at ako ay naghahangad ng walang hanggang kapayapaan at ang liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman.
Ako
ay magpapaalam, naghahangad ako ng isang kapayapaan at liwanag ng
Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayo at magpakailanman.
Paalam, ang inyong patubay, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-11-18, FBT
Sumainyo ang dakilang pagpapala ng Panginoon, marhari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Mga ginigiliw na kapatid, ang panahon at ang katayuan ng isang nagtataglay ng kanyang sarili, sa lakas at buhay na kanyang inaangkin ay siyang tanging nakauunawa kung ano ang katayuan ng kanyang sarili na kaalinsabay ng panahon.
Sapagkat ang tao may simula, may kasalukuyan at mayroon ng takdang sandali kung kailan ang lakas ay unti-unting mapaparam; ang alab ng kasiglahan ay unti-unting nanlalamig na katulad ng isang dapit hapon na kinakailangang hanapin ang sadyang himlayan ng papapahingalay sa maghapong pagkahapo ng bawat nilikha.
Hindi kayo magsisisi, mga minamahal na kapatid, na kung hindi man kayo nakasapol ng araling ito at ng katarungan, mayroon din dumating sa inyong katauhan sa kapanahunang mayroon kayo ng kasiglahan, mayroon pa kayong nalalabing lakas at sigla ng buhay na natagpuan ninyo ang isang paaralan na nagbubukas ng maraming talaan ng inyong mga gawa at gagawin hindi ninyo natupad.
Isang aklat na hindi mababago at hindi babaguhin ng panahon kungdi ang simula ay magpapatuloy, ang lahat ng mga bagay ay magkakaroon ng kahayagan at katiyakan, mga araling hindi maabot kuruin ng mayroon kutad na pag-isip, isang walang hanggang pag-aaral ng isang tao.
Ang karunungang dala ng kabihasnan at karunungan sa lihim
Hindi maging sapat na malaman ninyo na kayo ay kinakailangang kumain sa inyong pagkagutom, hindi sapat ang makapag-aral kayo at malaman ninyo ang lahat ng uri ng karunungan na dala ng kabihasnan, ng kaalamang materyal, mayroon din ng karunungang lihim at lingid sa hindi pa nakakasumpong nito, maraming katanungan sa buhay ng tao na inyong nauunawaan at inyong natugunan.
Patototoo na ang simulain ng Espiritismo ay nagbubukas ng kamangmangan, hinahawi ang pag-aalinlangan ng isang tao ng nauukol sa kadakilaan ng Amang Makapangyarihan; ginigising sa malaong pagkahimlay ang kaalaman ng tao na mauunawaang hindi siya nag-iisa sa daigdig.
Ipinagugunita sa isang tao na hindi lamang ang kanyang sariling kapakanan ang kanyang sariling buhay at kaalaman ang kanyang pagsisinupin kungdi kinakailangang siyang gumawa at kumilos.
Hindi magiging sapat na malaman ng tao na ang mabuti ay mabuti nga at ang masama ay masama, kinakailangang maunawaan ng tao na ang mabuti ay kinakailangang isakatuparan at gumawa ng mabuti sa kayang kapwa upang magkaroon ito ng kahayagan.
Katulad din ng isang uri ng pagkain hindi ninyo maaaring ipaliwanag sa inyong kapwa kung kayo lamang ay nakatikim nito. Upang maunawaan, malasahan ng inyong kapwa na ito ay mayroon ng linamnam, hatian ninyo at patikimin ninyo at magpapatotoong kayo ay magkaisa ng paniniwala ng marami, ang Ama ay sakdal ng katarungan at karunungan.
Nakilala rin ng sanglibutang iyan ang katotohanang mayroon ng araw at mayroon ng gabi at nakikilala din ng sangkatauhang iyan na uunlad ang kabihasnan, uunlad at magkakaroon ng pagka-angat sa kababaan ng tao sa maraming kamaliang kanyang lilisanin at ipagpapatuloy ang maliliit na butil na kaalamang may kabanalan nakapinid sa kanyang sariling katauhan.
Mga kapatid ko, hindi sinasabing maikli ang panahong inyong tinataglay sapagkat ang maikli ay ang kaalaman ng tao, ang kinakailangan ay palawakin ang kaalaman ng tao, ang kinakailangang samantalahin ang sigla at init ng inyong mga katauhan upang ang maraming bagay, ang inyong mga tungkulin ay iyong maisakatuparan ng katulad ng isang namamangka sa laot.
Kinakalangang bago sumapit ang takip-silim ay maisadsad sa pantalan ang lunday ng kanyang kinalululanan. Huwag ninyong bayaan sapitin kayo ng dilim sa kalaotan, hindi ninyo nalalaman na maaaring mayroon ng malaking alon na lumalagom at maaaaring magbigay sa inyo ng kapahamakan.
Habang may sinag, habang mayroon ng liwanag magpatuloy kayo ng paggaod sa karagatan ng buhay na mayroong katalinuhan, mayroon ng kasiglahan at mayroon ng katatagan sa paggawa.
Iyan ang aking ipinagkakaloob sa aking mga kapatid, at inaasahan kong bilang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo ay unti-unti ninyong tatanggapin sa inyong mga sarili ang katotohanang kayo nga ay isang Espiritista, at ang Espiritista ay magtataglay ng taguring ito ay unti-unti mag-iiwan ng maraming bagay na panglaman at higit na pahahalagahan ang mga bagay pang-Espiritu.
Iyan ang akin iiwan at naghahangad ako ng isang kapayapaan. At sa inyong lahat, ang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-11-08, FBT
Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, hindi kailanman nasusuwatan ang kabatalayaan ng pagpaparating ng pahatid na mayroon ng bahagi ng pagtulong, pagbibigay ng mga butil ng aralin na pandagdag sa inyong mga pinag-aaralan.
At patuloy kayong nag-aaral at natututo sapagkat pinagsisikapan ng bawat isa sa aking mga kapatid na tuklasin ang tunay na kaluwalhatian ng bawat isa. Kung mayroon nang paminsan-minsan ay nanghihina at nadadagi ng maraming alagataing panglaman, nauunawaang hindi ito nangangahulugang nalilimutan ninyo ang inyong mga tungkulin at higit sa lahat ay humihina ang inyong pananalig sa Dakilang Panginoon.
Ang bawat isang namumuhay sa daigdig na iyan ay mayroon ng kani-kaniyang landas na tatahakin, mayroon ng iba at ibang uri ng balakid na kanyang maayos na kaalaman upang ang sa kanya ay susunod ay kanyang mapaglingkuran.
Sapagkat ang simulain ng Espiritismo, ang pinaka-ubod ay ang paglilingkod at pagkakawanggawa sa kanyang mga kapwa. At nauunawaan din ng lahat at bawat isa sa aking mga kapatid na wala nang higit pang dadakila kaysa sa makilala ng tao na ang kanyang tungkulin sa kanyang mga kapatid ay mahalaga kaysa sa maraming katangyagan, maraming uri ng kariwasaan sa buhay na iyan.
At ang tangi kong hihilingin ay kaiingat kayo, mga iniibig na kapatid, sa inyong mga pagtupad ng inyong tungkulin sa inyong mga paggawa, sa inyong paglilingkod ay kinakailangang sinupin, tiyakin ninyo sa inyong mga sariling naroroon ang katapatan sa Panginoon.
Hindi lamang matatawag na kadakilaan ang magpakain sa kanyang kapwa kung wala ng pag-ibig sa kanyang pgkatao. Ngunit kailan pa man at ang isang nilikha ay mayroon ng pag-ibig at pagkahabag sa kanyang pinaglilingkuran ay nangangahulugang taimtim ang kanyang pagbibigay at walang balatkayo.
Mga ginigilw na kapatid, unti-unti ay nabubuksan sa inyong pagkakilala kung ano kayo at sino kayo at kung sino ang inyong mga paligid ngunit patatagin ninyo ang inyong mga sariling kayo, mag-aaral nang dakilang simulain ng Espiritismo.
At ang mag-aaral ng simulaing ito ay hindi maaaaring maging mahina sa kanyang paninindigan, ang simulaing ito mapupuwangan o pagkakaroonan ng mga bagay na hindi makapagdudulot ng kapayapayaan sa kanyang mga nasasakupan.
Alalahanin ninyo sa tuwi-tuwina, tataglayin ninyo ang sagisag ng simulaing ito saan man dako kayo dumating, saan mang lipunan kayo makihalubilo, saan mang uri ng katayuan ng inyong mga kadaupang-palad.
Paninindigan ninyo ang simulain ng Espiritismo sapagkat ito ay isang simulaing lumalagom at hindi nagtatakwil. Ang simulain ng Espiritismo ay nagbibigay at tumatanggap ng mga bagay na mayroon ng ikararagdag sa kayamanang pangkaluluwa.
Minsan pa ay tatawagan ko ang aking mga kapatid na kasangkapan, ang aking mga kapatid na mayroon ng mga tungkulin sa loob at labas ng kalipunang ito; hindi ko kayo tatakdaan, hindi ko kayo hahanapan subalit nais kong magmula sa pagkakataong ito, pag-aralan ng bawat isa na katulad ng isang mag-aaral sa paturuan ng laman.
Uulitin ko, magmula sa sandaling ito ay magkakaroon kayo ng aklat o talaan ng inyong mga gawa. Alalalong baga ay ang ibig kong sabihin, sa buong maghapon ay ilang ulit kayong nagkamali sa pakikitungo sa inyong mga kapwa, sa buong maghapon ay ilang ulit ninyong natanggap ang katotohanan sa inyong katauhan at nakadama kayo ng kapayapaa nang dahil sa inyong puspusang paglilingkod nang walang pasubali.
Ang lahat ng iyan ay itala ninyo sa inyong mga isipan, kung natagpuan ninyong malaki ang timbang ng kamalian kaysa sa wastong paggawa, sa kinabukasan ay mapag-aralan ninyong magpantay ang masama at mabuting gawa ng tao at magpapatuloy na kumikilos at gumagawa ang tao nang ayon sa kanyang kaalaman at higit na magiging mataas ang bilang ng mabuti kaysa sa maling gawa ng tao sa kanyang paghahambing at sa kanyang pagkakaraoon ng pagkaunawa.
Alalahanin ninyo ang mga katagang binabanggit nang nakararami: walang masama sa aking ginagawa ngunit ang tanungin ninyo ang inyong sarili, bakit nagsasabi ang taong walang masama sa kanyang ginagawa?
Sapagkat iyan ang abot ng kanyang kaisipan ngunit alalahanin ninyo sa dako pa roo ay dalawa ang uri ng sisidlan ng inyong mga gawa at kayo ang nakauuanawa kung alin ang kinakailangang sidlan ng nakaraami upang siya ninyong maging kaligayahan sa dako pa roon.
Iyan ang aking inilalagak sa aking mga kapatid na kasangkapan at sa lahat at bawat isa na nikikipag-aral sa katuruang ito, at sa mga nagdadala ng bigat ng pananagutan ng inyong lipunan.
Magpatuloy kayong magdagdag ng aralin at daratng ang mga sandalin mauunawaan ninyo kung ang mga karagdagang iyan ay naging sapat na sa inyong pag-aaral at paglilingkod sa kapatagang-lupa.
Iyan ang aking iiwan sa aking mga kapatid, naghahangad ako ng kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-10-28, FBT
Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga iniibig na kapatid, kung natatanaw ng kabatlayaan ang pagtitiyaga ng lahat at bawat isa upang minsan pa ay maulinigan ang mga araling ibababa sa inyong kalagitnaan, nadadama ng kaitaasan ang inyong kasiglahan.
Natatanaw ang inyong paghahayag na ang lahat ng idinadating ng kabatlayaan ay makatighaw, makapagbigay ng lakas upang magkaroon kayo ng lalong kasiglahan sa pakikitalad sa kapatagang-lupa.
Maragdagan ang pag-asa ng bawat isa na tanawin ang kagandahan ng isang umagang daraanin ng bawat isa sa aking mga kapatid. Ang landas na tatalaktakin, na unti-unting nahahawan ang inyong pagkakilala, ang kaalaman hindi maabot kuruin sapagkat karunungang makalangit ang sa inyo ay ibinababa at ipinagkakaloob.
At ang kahayagan ng inyong pagtitiyaga, pakikipag-aral sa simulain nasa gan-ganitong pagkakataon ay isang sisidlan na hindi magagapok, isang lukbutang pupunin ninyo sa abot ng inyong kaalaman.
Ang lahat ng mabubuting naisakatuparan at mga paglilingkod at pag-unawa ay katulad din ng mga salaping tintipon bilang paghahanda sa muli at muling pakikipamuhay ng tao sa kapatagang-lupa.
Ang isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo ay naabot ng kanyang kaalaman kung ano ang kanyang katayuan sa buhay na iyan. Natanggap ng isang Espiritista na ipagkaloob ang mga bagay na makatutulong sa kanyang kapwa sapagkat pinag-aaralan ng kanyang pagkatao ang pagkakawanggawa at pagtulong sa kanyang mga kapwa.
Binubuksan din ng kaitaasan ang damdamin ng bawat isa kung sadyang malinis, kung dumating ang takdang sandali ng pagsusulit, ang bawat isay ay may mailinis na puso at dalisay na tibukin at doon magpapatuloy ang iba at ibang uri ng pakikipamuhay ng tao sa daigdig. Mga kapatid, nawa ay maunawaan ninyo ang maraming kaluluwang makikipag-aral sa bawat isa sa inyo sa pagkakataong ito.
Salamat at isang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patunubay.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-10-25, FBT
Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Inaanyayahan ko ang mga kapatid na mayroong tungkulin na mangungunang gagawa ngunit sa kahuli-hulihan ilalagay ang mga sarili bilang tagapaglingkod ng inyong mga kapatid. Hindi ko kayo hinihintay na lumuklok sa inyong mga katayuan bilang pagmamataas o katayuang higit sa inyong mga kapatid.
Kung hindi, ipinauunawa ko sa lahat at bawat isang kapatid na tanawin ninyo ang mga nilikhang ito hindi nakatataas sa inyong katayuan kung hindi ito ang lingkod ng bawat isa na magtataguyod, magsisikap na mailagay sa wasto ang mabubuting gawa.
Maisakatuparan ang mga tungkuling kinakailangang balikatin ng kanilang mga sarili upang kung dumating ang sandali, ang bawat isa ay muling magsisimula at susundan ang kanilang mga bakas ang tungkuling kanilang itinaguyod bagaman hindi tumanggap ang mga palad ng mga salapi bilang kabayaran sa kanilang paglilingkod.
Lalong hindi nagtatamasa ng papuri ang bawat isang mayroon ng tungkulin sa loob ng lipunan ng Espiritismo. Magmula sa mga kapatid na nagdadala ng bigat ng pananagutan sa kabuuan ng lipunang ito, ay sadyang malapit ang pagsubok.
Lalong natatanaw kung tutudlain ng mahahayap ng pangungusap nakalantad kung sakaling dumarating ang unos ay unang makadadama ang mga kapatid na mayroon ng mabibigat na pananagutan sapagkat nakasalalay sa kanilang kakayahan, nakasalalay sa kanilang katauhan ang bigay at gaang ng panunungkulan, ang lahat ng mga bagay na kinakailangang balikatin.
At ang bawat isa sa inyo ay katulong at katuwang sapagkat ang ika-uunlad, ang ikasisiya ng bawat isa ay samahan ng bawat magkakapatid. Ang alinmang bagay, ang kaganapan ay nasa mabuti at wastong kaparaanang gagampanan ng bawat isa sa kani-kanilang mga tungkulin.
Mga ginigiliw na mag-aaral, muli at muli ay bago sa inyong mga pandinig, bagaman at nalalaman ko na mayroon pa rin ng mga sandali na pinag-aalinlanagan ninyo ang simulaing ito, pinag-aalinlangan ninyo ang inyong mga sarili.
Lalong-lalo na kung dumarating ang pahiwatig ng karamdaman, ang pahiwatig ng mga bagay na dala at kilos ng bawat isa, hindi kayo alpas sa iba at ibang uri ng pagsubok, walang isang mag-aaral ng simulain na hindi makakadama ng mabibigat na suliranin sa buhay na iyan.
Wala nang sinomang mag-aaral ng simulaing ito na tatanggi sa mga bagay na darating sa kanyang buhay kung hindi bagkus magpapatibay , magpapakatatag at babalikatin sapagkat ang karanasan, ang mabibigat, masalimoot na karanasan.
Mapagtagumpayan ng bawat isa ay siyang pinakadakilang Guro na magtuturo sa kanyang ikatutuwid, siyang magpaparagdag ng kanyang kaalaman sapagkat naririyan ang kaligayahan ng tao, ang magtagumpay sa ibabaw ng lahat ng uri ng pakikibaka sa buhay na iyan.
Pakikibaka sa pagdarahop sa buhay laman na iyan na mapagtagumpayan ng tao, malinis ang kanyang gawain, mapagtagumpayan ang lahat ng uri ng suliranin sa buhay na iyan. Sapagkat nauunawaan ninyong sa lahat ng pagkakataon, hindi kayo magiging mahina sapagkat mayroon kayo ng tinatanaw, mayroon kayong hinahanap at tinatawagang subaybay sa inyong katayuan.
Naabot ninyo at ang inyong kaalaman ang pinakadakilang kaibigan ng inyong sarili, nauunawaan ninyo ang lalo at lalong pinakamatatag na sandigan ng iyong kahinaan, hindi ninyo ito hahanapin.
Sapat na maipakilala ninyong kayo ay matatag at malakas, maipadama ninyo na ang lahat ng mga dala-dalahan sa buhay na iyan ay natatanggap ng inyong katauhan; at higit sa lahat, natutuhan ninyong magpatawad sa inyo ay nagkasala.
Sa panahon na gumawa kayo ng mabuti ay nasa sa inyo ang isang makapangyarihang subaybay na walang iba kungdi ang Dakilang Guro ng sangkatauhan. Magpapatuloy kayo, gagampanan ninyo ang inyong mga tungkuling maging sa hayag at sa lihim.
Mga minamahal na kapatid, lubhang maraming kaluluwa ang nagtatalik sa panahong ito, sa lahat ng panahon, at sa kapanahunang ito ay nag-iibayo sapagkat mayroon ng kalayaan, mayroon ng puwang ang bawat isa upang sumalilong sa sinomang kasangkapang maaaring matagpuang nakahanda.
Bago ako magpa-alam, hindi ko nilalakdawan ang inyong damdamin, ang mga daigdig na damdamin ng paggunita sa inyong mga minamahal sa buhay, sapagkat, kung papaanong ang laman ay biniyayaan tungo sa pagyaman sa kaalamang ito.
Sapagkat hindi ninyo maaaring intanggi na ang inyong mga sarili ay mayroon ng pagmamahal sa mga yumao na kahiman at nalalaman ninyong alabok, na kahiman inyong nalalaman isang tumpok na lupa ang inyong dadalawin.
Sapilitang hahanapin ninyo bagaman at nalalaman ninyong ang espiritu ay malaya, hindi nakukulong sa alinmang bagay ng daigdig, ito ay patotoo, ang pagmamahal ang pagka-alam ay tinutupad ng bawat isa at darating ang panahon, unti-unting maiiwasan ng tao ang bagay na iyan.
Sapagkat patuloy na umuunlad ang kaalaman ng tao, patuloy na umuunlad ang katayuan ng tao. Kinakailangang magdaan sa mababang baitang, darating ang panahon na ang baitang na iyan ay inyong malalakdawan at ang lantay na katotohanan ang magmumulat sa inyong mga paningin at pagkakilala.
Iyan ang iniiwan ko sa aking mga kapatid at ako ay naghahangad ng isang kapayapaan. Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-10-11, FBT
Biyayain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, papaano nagagawa ng tao ang makatupad ng kanyang tungkulin sa diwa at sa laman na hindi magkakaroon ng pagkatisod na maaaring ika-sapat ng kanyang sarili?
Sapagkat sa pagkakataong maglingkod ang tao sa abot ng kanyang kakayahan lalong-lalo pa sa laman ang kanyang sarili at mayroon siya ng karapatan sa mga bagay na maaaring makapagdulot sa kanya ng maliliit na bagay nang kapakinabanang ng kanyang mga paa, ang paghina ng daloy ng biyaya na nagmumula sa kaitaasan.
Mga ginigiliw na kapatid, alalahanin ninyo sa tuwi-tuwina ang banggit: maglilingkod ang tao ng buong katapatan lalong-lalo pa sa gawi ng mga bagay na nagmumula sa kaitaasang pinadadaloy sa kanyang katauhan.
At binabanggit din ng kabatlayaan na ang mga biyayang tinatamasa ng bawat isa ay buong laya at kasaganaang ipagkakaloob ang inyong mga kakayahan sa alalay at subaybay ng kabatlayaan. Hindi kayo magugutom lalong-lalong hindi kayo mauuhaw, kung malayo man kayo sa pinggan ng pagkain ng laman, malapit naman kayo sa pangunan ng pagkain ng diwa.
Papaano magagawa ng tao ang maging matapat sa kanyang pananampalatayang mayroon ng pagkaunlad ang kanyang sarili? Sa isang pagkakataon ay kinakailangang bakahin ng tao ang kanyang kahinaan. Kinakailangang isalong ng tao ang kanyang kataasan na nagiging sanhi ng pagkatisod ng kanyang sarili.
Kinakailangan ang isang mag-aaral ng simulaing ng Espiritismo na nagsisimulang gumawa ng nauukol sa kanyang tunay na pagkatao, dahan-dahan alisin ang saplot ng kataasan, unti-unting bawasan ang pagiging mainitin ng simbuyo, ang pagiging maramot at makakanyang damdamin.
Gaano ba kahirap na ibigay ng isang tao ang kanyang sariling lakas alang-alang sa kanyang mga kapatid, gaano na ang magagawa ng isang tao sa kanyang unti-unting pananalagin alang-alang sa kapayapaan ng daigdig at sa sangkatauhan?
Hanggang kailan maipadadama ng tao ang kanyang pananampalatayang may katapatan at kababaang-loob at ang kanyang mga kapatid ang siya niyang paglalaanan ng mga pagkakataon, siyang magiging katuparan ng lahat ng pithaya sa buhay?
Sapagkat katotohanang-katotohanang sinasabi ko, kung wala kayong mga kapatid na kapwa ninyo likha ay walang hahamon sa inyong mga katayuan sa buhay. Kung wala ang maliliit na batik ng lipunan, sana ay hindi maipapakilala ang ganap na katarungang at masigasig na pagtutuwid sa lipunang iyan. Kung wala ang dilim ay hindi sisikat ang liwanag na magiging kaaya-aya sa inyong mga pangmalas, at kung wala ang mapagkamali ay hindi makikilala kung sino ang matuwid.
Mga kapatid ko, ang lahat ng iyan ay nakahantad sa inyong harapan ay inyong pag-aralan, magpakasakit kayo at magtiyaga subalit huwag kayong hahatol. Kung papaanong kinakailangang matupad sa bawat isa ang titik sa banal na aklat, na kung kayo ay magagalit ay huwag kayong magkakasala sapagkat naririyan ang katangian ng pagkakilala ng isang tao sa katotohanan.
Pag-aralan ninyo ng buong sinop sa inyong mga sarili kung kailan kayo makatutupad sa unti-unting ibinababa ng kabatlayaan sa inyong kalagitnaan. At muli kong hihilingin sa aking mga kapatid, ang loob ng inyong lunduyang ito ay buong sinop ninyong pangalagaan sa laman at sa diwa at sa kaisipan, bayaan ninyo ang mga biyayang idinarating ay madama ng buong sinop ng bawat isa.
Alalahanin ninyo na mayroon ng mga pagkakataon nalilimpi ang mga kabatlayaan, kung papaanong nalilimpi ang maraming kaluluwa, na humahanap at dumadampulay ng liwanag sa kanilang katauhan.
Iiwasan ang pagsasang-usapang hindi nasasanib sa mabubuting kaisipan lalong-lalo na sa mabubuting kaalaman. Ang mga may karamdaman ay kinakailangang magkaroon ng wastong panuntunan sa kaitaasan kung kaya at kinakailangan sinupin nila ang kanilang mga sarili. Payapain nila ang kanilang kaisipan at damdamin at madadama nil ang kabusugang inihahatid ng kabatlayaan.
Sa aking minamahal ng kapatid na mananalumpati, haharap kayo at titindig sa kalagitnaan ng inyong mga kapatid na mayroon kayong dalang sandata sapagkat kinakailangan ang maliliit na damo na tumutubo na walang iba kungdi ang maliliit na pagkatisod ng inyong mga kapatid ay gagamitan ninyo ng matamis na sandata na walang iba kungdi ang pag-ibig, kababaang-loob, kahinahunan, kaganapan ng pag-aaral sa dakilang simulain.
Hindi kayo ang mga nilikhang hindi pa nakasisilay ng liwanag, hindi pa rin kayo ang mga nilikhang hindi nalalaman kung ano ang kaugnayan sa kanya ng kanyang kapwa. Alalahanin ninyo mga minamahal, iisa ang landas ng kinakailangang ninyong talaktakin at ang naliligaw ay hahanapin at ilalagay ninyo sa landas na iyan.
Hindi ninyo aalisin kung tinatalaktak na sapagkat kinakailangang magkaroon ng kasiyahan, magkaroon ng isang lakas magkaroon ng isang matibay na panininindigan na ang bawat isang mag-aaral ng simulaing ito ng Espiritismo ay nababalot ng kapayapaan, kababaaang-loob at pag-ibig.
Iyan ang aking iiwan sa inyo, gagawa ang tao at hindi mangungusap sapagkat nasasalig ang katuparan sa paggawa.
Kayapaan at ang liwanag ng Espiritu Santo ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-09-23, FBT
Tanggapin ninyo ang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan sa loob at labas ng lunduyan ngayon at magpakailanman!
Mga iniibig na mag-aaral, mga minamahal na katoto ng aking pagkatao, kailan ninyo puspos na hinahanap at tinawag ang Panginoon? Papaanong paraan at ano ang nagbubunsod sa tao upang hanapin at tawagin ang Guro ng Sangkatauhan?
Mga iniibig na kabig ng simulain ng katotohanan, hinahanap ng tao ang Panginoon na mayroon ng luha ang mga mata, tinatawag ng bawat isa na mayroon ng damdaming hindi payapa. Sinasambit ang pangalan ng Panginoon sa gitna ng pangigipuspos ng isang nilikha lalong-lalo na sa panahaon ng kanyang karamdaman.
Sapagkat ito ay patotoo, na ang dakilang Panginoon ay Guro na nagtuturo at sumusubaybay sa bawat isang nilikha na ang Mananakop ay dalubhasang manggagamot sa lahat ng uri ng karamdaman sa tao.
Sa panahon na ang damdamin ng isang nilikha ay mayroon ng kakaibang dapyo ng pangigipuspos sanhi ng maramiing kabiguan sa buhay na iyan, sa alin mang uri ng pakikipamuhay ng tao sa daigdig na waring inaakala ng isang nilikhang siya ay pinababayaan.
Sa panahon ng kanyang pagkasiphayo lalong-alo na sa mga makalupang alagatain ng tao, sa mga pangkabuhayan sapagkat unang-unang hinahanap ng tao sa kapatagang-lupa ay kailanganin ng laman, katangyagan ng laman, higit sa lahat ay makasariling aligtitigin at makasariling pakikipamuhay na alpas sa kanyang mga kapwa. Hinahanap ng tao sa kanyang panahon na maging higit ang kanyang katayuan at kadakilaan kaysa sa kanyang kapatid.
Ang Panginoon baga ay kasalo sa hapag ng mga nilikhang nagtatamasa ng kasagahan sa buhay na iyan subalit walang kapayapaan ang damdamin, nakasalo baga ang Dakilang Panginoon?
Ngunit katotohanang-katotohanang sinasabi ko, mga minamahal na kapatid, hanapin ninyo ang pinakadahop na dulang kung saan mayroon ng isang kalipunang magkaka-anak na mayroon ng kapayapaan ang damdamin, maryoon ng pag-iibigan, wala na ang pag-aalitan at masusumpungan ninyo na ang Panginoon ay nasa kanilang kalagitnaan at kasalo nila sa dahop na dulang.
Sapagkat hindi ninyo matatagpuan ang Panginoon sa panahon na kayo ay mayroon ng kainitan ng simbuyo, sa panahon na ang inyong damdamin ay hindi ninyo maipaunawa at hindi kayo maalam umunawa sa inyong mga kapwa.
Alalahanin ninyo mga iniibig na kapatid, ang panulat ay napupulpol, ang tinig ay namamaos, ang init ng araw ay paminsan-minsan at natatabingan ng ulap ngunit ang tanging hndi nagbabag sa kanyang kaayuan, as kanyang kasaysayan.
Sa lahat ng mga bagay ay kinakailangang maging bago at bago upang hindi pagsawaan ng tao ay ipagpatuloy ang dakilang mithiin na walang iba kung hindi ang pag-ibig na lumalagom sa lahat.
Sapagkat sa sandaling makilala ng tao ang isang pag-ibig na mayroon ng katalinuhan, matatanggap ng kanyang sarili ang mapapait na salita na idadampulay sa kanya ng kanyang mga kapwa na mayroon ng katalinuhan.
Magagawa na ng tao na limutin ang lahat ng bagay alang-alang sa kanyang pagka-ibig sa kanyang kapatid na mayroon ng katalinuhan at alpas sa mga bagay na pagpapakunwari at higit sa lahat ay maipadama ng isang nilkha sa kanyang kapatid ang tunay na damdamin hindi maaaring baguhin.
Hindi maaaring maipagpalit sa alinmang bagay sa daigdig na iyan sapagkat katotohahang-katotohanang sinasabi ko, na ang pag-ibig na gagamitin ninyo na ibigin mo ang iyong kapwa ng katulad sa pag-ibig mo sa iyong sarili, ay inibig mo na ang Dakilang Panginoon sa kanyang kakayahan.
At kayo ay mayroon ng kapangakuan sa dako pa roon at madadama ninyo pagdating ang sandali kung kailan hapo na at lupaypay ang inyong pagkatao sa malaong paglalakbay ay madadama ninyo at masusumpungan ninyo ang mga bagay na ikadadakila at ika-aangat ninyo sa kababaang iyan.
Iyan
ang aking inilalagak at naghahangad ako ng isang kapayapaan, liwanag ng
Espritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman. Paalam,
ang inyong Patnubay.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-09-14, FBT
Ang dakilang pagpapala ng Panginoon ang sumainyo, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na mag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo, kung sa malaong pag-aaral ng bawat isa ay hindi pa nakatutugon sa maliliit na katanungan ng nauukol sa katayuan ng pakikipamuhay at pakikitalad sa kapatagang-lupa, papaano kung dumating na ang takdang panahon na wala nang lakas at sigla ang inyong mga bisig?
Wala na ang ganap na liwanag ng ilawang tinataglay ng inyong mga paningin, paos na ang tinig na kinakailangang mamutawi sa inyong mga labi at higit sa lahat ang lakas na inaangking pansamantala ng tao sa kanyang pakikipamuhay sa daigdig na iyan na kaalinsabay ang pagtitipon ng maliliit na bagay ng kanyang sarili sa dako pa roon?
Mayroon kayo ng mga panahon na kinakailangang gamitin ang malilit na inyong mga lakas na gamitin ninyong upang gumawa, maglingkod sa inyong mga kapwa upang magkaroon ng katuparan ang tunay ng hangarin ng kaluluwa ng ang lahat ng bagay ng kagandahan ay nakasalalay sa pag-ibig.
Ang lalong pananagumpay ng diwa ay nasa ilalim at ibabaw ng pagkakalipunan ng aking mga kapatid na nag-aaral ng simulaing ito, inilalagay ko kayo sa lukong ng kabuuan ng isang pag-aaral. Hindi kayo mawawalan ng kadakilaan ng maraming suliranin nasa sa inyo ay magkakaroon ng katugunan.
Hindi masasaid ang lalagyan ng Panginoon habang kayo ay humihingi at ang inyong hinihingi ay naaayon sa inyong paggawa at kayo ay nakapaglilingkod ng buong katapatan.
Sinong magulang ang magkakait sa kanyang mga bunso sapagkat sa unang pagkakataon hindi makapaglingkod ang magulang sa kanyang anak at anak sa kanyang magulang, kailan ninyo magagawang maglingkod sa inyong mga kapwa?
Papanao ninyong masasabi ang isang anak ay nagiging masunurin sa kanyang magulang? Lalong-lalong itinatanong ito, papaano kayo magiging ulirang mga magulang kung hindi ninyo ipamamalas ang binhi ng katotohanang mayroon ng pag-ibig at pag-unawa sa inyong mga bunso?
Gayon pa man, sa batas ng Panginoon at sa batas ng mga tao ay walang karapatan na magkaroon ng paglapastangan ang mga anak sa kanilang mga magulang sa kabila man ng kanilang mga mumunting kamalian sa gitna ng pagiging isang tunay na kristiyano.
Inuulit ko, lalong-lalo na sa lahat at bawat isa sa inyo, ito ay buong higpit na itinatagubilin ko lalong-lalo pa sa mga kapatid na mayroon ng pagkakataong makipag-aral, hahanapin ninyo ang lalong pinakamagandang buod sa inyong pag-aaral na inyong natutuhan.
Hindi ninyo tatanawin ang alinmang kamalian ng alinmang panig sa inyong kapaligiran sapagkat kung ang tao ay tumatalaktak sa landas ng matuwid, ay natututuhan niyang dahan- dahang angatin ang sagabal at balakdi nang naayon sa kanyang katalinuhan at pagtitiyaga.
Humingi kayo at kayo ay bibigyan, kung ito ay totoo, mga iniibig na kapatid at Ako ang nagpapatotoo na ito nga ay ganap at tiyak. Sa isang matalinong paghingi, sa isang makabuluhang paghingi ay ipagkakaloob ang iyong mga kahingian sapagkat lalong-lalo na sa paningin ng Dakilang Manlilikha, ay walang bagay na hindi niya ipagkakaloob sa Kanyang mga anak nang naayon sa ikadaragdag ng kabaitan at kabanalan.
Magpakatalino kayo, magpakatapat, dahan-dahan ninyong huhubarin ang mga kataasan ng inyong mga pagkatao, dahan-dahang bubunutin ninyo ang mga tibo ng pagkakasalang nakatiim, ang lahat ng iyan ung kinyong maalis ang nakabalo sa inyong katauhan ay madadama ninyo ang isang kaligayahang walang kahulilip at ito ay mula sa inyong pakikipag-aral sa dakilang simulain at sa kabatlayaan.
Pag-aralan ninyo ang maraming banggit ng kabatlayaan, hanapin ninyo ang maraming titik, maging sa mga naunang titik ay hanapin ninyo at pulutin ninyo ang magiging karagdagan ng inyong pag-aaral.
At kung inyo nang magpagsama-sama ay matitiyak ninyo na kayo ay nakapagbuton na isang kaalamang hindi na maaaring buwagin ng alinmang mapaminsala, ng alinmang mapamuksang alagatain ng inyong kapaligiran.
Sa tuwi tuwina ay isinasalalay ko sa inyong panagutan, isinasalalay ko sa inyong mga balikat ang maraming dalahin na inyong gagampanan ng buong pagtitiyaga habang kayo ay nagpapasan at inyong gagampanan ng buong pagtitiyaga habang kayo ay nagpapasan at inyong nakakaya at naipagtatagumpay ay lalo at lalong madadagdagan ang inyong mga pasan. Sapagkat diyan nasusukat kung hanggang saan ang mga pinanumpaang pangako, matapos ninyong matanggap ang inyong mga tungkulin bilang haligi ng katuruang ito.
At ang inyong mga kapatid, aalalayan ninyo at aagapayanan kung papaanong kayo ay susundan sa inyong paghakbang, kung papaano kayo ay kanilang kukunang huwaran, at kung magkaroon ng pagsasandugo ang magulang at mga anak, magkakaroon ng isang tahanang mapayapa, magkakaroon ng isang matagumpay na samaha ang lahat at bawat isa.
Iyan ang akin iiwan sa aking mga kapatid at hinahangad kong magkaroon kayo ng ibayong kasiglahan lalong-lalo na kayong mga kapatid kong naninindigan bilang mga magulang sa kabuuan ng simulain ng Espiristimo.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-08-23, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, gaano ninyo pinahahalagahan ang inyong pagsusumakit at pagpapagod, ang pagtitiyaga ng pakikipagtipan sa kabatlayaan sa mga gan-ganitong pagkakataon?
Hindi baga kayo nanghihinayang sa maliliit na gugulin na inyong inaaksaya? Hindi baga kayo nasusuwatan sa maraming kalayawang maaaring hindi ninyo nakamtan nang dahil sa inyong pakikikaisa sa pakikipag-aral sa kabatlayaan?
Kung ang lahat ng iyan ay hindi ninyo inaalintana, kung ang lahat ng iyan ay nagiging kaligayahan sa inyong pakikipag-aral isinaisang-tabi ninyo ang mga bagay na panlaman sa ganitong pagkakataon, itinatanong ko sa inyo kung ano ang nagiging karagdagan sa inyong mga sarili ng inyong pagtitiyaga?
Nakakadama baga kayo ng kapayapaan at kaligayahan? Nadadama baga ninyo ang dantay ng kabatlayaan na naghahatid ng katugunan sa bawat katanungan ng inyong pagkatao, na ang ilang sentimong ginugol ninyo ay pangangailangan lalong-lalo na sa pagkakawanggawa.
Hindi pinaikli ang panahon upang kayo ay makatupad sa inyong mga tungkulin bagkus hinahabaan ang panahon upang magamit ninyo sa mga bagay na mayroon ng kabuluhan sa inyong pagkatao.
At bilang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo, nagagawa baga ninyong lagukin ang mga kapaitang dumarating sa inyong buhay na hindi kayo nagdaramdam? Nagiging makatarungan baga kayo sa inyong mga pagpapasiya maging sa inyong mga sariling bunso, sa inyong mga kapatid, at sa inyong mga kahinlog?
Naibigay baga ninyo ang katapatan ng katarungan upang kayo ay maging isang mabuting kapatid, maging isang mabuting kasuyo ng inyong mga kabiyak? Hindi baga kayo nagkululang sa inyong tungkulin? Napahigpit baga ninyo ang tali na bumibigkis sa inyo-inyong pagkikipag-aral at pag-unawa sa kabatlayaan?
Na ang aninong iyan ay gumigising sa inyong katauhan kung kayo ay nagtotoo at nagiging matapat lalong-lalo na sa aking mga kapatid na kasangkapan. Kung sa kabila ng inyong pagtitiyaga ay dumarating sa inyo ang mga pagkakataong nagsasalat kayo sa buhay-laman, nagiging maligaya baga kayo? Hindi baga kayo nadadala ng kapootan at panghihina? Hindi baga ninyo nasisisi ang simulaing ito?
Kung ang lahat ng iyan ay inyong nauunawaan mga minamahal na kapatid, alalahanin ninyo na ang lahat ng mga bagay sa daigdig na ito ay nagaganap sa inyong katauhan ay mayroon ng kinabukasan. Ang kasalukuyan ay paghahanda, ang kinabukasan ang pag-aani.
Kung ang mga bagay na ipinararating ng kabatlayaan ay hindi pa ninyo nadadama, hindi pa dumarating sa inyong bumbunan; alalahanin ninyo, mga minamahal na kapatid, bilang mga subaybay ng bawat isa sa inyo, sa inyong mga tagatangkilik ay wala kayong maitatatwa maliit mang bagay na kamalian.
At ang kamalian ng isang tao ay malaki ang pagkakataon upang maituwid ang kanyang pagkakilala. Sa panahong ito kung saan ang mga dakong nagsasalat sa kapayapaan ang inyong mga kapatid, ay doon ninyo ibubuhos ang wagas na pananampalayatayang mayroon ng panalangin.
Kung saan ang dakong nagdaranas ang mga taong hindi nakatikim ng pagkain katulad ng inyong tinatamasa, ihatid ninyo ang ambil na ang bawat tubig na lalagukin ay maging kabusugan, ang bawat hanging magdaraana sa kanilang mga laman iyan ay magsilbing kabusugan.
Mga minamahal na kapatid, kung inyo lamang madadama ang nadadama ko sa sandaling ito, magiging malapit kayo sa bawat isa, walang patlang ang inyong pagmamahalang magkakapatid, walang gatol ang daloy ng pag-uunawaan sapagkat Ako sa inyo ay ganyan mga minamahal.
Magpapatuloy ako habang kayo ay kayong nagtitiyaga at nagsisimpan ng ukol sa inyong mga kinabukasan. Huwag kayong magkakamali sapagkat ang inyong kamalian ay tuntungan ninyo sa kinabukasan at sapilitan ninyong naitutuwid kung dumating na ang takip-silim na hindi pa ninyo naitutuwid ang inyong pagkakamali. Ilan ulit pa kayong magdaranas ng ganitong uri ng kapatagan, ng ganitong lupa na mayroon ng maraming kaangkinang nagdudulot na kabalisahan sa laman at sa diwa ng tao?
Mga iniibig na kapatid, huwag ninyong bayaan ang simulain ng Espiritismo ay magkaroon ng bahid ng paglibak ng inyong mga paligid. Huwag ninyong hangarin purihin ngunit lalong huwag ninyong nasaing mahilahisan ng maliliit na batik sapagkat ito ay minamahalaga ng inyong sarili at ang bawat mahalaga sa inyong buhay ay hindi ninyo pababayaan.
Iyan ang aking iniiwan sa aking minamahal na kapatid at magpapatuloy kayo, dagdagan ninyo ang laman ng inyong mga lukbutan; magpakin kayo sa nagugutom, magpa-inom kayo sa nauuhaw, buksan ninyo ang pintuan ng inyong mga tahanan, patuluyin ninyon ang walang matuluyan.
Iyan
ang aking iniwan aralin sa aking mga kapatid at naa ay maghari ang
ganap na kapayapaan, ang liwanag na nagmumula sa kaitaasan ang
tumanglaw ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-08-19, FBT
Sumainyo ang mg dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga iniibig na mag-aaral, saan ang panig o alin sainyong mga pinag-aaralan ang hindi matugunan ng inyong sarili? Sapagkat may mga pagkakataon na hindi sapat ang katalinuhan ng bawat isa sa inyong upang makadama ng katiyakan ng pagkakaroon ng lalo at lalong mga biyaya sa dako pa roon.
Mga iniibig na Espiritista, hindi baga ninyo nauunawaan na ang katagang iyan ay mayroon ng pagpapahalaga ang mga tao, mayroon ng pamimitagan, kaya at hindi ninyo pababayaan magmula sa inyong mga sariling tahanan at sa kabilugan ninyong magkakapatid ay pananatilihin ninyo.
Dadakilain ninyo ang simulaing kaagapay ninyo sa inyong mga gawain, isang katuruan na patuloy na sumusubaybay sa bawat isa sa inyo upang ang lahat ng bagay ay may kapakinabangan ng inyong sariling pagkatao.
Mga ginigiliw na kapatid, hinihiling kong magpatuloy ng pagtupad ng tungkulin ang aking mga kapatid upang sa gayon ay ganap-ganapang maipagpatagumpay ninyo ang tunay na layunin ng inyong pagkatao.
Kapayapaan at liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman. Paalam Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-08-16, FBT
Ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang kahalagahan ng pag-aaral ay ibayo ang kahalagahan ng natututo sapagkat sa pagkatatuto ng isang nilikha ay doon nagsisimula ang paggawa, at iyon ang katuparan ng malaong pakikipag-aral at pakikihamok ng kanyang katayuan sa daigdig.
Kung mananatili lamang ang tao sa kanyang kaalaman, kung mananatili lamang ang tao sa kanyang pagka-unawa ng walang gawa, masasayang ang panahon, maraming ulit na babalik at babalik ang panahong iyan at ang tanging malalabi ay ang isang nilikhang lupaypay ang katauhan, salat sa pangangailangan ng diwa, at salat sa pangangailangan ng lamang iyan.
Katotohanang-katotohanan din sinasabi at hindi maaaring pabulaan ninoman, hanapin ninyo ang ukol sa langit at ang kabagayan ng laman ay karagdagan. Hindi rin mapasusubalian ng tao ang katotohanang huwag kayong matatakot sa pumapatay sa lamang iyan, huwag kayong matatakot sa anomang karamdaman ngunit ang inyong katakutan ay magkasala na hindi ninyo mapagbabalikan kungdi sa kapanahunanag kayo ay makapagbayad-utang.
At ang taong nagkakasala na dala ng kahinaan ng pang-unawa, na dala ng maalimpuyong kapaligiran ay hindi maaaring matawag na kawakasan ng isang kaluluwa o isang katauhan. Ngunit kung nalalaman ng tao na ang kanyang ginagawa ay isang pagkakamali ay doon siya magkakatoon ng bigat ng pananagutan.
Kung nalalaman ng tao na ang kanyang kapatid at mahina at kanyang itutulak, mayroon siya ng pananagutan, ngunit kung makita ng isang nilikha na ang kanyang kapwa ay lupaypay at nanghihina na madulutan niya ng saklay ang kanyang mga bisig, ay siya rin katotohanang magpakain ka sa nagugutom at magpa-inom sa nauuhaw.
Ang batas baga ng Panginoon ay nananatili lamang batas na dinadalit-dalit ng labi ng mga tao? Hindi baga ninyo hinahanap ay ang katuparan, matupad ninyo ang batas na iyan sa pamamagitan ng inyong gawa at hindi sa mga salita? Kailan ninyo pasisimulan ang ganap-ganapang paglilingkod upang maging kaligtasan ng inyong kaluluwa?
Habang mayroon kayo ng sigla, habang nasa kainitan ang inyong buhay, habang kayo ay may liwanag na magagamit, gamitin ninyo ang malaking panahon ng paglilingkod sa inyong mga kapwa.
Kung dumating na ang panahong kung kayo ay wala nang ilaw sa inyong mga paningin, kung ang bibig na iyan ay hindi na ninyo maangat sa paggawa, kung ang mga panyapak na iyan ay manhid na, magagawa pa baga ninyo ang mga tungkulun sa panahon ay inyong natupad?
Mga iniibig na kapatid, sa loob at labas ng paturuang ito ay walang puwang ang hindi pagkakaunawaan pagkat sa tuwina ay ibinababa na kayo ay mabigkis ng magandang pag-uunawaan at pagmamahalan.
Sa loob at labas ng paturuang ito, hindi itinatakwil ang nagkakamali at nagkakasala sapagkat kung papaanong tinatanggap ninyo ng buong puso ang mga may karamdamang paglilingkuran, ay tatanggapin din ninyo ang mga nilikhang kinakailangan tulungan sapakat iyan ay isang uri ng kawanggawang kinakailangang matupad ng tao.
Humayo kayo at magpatuloy, isabalikat ninyo ang inyong mga tungkuling mayroong kasiglahan, gumawa kayo ng mga bagay na kapakipakinabang sapagkat ang mga bagay sa daigdig na ito ay mawawala at mapaparam, lilisanin ninyo sa ayaw ninyo at sa ibig. Ngunit ang inyong mga paggawa, ang mga baunan at walang isang manlalakbay na maaaring umibig magdala ng mga baog na lalagyan at wala ni sinomang maglalakbay na ibig mauhaw at magutom.
Kaya habang may panahon, magsikap kayo, kung paano ninyo pinaghahandaan ang maliit na bagay na panglaman, paghandaan ninyo ang ukol sa inyong mga kaluluwa. At ang lahat ay magaganap at matutupad sapagkat ang batas ng Amay ay hindi maaarng malihins at matalikdan.
Iyan
ang aking iniiwan sa inyo at naghahangad ako ng isang kapayapaan,
liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw ngayon at magpakailanman,
Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-08-09, EB
Mga ginigiliw na kapatid, ang nagdadala ng alinmang bagay ay nabibigatan ngunit dahil sa pagka-ibig ng taong maitaguyod ang kanyang tungkulin, binabalikat, pinagtitiyagaan at pinagsusumakitan na maigapang hanggang doon kung saan ang takdang hangganan.
Sapagkat bago pa kayo nagkaroon ng laman ay mayroon na kayo ng kapangakuan sa lahat ng bagay ng inyong tutupdin sa kapatagang ito ng isasalalay sa katalinuhan ng inyong pag-iisip.
Ang lahat ng bagay na mayroon ng kaugnayan sa pakikipamuhay ng tao at gayon din sa pakikitalad sa buhay na iyan ay sandigan ng pagkakilalang mayroon ng batas, mayroon ng mga bagay na kinakailangang itaguyod ng kanyang sarili. Nauunawaan ng kabatlayaan na ang bawat isa ay mayroon ng kani-kanyang tali ng kalupaan sapagkat mayroon pa kayo ng bahagi ng kalikasan.
Mga ginigiliw na kapatid, magmula sa kauna-unahang pagtibok ng hininga ng tao ay naghangad na ng kapayapaan. Sa pagkaka-isip ng tao ay inibig na sa isang kadakilaan ng pananampalataya, naghahangad ang tao na maging mabuti sa kanyang sarili, nagnais na ang tao na siyang maging karapat-dapat sa kanyang kapwa.
Ang sinasabing kasamaang tinatawag sa isang nilikha ay kahinaan
Sapagkat katotohahang katotohanang sinasabi ko, wala nang pinakamasamang nilikha na umibig pa ng kasamaan sa kanyang sarili. Ang nagiging kasamaang tinatawag sa isang nilikha ay kahinaan subalit maging sa pagkakataong umiibig ang tao, naghahangad ng kaligayahan ang kanyang sarili.
Lalo at higit kayong mayroon ng pagkakataong makakilala ng landas na maunawaan ninyo ang tunay na tungkulin ng kapatid sa kapatid. Kung dumating ang mga yugto ng panahaong nagkakaroon kayo ng hindi pagkakaunawaan, nagkakaroon kayo ng sagwil ang inyong kalipunan, ang kabatlayaan ay hindi inaaring bigo ang lahat ng adhikain sapagkat ang katulad ng lahat ng iya ay unos at pagkatapos ng unos na iyan ay magkakaroon ng liwanag.
Ang bawat isa ay mayroon ng panig ng pagkaunawa, ang bawat isa ay mayroon ng kani-kanyang paninindigan. Katulad din ng binabanggit na kung kinagagalitan ang isang bunso ng kanyang magulang ay hindi ito nangangahulugang itinatakwil na kung hindi ito ay nagtutuwid at nagmamahal.
Ang lahat ng pagtutuwid ay pinamumuhunan ng pagpapakasakit, ang lahat ng mabuting adhikain ay pinamumuhunan ng pagsisikap. Katulad din ng mga bayani, nagpakasakit at namatay at nang wala na sa laman na iyan ay saka dinadakila ng maraming nilikha sa mga nagawang kabutihan.
Ganyan ang pagkakilala ng karaniwang tao, ngunit sa inyo mga ginigiliw na kapatid, hindi kayo humahatol at lalong hindi kayo sumusukat kungdi kayo ay nagmamahalan at nagkakaunawaan. Mahigpit na tali sa bawat isa sa inyo ng simulaing ito na hindi malalagot ng alinmang bagay na pamukol ng daigdig.
Binibigyan kayo ng lahat ng pangangailangan, ipinagkakaloob sa inyo ang pagkaunawa sa matatag na pananampalataya at kayo ay magpatuloy. Anoman ay kinasangkapan ng tao sa pagka-ibig na magkaroon ng kaunlaran sa kanyang sarili.
Alinmang bagay ay tinutungtungan ng tao maabot lamang ang kanyang hangarin, subalit sa isang nagtotoo, sa isang nagtatapat na alagad ng simulaing ito, naghanhanda, nagtitipon ng matitigas na bagay na siyang gagawing tuntungan upang siya ay makarating sa rurok ng kanyang hangarin. Lantay na pag-ibig, lantay na katuruang Espiritismo ang kanyang binabaluti sa kanyang katauhan.
Mga ginigiliw na kapatid, minsan pa ay babanggitin ko sa kalagitnaang ito ang palaging nagiging salawikain bilang isa ninyong kapatid, “Ang ibon ay nakikilala sa kanyang balahibo.”
Iyan ang katotohanan, ang isang Espiritista ay nakikilala sa kanyang gawa at hindi sa kanyang salita, at umaasa akong walang Espiritistang mabibigo kailan pa man at ang hinahangad ng kanyang katauhan ay makapaglingkod sa kanyang kapwa.
Kapayapaan muli ang inilalagak ko ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.
(Kap. Erlina Balanova)
1981-08-05, FBT
Ang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman!Mga minamahal na kapatid, dala ng maalab na hangarin ng kabatlayaang magkaroon ng kaganapan ang bawat isa sa kani-kanilang mga tungkulin ay nag-aanyaya ang kabatlayaan lalong-lalo na at higit ang mga bago pa lamang nakatatanggap ng biyaya na mag-abuloy ng lakas at pag-asa sa maraming nilikhang may karamdaman sa laman at sa espiritu. At tuloy kinukumusta ko ang may karamdaman sa loob ng lunduyan, ang kapwa na may karamdaman.
Tagapangalaga: Nakakain na po.
Batlaya: Hinihiling ko sa mga may karamdaman at gayon din sa mga kapatid na tutulong, magtulong kayo sa pagtitiyaga lalong-lalo na sa takdang sandali kung kailan itinakda ng kabatlayaan.
Alalahanin ninyo na naririto kayo sa ilalaim ng bubong at ang bawat isa ay umaasam na magkaroon ng lakas at sigla, ng tibay ng pananampalataya at gayon din ang maalab na hangaring makapaglingkod lalong-lalo na sa mga nilikhang ibat at ibang uri ng suliraning tinataglay.
Hindi ninyo maitatanggi na ang inyong sarili ay walang pananagutan sa inyong mga kapatid. Ito ang alalahanin ng bawat isa sa mga kasangkapan, sa mga talaytayan, hindi kayo mapapanatag habang mayroong nilikhang naghihintay ng inyong tulong.
At kung madadama ninyo ang kasiglahan na dulot ng inyong paglilingkod, katotohanang katotohanang sinasabi ko, hindi na ninyo hahagdanin pa ang mga pangarap upang marating ang karurukan ng mga langit sapagkat nadampot na ng inyong mga palad ang kaligayahang pinipithaya sa dako pa roon.
Ang bawat isang nabubuhay sa daigdig ay hindi nilalayo ng isang dali ang kanyang kalooban sa mga hangarin lalong-lalo pa ang nauukol sa katawang-laman, sapagkat mayroon pa kayo ng sangkap na kinakailangang busugin, ng kaangkinang kinakailangang makipagligsahan sa agos ng buhay sa kapatagang-lupa.
At nalalaman ko rin na hindi ninyo matatanggihan ang hikayat ng kaitaasan sa sandaling nasa sa inyong bumbunan, sa sandaling ipinagkaloob sa inyo ng kabatlayaan ang inyong mga biyaya ay hindi ninyo maaaring ipagwala-walaan sapagkat ang katulad ng biyayang hindi ninyo isasabog ay tubig na iniipon sa inyong katauhan kungdi ninyo ididilig at hindi magiging kapakipakinabang, kayo sa inyong sariling katauhan ang aanurin.
Sapagkat hindi ninyo natutuhang ihanda ang inyong mga lakas nang dahil sa isang paglilingkod na walang hinihintay na anomang ganti, sa isang paglilingkod na hindi maaaring pantayan ng alinmang karangyaan sa kapatagang-lupa, lalong-lalo na sa panahong ito.
Ang pananagutan at pagkabusog sa lihim
Tinatawagan ko ang bawat isa sa aking mga kapatid, ilingon ninyo ang inyong pangmalas sa maraming nilikhang nagsasalat sa buhay laman, nakakadama ng pamimiyapis sa iba at ibang panig ng daigdig.
Mayroon kayo ng pananagutan sa lihim kungdi ninyo maihanda ang inyong mga sariling makapanalangin ng taimtim sapagkat ang kagutuman, ang lahat ng sigwa ng buhay na dinadanas ng inyong mga kapatid sa iba at ibang dako at mapag-ambilan ninyo ng punong-puno ng pag-ibig na dala ng pag-aambil.
Katotohanang sinasabi kong nabubusog sa lihim, nawawala ang uhaw, nawawala ang paghihirap, nagkakaroon ng kapayapaan at kapanatagan sa kanilang mga sarili ay hindi madadama at hindi nila mauunawaan ang hatid na ligaya sa kanilang pagkatao.
Huwag ninyong sasayangin ang lalong pinakamaliit na panahon na inyong ginagalaw sa kapatagang-lupa. Inuuli-ulit ko, mga minamahal na kapatid, marami kayong paglilingkuran, marami kayong mamahalin, marami kayong uunawain lalong-lalo na sa panig ng kabataan, na maraming nagdarahop sa katinuan ng pag-iisip, nadadala ng matuling agos ng buhay.
Ngunit kailanpaman at ang isang kabataan, ang isang nilikha ay mayroon ng pag-ibig sa Amang Makapangyarihan, matatanglawan ang kanyang landas, matatanaw ang magandang tanawin sa dako pa roon.
At sa kanyang sariling pagpapakasakit, sa katinuan ng kanyang pagkatao ay magiging isang maginoo, isang mabuting mamamayan ng kanyang bayan, isang mabuting anak ng kanyang mga magulang at higit sa lahat ay isang mabuting kristiyano na susunod sa likuran ng Kristo.
Kapayapaan ngayon at magpakailanman! Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-08-02, FBT
Mga ginigiliw na kapatid, hindi ko kayo hinahanap dahil sa hindi ko kayo nakikita, hindi ko kayo tinatawag sapagkat hindi ninyo ako naririnig. Sa katotohanan, hindi lamang ang inyong pagkatao, sampu ng kislot ng inyong mga pag-iisip ay aking nasisilip at nadadama ko ang inyong mga damdamin.
Patotoo, ay dumarating sa inyo ang mga sandaling humihingi kayo ng maliliit na bagay na kinakailangan ng inyong pagkatao. Sa sandaling kumislot ang inyong pag-iisip na maghangad kayong tumulong sa inyong kapwa sa laman at sa diwa, at dumatal sa inyong pagkatao ang katotohanang mayroon kayo ng tungkulin, ang naghuhudyat at nagbabala na kayo ay nasa sa ilalim ng hikayat ng kabatlayaan.
Mga pinaka-iibig na kapatid, mananatili baga kayong tagapakinig? Hindi baga nagigising pa sa inyong katauhan ang higit na pananagutan lalong-lalo pa ang aking mga kapatid na sa kapanahunan ng kasiglahan, sa panahon kung kailan ang init ng buhay ay dumadaloy sa inyong mga ugat na magnasa na kayo at gumawa ng mga bagay na hindi na magagawa ng isang lupaypay na katawang-laman.
Ang malalakaran ng masisigla ay hindi na maaaring lakaran ng mga lupaypay na katauhan. Ang makakain ng isang masigla at matatag na kabataan ay hindi maaaring kainin ng mga nilikhang palayo na sa init ng buhay maliban na ang nalalabing isang kaluluwang namahay sa laman na iyan ay salat sa kaligayahan.
Ang presensya ng isang AKO
Kung kaligayahang matatawag sa kapatagang-lupa ang magtagumpay sa maraming bagay, ang magtampisaw sa maraming bagay, ang magtampisaw ang tao sa kaaliwan ng laman. Alalahanin ninyong mayroon kayo ng isang Ako na hindi nabubusog, sa katotohanan, kayo ay nakagagawa ng mga bagay na mumunting kabutihan mai-angat ninyo ang inyong katauhan sa kababaan at kamalian.
Kung papaanong nagsikap kayo na dumako at tumindig sa lugar at katayuan ng kahirapan, kung papaano kayo nagkaroon ng lakas na tumindig at ibandila ang inyong pananagumpay sa buhay-laman, magagawa rin ng isang kaluluwa, magagawa ng isang diwa na gumapang at lumayo sa maraming kamalian. Ang lahat ng iyan ay nakasalalay sa katalinuhan ng tao na gumawa ng ukol sa Panginoon.
Nasaan ang tahanan ng Panginoon
Saan ninyo hahanapin ang Panginoon upang iabot ninyo sa inyong mga gawa? Wala ito sa isang panig, wala ito sa isang dako subalit ito ay sasainyo sa mga sandaling makadama kayo ng maalab na hangaring makagawa ng mabuti.
Matatagpuan ninyo ang tahanan ng Panginoon kung magawa na ninyong maipagkaloob an inyong pag-ibig na walang bahid-dungis, kung magawa na ninyo ang magpakain sa nagugutom at makatulong sa inyong mga kapwang nauuhaw sa kaluluwa at ng kanyang mga kapatid.
Paghahanda sa pagbabalik sa malinis na pinagmulan
Tanungin ninyo ang inyong mga sarili, ako kaya ay karapat-dapat nang magbalik sa aking pinagmulan? Sapat na ba ang aking mga natipon upang hindi ako magutom sa aking paglalakbay? Lingapin ninyo ang inyong mga paligid, ako kaya ay nakapagbayad-utang na?
Sapagkat ang mga bagay na ginawa ng aking sarili ay naroroon sa dako pa roon ng kahayagan, iibigin ko baga na tumanaw sa isang kalawakan wala akong masumpungang kaaliwan ng aking pangmalas.
Hindi ko nanaising balutin ng isang hubad na katauhan at walang saplot na kabutihan sapagkat iniluwal akong hubad sa daigdig na ito upang hanapin ang aking ipambabalot ko sa aking diwa ng hahabiin ng aking katalinuhan, ng aking kaalaman.
Sapagkat iluluwal ang tao sa daigdig hindi miminsan, hindi makalawa kung hindi kinakailangang muli at muling iluwal sa daigdig na iyan upang matutuhan niya ang tunay na katuturan ng buha na magawa ng tao ang magpatawad sa kanyang kapwa.
Saan nakasalalay ang karungan ng simulain ng pag-ibig
Inuulit ko, nakasalalay ang kaalaman at karunungan ng simulaing ito sa muli at muling pagkabuhay ng tao at kung ito ay inyong matatanggap at kung ito ay inyong mapag-aaralan, ang lahat ng bagay sa daigdig na ito ay pawang kapakinabangan ng inyong sarili sapagkat nasa sa inyo na ang lahat ng pagkakataong matugon ang maraming katanungan sa inyong pagkatao.
Iyan ang aking iniiwan sa aking ga kapatid at patuloy at patuloy akong naghahangad ng ibayong kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-26, FBT
Tanggapiin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapaypaan ngayon at magpakailanman!
Kailan makikilala ang pagsilang ng kabanalan
Mga ginigiliw na kapatid, kailan isinilang sa inyong mga katauhan ang pagkakilala na mayroon ng angking kabanalan? Sapagkat sa unang pagkakataong sumibol sa inyong katauhan ang katotohanan at kahulugan ng pananampalataya, ay siyang simula na makilala ng tao ang landas na kinakailangang talaktakin ng kanyang sarili.
Ang kaligayahan sa pamamagitan ng pagkakilala ng tao sa pananampalataya
Makakamtam ito at madadama ng isang nilikha kung kailan unti-unting natutupad ang tungkulin na kaakibat ang pakikihamok sa maraming hibo ng pagkakasala, kung kailan ang tao ay nagagawa nang magtiis sa maliit na kudlit ng mga upasala ng kanyang kapwa.
Nagagawa ng tao na ang kasiphayuan sa buhay na iyan ay maging isang pangkaraniwang damdaming hindi ikinababahala ng kanyang sarili; nagagawa ng isang tao na pasanin ang mabibigat na tungkulin n pagtulong sa kanyang ga kapwa na hindi siya manlulupaypay.
Maipadama ng isang nilikha ang kanyang pag-ibig at pagkakawanggawa ng walang hinihintay na anomang kagantihan, napalilibot ng isang nilikha ang kanyang kaisipan na punong-puno ng kapayapaan ng pag-aambil ng mabuting kaisipan sa alang-ang upang ang mga pahatid na iyan ng kapayapaan ay pumalaot, dumako kung saan naruroon ang ga kaisipang naghahangad ng kapayapaan, nauuhaw sa kaligayahan sa kaluluwa.
Kung kayo ay nagkalaloob ng ikabubusog ng laman, na mayroon nga pag-ibig sa inyong pagkatao, higit na kabusugan ang madadama ng bawat isa, ngunit kung kayo ay naglilingkod alang-alang lamang dahil sa inyong kaibigan, kung kayo ay nagmamahal sa inyong kaibigan, kung kayo ay nagmamahal sa sa inyo ay nagmamahal.
Katotohanan katotohanang sinasabi ko, ang kagantihan sa dako pa roon ay kinamtan na ninyo kapatagang-lupa at ang bagay na nagaganap sa kapatagang-lupa ay maliit ang bahaging dumarating sa dako pa roon lalong-lalo na kung ang mga alagatain ay panglaman; ang katulad ay tinapay na pinakumbo ng libadura.
Alalahanin ninyo na ang sakdal at wagas ay kinakamtan ng isang nilikhang nakapagpapakasakit, nakapaghanda, nakapagtaguyod ng walang pasubali. Nakakalikha ang isang tao ng isang moog na matibay na pagdating ng panahon ay magsasanggalang sa tunay na katauhan nang dahil sa kanyag matalinong paggawa.
Ang ikalalapit ng landas ng isang nilikha patungo sa Panginoon
Mga ginigiiw na kapatid, marami ang pook, maging sa kapatagang ito na inyong kinabibilangan ang patuloy at nagsusumakit na humanap ng lalong painakamalapit na landas na patungo sa Manlilikha.
Namumuhunan ng pagpapakasakit ang tao ngunit katotohanang-katotohanang sinasabi kong nakasalalay sa katalinuhan at kaalaman ng isang nilikha ang ikalalapit ng kanyang landas na patungo sa Dakilang Panginoon.
Iba at ibang daigdig na maaaring ang nakaabot lamang ay ang inyong mga kaisipan, ay dumarating din ang mga pagkakataong naghahanap ng kapayapaan sapagkat habang patuloy na nagpapabalik-balik ang mga diwang iyan, nagpapasalin-salin ng lahi, nagpapasalin-salin ang antas ng daigdig na kanyang pagmimisyunan ng kanyang mabuting gawa ay hindi pa nasisiyahan ang tao kung hanggang saan ang kanyang pananagumpay.
Sapagkat patuloy ang marami pang uri ng pagsubok ang dumaratng sa isang kaluluwa upang siya ay maging sakdal at wagas, maging ganap na bahagi ng Panginoon. At kayo ay hindi mababagot, hindi kayo magsasawa sapagkat nasa sa inyo ang sulo, ang ilawan na lagi ninyong tataglayain, mayroon kayo ng pananggalang sa malawak na landas.
Hindi kayo matatakot, hindi kayo nangangamba, lalong hindi kayo malulungkot sapagkat sa maraming uri ng kasawian dumarating sa inyong mga buhay sapagkat ang panagumpayan ninyo ang lahat ng iyan ay babala na natatanggap ninyo at natatanggap ang isang kaligayahang hindi maaaring pantayan ng alinmang kaligayahan sa daigdig.
Mga minamahal na kapatid, sa inyong mga katayuan sa panahong ito, marami at malawak ang pagkakataon na kayo ay makapaghahasik, makapamimitas, makapag-aani upang maging baunan ng inyong mga sarili pagdating ng takdang panahon na kayo ay maglalakbay na wala dala-dalahan mliban sa mabubuting binhi na inyong inihahasik sa kapatagang-lupa.
Kapayapaang muli ngayon at magpakailanman, ang lahat ng haharap gayong din ang aking ginagamit ay mangyaring gumamit ng kasuotang puti, iyan lamang. Kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-22, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayong at magpakailanman!
Ang Pananahimik ng Dakilang Guro
Mga ginigiliw na kapatid, na ang Dakilang Guro ay naglalakbay sa kaparangan kung saan walang nasasalubong at nakakasabay na mga nilikha na ang tanging kaulayaw ng mayamang diwa ay ang malayang simoy ng hangin.
Ang tanging natatanaw at nagagalaw ng Kanyang mga kamay at bisig ay ang mga pinagpalang halamang mga gubat. Anupa at Siya ay nalulukuban ng isang kapayapaan at wagas na katahimikan, walang makamandag na hayop sa nagnanasang tumuklaw sa kanyang mga paa.
Walang mabangis na hayop na nagnanasang sumila sa kanyang katawang laman, manapa ay sinalong ang lahat ng kabalasikan nga mga hayop na kaalinsabay sa kapayapaan ng Kanyang diwa.
Ang pakikipag-isa sa kapaligiran na puno ng kapayapaan
Nakisabay ang hanging amihan sa kahinahunan ng Kanyang pagkatao at buong pagdidili-diling tinanggap ng kapaligirang iyong ang isang katauhang punong-puno ng kapayapaan at pag-ibig na ang tanging pakay sa Kanyang paglalakbay ay hanapin ang lalong pinakasisid ng katahimikan upang sa gayon ay maipanalangin nang buong taimtim ang maraming nilalang na naliligaw sa kanilang mga landas.
Ang tanging pithaya ng banal na kaluluwa ay hanapin ang kapayapaang mai-aambil sa sangkatauhan. Walang salaping taglay ang kanyang lukbutan, walang anonmang marangyang bagay na dala ang kanyang katauhan ngunit punong-puno ang kanyang puso ng pag-unawa at paghahandog ng buong-buo sa sangkatauhan.
Ang paghigop ng lakas ng kapayapaan
Mga minamahal na kapatid, nagyuko ang dahon ang mga halamang gubat bilang paggalang sa makapangyarihang diwa sapagkat ibinabahagi nila ang kasiglahan ng simoy ng kanilang mga lakas at sila ay humihigop ng lakas ng kapayapaan upang maging kapaki-pakinabang.
At naririyan at nagkaroon ng katuparan, maraming halamang gubat na inyong natuklasang mayroon ng biyayang makatulong sa maraming kirot ng laman bagaman ito ay nauunawaan ninyong kasing-halaga ng lahat ng alinmang bagay na mapapantayan ng salapi.
Ngunit higit na pagpapalain sapagkat naririyan at ang ibang halamang gubat na mayroon ng kapalarang magdapyuhan ng Kanyang mga palad, nadapyuhan ng ladlarang kanyang kasuotan at Kanyang panyapak ang naging mabisang biyaya ng sangkatauhan.
Sangayon sa mga naunang hindi likhang isip kungdi ito ay katotohanan, ang inyong tinatawag na Ojas de Romero na mabango ang dahon, sangayon sa lumang kasaysayan, ito ay isang karaniwang damo na walang saysay. Subalit isang maliit na pirasong lampin ng banal na sanggol ay nilipad ng hangin at sa mga damong ito nasalalay, ano at isang kapangyarihang nagkaroon ng kaiga-igayang samyo at nagkaroon ng silbi lalong-lalo na sa mga sanggol.
Marami pa at darating ang panahon na iisa-isahin ko sa inyo mga minamahal na kapatid ang mga halamang gubat na mayroong iba at ibang panglunas sa lahat ng uri ng karamdamang dinadala ng katawang-laman.
Kapayapaan ang maghari sa lahat at bawat isa sa inyon at nawa ay magkaroon kayo ng ganap na katatagan sa inyong pakikipag-aral sa simulaing ito at ang walang hanggang kapayapaan at ang liwanag ng espiritu santo ang tumanglaw sa inyon ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-19, FBT
Biyayain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, kung kayo ay nagkakaroon ng kasiglahan, humahanap kayo ng pangangailangan sa buhay na iyan, i-alinsabay ninyo ang inyong paglilingkod sapagkat ang simulain ng Espiritismo at ang inyong mga tungkulin ay kaalinsabay ng pang araw-arw na kabuhayan.
Kung papaanong binubusog ninyo sa pangangailangan ng inyong ga katawang-laman, bayaan ninyong makatikim ng pagkain ng kaluluwa na pagdating ng panahon ay siyang mananagumpay sa ibabaw ng lahat.
Hahanapin ninyo ang maliliit na puwang kung pinasisimulan ng kasiraan, at doon ninyo bubuoin. Hahanapin ninyo ang mahihina at doon ninyo itataan ang inyong mga pagtulong. Hindi nangangailangan ang isang alagad ng simulaing ito ng labis ang tinatangkilik sa buhay kungdi nalalaman ang paraan ng kanyang paggamit.
Manapa ay magkakaroon ng kasiyahan ang bawat isa sa kabila ng kanyang pagdarahop kung naroroon ang kanyang paniniwalang makapaglilingkod ang kanyang pagkatao lalong-lalo na sa panalangin.
Mga minamahal na kapatid, mga iniibig na kabataan sa pag-aaral, hhanapin ninyo ang landas kung saan kayo mananaguyod upang matagpuan ninyo ang tunay na karunungan ng tao.
Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo pa rin ang mga dating nilikhang lumalaboy sa sariling buhay, kung kayo pa rin ang mga nilikhang walang naabot kungdi ang sariling kapakanan.
Tanungin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo ay nakapagtutudla na ng inyong paningin sa inyong mga kapwa na mayroon ng pag-ibig na walang pandaraya. Tutupin ninyo ang inyong mga puso kung kayo ay tinitibukan na ng isang wagas na pagsamba sa Dakilang Panginoon na ang tangign kinagisnan ng inyong sarili ay ang kaalamang mayroon ng kabanalan.
Alalahanin ninyong ang kabanalan ng tao ay siya sa kanyang sarili ang humahanap sapagkat hindi maaaring ipagkaloob ng alinmang lipunan o pananampalataya ang kabanalan sa isang nilikha kungdi siya kikilos at gagawa ng naaayon sa kabutihan.
Hindi kayo magiging matalino, mga iniibig na kapatid, upang siyang maging simula ng pag-aba sa inyong mga kapwa. Kinakailangang kayong maging matalino upang mag-ahon ng mga nanlulupaypay sa kaalaman, upang magbukas ng mangmang na kaisipan ng inyong mga kapwa, maakay ninyo sa wastong landas lalong-lalo pa ang aking mga kapatid na mayroon na ng kahinaan sa laman.
Sa gitna ng inyong panghihina at panlulupaypay at pagkawala ng inyong mga angking lakas, maraming pagkakataon mapalakas ninyo ang inyong diwa. Malaki ang pagkakataton ng bawat isa upang maihanda at matakpan ang maraming pagkukulang.
Sapagkat sa inyong kahinaang iyan ay doon ninyo mauunawaan na ang lahat ng bagay sa daigdig ay mayroon ng hangganan. Ngunit sa bayan ng mga Espiritu ay patuloy ang walang hanggang lakas, patuloy ang pag-iibayo ng kasiglahan ng mga kaluluwa sa gitna ng panahong ng paggawa ng tao.
Bayaan ninyong ang maliliit na hibla ng panahon na inyong ginagami sa kapatagang iyan ay siya ninyong maging pantutop at panahi sa mga sira na inyong kaalaman at inyong mga gawain nang nagdaaang panahon. Gunam-gunamin ninyo kung saan kayo nagiging mahina, kung kailan kayo naging pabaya sa inyong tungkulin.
Pagbalikan ninyo sa inyong mga isipan kung ano ang tanging nalalabi sa tao upang maging maligaya kung ano ang tanging baunan ng tao upang maging maligaya, kung ano ang tanging baunan ng tao upang makamtam niya ang kaligayahan sa dako pa roon.
Uulitin kong ang lahat ng bagay sa daigdig ay mayroon ng hangganan kung papaanong nagugutom ang tao at nabubusog, at kung paanong ang busog ay muling nagugutom. Maliwanag na ang araw ay sumisikat sa silangan, dumarating ang sandali na hahanpin ang araw na iyan ang kanluran upang ikubli ang kanyang init.
Ang espiritu ng tao gayon kaya at kinakailangang ang laman na iyan ay maging katulad ng daigdig ng iikot na mayroon ng maiiwan na magandang bakas ang sa kanya ay mananahan.
Alalahanin ninyo sa tuwi-tuwina na ang aking mga banggit ay hindi ninyo pararaanin katulad ng hangin sa inyong mga pandamdam, hindi magiging tulad ng tubig na pagkaraan ay lilipas at hindi na maaaring habulin ng tao. Ganyan ag inyong mga tungkulin at kinakailangang maging gampanin ninyo sa daigdig.
Ang lahat ng bago ay maluluma, ang lahat ng maganda ay lilipas, ngunit ang tanging malalabi ay ang magandang gawa ng tao at ang tanging malalabi ay ang wagas ng pagka-ibig at kababaang-loob na siyang bahaging dadalhin ng espiritu hanggang doon sa dako pa roon.
Iyan ang kaing ipinagkakaloob sa lahat at bawat isa at naghahangad ako ng isang kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo, kapayapaan sa loob at labas ng lunduyan, kaliwanagan at katapatan ng bawat isa sa kanilang tungkulin na alpas sa maraming sagwil ng daigdig. Kapayapaan at paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-15, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang tao na nabubuhay ay makapagpapatuloy sa daigdig at walang humpay ng paghahanda sa kanyang sarili, walang humpay nang pagtitipon hanggang sa dumating ang panahon na isalong ng tao ang kanyang lakas at dumating ang sandaling makilala ng tao, ang lahat ay mayroon ng hangganan sa daigdig ng laman.
Sapagkat sa buhay ninyo rito, ang lahat ay laging kasalukuyan sa panahon ng paggawa at ang lahat ng katuparan ng adhikain ay siyang sukdulan ng kawalang-hanggan na madadama ng tao ang kaligayahan sa buhay laman.
Sa daigdig na ito na binubuo ng dugo at laman, ng hangin at tubig, ng alabok, ang bawat simula ay mayroon ng katapusan, ang lahat ay nawawalan ng kabuluhan pagdating ng takdang sandali.
Mga ginigiliw na kapatid, sa tulong ng inyong mga pangmalas, matatanaw ninyo ang kagandahan ng inyong mga paligid na dala ng kalikasan, damahin ninyo ang kagandahan na madarama ninyo sa panahon na kayo ay nasa sa gulang na mayroon ng sigla, may init, may lakas na bahagi ng kalikasang iyan sa inyong buhay.
Kung ang tao ay labis namapag-aksaya ng kanyang mga sandali, kung ang isang tao ay mapaglikha ng hindi karapat-dapat, kung ang isang tao ay hindi gumagawa nang mabuti sa kanyang kapwa at nagmamalabis, unti-unti ay paubos ang lakas, ang kasiglahan.
At ang lahat ng bagay na may pagka-ubos ay dumarating ang sandaling ito ay nagiging wala sapagkat kinakailangang matupad ang batas ng kalikasan na katulad din ng batas ng espiritwal.
Kabutihan at katalinuhang ang magsasandugo
Magpatuloy ang may simula, gumawa ang tao ng lalong pinakamaliit na butil ng kabaitan sapagkat iyan ang magsisilbing liwanag na dadalhin ng tao. Maraming likhain ang tao kung susuriin ay dumarating ang sandali na nagkakaroon ng pangit na kaanyuan.
Hindi lahat ng inyong ginagawang kabutihan ay hindi ninyo pag-aaralan, kabutihan at katalinuhan ang magsasandugo upang makagawa ang tao ng isang buo at matatag na pagnanasa na makapaglingkod sa kanyang kapwa.
Pagpapahalaga ng isang manggagawa ang kanyang nalikha bunga ng kanyang pagsusumikap
Mga ginigiliw na kapatid, pag-aralan ninyo ang aking mga banggit upang sa gayon ay magkaroon ng kapakinanabangan na higit sa kapirasong papel na kinatitikan ng ating pag-aaral.
Ang nais ko ay matala sa inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban; ang maitago ninyo sa inyong lukbutan ang aking mga hatid sapagkat pinahahalagahan ng isang manggagawa ang kanyang nalikha sapagkat iyan ay bunga ng kanyang pagsusumikap.
Ganyan kayo, mga minamahal na kapatid, pahahalagahan ninyo ang inyong mga tungkulin, bigyan ninyo ng magandang larawan ang bawat isa na inyong mga likhain upang sa gayon, ang simulain ng Espiritismo (Pag-ibig) ay hindi manlupaypay kungdi bagkus sisigla alang-alang sa maraming nilikhang ninanasa ng kabatlayaang (kaitaasan) matipon, makapag-abuloy ng lakas ng pananampalataya sa bawat isa.
Kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-12, FBT
Saganahin ang lahat ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, ngayon at magpakailanman!
Mapalad ang mga araw na tulad nito sapagkat dinakila ninyo ang inyong mga sarili, nilisan ninyo ang inyong mga tahanan upang ihandog sa inyong mga kaluluwa ang kadakilaan ng isang simulain lagi nang nakahandulong sa inyong mga pagkatao.
Sapagkat kayo ay mga mananampalatayang pinagkalooban ng isang dakilang pag-aaral kung kaya at natagpuan ninyo ang paaralang ito bagaman at walang nag-akay sa inyong mga sarili ay kusang-loob na kayo ay dumulog sa dakilang simulaing ito.
Sapagkat nalalaman ninyo ang inyong mga tagatanod at subaybay ang siyang nag-akay sa inyo upang halinahin kayo sa isang katuruang tuwid at wala nang paligoy-ligoy ang pag-aaral.
Kakamtin ninyo ang mga kataon na inyong mapag-aaralan bagaman ang iba ay nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng karamdaman upang makilala ang dakilang simulaing siyang wagas at dakila sa pagkakilala ng nakararami.
Bagaman ang tao ay nahahalina sa mga bagay ng lupa, bagaman nalalamang dakila ang paaralan subalit walang halong karangyaan; hindi katulad ng ibang pagkakilalang mayroon ng mga katanyagan at kadakilaang nakikita sa kapatagang ito.
Kung kaya at ang mayroon ng pagkakilala kung ano ang kahalagahan ng Espiritismo ay nagwawalang-bahala at iba ay nahihiya na makihalubilo sa isang hamak ang tingin ng mata ng tao sa daigdig na itong mga hugis.
Mga iniibig na kapatid na mga mag-aaral, magpapatuloy kayo sapagkat naririto ang lundo ng kadalilaang hinahanap ng inyong mga kaluluwa, naririto ang katotohanang na lagi nang nakahandulong sa inyong mga sarili dangan nga lamang at kayo ang hindi marunong umunawa sa mga hatid sa inyong mga tagasubaybay.
Mga iniibig na mag-aaral, sana ay lalo kayong magsumikap sa alituntunin ng kadakilaan ng mga pag-aaral na ito at huwag kayong magsasawang pahatdan ang inyong mga kapatid ng kahalagahan ng mga pag-aaral.
Sapagkat ang kadakilaan ng pag-aaral ay lagi nang nag-uukilkil sa inyong mga nakauunawa subalit ang iba na kulang, wika nga sa dila, ay napipipi upang ihayag ag kadakilaan ng kanilang pinag-aaralan, bgaman at nag-uumigting sa kanilang mga sarili kung dadakilain.
Ito
lamang mga iniibig na kapatid ang aking iiwanan sa inyo at nawa ay
pagpalain kayo ng Ama ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-05, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari nag kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, kailan kayo makatitindig ng buong kabayanihan sa gitna ng ilang upang kayo ay makapagpahatid ng tinig sa kalawakan na nagbabadyang kayo ay makatupad na sa Kalooban ng Ama?
Sapagkat ang sigaw sa ilang na hindi napaliligirian ng lipunan ng mga tao ay siyang lalong pinakadakilang sandali sapagkat ang anumang lihim at hayag ay doon lamang naibubulalas ng isang nilikha kung kailan walang mapanuring mga mata, walang mapagkasalang pandinig.
Naihihimutok ng isang nilikha ang kanyang damdamin kung kailan siya ay nag-iisa, kung kailan tinatanggap ng kanyang katauhan na mayroon ng isang higit na nakakaunawa, na mayroon ng isang higit na kapangyarihan ng taong nagkakaroon ng pagkakasala.
Kung kayo ay handa na, kung kayo ay sadyang nakatitipon ng inyong mga baunan, hinihintay na lamang ninyo ang pagkakataong mayroon kayo ng lunday na inyong sasakyan upang kayo ay makapaglakbay hanggang doon sa dulo ng karagatan na sakbibi ninyo ang lahat ng inyong tinipong gawa sa gitna ng lipunan ng inyong mga kapwa.
Ngunit kung kayo ay hubad, salat sa maraming pangangailangan, hindi ninyo matatanggap ang isang paglaklakbay sapagkat nauunawaan ng inyong katauhan kayo ay kakapusin, magsasalat kayo sa kalagitnaan.
Mga iniibig na kapatid, hindi salapi, hindi kasuotang mariringal, hindi kayamanang ninanakaw ng mga tao ang inyong ihahanda kungdi ang katotohanan kayo ay makatupad sa inyong mga tungkulin at makapaglingkod kayo ng walang pasubali.
Magawa ninyo ang inyong mga tungkulin walang pakunwari, nakapagkawanggawa kayo ng bukal sa inyong mga puso, naging maamo kayo sa inyong mga kapatid, naging mabuti kayong magulang ng inyong mga supling.
At naging mabuti kayong mga anak ng inyong mga magulang, naging mabuti kayong kapwa ng inyong mga kapwa na hindi ninyo ipinagpalit sa anomang bagay ang mga tungkulin nakababaw sa inyong mga balikat.
Sapagkat kung dumating na ang panahon, kung kailan kayo nanlulupaypay na dala ng inyong pagkapagod sa kapatagang-lupa sa mga walang kabuluhang bagay, nanlulupaypay kayo at saka ninyo hahanapin ang simula kung kailan kayo magkakaroon ng panibagong lakas sa aba ng inyong mga sarili.
Kung kailan wala na kayong lakas, magnasa man kayong makapaglingkod, magnasa man kayong umunawa, wala an ang inyong paglilingkuran at wala na ang inyong uunawain, sinayang ninyo ang inyong mga panahon.
Kung gayon, kailan kayo makakatagpo, kailan ninyo matatagpuan ang inyong mga pinagkulangan? Kailan ninyo hahanapin ang mga taglaying kinakailangang taglayin ng inyong pagkatao upang kayo ay maging karapat-dapat sa harapan ng Panginoon.
Mga minamahal ng kapatid, ang sigwa ng panahon, ang lahat nang nagaganap na takbo ng kalikasan, nawa ay gumising sa inyong mga katauhan na magunita ninyo ang katotohanang mayroon kayo ng mga kapwa, ng mga kinakailangang paglingkuran at dapat unawain sa panahon na ang lahat ay nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Ang lahat ng iyan ay nauunawaan ng isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo at kung kayo ay magkamali sa gitna ng inyong kaalaman, kayo sa inyong mga sarili ang makapagwiwikang tinanggap ko ang bunga ng aking maling gawain at ang lahat ng iyan ay nakasalalay sa inyong kaalaman at sa inyong pagkaunawa sa katuturan ng buhay.
Iyan ang aking iniiwan sa inyo mga minamahal na kapatid at naghahangad ako ng isang kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-07-01, FBT
Ang liwanag na nagmumula sa banal na Ama ang siya nawang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, minsan pa ay ibinabalik ko sa inyong kalagitnaan ang katayuan ng daigdig kung ano ang nagaganap at kung ano ang nagiging damdamn ng maraming nilikha. Sapagkat kayo ay mayroon ng kaalamang makatutulong, na ang tao sa pamamagitan ng lakas ng pag-iisip, nakapagpapahatid ang dalisay na pag-iisip ang isang nilikha sa kanyang kapwa sa abot ng kanyang pag-alalaala at pagtupad.
Hinihiling ko sa inyo mga minamahal na kapatid na lalo ninyong pag-ibayuhin ang kaliwanagan at kapayapaan ng inyong mga pagkatao upang sa gayon ay makapaglingkod kayo sa Espiritu, makapagkawanggawa kayo sa lihim, sapagkat laganap sa kapatagang ito ang maraming nilikhang hindi nakauunawa ng kanyang tungkulin sa buhay, maraming mga nilikha ang nagsasalat sa pang-unawa.
Kailanpaman at ang isang nilikha ay mayroon ng malawak na pag-unawa, mayroon ng kapayapaan ang damdamin at pag-iisip, wala ng bahid ng labis na paghahangad sa buhay pangkapatagan, wala na ang hangarin na ukol sa mga kayamanan ng lupa sapagkat ang tao ay naisisyahan sa kapirasong tinapay ng ipamamatid ng kanyang pagkagutom, sa isang basong tubig ay lumiligaya ang isang tao na mayroon ng pag-ibig sa kadakilaan ng Panginoon.
Subalit ang isang nilikhang patuloy na naghahangad ng kayamanan ng daigdig at katanyagan, patuloy na naghahangad ng kayamanan ng daigdig at katanyagan, patuloy na dinudulang ang katanyagang hinahangad ng kanyang pagkatao, nahihirapan ang kanyang katauhan sa ibabaw ng lahat, ay siyang walang kapayapaan at siyang makakadama ng maraming alalahaning magdudulot na kabalisahan sa kanyang kaluluwa.
Masdan ninyo ang mga nilikhang nasisiyahan na mayroon ng kapayapaan, nalalaman kung papaano ang paraan ng paglilingkod sa kanyang kapwa, mapayapa ang katauhan, nadadama ang hatid ng kaitaasan sa kanyang pagkakataong maghahatid ng kasiglahan.
Kung ang bawat isang nilikha ay mauunawaan na ang tunay na tungkulin ng kanyang pagkatao sa kapatagang ito, isasa-isangtabi ang maraming dala-dalahan ng katawang-laman upang mapaibabaw lamang ang tungkulin sa Espiritu.
Walang pinakamagandang tahanang tutuluyan ng isang nilikha kung hindi ang kanyang sariling gawa, ang kanyang mga likhain, ang kanyang mga naging damdamim sa kapatagang-lupa ay siyang magiging kabuuang tahanan na kanyang tutuluyan pagdating ng panahon.
Isang tahanang payak, isang tahanang matatag na mayroon ng kaaliwan sapagkat pinamumuhunanan ng tao ng pagtitiyaga at higit sa lahat, sa pagkakawanggawa at pag-ibig sa kanyang mga kapwa kung kaya at kakamtin niya ang kapangakuan ng Amang mayroon ng kasiyahan.
Humayo kayo, mga minamahal na kapatid, tanungin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo ay karapat-dapat ng sumunod sa likuran ng Panginoon, at kung matutuhan na ninyong ibaba ang kataasan ng inyong pagkatao at kung papaano kayo makapaghahatid ng kapayapaan sa inyong mga paligid.
Iyan ang nilalagak ko sa inyo mga minamahal na kapatid, magpatuloy kayo ng pag-aaral, walang humpay na pag-aaral na nauukol sa diwa sapagkat diyan nakasalalay ang kaligayaha ng inyong tunay na pagkatao.
Naghahangad ako ng isang kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman. Paalam. Ang inyong patnubay.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-06-28, FBT
Liwanag at kapayapaan ang nawa ay tumanglaw sa lahat at bawat isa ngayon at magpakailanman!
Mga iniibig na kapatid, bakit ang tao na nakikipamuhay sa daigdig na iyan ay lagi nang mayroon ng hinahanap? Mayroon ng mga kulang sa kanyang katauhan, mayroon nang hinahangad ang tao na hindi maipaliwanag ng salat na diwa.
At bakit ang taong mayroon ng laman at dugo, may kaangkinan ng isang Batlayang sumasakanya at sa espiritung pumapatay sa laman na iyan ay lagi nang naghahanap, naghihintay ng mga katugunan sa maraming katanungnan ng kanyang sarili?
Bilang halimbawa, ang isang talong malusog; mayroon ng maraming kaangkinan sa buhay-laman, nasa kanyang palad ang lahat ng kariwasaan at hangarin ng lamang iyan ay dumarating ang mga sandaling waring naghahanap at naghihintay pa ng karagdagan.
Kung sa gawi ng pangngailangan sa buhay-laman ay hindi naghahanap ang tao, ito ay patotoo sapagkat kayo ang magtanong sa inyong mga sarili. Kung busog na kayo ay hindi na ninyo kakailanganin ang pagkain, kung kayo ay nakapamatid-uhaw na ay hindi na ninyo kakailanganin ang tubig.
Ngunit mayroon ng isang bagay na minimithi ang tao sa kanyang buhay, ang katiyakan ng bagong-buhay na kanyang susuungin pagdating ng panahon, iyan ang hinahanap at hinihintay ng tao.
Hinihingan ng katiyakan sa kanyang sarili kung saan siya madadako pagdating ng panahon, kung mayroon din siyang tatamasahing kaligayahan at kaaliwan katulad ng kanyang tinatamasa sa kapatagang-lupa.
Mga ginigiliw na kapatid, huwag ninyong hanapin sa malayong dako ang inyong pangangailangan, huwag ninyong dulangin sa kailaliman ng karagatan ang kayamanag kinakailangang madala ninyo hanggang doon.
Ang tiyakin ninyo ay ang tibok ng inyong puso, ang tiyakin ninyo ay ang pintig ng inyong damdamin at pag-iisip; kung ang tibukin ng tao sa kanyang kapwa ay walang bahid-dungis na pagmamahal at pag-ibig na mayroon ng pagkahabag.Kung ang isang tao ay nakatitiyak na ang kislot ng kanyang pag-iisip ay makapaghahatid ng kaaliwan at kapayapaan sa kaisipan ng kanyang kapwa, at kung ang tao ay nakatitiyak ng ang maliit na halagang nasa kanyang palad ay maipagkaloob niya sa lalong nangangailangan ng walang pasubali, walang hinihintay na anumang ganti.
Katotohahang-katotohanang sinasabi ko, na madadama ninyo ang kaaliwan at kaligayahan hindi ninyo nadama sa kapatagang iyan sapagkat sa dako pa roon, sa lupang pangako ng Panginoon ay lantay na katotohanan at pawang katotohanan ang nagaganap.
Hindi ninyo maaaring taglayin ng pagbabalatkayo na katulad ng tinataglay ng sangkatauhang iyan, hindi ninyo maaaring madama at marinig ang kaaliwan kung hindi kayo nakapagpaligaya sa inyong mga paligid.
At hindi kayo makakadama at makatitikim ng kabusugan kung sa kapanahunang ito ay hindi ninyo nadulutan ng kaunting kabusugan ang maraming mga nilikhang nasasalubong sa gitna ng lansangan. Ang lahat ng bagay sa daigdig ay pawang palamuti ng lamang iyan, ang lahat ng kaaliwan sa daigdig na nagbubulid sa to sa pagkakasala ay kalungkutan sa dako pa roon.
At sa mga kabataan, sa mga nilikhang hindi pa nababago ang takbo ng kanyang sarili na walang nadadama kungdi ang kanyang sariling kagalingan, matigas ang kalooban, mahayap na mangusap sa kanyang kapwa, ay madadama niya sa kanyang sarili ang kalungkutang walang kahulilip sapagkat katotohanang-katotohanang sinasabi ko, ang itinanim sa kapatagang iyan ng inyong pagkatao ay aanihini ninyo sa dako pa roon.
Maghasik kayo ng magagandang binhi upang sa gayon maging masagana ang inyong aanihin, subalit kung kayo ay maghahasik ng mga tulyapis, malintog sa paningin subalit baog at walang anumang binhing sisibol, iyan ang kapalaluan, iyan ang kataasan ng tao sa kapatagang ito, mga iniibig na kapatid.
Arkanghel Raphael
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-06-17, FBT
Saganain kayo ng dakilang pagpapala, sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, sa malaon ninyong pakikipag-aral at sa malaon ninyong pagtupad ng tungkulin sa inyo-inyong sariling pamumuhay ay aking natatanaw na nagiging karagdagan ang mga kaalamang inyong pinag-aaralan.
Sapagkat hindi lamang ang tumutupad ng tungkuling sa loob ng ganitong paturuan ang mayroon ng pagkakataong makapag-angat ng kanyang katayuan magmula sa kababaan, at hindi rin naman ang mga tinatawag na mag-aaral ng simulaing ito ang makapag-aahon sa kanyang kapati sa kinasadlakang kababaan.
Ngunit ang katotohanang-katotohanan sinasabi ko mga iniibig na kapatid, mapapagod ang isang kaluluwa pagdating ng takdang panahon na dumako sa kanyang kinadoroonan kung siya ay hindi nakasimpan ng gawang kabutihan at kawanggawa sa kanyang kapwa.
Sa gitna ng kaalaman ng lahat ng mag-aaral na ang walang kawanggawa ay walang kaligtasan, ay hindi pa rin ito natutupad sapagkat ang tao ay mayroon ng bahaging maka-kanya.
Sino
sa isang nilikha ang magtitiis magdahop maihati lamang ang kanyang
kapwa? Sino sa isang nilikha na ipagpapakasakit ang kanyang luklukan
para lamang sa mga mahihina o sa mga nilikhang higit na mayroon ng
pangangailangan kaysa sa kanya?
Mga ginigiliw na kapatid,
maligaya ang mayroon tinatamasang kaalwanan sa buhay na iyan maligaya
ang mga nilikhang labas sa suliranin ng pagkagutom at nadarama baga nila
kung gaano ang higit na kaligayahang madadama ng kanilang pagkatao?
Umaasa ang kalipunan ng kabatlayaan at hindi kayo mabibigo, mga minamahal na kapatid. At ako bago magpa-alam, nais kong ipabatid sa bawat isa sa inyo, magpakasigla kayo, huwag kayong magbaya sa inyong mga tungkulin at sa lipunang inyong ginagalawan.
Sapagkat sa sandaling kayo ay manghina at mabuwal papaano na ang mga nilikhan buong giting na nakikitalad sa buhay na iyan alang-alang sa kapangakuan sa kaluluwa. At magpapatuloy ang tao sa walang humpay na paggawa makamtan lamang ang mga bagay na magiging karagdagan at pangangailangan ng Espiritu at laman.
Iyan ang aking inilalagak, at naghahangad ako ng kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-06-14, FBT
Saganahin ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, magahari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga
ginigiliw na kapatid, ang panahon ay nagbabago at nagpapatuloy, ang
kalikasan ay nagkakaroon ng pagkaka-iba iba ang takbo, ang katayuan ng
mga nilikha sa daigdig ay hindi malayo sa katayuan at magiging katayuan
ng kalikasan.
Kung papaanong nagsimula ang mga nilikha sa pagkakaroon ng panahon ng kabataan at kasiglahan, sa panahong nakilala ng tao ang masama at mabuti, kung kailan ang tao ay humanap ng kanyang sariling tahanan at nilikha ang mga balangkas na kanyang tutupdin bilang isang tunay na manggagawa.
At ang mga balakin ng tao na inihahanda na nauukol sa kanyang sarili ay pawang magaganda, matagumpay na waring hindi nagugunita nasa isang iglap-mata ay magkakaroon ng paglambong ang kadilimina at dadagundong ang mga unos.
Ganyan ang katayuan ng tao at katayuan ng kalikasan, hindi ninyo matitiyak na sa gitna ng init ng araw ay hindi darating ang unos, hindi ninyo nalalaman nasa gitna ng inyong mga kasiglahan ay maaaring dumating ang karamdaman, sa gitna ng inyong pananagumpay ay magkakaroon ng pagkabaam lalong-lalo pa at kayo ang nagiging simula ng mga bagay na hindi magiging karapat-dapat.
Alalahanin ninyo mga minamahal na kapatid lalong-lalo na kayong nagtitiyaga at nagsusumakit na makipag-aral, tumuklas ng mga kaalamang nauukol sa kabanalan; hindi kayo matatakot mabigo, hindi kayo matatakot masawi sapagkat mayroon kayo ng paninindigan sa inyong katauhan na ang bagay na nagaganap sa inyong katauhan ay karapat-dapat.
At hindi kayo manghihina ng pagtupad sa inyong tungkulin sapagkat ang simulain ng Espiritismo ay nakatatak sa inyong pagkatao na tinanggap ninyo sa dako pa roon ay hindi ninyo maaaring pawiin sa pamamagitan ng inyong pagwawalang-bahala, sa pamamagitan ng inyong ginagampanan sa kapatagang-lupa lalong lalo na sa gawi ng kayamanan, karangyaang pandaigdig.
Mga ginigiliw na kapatid, ang lalong mayroon ng mabibigat na tungkuling binabalikat ay iilan ang bilang na aking natagpuan sa kanilang luklukan. Ito baga ay nangangahulugan itong mga natagpuan ko ay ito lamang ang mayroong karapatang magtotoo? Ito lamang ang hindi marunong mabalam sa anomang sigwa ng panahon, sa anomang katayuan ng kalikasan?
Kung gayon, ano ang magiging katayuan ng aking mga kapatid? Itatanong ko sa inyo, kung dumating ang pahanon ng pag-aani, kung dumating na ang takdang sandali na kayo ay tawagin na sa dakong kailangan ninyong paglagakan ng inyong mga ani?Nakahanay ang inyong mga bangan, ang bawat isa sa inyo ay kinakailangang bumalik sa kanyang pinanggalingan na paglalagakan ng kanyang inani na bunga ng kanyang mga inihasik sa daigdig. Sino sa inyo ang magagalak na kung ang kanyang sakbibi ay pawang mga butil na walang laman, siya baga ay matutuwang isalin ito sa kanyang bangan? Maaari baga niya itong ikabusog?
Hindi nga mga minamahal ka kapatid, ngunit kung ang isang manggagawa, ang isang magsasakang magkaroon ng ilang butil ng trigo ay magtagumpay na hahakbang ng papalapit sa kanyang bangan at magsasalin at buong kabayanihang haharap sa Panginoon, “Panginoon, ang aking pong maliit na ani ay punong puno ng laman, ang aking maliit na ani ay naririto at inihahandog ko sa aking bangan upang maging pagkain ko habang panahong ako ay naghahanda nga panibagong pakikitalad sa panibagong pakikipamuhay.
Mga ginigiliw na kapatid, mga ginigiliw na mag-aaral, hanapin ninyo ang pinakamaliit na butil ng kaparaanan na makagawa kayo at makapaglingkod, ipadama ninyo kung sino kayo sa lipunan ng mga tao.
Huwag ninyo itago na kayo ay mga Espiritista, huwag kayong matakot sa mang-uusig, lalong huwag kayong matakot sa magsisiskutya sa inyong katayuan. Sapagkat habang ang tao ay dinudusta at pinupulaan, ay nagsisinop ang taong hanapin ang paraan upang mawala ang mga sagabal na nagbibigay ng katayuan, lalakad ang tao ng matwwid, gagawa ang tao ng kabutihan upang maipaikilalang siya ay wagas, siya ay sakdal, sapagkat siya ay bahagi ng Panginoon, bahagi siya ng Manlilikhang napuputos ng kawagasan.
Sa haba ng panahon nang iyong pakikipag-aral at sa maraming karanasang pinagdaanan ng iyong katauhan, ibahagi mo sa iyong karanasan at pagbibigay kaalaman sa iyong mga kapatid at higit sa lahat, sa iyong mga kapatid na bumubuo ng mataas na kapulungang may mabigat na pananagutan sa lipunan ng mga Espiritista, magmula sa iyong kapatid na mayroong katungkulan bilang Pangulo.
At sa inyong lahat mga kapatid, ipakilala ninyo na ang isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo ay higit na ibinibigay ang panahon ukol sa espiritu sapagat ito ang kinakailangang mabusog at ang kabusugan ng espiritu ay kabusugan ng laman.
Iyan ang aking ipinagkakaloob sa inyo, ginigiliw na kapatid at nawa ay maging matatag ka at matibay, magkaroon ka ng lakas ng ibandila mo ang katotohanan sa gawa, sa salita at pananampalataya.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-06-10, GPL
Kapayapaan ang inilalagak ko sa bawat isa sa inyo ngayon at magpakailaman!
Mga iniibig na kapatid, naririto kayo upang patunayan ng lahat at bawat isa kung ano ang tatag ng inyong pananampalataya, kung ano ang pagka-ibig ninyong makatulong sa kabatlayaan.
Naririto kayo upang ang layunin ng bawat sarili ay matigmak ng daloy ng dakilang pagkakilala ang inyong pag-aaral, at ang pagsasamong ninasa ninyong angkinin ng inyong mga pagkatao ay nalalaman kong bagaman at tinatawag ninyo na masungit ang panahon ay nagpilit kayong bigyan ng pagkakataon ang inyong mga sarili lalo pa ang mga may karamdaman upang magkaroon ng lunas ang kanilang katawang-laman.
Sapagkat nalalaman ng kanilang mga sarili, ang kabatlayaan ay laging naghihintay ay handa upang ang lahat at bawat isa ay bigyan ng pagkain ang kanilang mga kaluluwa at maging dapat sila sa halamanan ng Panginoon.
Mga iniibig na kapatid, masagana ang daloy ng buhay subalit kayo lamang ang nagpapabaya na hindi lubusang kumadlo ng mga tubig ng buhay. Sa lahat nga kataon ay nakahanda ang kabatalayaan at nakikipagtipan sa inyo at binibigyan kayo ng mga pag-aaral at alalay upang mapatuloy kayo sa inyong pag-aaral.
Sapagkat ang kadakilaan ng pananampalataya ng tao ang siyang magdadala sa kanya hanggang doon sa pananagumpay ng kanyang kaluluwa lalo pa ay lalakipan nito ng paggawa na siyang lalong karapat-dapat.
Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa makikilala kung gaano ang pagkakilala ng tao sa kanyang kapwa sapagkat sinasabi na kapag naibig mo ang iyong kapwa ay naibig mo na rin ang Panginoon.
Kung kaya at ito ang laging binabanghay sa inyong kalagitnaan, ang paggawa, ang pag-ibig, ang pagkakawanggawa ang siyang kaakibat ng pag-aaral. At magtulong-tulong kayo sa anumang bagay na ikasusulong ng inyong pag-aaral sapagkat ang Panginoon ay laging nasa sa inyong kalagitnaan na nauukol sa kabanalan.
Ito lamang ang maiiwan ko sa inyo mga iniibig. Arkanghel Raphael.
(Kap. Guillerma P. Landayan)
-o0o-
1981-05-17, FBT
Biyayain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, marami nang panahon ang lumipas, mahaba na ang landas na inyong nilakbayan, marami ng uri ng karanasan ang nadama at natanggap ng inyong mga sariling katauhan bilang pagdaragdag sa inyong mga pag-aaral.
Hindi kayo mga mangmang, lalong-lalo nang hindi salat ang inyong mga pagkukuro upang hindi kayo makatipon ng maliliit na butil ng kaalaman. Sapagkat ang unti-unti na patak ng kaalamang nagmumula sa kaitaasan ay hindi maaaring hindi mapigta sa inyong pagkatao.
Kinakailangang lamang na malaman at maunawaan ang inyong karunungan ay hindi sapat na makilala ninyo ang katuruan o simulain n Espriritismo. Hindi sapat na magkaroon kayo ng mga tungkuling isasabalikat upang kayo ay maging isang kapatid na mayroong nang katatagan.
Higit na kinakailangan na magkaroon kayo ng kaganapan sa paggawa, magkaroon ng tatag ng paninindigan bilang isang Espiritista sa damdamin, sa pag-iisip, sa kalooban, at higit sa lahat ay, sa paggawa.
Lalo at lalong pag-iingatan ninyo ang inyong mga pagkilos, ang hagkis ng iyong mga pangungusap, sa sandaling kayo ay pagtuunan ng paningin ng inyong mga paligid bilang isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo.
Hindi ninyo nanaisin na ang katuruang ito na dinakila at patuloy na dadakilain ng bawat isang mag-aaral na nakatatanggap ng simulaing ito sa kanyang puso ay pababayaan lamang na maging isang laruan at karaniwang laruang titisod-tisurin sa lansangan ng pagpapabaya.
Hindi ninyo nanaisin na ito ay magkaroon ng talsik ng putik nang dahil sa inyong mga maling gawain. Hindi ninyo pababayaan ang katuruang ito ay maging isang mababang-uri ng pag-aaral nang dahil sa inyong mga sariling kamangmangan.
Saan ninyo isinasalig ang inyong mga paggawa? Kailan ninyo binibigyan ng buhay ang kaalamang sumasainyong mga pagkatao? Bilang isang mag-aaral ng nagtataguyod ng simulain ng katotohanan, unti-unti ninyong bawasan ang mga kamaliang nagagawa ng inyong mga sarili.
Higpit ng pagpipigil sa mga kataga na labag sa pag-ibig, mga makahihiwa ng damdamin
Magkaroon kayo ng higpit ng pagpipigil lalong-lalo na sa mga katagang namumutawi sa inyong mga labi na labag sa pag-ibig. Mga katagang hindi maaaring makabuti sa inyong mga kapwa kungdi bagkus, makahihiwa ng damdamin.
Hindi rin ninyo igigiit ang katuruang ito sa walang kaalaman sapagkat ang kaalaman ng simulain ng Espiritismo ay bumubukal, kusang tumutubo sa damdamin ng isang nilikha, sa kapanahunang maraming kaganapang nabubuo at nabubuhay sa kanyang katauhan.
Mayroong mga pagkakataong nabubuksan ang katuruang ito o ang simulaing ito sa damdamin ng isang tao sa panahon ng mabigat na dalahin ng kanyang suliraning pangkapatagan.
Sa panahon ng pagkaluno na humahanap ng timbulan ay nagkakaron ng pagkakataong makapanagumpay at makakapit sa katuruang ito na hindi nagtatangi ng sinoman. Nabu-buhay at natutuklasan ng isang nilikha sa panahon na ang kanyang lamang iyan ay dinarapit ng karamdaman.
Karamdaman ay bunga ng kamalian, ng mga kagulumihanan
Sapagkat ang Espiritismo ay tumutulong sa karamdaman na hindi malunasan ng karaniwang tao sapagkat karamdamang bunga ng kanyang kamalian, nagiging mabigat na dalahin ng kanyang sarili at ang ibinubunga ay kirot ng laman. At ang karamdaman dinulot ng kagulumihanan ay siyang unang-unang natutulungan at napagkakalooban ng lunas sa ilalim ng katuruang ng Espiritismo.
Sapagkat ang tao ay tao kung sabihin, ngunit mayroong kaangkinan, ang tao kinakailangang maging maunlad, mai-ugma ang kanyang sarili bilang isang nilikha na bahagi ng Diyos na may karunungang at pag-ibig.
Hahanapin ninyo ang lalong pinakamarangya kundi maglilingkod kayo sapagkat nauunawaan ninyong ito ay kabutihan, at ang kabutihan ay pagkain ng Espiritu na hindi napapanis. Magiging mabait kayo ngunit mayroon ng karunungan.
Ang kabaitang walang karunungan ay mangmang
Sapagkat ang kabaitang walang karunungan ay mangmang at madaling magkaroon ng salabid. Ngunit kung marunong ang tao na kaalinsabay ang kabaitan, gumagawa, humahakbang na tungo sa paglilingkod na walang gatol ay hindi magsisisi pagdating ng panahon.
Mga minamahal na kapatid na mayroon ng kani-kaniyang uri ng paglilingkod at tungkulin, anoman ang dumating sa inyong mga buhay, gaano man ang mga pagsubok na sumapit sa inyong mga pagkatao, huwag kayong maduduwag. Huwag kayong manghihina kungdi bagkus, tumindig kayo.
Ang mga bagay ukol sa kababaan ay nasasa talampakan, ang mabubuting bagay ay nakapatong sa mga balikat
Tutupin ninyo ang tapat ng inyong mga puso at ulit-ulitin na kayo ay malakas at lahat ng mga bagay na ukol sa kababaan ay nasa inyong talampakan at ang mabubuting bagay na kinakailangang gampanan ninyo ay nakapatong sa inyong mga balikat na alalay ng inyong mga bisig; sa tanglaw ng Espiritu santo ay Matutupad ninyo ang inyong mga tungkuling walang pasubali.
Magpapatuloy kayo sa lahat na mabubuting adhikan ng inyong pagkatao sapagkat hindi ko sinasabing maikli na ang panahon ng bawat isa kungdi, ipinararating ko sa inyo na kinakailangang mabigyan ninyo ng magandang tahanan ang inyong tunay na pagkatao sa dako pa roon sa pamamagian ng walang likat na paglilingkod, pagpapakatapat sa inyong simulain.
At higit sa lahat, ay makagawa kayo ng mga bagay na magiging kasaysayan ng inyong pagkatao hindi sa kabuhayang pangkapatagan kungdi higit sa lahat ay sa kabuhayang tataluntunin ng sa inyo ay susunod na walang iba kungdi ang paglilingkod sa ilalim ng katuruan ng Espiritismo.
Paglilingkod na mayroong ng kapayapaan at kababaang-loob, at ang lahat ng bahagi ng Panginoon ay madadama ninyo at matatanggap ninyo nang walang gatol dahil sa kayo ay sumusunod sa Kanyang likuran.
Iyan ang iiwan ko sa aking mga kapatid at naghahangad ako ng isang walang hanggang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanpaman. Paalam.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-05-03, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, ang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, nakikilala ninyo ang inyong mga kapwa, nadadama ninyo ang iba at ibang uri ng damdamin sapagkat ang taong nabubuhay sa daigdig, magmula sa dako pa roon na kanyang pinagmulan ay nakatalaga na ang kanyang tungkuling tutuparin sa buhay na iyan; nakalaan na ang landas na kanyang tatalaktakin, nakahanda na ang mga bagay na gagampanan ng buong katatagan sa kapatagang-lupa.
Mga sangkapin ng diwa: damdamin, pag-iisip at kalooban
Kaalinsabay ng pagkakaroon ng talino, kaalaman ng isang nilikha sa kanyang pagiging tao, may damdamin, may pag-iisip at kalooban ng isang kabuuan ng inyong mga diwa. Sapagkat bahagi kayo ng Panginoon, kinakailangang sumainyo ang katarungan at pag-ibig, karunungan at kababaang-loob.
Ang karunungan ay ginagamit ng isang nilikha lalong-lalo pa sa kanyang pakikipamuhay at pakikisalamuha sa kanyang mga kapwa, isang karunungan ng tao ay labis at walang kalakip na pag-ibig ay magiging makasarili, isang karunungang maaaring lumikha ng mga panlalamang sa kanyang mga kapwa, at hindi niya matiyak ang katotohanan na siya nga ay marunong o isang mangmang.
Ang kababaang-loob kung siyang mabababa sa inyong mga kalooban, magiging isang maamong kalapati, matututuhan ninyong patigasin ang inyong damdamin sa paninindigan sa katotohanan at paghihimagsik at walang anomang damdamin mag-aalab sa inyong katauhan sa panahon ng pagsubok.
Hindi kayo magiging marahas sa gitna ng mga likhain ng inyong mga kapatid na hindi nakaka-abot ng katotohanan at pagkakilala sa Di-likha. Hindi ko ini-aangat sa kanyang tungtungan ang isang nag-aaral ng simulain ng Espiritismo, hindi inilalagay sa kanyang bumbunan ang laurel ng papuri.
Ngunit katotohanang-katotohanang sinasabi ko, sa isang pagkakataong matuto ang isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismong makilala ang katotohanan, ay mayroon na siya ng isang sariling bait kung kanyang mamarapatin.
Nalalaman ng isang nag-aaral ng katuruang ito na hindi niya gagawin ang mga bagay na hindi karapat-dapat sa kanyang kapwa. Nalalaman ng isang Espiritista na ang masama sa kanya ay hindi niya gagawin, ngunit mayroon ng pagkakataong kinakailangang lubhang magpakatalino ang mag-aaral ng katuruang ito lalong-lalo na sa mga bagay na hindi angkop sa kanyang pagkatao.
Hindi mang-aangkin ng anomang bagay lalong-lalo na ang kayamang panglupa, ng karangalan, sapagkat ito ang lasong pupuksa sa inyong buhay, sa buhay ninyong hindi maaaring matawaran.
Padadakilain ninyo ang simulaing ito at itatanyag ninyo sa pamamagitan ng inyong mabubuting gawa, sa pamamagitan ng pagtupad ng inyong tungkulin, pagdamay, pagkakawanggawa, pag-ibig na walang halong pag-iimbot.
Kung ang mga bagay na iyan ay nauunawaan ninyo, ito ay inyong gagawin sapagkat mayroon kayo ng puhunan na walang iba kungdi ang mga ganitong mga sandali. Iniwan ninyo ang inyong mga tahanan, nililisan ninyo ang inyong mga tinipon sa buhay-laman upang pasumandali ay magtitipon kayong magkakapatid, magsasalo-salo kung minsan sa isang bubong na gan-ganito at makipag-aral ng karagdagan sa inyong mga kaalaman.
Saan naroroon ang Diyos? Katanungang pambata, katanungang nalalaman ng tao kung saan siya naroroon sapagkat sa lahat ng panig, sa lahat ng sandali, ang nangangailangan ay tinatawag at sinasambit ang kanyang makapangyarihang taguri. Sino sa inyo ang buong lakas loob na makapagwiwika na minamahal ko ang Ama, kapiling ko ang Ama sa lahat ng pagkakataon.
Kung ito ay totoo, kung nalalaman ninyo sa lahat ng sandali ay tinutunghayan kayo ng kanyang katarungan, wala kayong lakas na gumawa ng masama, wala kayong lakas ng bisig na hindi karapat-dapat, at lalong lalong wala kayong lakas na magtamad-tamaran sa gitna ng maraming tungkuling kinakailangang tuparin ng inyong pagkatao.
Hindi ninyo matatagpuan sa loob ng ganitong pag-aaral, sa loob ng mga bahay dalanginan a hindi ninyo matatapuan ang ganap-ganapang kapayapaan ng inyong mga sarili, sapagkat dito nagsisimula sa gan-ganitong pagtitipon ninyo ang paghahanda ng lakas upang kayo ay makapaglingkod.
At kung kayo ay nakapaglingkod na at naihanda na ninyo ang inyong katauhan, saan man dako ay madadama ninyo ang kapayapaan, saanmang panig ng daigdig ay magtatamasa kayo ng kaligayahan kailanpaman at inyong pinag-aaralan at natutuhan sa bubong na gan-ganito ay inyong isinakatuparan.
Sa loob ng inyong mga sariling tahanan, kung magagawa ninyong maging mahinahon, kung magagawa ninyong maging mabuting ina ng inyong mga anak, kung magagawa ninyong maging mabuting ama ng inyong mga anak, at mabubuting anak ng inyong mga magulang, mayroon na kayo ng lakas na lumakad, mayroon na kayo ng tatag na maglakbay sapagkat saanmang panig ng daigdig ay buong lakas ninyong maisasatinig at magagawa kung sino kayo at kung ano ang inyong layunin sa inyong pagkabuhay sa kapatatagang ito.
Mga minamahal na kapatid, madadama at aking naaabot na gaano man ang talatang ibaba sa inyong kalagitnaan, maliliit lamang na kudlit at yaon lamang natatanggap ninyo ang inyong pinahahalagahan.
Gayon pa man, ay hindi magdaramdam ang kabatlayaan, salamat at kahiman at isang hibla ng kataga ay nasabit sa inyong pang-unawa. Kung kayo ay nasiyahan, kung kayo ay nag-alinlangan, ang lahat ng iyan ay mga pag-aaral.
Iyan ang iniiwan ko sa aking mga kapatid, magpatuloy kayong gumawa ng mga bagay na inaakala ninyong ikaliligaya ng inyong mga sarili hindi sa kapatagang ito kungdi sa dako pa roon. Kapayapaan sa inyong lahat, ngayon at magpakailanman! Paalam. Ang inyong patnubay.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-04-08,
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Habang patuloy ang pagtupad ng tao sa iba’t ibang uri ng karunungan ay patuloy ang daloy ng kabihasnan, sigasig ng mga nilikhang humahanap ng pangangailan ng katawang-laman at maalab nanasain ng mananampalataya sa mga katuparan.
Mga ginigiliw na kapatid, ang lahat na sinimulan at ipinagpatuloy ay nangangahulugan ang tao ay nalalamang magkakaroon ng takdang panahon ang wakas, ang sukdulan ay darating. Kinakailangang ang lahat ng itinanim ay pag-anihan, ang pinamumuhunan ay pagtubuan, ang sinimpan ay pakinabangan at higit sa lahat, ang gawa ay isang pananim na inihahasik ng tao sa sangkatauhang iyan.
Sapagkat sa kanyang kaalaman ay nauunawaan ng isang nilikhang kinakailangang itaguyod sa abot ng kanyang kaya upang kung dumating ang lundo o sukdulan ng kanyang pakikitalad sa buhay na iyan ay mailagay niya sa kanyang mga palad ang bunga ng kanyang tagumpay.
Walang pinakalalong dakila na pananagumpay ng isang nilikha kung hindi ang mga bagay na kanyang hinabi sa gitna ng kanyang karalitaan sa buhay na iyan, na makapaglingkod ang tao na hindi natisod kailanman sa kayamanang pang-lupa.
Tunay at pangangailangan ng tao ang mga bagay na iyan at kinakailangan niyang hanapin at pagsinupan, subalit katotohanang-katotohanang binabanggit ko sa bawat isa sa inyo na ang paglilingkod sa kapwa ay walang kagantihan kayong hihintayin sapagkat mababaog ang inyong dakilang layunin sa isang pagkakataton ang inyong paglilingkod ay ipinagpalit ninyo sa isang pirasong tinapay at isang baso ng tubig.
Kung ang pagkagutom ng laman ay siyang kabusugan ng kaluluwa, kung ang pagdarahop ng lamang iyan ang matitiis ninyo na hindi kayo lilikha ng masama sa inyong mga kapwa, katotohanang-katotohanang sinasabi ko, naihanda ninyo ang tahanang panunuluyan ng inyong sarili pagdating ng panahon.
Umaasa ako na habang mayroon ng isang nilikhang mayroong nakakaunawa ng simulain ng Espiritismo, habang mayroong isang nilikhang nananalig sa dakilang Panginoon at sa kabatlayaan ay matutupad ang adhikain ang lahat ay maglilingkod ng pantay-pantay na walang anomang kagantihan.
Ang isang Espiritista ay nanampalatayang wwalang pagkukunwari, ang isang Espiritista ay matapang, malakas, hindi natatakot, hindi nalulungkot, at higit sa lahat ay hindi nakikilala ng isang mag-aaral ng simulaing ito ang kabiguan sa buhay kung hindi naihahanda niya ang kabiguang iyan ay simula lamang ng pananagumpay ng kaluluwa at katawan bilang katuparan sa kapangakuan ng Panginoon. “Higit sa aking ginawa ay gagawin ninyo sapagkat kayo at ako ay iisa, at walang may lalong dakilang pagbibigay kaysa rito na ibigay ng tao ang kanyang buhay dahil sa kaibigan.”
At kayong lahat ay aking mga kaibigan at matutupad ang mga bagay na iyan pagdatin ng panahon na matutuhan na ninyong limutin ang sanglibutang iyan. Matutuhan na ninyong limutin ang kapalaluan at madadama na ninyo ang kaluwalhatiang ganap sa kaitaasan.
1981-04-01,FBT
Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Mga ginigiliw na kapatid, kung ang buhay ng tao na inaangkin sa kapatagang-lupa ay minamahal at dinadakila, pinangangalagaan ang buhay na iyan na kaagapay ang lakas at sigla ng buhay-laman na siyang materyal na pangangailangang ng tao upang makatupad ng kanyang tungkulin; tungkuling kinakailangang maganap sa kanyang kapwa-tao upang maipakilala ang kahayagan ng tao ay umiibig sa Panginoon.
Sapagkat katotohanang-katotohanang sinasabi na ang magwikang iniibig ko ang Panginoon ngunit kumakaaway sa kanyang kapwa ay sinungaling. Papaano ninyo bubusugin ang isang busog samantalang ginugutom ninyo ang nagugutom? Papaano ninyo mawiwikang kayo ay dakila kung sa harap lamang ng inyong mga kapwa sa inyo ay dumadakila subalit nagiging aba kayo at mangmang sa harap ng inyong mga kapatid na dukha, aba at kapus sa lahat ng pangangailangan sa buhay na iyan?
Mga ginigiliw na kapatid, binubuhay ng sangka-kristiyano, dinadalit ang kasaysayan ginampanan ng Dakilang Panginoon, ngunit nalalaman kaya ninyo na ang tunay na buhay ng Panginoon ay hindi lamang sa isang panahon naganap, hanggang sa panahong ito ay nagaganap at mayroong ng bakas na iniwan sa inyong katauhan.
Nanaisin pa baga ninyong matunghayan ang kahayagan ng Panginoon ay nasa bundok ng kalbaryo na mayroon ng pasan, nagtitiis alang-alang sa pagbibigay ng isang magandang halimbawa.
Isang dakilang nilalang na nasa sa Kanya ang lahat ng kayamanan ng espirituwal at ng materyal, nasa Kanyang lahat ang lahat ng kataasang karunungang subalit ano ang iniwan at binigay na halimbawa sa sangkatauhan, ang magpakabababa at magpakaaba, magpakaamo.
Hindi ginawang kasangkapan ang Kanyang kapangyarihan sa panahon ng pag-uusig ng mga Eskribas at Pariseos, hindi kumuha ng tinapay at kinain sa panahong ng kanyang pag-aayuno sa Espiritu, maihanda ng malinis ang saro na kanyang lalagukan ng tubig ng buhay.
Ilang pang panahon, gaano pa ang itatagal ng bawat isa sa daigdig na iyan? At ilang ulit pang salin ng henerasyon ang kinakailangang magsalin-salin at magpatuloy katulad ng pagpapatuloy ng mga banal na wikang namutawi sa kanyang mga labi?
Hindi na kinakailangan pang mamutawi sa labi ng Guro ang kanyang pagka-uhaw sapagkat kayo ay maalam nang kumadlo ng tubig ng buhay, hindi na ninyo susuligiin ng suka at apdo ang kanyang bibig kung hindi dadampulayan ninyo ng dakilang pagpapalang mayroon ng pagkahabag, mayroon ng pang-unawa, hindi ang dakilang Guro kung hindi ang lahat ng inyong mga kapwang nakikipamuhay na katulad ninyo sa kapatagang-lupa.
Pag-aralan ninyo ang aking mga banggit, mga ginigiliw na kapatid at umaasa akong sa labay ng sanga ng inyong pag-aaral ay mayroon maliit na masasalalak at inyong pagyamain pagdating ng panahon.
Iyan ang aking ipagkakaloob sa inyo at naghahangad. Kapayapaan sa inyong lahat Paalam.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-03-25, FBT
Biyaya at kapayapaan ang hinahangad kong sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga iniibig na kapatid, kung ang pagkain ay nakatakda sa bawat sandali sa pangangailangan ng tao at siyang pinagsisikhayan sa tuwi-tuwina ay makalap at maihanda ng isang nilikha ang nauukol sa kanyang sariling pakikipauhay.
Natatakot ang taong magutom, natatakot ang taong mauhaw sapagkat nalalaman ng isang nilikha na sa kanyang katawang-laman, at kung magiging mahina ang katawang-laman ng tao, patungo sa karamdaman. At ang tao ay natatakot magkaroon ng kirot ng laman sa tiisin, sa alalahanin sapagkat mayroon ng isang kaugnayan ang lahat ng bagay sa laman.
Ang handang kaluluwa ay isang matalino at mayaman na kaluluwa
Mga ginigiliw na kapatid, ang mga bagay na ukol sa kaluluwa ng tao na siyang lalo at lalong kinakailangang paghandaan nang wagas at ganap, sapagkat ang isang handang kaluluwa, ang isang mayamang kaluluwa.
Ang isang busog na kaluluwa ay naglalagay ng isang malusog at matipunong katawang-laman, masigla, patuloy na nakapaglilingkod, maligaya sa mga tiisin, maligaya ang isang nilikhang mayroon ng mayamang kaluluwa, sa lahat ng pagsubok na dumarating sa kanyang buhay sapagkat ang isang matalinong kaluluwa ay nauunawaang mayroon ng palihan ang diwa sa kapatagang-lupa na walang iba kungdi ang mga tiisin, ang mga pagsubok na dumarating sa buhay ng isang tao.
Bakit mayroon ng tinatawag na kalungkutan ang nakakarami? Ang kalungkutan baga ay ano ang idinudulot sa isang nilikha? Mayroon bagang nagiging karagdagan, mayroon bagang nagiging kabawasan sa katayuan ng isang tao ang damdaming iyon? Manapa ay tutugunin ako ng aking mga kapatid na walang idinudulot kungdi ibayong suliranin at dalahin.
Kung gayon, bakit hindi maiwaksi ng isang tao ang gan-ganyang alitigtigin na kanyang sarili? Bakit hindi maiwaksi ng tao ang pagkagalit? Bakit hindi maiwaksi ng tao ang pagka-inggit at pangingimbulo sa kanyang kapwa?
Mga bagay na nagdudulot ng kadiliman ng pag-iisip sapagkat iyan ang mga batong nakahadlang sa inyong daraanan at ang aking hinahanap ay ang aking mga kapatid na kasangkapan lalong-lalo na ang aking mga kapatid na kalalakihang mayroon ng mga tungkulin, mayroon ng pananagutan sa ngalan ng mga may karamdaman.
Ang biyaya ay tulad sa isang perlas na sinisisid sa kailaliman ng dagat
Ipinararating ko sa aking mga kapatid, higit sa lahat sa minamahal ng kapatid na Amado, ito ay tatandaan ng aking minamahal na kapatid: Ang biyaya ay katulad ng perlas na sinisisid sa kailalaliman ng karagatan, ang maputing butil ng bigas ay inaalisan ng balok at mga galo upang lumitaw ang tunay ka kaputian nito.
Ang biyaya ng isang nilikha ay aalagaan at mamahalin hindi sa kaparaanang lagi nang itatago o tutupad nang naayon sa kanyang kagustuhan at kaalaman. Kinakailangang sa isang talaytayan ay ito ang pakatandaan at siya ang aking higit na pinahahatdan ng aking paala-alang ito.
Ang isang kasangkapan, maging anomang uri ng medyumnidad ang kanyang tinatangkilik ay hindi tatanaw sa mga pangit na tanawing magdudulot ng kakaibang tibok ng damdamin, ipipinid ang pandinig, sususian ang mga labi upang huwag makabigkas ng mga katagang hindi makahihiwa kaninoman kungdi higit sa sarili ng bawa isa.
At lagi niyang gugunitain and simulain ng Espiritismo ay dakila sa dumadakila nito ngunit sa mga taong nagwawalang-bahala, sa mga nilikhang may kaalaman at hindi nagpapahalaga ay nasasa kanila ang magiging katugunan pagdating ng panahon.
Hindi ninyo gagawing palamuti ang simulaing ito sa anomang bagay na hangarin ng laman, hindi ninyo ibabandila ang simulaing ito sa pagka-ibig ninyong maangat kayo at kilanlin ng nakararami.
Babalikatin ninyo ang simulaing ito sapagkat ito ay punong-puno ng katarungang at pag-ibig at ang may pag-ibig ay walang pag-iimbot, ang makatarungang ay pantay-pantay, at ang lahat ng iyan ay nasa sa dibib ng simulain ng Espiritismo.
Iyan ang aking ipinararating sa aking minamahal na kapatid at sa lahat at bawat isa sa inyo.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-03-18, FBT
Sumainyo ang dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang panahon at ang katayuan ng isang nagtataglay ng kanyang sarili, sa lakas at buhay na kanyang inaangkin ay siyang tanging nakauunawa kung ano ang katayuan ng kanyang sarili na kaalinsabay ng panahon.
Sapagkat ang tao may simula, may kasalukuyan at mayroon ng takdang sandali kung kailan ang lakas ay unti-unting mapaparam; ang alab ng kasiglahan ay unti-unting nanlalamig na katulad ng isang dapit-hapon na kinakailangan nang hanapin ang sadyang himlayan ng pagpapahingalay sa maghapong pagkahapo ng bawat nilikha.
Hindi kayo magsisisi, mga minamahal na kapatid, na kung hindi man kayo nakapagsapol ng araling ito at ng katarungan, mayroon din dumating sa inyong katauhan sa kapanahunan mayroon kayo ng kasiglahan, mayroon pa kayong nalalabing lakas at sigla ng buhay na natagpuan ninyo ang isang paaralan na nagbubukas ag maraming talaan ng inyong mga gawa at gagawin hindi ninyo natupad.
Isang aklat na hindi mababago at hindi babaguhin ng panahon kundi ang simula ay magpapatuloy, ang lahat ng mga bagay ay magkakaroon ng kahayagan at katiyakan, mga araling hindi maabot kuruin ng mayroon kutad na pag-iisip, isang walang hanggang pag-aaral ng isang tao.
Hindi maging sapat na malaman ninyo na kayo ay kinakailangang kumain sa inyong pagkagutom, hindi sapat ang makapag-aral kayo at malaman ninyo ang lahat ng uri ng karunungan na dala ng kabihasnan, ng kaalamang materyal, mayroon din ng karunungang, karunungang lihim at lingid sa hindi pa nakakasumpong nito, maraming katanungan sa buhay ng tao na inyong nauunawaan at inyong natugunan.
Patotoo na ang simulain ng Espiritismo ay nagbubukas ng kamangmangan, hinahawi ang pag-aalinlangan ng isang tao ng nauukol sa kadakilaan ng Amang Makapangyarihan; ginigising sa malaong pagkahimlay ang kaalaman ng tao na mauunawaang hindi siya nag iisa sa daigdig.
Ipinagugunita sa isang tao na hindi lamang ang kanyang sariling kapakanan ang kanyang sariling buhay at kaalaman ang kanyang sariling buhay at kaalaman ang kanyang pagsisinupin kundi kinakailangan siyang gumawa at kumilos.
Hindi magiging sapat na malaman ng tao na ang mabuti ay mabuti nga at ang masama ay masama, kinakailangan maunawaan ng tao na ang mabuti'y kinakailangan isakatuparan at gumawa ng mabuti sa kanyang kapwa upang magkaroon ito ng kabayaran. Katulad din ng isang uri ng pagkain hindi ninyo maaaring ipaliwanag sa inyong kapwa kung kayo lamang ay nakatikim nito.
Upang maunawaan, malasapan ng inyong kapwa na ito ay mayroon ng linamnam, hatian ninyo at patikimin ninyo at magpapatotoong kayo ay magkaisa ng paniniwala katulad din ng paniniwala ng marami, ang Ama ay sakdal ng katarunungan at karunungan.
Nakilala rin ang sanglibutang iyan ang katotohanang mayroon ng araw at mayroon ng gabi, at nakilala din ng sangkatauhang iyan na uunlad ang kabihasnan, uunlad at magkakaroon ng pagka-angat sa kababaang ang tao sa maraming kamaliang kanyang lilisanin at ipagpa-patuloy ang maliliit na butil ng kaalamang may kabanalan nakapinid sa kanyang sariling katauhan.
Mga kapatid ko, hindi ko sinasabing maikli ang panahong inyong tinataglay sapagkat ang maikli ay ang kaalaman ng tao, ang kinakailangan ay palawakin ang kaalaman ng tao, ang kinakailangang samantalahin ang sigla at init ng inyong mga katauhan upang ang maraming bagay, ang inyong mga tungkulin ay inyong maisakatuparan na katulad ng isang namamangka sa laot, kinakailanggaan bago sumapit ang takip-silim ay maisadsad sa pantalan ang tunay ng kanyang kinalululapan.
Huwag ninyong bayaan sapitin kayo ng dilim sa kalautan, hindi ninyo nalalaman na maaaring mayroon ng malaking alon sa lumagom at maaaring magbigay sa inyo ng kapahamakan. Habang may sinag, habang mayroon ng liwanag magpatuloy kayo na pagpapagaod sa karagatan ng buhay na mayroon ng katalinuhan, mayroon ng kasiglahan at mayroon ng katatagan sa paggawa.
Iyan ang aking pinagkakaloob sa aking mga kapatid, at inaasahan kong bilang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo ay unti-unti ninyong tatanggapin sa inyong mga sarili ang katotohanang kayo nga ay isang Espiritista, at ang Espiritista ay magtaglay ng taguriang ito ay unti-unting mag-iiwan ng maraming bagay na panglaman at higit na pahahalagahan ang mga bagay pang-Espiritu.
Iyan ang aking iiwan at naghahangad ako ng isang kapayapaan. At, sa inyong lahat, ang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman, paalam...
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-03-15, FBT
Saganain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang kadakilaan ng isang simulain ay nasasandig sa kakayahan at katatagan ng paninindigan nang sa kanya ay nagtataguyod; ang ini-uunlad ng isang lipunan ay nasa sa mabuting taga-sunod; ang iginaganda ng buhay ay nasa isang manggagawa na mayroon ng katiyagaan at katapatan.
Ang simulain ng Espiritismo ay magiging maganda, magiging matagumpay kung ang bawat kabig at nagtataguyod ay mayroon ng katapatan, ng lakas na labanan ang lahat ng maling hilig ng katawang-laman, ng tatag na paninindigan na hindi nag-iimbot at hindi naghahangad ng anomang karangyaang panglupa alang-alang sa binubuhay at dinadakila ng simulaing ito at ginigising sa tao ay yaon mahayag ang nauukol sa kaluluwa.
Ang diwa ng tao ang tanging hangarin ay gumawa ang laman na iyan nang naayon sa mabuti at matapat na alituntunin. Ang laman na iyan na mayroon ng lakas at talino, na may bahagi ng nauukol sa kaluluwa, at hindi kayo magiging maligaya lamang sa mga materyal na pangangailangan sa buhay na iyan, kungdi, kinakailang magsandugo ang inyong laman at ang ukol sa Espiritu.
Alalahanin ninyo, mga ginigiliw na kapatid, kung kailan darating ang panahong na kayong lahat ay wala na sa luklukang iyan sapagkat mayroon na ng mga murang katauhang inihahanda na muling luluklok sa mga luklukang iyan upang makapagpatuloy.
Maliligayahan baga kayo na lumisan na wala kayong ipakikita at iiwang ala-ala sa mga nilikhang darating ang panahon na susunod sa inyong nilalakaran? Iibigin baga ninyo na ang landas na inyong daraanan ay hindi ninyo papatagin?
Hindi baga kinakailangang maging maaliwalas ang landas na iyan upang ang sa inyo ay susunod ay huwag madapa sapagkat mayroon kayo ng magiging pananagutan? Kung wala na kayong hinahangad kungdi ang inyong sariling kaligtasan, sa aba ng inyong mga sarili, saan naroroon ang katuruan ng simulain ng Espiritismong nagbabadha ng katarungan at pag-ibig?
Ang bawat isa sa buhay na iyan ay mayroon ng kani-kaniyang inilalaang balangkas, ang lahat at bawat isa sa inyo ay naghahangad ng kapayapaan sa dako pa roon, at kapayapaan sa kapatagang lupa.
Kung kayo ay nagkakamali, sa gitna ng malawak na pagtuturo ng kabatlayaan, kung kayo ay lilihis sa landas na matuwid, saan kayo dadako pagdating ng panahon? Kung hindi kayo magtitipon ng mga butil ng trigo sa inyong mga bangan, magiging higit pang maligaya ang mga ibon sa kaparangan.
Hanapin ninyo ang maliliit na bagay na mayroon kabuluhan sa buhay na iyan, iwaksi ninyo ang malalaking bagay na magbibigay sa inyo ng mabigat na pasanin pagdating ng panahon sapagkat ang isang Espiritista, ang isang mag-aaral ng simulain ng Espiritismo ay kinakailangang maging payak ang katauhan at mga pagkilos.
Kinakailangan maging mahinahon at punong-puno ng kababaang-loob, pag-ibig na walang pakunwari sapagkat iyan ang kahingian ng katuruang ito na pinaglalaanan ninyo ng maikling sandali upang kayo ay kumadlo ng malinis na patak sa batisan ng Panginoon.
Mahaba na ang panahon sang-ayon sa inyong mga pananda, ang gulang, simula ng pagkabukas at pagkakatatag ng simulaing ito sa pusod ng pook na ito, marami nang nagsikhay at nagtaguyod, nagpatatag ng katuturuang ito ang wala na sa kapatagang-lupa ngunit ang katulad ay puno ng kahoy o bunga ng isang kahoy na sumabog ang buto at patuloy na tutubo at mamumunga.
Huwag ninyong bayaang maging maasim ang bunga ng katuruang ito lalong-lalo na sa panahong ito at sa pook na ito sapagkat katotohahanang katotohanang sinasalamin ng lahat at bawat isa, hinahanap ang lalong magagandang kaparaanang ginagawa ng mag-aaral ng simulain ng Espiritismo. Patatagin ninyo ang pundasyon, itayo ninyo sa pedestal na mayroon karangalan subalit huwag ninyong bayaan ang simulaing ito ay mabuwal sa lusak sa kahalagahan ng simulain.
Mga ginigiliw na kapatid, iyan ang aking iniiwan sa lahat at bawat isa sa inyo. Naghahangad ako ng isang ganap na kapayapaan ang maghari sa loob at labas ng lunduyan, ngayon at magpakailanman. Paalam.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-02-25, FBT
Saganain ang lahat sa mga dahilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Habang ang bawat isa ay patuloy nang pakikibaka sa agos ng buhay, ang tao ay patuloy na humahakbang ng papalayo magmula sa kanyang pinagmulan, nililisan ng tao ang mga panig na kinakailangang hakbangan ng kanyang sarili at ipagpatuloy ang kanyang paghakbang, kinakailangang magsikhay ang tao upang lalong bumilis ang kanyang paghakbang at hanapin ang maraming bagay na nawawala, nawawaglit sa kanyang katauhan.
Sinasabi kong maraming nawawala sa tao lalong-lalo pa sa panahong ito, mga pagkawala ng bunga, ng kapabayaan ng isang nilikha. Naglipana sa maraming panig ng daigdig, hindi lamang sa inyong kabilugan nawawala ang kabaitan ng tao, nawawala ang paggalang ng tao sa bawat isa.
Mga kayamanang kung matututuhan lamang ng taong kimkimin sa kanyang sarili at pakasinupin ay lalo niyang madadama ang tamis na bunga ng kayamanang makadiwa. Mahirap dulutan ng kasiyahan ang maraming nilikhang nahirati nang punong-puno ng kaaliwan sa buhay.
Ang tanging makatatanggap ng tulong na may kalakip ng kasiyahan ay yaong mga nilikhang nagdaranas ng kapighatian at pagdarahop, kasiphayuan, pagkabigo sa maraming layunin ng kanyang sariling panagumpayan upang siya ay magkaroon ng sapat ng kakayahan na maitampok ng kanyang kapwa tao sa pedestal ng karangalan.
Hinahanap ng tao ang papuri, hinahanap pa rin ng tao ang kapalaluan, gayon pa man ay kinakailangang madala ninyo sa inyong mga sarili ang araling ito ng kabatlayaan at maipadama ng kabatlayaan sa mga nilikhang iyan ang lalong kapakipakinabang na biyayang darating sa buhay ng bawat isa. Pag-aralan ninyo ang aking mga banggit at naghahangad ako ng isang kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-02-18, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang biyayang nagmumula sa Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang pagkain sa tuwi-tuwina ay hinahanap ng panlasa ng tao, ang kaaliwan ay lagi nang pinanabikan ng tao ngunit mayroon ng mga bagay at pagkakataon na hindi matanggap ng tao ni sa guni-guni, hindi maasam ng tao na mayroon ng paghahanda sa kanyang sarili. Hindi matawag ng tao na mayroon ng kagalakan samantalang ito ang susi ng kaligayahan at kalayaan ng bawat isa na walang iba kungdi ang inyong tinatawag na kamatayan.
Kamatayan ay isang tanging kahulugan sa mga nilikha ay kalungkutan na wari baga ay hindi nais marinig ng isang nilikha, hindi nais maisip sapagkat natitiyak ng bawat isa na ito ang tinatawag na wagas ng paglalayo ng isa at isa.
Ngunit kayong mag-aaral ng simulain ng Espiritismo, ang kamatayan ay hindi hadlang upang magpatuloy ng pagmamahalan, ng pagpipitagan ng isa at isa, hindi makatatabing sa mabuting layunin sapagkat ang tangi lamang namamatay at nawawala ay ang sangkaping iyan mayroon ng hangganan ng kanyang tinataglay na kaangkinang laman na bahagi ng kalikasan ng lupa at ng tubig, ng hangin at ng init.
At kung iyan ay mawala, mayroon ng isang maninindigan walang iba kungdi ag kaluluwa na siyang buong katatagan nabubuhay sa katayuang alpas sa maraming kailanganin ng laman, isang kaluluwang naghahangad ng kapayapayaan. Isang kaluluwang nag-aaral ng lalong naangkop na kaugalian at kabaitan kanyang muling pupuhunanin pagdating ng panahon.
Isang kaluluwang hindi na matatakot na magutom, hindi na matatakot na mawalan ng tahanan sapagkat ang kanyang tahanan ay ang sandaigdigang iyan, ang kanyang pagkain ay yaong mga bagay na mayroon tamis na kabanalan, ang kanyang inumin ay tubig na walang hanggang buhay na dumadaloy sa batisang nagmumula sa Panginoon.
Ang tunay na tao ay hindi nagugutom sa mga pagkaing pangkapatagan, hindi nanlalamig at hindi nagiginaw sapagkat siya ay nababalutan o nababalot ng makapal ng pananampalataya na nagmumula sa dakilang Ama.
Mga ginigiliw na kapatid, magpapatuloy kayo at lalo kayong magpakatatag sapagkat habang lumalaon, nararagdagan ang bilang ng inyong mga gulang, hahangarin baga ninyo na ang mga gulang na inyong tinataglay na kinakailangang maging mga bungang mayroon ng malaling lamukot at magkakaroon ng katas ay pababayaan ninyong mabulok nang dahil sa inyong panghihina at pagwawalang bahala. Sikapin ninyong maging lalong malamukot, matamis na bunga ang inyong katauhan upang maging kapaki-pakinanabang pagdating ng panahon.
Iyan ang aking inilalagak sa inyo at naghahangad ako na maghari sa inyo ang dakilang pagpapala ng Panginoon, ngayon at magpakailanman, paalam.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-02-15, FBT
Ang dakilang papapala ng Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, hindi ninyo aakalaing pangkaraniwan ang gawain inyong ginagampanan at lalong hindi ninyo nanasain na ang gan-ganitong pagkakataon ay karaniwang ginagawa lamang sa buhay ng tao.
Natatanaw ng dakilang Panginoon kung sino ang mayroong masidhing paghahangad at naghahanap ng tubig ng buhay; saan man dako kayo naruroon, saan mang pook kayo nagtutungo, ano man ang inyong ginagampanang tungkulin sa pang-araw araw na kabuhayan, ito ay nakatitik ang lalong pinakamaliit na bahagi ng kudlit ng inyong mga pagkukuro.
Sapagkat ang taong marunong ay nalalaman ang kanyang ginagawa at naaabot ng kanyang sarili sa kanyang pananahimik ay magagawa ng taong magkasala at nagagawa rin ng taong makagawa ng kabanalan hindi man ikampay ang kanyang mga bisig. Hindi man magbukas ng labi ang tao ngunit ang patak at daloy ng kabaitan ay nalalaman ng Dakilang Amang naghahangad ang tao ng isang buhay na walang hanggang hubad sa karangyaan.
Ang aking tinatawag na marunong ay yaong malawak ang pang-unawa, ang aking tinatawag na marunong ay yaong umiisip ng kabutihan, sapagkat ang taong umiisip ng kabutihan magmula sa kanyang sariling pamilya ay gagawa ang tao ng kabutihan sa lalong malalayong bahagi ng kanyang pagkatao.
Ang tinatawag kong mabait ay hindi taong laging walang kibo nugnit ang tinatawag kong mabait ay yaong taong kung magkasala ay maalam humingi ng kapatawaran sa kanyang pinagkasalahan, iyan ang taong nakakaunawa ng kalooban ng Ama.
At kung mayroon kayong matatagpuang mag-aaral ng simulain ng Espiritismong nangaliligaw ng landas, hindi ito nangangahulugan sa kapabayaan ng simulain. Kung kayo ay makaulinig ng isang mag-aaral ng simulain na ito na nagbibitiw ng pangungusap sa kanyang kapwa na hindi kanais nais, hindi ito kasalanan ng simulain at ng kabatlayaan.
Sapagkat kayo nga ang mga tao, mayroon kayo ng tatlong kaangkinan sa kaluluwa na walang iba kungdi ang pag-iisip, damdamin at kalooban; iyan ang mga bahaging kinakailangang dumatal, magkaroon ng sariling paggalaw at hindi sa dikta ng kabatlayaan.
Kinakailangang lagumin ito ng tatlong kaangkinang iyan ng inyong kaluluwa upang gumawa ng sariling pagpapasiya at lalong karapat-dapat na adhikaing nau-ukol sa kanyang pagkatao at sa kanyang pagiging isang tunay na Kristiyano.
Kinakailangan sa isang nilikha na maunawaan ang masama sa kanya ay huwag gagawin sa kanyang kapwa. Lalong lalong kinakailangang maunawaan ng isang tao na magkaroon siya ng pag-ibig na makatarungan, ang lahat nang iyan ay madadama at maipadadama ng isang nilikha sa abot ng kanyang pag-iisip na katulad ng kanyang damdamin at kalooban.
Huwag ninyong hahanapin ang kagandahan ng inyong nais matanaw sa inyong kapwa, ang una ninyong hahanapan ng isang magandang bagay ay ang inyong mga sarili. Huwag ninyong hanapin ang kababaang-loob sa inyong mga kapwa kungdi pa ninyo ito naipadama. Matatarok ninyo ang katotohanan kung sa inyong sariling pagkatao ay nagagalak at naipagkakaloob ninyo ng buong-buo sa inyong mga kapwa.
Ang simulain ay gumigising, umaalalay, nagbubunsod sa tao sapagkat ito ang ilaw na tatanglaw sa landas ng inyong tatalaktakin, isang simulain hindi binuo ng tao kungdi, isang simulaing bukal na nagmula sa kaitaasan na walang iba kungdi ang simulain ng pag-ibig.
Ang simulain ng pag-ibig ay simulain ng Espiritismo, ang simula at wakas ng lahat ng bagay sa daigdig, magmula sa marunong hanggang sa hamak, magmula sa mariwasa hanggang sa nagdarahop, magmula sa mararangya hanggang doon sa mga nilikhang ayaw tanggapin ng lipunan sapagkat mapagkamali.
Ang simulain ng pag-ibig ay hindi nagtatakwil, kung hindi, mag-aakay, magtutuwid sapagkat kung hindi ninyo madadama at maipadadama ang mga bagay na iyan, walang kabuluhan ang mga dalanging namumutawi sa inyong mga labi.
Iyan ang iiwan ko at nais kong pag-aralan ninyo magmula sa inyong mga sarili, hindi sa pamamagitan lamang ng pagbukas ng inyong mga labi kungdi pag-aralan ninyo sa paggawa. Pag-aralan ninyo unti-unti na ikilos ninyo ang inyong pag-iisip, igalaw ninyo ang inyong mga bisig, at ang katuparan ng inyong maisagawa ang kaligayahan ng inyong mga sarili.
Iyan ang sumainyo at kapayapaan ngayon at magpakailanman, paalam.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-01-25, FBT
Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Ang butil ng mustasa at ang matabang lupa
Kung ang bawat kataga ng kabatlayaan ay mga butil ng mustasa at kung kayo ang matatabang lupa, marahil ay mahahayag na sa sangkatauhang ito kung ano ang nagiging kabuluhan ng inyong mga pagyaot dito at pagpapagod, maihahayag na ninyo ang katotohanan kayo ay mga magsisigasig na mag-aaral na natututo.
Maikakampay na ninyo ang inyong mga bisig upang maakay ninyo ang inyong mga paligid sa makatotohanan kapangakuan ng kabatlayaan. Sapagkat kayo ay patuloy pa rin na nag-aaral at hinahanap pa rin ninyo ang karukhaan ng inyong pag-aaral, maraming pagkaing dumadating sa inyong harapan.
Sagana ang inuming tubig ng buhay, subalit hindi ko masasabi kung kayo ay mga pihikan, hindi ko masabi kung kayo ay maseselan; ang tanging maaabot na aking pag-aakala ay hindi ninyo matanggap ang maraming uri ng pagsubok na magpapadalisay at magpapatatag sa inyong tungtungan.
Kababaang-loob ay tulad ng isang ibong mailap, kung madampot ay tulad ng maamong-tupa
Mga ginigiliw na kapatid, sa lahat ng panahon at sa lahat ng pagkakataon ay pag-ibig ay nawawala at muling hahanapin, saan ito masusunduan? Kung ang kababaang-loob ay katulad ng isang ibon, gaano man ito kailap kung aakalain at iibigin ng tao ay kanyang madadampot subalit ang kababaang-loob ay katulad ng isang tupang maamong naninikluhod sa inyong harapan.
Ang kababaang-loob ay isang kalapating maamo sa inyong bumbunan, natatakot ba kayo na damputin ito sapagkat sa sandaling ang kababaang-loob ay sumainyo, nalalaman ng inyong sariling hindi na kayo ang kayo at maraming bagay na mawawala sa inyong pagkatao.
Pagyuko ng ulo at pagkibit ng balikat ay tulad sa isang maamong tupa
Hindi ninyo maipailalim ang inyong katauhan sa mga bagay na maaring magkaroon ng pag-aalinlangan ng inyong paligid sapagkat ang tao kailanpa man at nagyuko ng ulo sa sandali ng paghamak ng kanyang kapwa ay tatawan ng kanyang paligid, kukutyain at parurunggitan.
Sa sandaling ang tao ay magkibit ng balikat sa mga pag-aalipusta at pagsubok na dumarating sa kanyang buhay ay magiging sanhi ng pagkawala ng galang ng kanyang mga kapwa sapagkat ina-aring isang mangmang ang tao. Nagdidigmaan ang kataasan at kababaan sa inyong mga pagkatao, nagdidigmaan ang pag-ibig at pagpapawalang-halaga sa inyong mga damdamin.Ang hinahanap ng inyong kapaligiran ay ang marunong makipagtigisan ng talino, yaong makipagpaligsahan ng taas ng tinig sa kapwa tinig. Ang hinahanap ng inyong paligid sa matwid man at sa mali ang inyong pangangatwiran ay maninindigan kayo at hindi ninyo matatanggap na ipa-ilalim ang inyong mga kamalian sa inyong mga kapwa.
Saan naruroon ang simulain ng Pag-ibig, saan naruroon ang simulain ng kababaang-loob? Matagal pa baga na darating ito sa inyong kalagitnaan? Malayo pa baga ang agwat ng pag-ibig sa inyong pagkatao?
Higitin ninyo ang inyong pamigkis, hapitin ninyo ang inyong balabal sapagkat sa panahong ito na nagpapamalas ng pagmamadali, ang kalikasan at panahon, baka kayo ay magahol.
Ibaba ang mga butil na nagpapabigat sa sarili sa bigkas ng labi o sa paningin sa kapwa
Inuulit ko, mga iniibig na kapatid, higitin ninyo ang inyong pamigkis at hapitin ninyo ang inyong balabal, sumabay kayo sa matuling takbo ng panahon na ang bawat paghakbang ninyo ay makadampot kayo ng maliliit na bagay na maaaring taglayin.
At ibaba ninyo ang makapagpapabigat ng inyong sarili, walang iba kungdi ang mga bagay ng lupa na lumalason; ang kataasan at kapalaluan, ang kawalan ng pag-unawa sa kanyang mga kapwa, at higit sa lahat, ay ang mga paghatol na hindi lamang sa kanyang kapwa, at higit sa lahat ay ang mga paghatol na hindi lamang ng mga labi kungdi sampu ng paningin ng tao.
Magpapatuloy kayo, isusog ninyo ang aking mga banggit sa inyong maabot a umaasa akong magigising nang ganap ang inyong katauhan sapagkat kayo ngayon at sa kinabukasan ay hindi ninyo tiyak kung kayo pa rin.
Iyan ang aking inilalagak at naghahangad ako ng isang kapayapaan, liwanag ng Espiritu Santo ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
1981-01-21, FBT
Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, walang patid ang daloy at parating ng kabatlayaan, walang puwang at pagitan upang magkaroon ng mga pangit na damdamin ang tao na naghahari sa ilalim ng katuruan ng Espiritismo; binubuklod ng pag-ibig, hinahapit ng kababaang-loob, binibigkis ng pag-uunawaan, pag-iibigang pantay-pantay na walang pagtatangi.
Ang mga manggagawa at mag-aaral ng simulain ng pag-ibig
Ngunit kung saan naroroon ang mga tunay na manggawa, saan naroroon ang tumutupad ng kani-kanilang tungkulin? Alalahanin ninyo, mga ginigiliw na kapatid, sinoman sa inyo ay mayroon ng tungkulin kinakailangang matupad, ang igalang ninyo at mahalin ang inyong kapwa ay katuparan na ng tungkulin ninyo sa Panginoon.
Ang talagang nag-aaral ng simulaing Espiritismo ay nakapagbawas na baga ng mabibigat na alitigtigin ng kanyang sarili? Nakagawa na baga ang isang mag-aaral ng simulain na ito na maging matapat o hindi sa Panginoon sapagkat siya ang tanging nakababatid kung ano kayo at kung sino kayo sa lahat ng panahon.
Kung natututuhan na ninyo ang magpatawad at umibig, kung nauunawaan ninyong magpakain ng isang nagugutom, kung inaalis na ninyo ang balok ng pagiging palabintangin at mapagmata, karamutan at kabalasikan.
Kung ang lahat ng iyan ay nabakbak na ninyo sa inyong pagkatao ay nangangahulugan lamang na kayo ay patungo sa kawastuan ng pagiging isang tunay na kristiyano na sumusunod at tumutupad sa aral ni Kristo.
Ang mga aralin sa simulain ng pag-ibig ay ukol sa kaluluwa o diwa
Mga ginigiliw na kapatid, ang simulain ng Espritismo ay hindi maaaring maging sandalan ng inyong kasawian. Ang simulain at aralin ng Espiritismo ay huwag ninyong gawin tungtungan upang maabot ninyo ang mga bagay na pinagmithian ng inyong pagkatao lalong-lalo pa sa nauukol sa laman sapagkat walang nalalabas na hindi karapat-dapat upang sa gayon ay mabuksan ang kahinaan at katalinuhan ng isang nilikha na nagtataguyod at nagpapanggap na manggagawa sa pataniman ng Panginoon.
Igalang ninyo ang simulaing itong kaagapay ng kanyang mga batas at katuruan, mahalin ninyo at sinupin ang mga aral ng kabatlayaan kung papaano sinisinop ninyo ang mga ari-ariang kaangkinan sa materyal, angkinin ninyo at pakasinupin sapagkat mayroon ito ng kabusugan ng inyong diwa na siyang makikitalad sa dako pa roon pagdating ng panahon.
Ang lahat ay magpakatibay at magpakatatag sa kanyang simulain at sa kanyang tungkulin kung kayo ay sadyang nakahandang tanggapin ang katuruan at simulaing ito sa inyong mga puso.
Iyan lang at naghahangad ako ng isang walang hanggang kapayapaan, liwanag ng dakilang Espiritu Santo ang tumanglaw sa lahat at bawat isa ngayong at magpakailanman. Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.
(Kap. Felipa B. Torres)
-o0o-

Comments
Post a Comment